webnovel

A BRAND NEW WITTY LIFE

Seven years later...

"Ate, bilisan mo naman d'yan, maliligo pa ako!" pagmamadali ni Hanna sa labas ng pinto ng banyo.

"Ito na nga, ito na. Nagmamadali na nga!" hiyaw niya habang nagsusuot ng bath robe saka binalot ng tuwalya ang basang buhok.

Kung bakit kasi iisa lang ang banyo nila samantalang madami silang gumagamit? Ang kapatid naman niyang 'yun, 'di makapaghintay na lumabas siya't laging nagmamadali.

Sahuran na ngayon, may laman na seguro ang kanyang ATM. Kakausapin niya ang ina para pagawan siya ng sariling banyo sa loob ng kanyang kwarto 'pag nakapagwithdraw na siya.

"Ikaw ha? Kung makahiyaw ka, wagas! Bukas, dapat nakaligo ka na bago ako gumising, gets mo?" sabon niya sa kapatid.

Agad itong yumuko at mabilis na pumasok sa loob ng banyo.

"O, nagsikain na ba kayo?" usisa ng inang kadarating lang galing school. Inihatid nito sina Pearly at Precious sa paaralang pinapasukan ng dalawa.

"Mama!" salubong ng isang batang lalaki sa ina at nagpakalong agad dito.

"Ang baby boy ko, musta ang tulog ng batang makulit?" anang ina habang pinupugpog ng halik sa leeg ang panay hagikhik na bata.

"Hoy, bata, saan ka nanggaling?" curious niyang tanong nang masulyapang kalalabas lang nito sa kanyang kwarto.

"Sa kwarto mo po," pasimple nitong sagot.

"Anong ginawa mo do'n?"

Humagikhik lang ito.

Ang laki ng buka ng kanyang bibig nang maalala ang nakabukas niyang laptop at dismayadong tumakbo papasok sa loob ng kwarto. Gosh, tama nga ang hula niya! Ang documents niyang pinagpuyatang gawin kagabi, puro drawings na ang nakalagay!

"Devon!! Hinampak kang bata ka! Titirisin kita!" nanggagalaiti niyang sigaw habang 'di maipinta ang mukhang kinakalikot ang kanyang lappy. Nawala lahat ng pinaghirapan niyang i-encode. Puro drawing na ng batang 'yon ang nakasave sa kanyang documents. Ano'ng gagawin niya? Kailangan niyang ipasa 'yon ngayon?

Hinampak na batang 'yun. Ilang ulit na niya itong pinagsabihang 'wag pakikialaman ang kanyang lappy pero 'di pa rin nakikinig. Saan ba kasi nagmana ang gunggong na 'yon bakit gano'n katigas ang ulo?

Grrrrr. Hindi tuloy niya alam kung ano'ng uunahin.

"Ate, andito na po si tatay!" narinig niyang hiyaw nito mula sa may sala.

"Nagbibihis nang kuyumad ka! Mamaya ka lang saki't kukutusan talaga kita!"

Umuusok palagi ang bumbunan niya kay Devon. May laptop naman si Harold sa kwarto ng dalawa kung saan ito natutulog pero lappy pa rin niya ang gusto nitong pakialaman.

"Tatay 'di pa po nakabihis si ate."

Narinig niyang sumbong nito sa kanyang kuya Ricky, ang lalaking nagdala sa kanila dito sa Cavite at tumulong sa kanila para makapagpatayo ng sariling bahay na kahit 'di gaanong kalakihan ay maluwang naman para sa kanila.

"Devon, nagbibihis na kamo!" sigaw niyang nagmamadaling isinuot ang pamasok na damit at stockings.

Bahala na. Aayusin na lang uli niya ang files sa trabaho. Ang mahalaga'y 'di siya malate ngayon. Kailangan niyang magmadali at nakakahiya sa kanyang kuya Ricky. Pumapasok ito bilang security guard sa Robinson Imus Cavite ngunit para makatipid sa pamasahe ay inihahatid siya nito sa Mall of Asia gamit ang motorsiklo't saka lang ito babalik sa Imus para pumasok sa work.

Sinipat niya ang suot na wrist watch. Wahh! 9AM na. Malilate na siya. Dapat 30 minutes before 10 nasa MOA na siya. Nakakainis. Ba't ba kasi nalate siya ng gising kanina?

Nang makapagbihis ay nagmamadali siyang naglagay ng make-up at makapal na lipstick saka sinuklay ang mahabang buhok ngunit hinayaan iyong nakalugay saka isinukbit ang sling bag sa balikat at dinampot ang isang folder pagkuwa'y nagmamadaling lumabas ng kwarto.

Nakita niya si Devon na naglalaro sa sala gamit ang--

"Devon! Stockings ko 'yan! Pasaway ka talagang bata ka. Ibalik mo 'yan sa kabinet ko!" Kahit gusto niyang kutusan ang bata subalit wala siyang magawa't nagmamadali na siyang lumabas ng bahay.

"Mamaya ka sakin pag-uwi kong kuyumad ka!"

Gigil pa rin niyang hiyaw.

Napapailing na lang ang lalaking naghihintay sa kanya.

"Sorry kuya, na-late ako ng gising," aniya saka mabilis na umangkas sa motor.

Ngiti lang ang isinagot nito at agad nang pinatakbo ang motorsiklo.

Araw-araw na gano'n ang set up nila kahit no'ng nag-aaral pa siya ng College. Ito ang naghahatid-sundo sa kanila ni Hanna sa school kaya't ang alam ng mga kakilala nila, ito ang ama ni Devon lalo at tatay ang tawag ng bata dito. Pero kahit siya, walang ideya kung sino ang ama ng bata.

Thinking of the past, nagising na lang siya sa loob ng bus noon na walang matandaan sa nangyari sa loob ng apat na buwan. Ang sabi ng doktor na nag-examine sa kanya nang dalhin siya ng ina sa isang neurologist, nagkaro'n daw siya ng amnesia dahil sa psychological trauma, meaning may kagimbal-gimbal na pangyayari sa past niya na ni-reject at 'di ini-input ng kanyang utak kaya nakalimutan niya. Hula niya, dahil 'yon sa pagkamatay ng kanyang papa. Pero ang paglubo ng kanyang tyan at panganganak kay Devon, isa lang ang pumasok sa kanyang kukuti, na-rape siya kaya siya nagka psychological trauma. Subalit natanggap na niya ang bagay na 'yun. Ang 'di niya matanggap ngayon ay ang kakulitan at pagiging pasaway ng batang 'di man lang magawang tumawag sa kanya ng mama o mommy o kahit nanay na lang.

"Kuya, 'wag mo na ako susunduin ha? Magko-commute na lang ako pag-uwi nang 'di ka mahirapan," aniya habang nagbibiyahe sila.

"Mahihirapan ka mag-commute."

"Okay lang 'yon."

Hindi ito sumagot.

Naisip niya, may pamilya na rin ito pero pinagsisilbihan pa rin silang buong pamilya. Naitanong niya tuloy sa sarili kung bakit gano'n na lang itong magmalasakit sa kanila. Mabuti nga't mabait ang asawa nitong si Ate Divina at 'di selosa.

----------

"Flor, kanina ka pa tinatanong ng manager. Asan daw 'yung documents na pinagawa niya sa'yo," salubong sa kanya ng closed friend na si Elaine nang makapasok na siya sa opisina nila.

"Gagawin ko pa lang. Pinakialaman kasi ng anak ko 'yung lappy, eh nakalimutan kong isave ang ginawa ko kaya ayun, nawala." paliwanag niya habang inilalapag sa mesa ang mga dala.

Naupo siya agad at humarap sa computer saka 'yon binuksan.

"Alam ba niya ang password mo? Dapat pinapalitan mo. Gano'n ang mga anak ko, panay laro sa computer kaya pinalitan ko ang password," anang kaibigan.

"Oo eh. Mamaya papalitan ko," sagot niya saka binuklat ang folder na nadampot kanina sa kwarto niya.

"Pero may lappy naman kasi ang pappy niya ay kung bakit lappy ko pa rin--" natigilan siya pagkakita sa laman ng folder.

Imposible! Agad niyang hinalungkat ang laman ng folder. Ang pinagpuyatan niyang documents, nakalagay lahat sa folder na 'yon? Marunong nang magprint si Devon? Huh?

'Di siya makapaniwala. 6 years old lang 'yon pero alam na nito kalikutin ang kanyang lappy? Natatawa siyang pumilantik. Kahit papano'y may utak din naman ang batang 'yun.

"Flor, igawa mo akong resume," pabulong na wika ng kaibigan maya-maya.

"Bakit, magreresign ka rito?" usisa niya habang inaayos sa isa pang folder ang mga ini-print ng anak.

Dumikit ito sa kanya at pabulong na sumagot.

"Alam mo naman, marami akong anak. 'Di kasya ang kinikita ko rito. May ibinigay sa'king company ang isa kong kapitbahay. I try ko raw, naghahanap sila ng construction research analyst. Baka pumasa ako do'n," anito.

"Ah, okay sige, I-try ko. Ipaalala mo uli mamaya baka makalimutan ko. Gawin ko mamayang gabi 'pag 'di ako busy," sagot niya saka tumayo na't nagtungo sa opisina ng kanilang manager upang ipasa ang ipinagawa nito.

-------

"ATE, hindi ko masusundo si Devon sa school, pakisundo muna." Si Harold nang tumawag sa kanya kinahapunan. Ito kasi ang lagi nang sumusundo sa anak lalo at busy siya sa trabaho. Sabagay kahit naman 'di siya busy sa work, ito pa rin ang nagkukusang sumundo sa bata. Minsan napagkakamalan na ngang mag-ama ang mga ito dahil pappy din ang tawag ng bata dito.

"Bakit? Madami ako ginagawa ngayon."

"May conference kami. Mamaya pang gabi ang uwi ko," sagot nito.

"O sige, ako na bahala sa bata," aniya saka pinindot ang end call sa screen ng kanyang phone.

Minsan pa, muling naglakby ang kanyang isip. Dati, pinangarap lang niya ang phone na hawak noon. Ngunit nang ando'n na sila sa Imus at lumago ang ipinundar na tindahan ng ina sa harap ng kanilang sakto lang ang luwang at dalawang palapag na bahay ay binilhan siya nito ng smartphone. Do'n siya unang nakahawak ng gadget.

At nang makatapos na siya ng college at makahanap agad ng work ay phone agad ang una niyang binili sa kanyang unang sahod. Ngayon nga'y pangatlong trabaho na niya iyon bilang office staff sa MOA. Minimum ang sahod pero kinakapos pa rin siya sa dami ng gusto niyang bilhing gamit at nagbibigay pa siya sa ina ng pera para tulong sa pag-aaral ng iba pa niyang kapatid.

"Flor, mauuna na ako sayo ha? 'Yung resume, 'wag mo kalilimutan," paalala nito.

"Okay," sagot niya't inayos na rin ang mga gamit nang masundo na niya ang anak sa school nito.

Nagretouch muna siya bago tumayo at lumabas ng opisina.

Habang nakatayo sa labas ng MOA ay pinag-iisipan na niya kung sasakay na lang sa grab o sa angkas hanggang sa makapagdecide na tumawag na lang sa grab.

"Flor? Is that you?"

"Huh?"

Gulat siyang napalingon sa may-ari ng boses.

Umarko agad ang kanyang kilay pagkakita sa estrangherong nanlalaki ang mga mata habang nakatitig sa kanya.

"Oh my God. It's really you! You look gorgeous!" bulalas nito.

"Huh?" Hindi matanggal ang pagkakaarko ng kanyang kilay habang nakatingin sa lalaking naka-formal attire at halatang galing sa loob ng mall.

Gwapo at matangkad ang lalaking nasa harapan, 6' seguro ang height. 5'2" siya't naka high heels pa pero hanggang leeg lang siya nito.

Tinitigan niya ang makatawag-pansin nitong mukha na kahit sino marahil ang makakakita ay 'di mapipigilan ang mapatitig sa taglay nitong kagwapuhan. Sa tingin nga niya'y may kamukha itong artista sa GMA, 'di lang niya matukoy kung sino. Makapanood nga mamaya nang maalala niya kung sinong kamukha nito.

Tumingin siya sa paligid pero sila lang dalawa ang naroon at sa kanya ito gulat na nakaharap, so it was so obvious na siya talaga ang kinakausap nito.

"Do you know me? I mean do we know each other?" takang tanong niya.

"It's me, Dix, your--your ex!" he stammered.

Kung kanina'y isang kilay lang ang nakaarko sa kanya, ngayo'y kabilaan na pati ilong niya'y lumaki ata ang butas sa tinuran nito.

Pigil ang tawang sinuyod niya uli ito ng tingin, style mayaman, gwapo, halatang bigatin sa suot pa lang na sapatos, idagdag pa ang wrist watch nitong suot, Patek Philippe brand?

Hmm, mayaman nga ito. Hindi mukhang may sayad sa utak.

O talagang pinagtitripan lang siya?

"Sorry sir, but I don't know you. Besides, I have no boyfriend since birth. Baka kamukha ko lang ang ex mo," an'ya nang walang maisip na dahilan para pagtripan siya ng lalaking ito.

"No, Flor. It's really me, Dix. I've been looking for you for seven years. Have you forgotten me?" giit nito.

'This guy is so weird!' sigaw ng kanyang isip, then rolled her eyes in dismay.

Buti na lang nakita niyang huminto sa harapan ang sasakyang tinawagan niya kanina.

Binuksan niya ang pinto ng kotse ngunit bago pumasok ay hinarap niya muna ang lalaking balak pa yatang pumasok sa loob ng sasakyan.

"Whoever you are, I hope this would be our last meeting, huh? Hindi kita kilala at wala akong ex, okay," an'yang may diin sa mga salitang binigkas bago pumasok sa loob ng sasakyan.

"Alis na tayo kuya," utos niya sa driver.

Naiwang nakatayo sa harap ng Mall ang lalaki.

Chương tiếp theo