webnovel

THE BRAVE FLORA AMOR

"Flora Amor! Flor!" malakas na sigaw ni Mamay Elsa sa labas ng bahay.

Naalimpungatan ang dalaga ngunit 'di pinansin ang tumatawag.

Bahagya lang siyang nagdilat ng mga mata at sinipat ang orasan sa dingding saka antok pa ring tumagilid ng higa.

Alas dyes, ayon sa orasan. Maaga pa. Gusto pa niyang matulog na tila ba hapong-hapo ang kanyang buong katawan.

"Flor!" tawag ng nasa labas sabay katok sa pinto.

"Ano ba 'yan?" atungal niya.

Kinapa niya ang higaan, wala na si Harold? Alas dyes pa lang nang gabi. Dapat sarap pa ng higa nito ngayon.

"Alas dyes," muling bumalik sa balintataw niya ang orasan.

Iyon ang oras kung kelan siya lumabas ng bahay kagabi para sundan ang ina hanggang sa loob ng 7/11 at makipagkita sa ama ni Anton.

Naalala pa niyang panay ang kanyang iyak habang pinagmamasdan ang dalawa dahil napatunayan niyang may relasyon ang mga 'to . Sapat na ang nakita niyang magkasama ang dalawa sa malalim na gabing 'yon para tumatak sa isip niyang pati ang kanyang ina'y nagloloko rin.

Para nang sasabog ang kanyang dibdib sa natuklasang 'yon at magdamag siyang umiyak nang umiyak hanggang madaling araw.

"Flor! Buksan mong pinto! May mga lalaki raw ang nanggugulo sa mama mo sa palengke!"

Napabalikwas siyang bangon.

Alas dyes na pala nang umaga sa lagay na 'yun?! Bakit 'di man lang siya ginising ng ina kanina?

Tumayo siya't lumabas ng kwarto saka pinagbuksan si Mamay Elsa na noon ay karga pa rin ang bunso nilang kapatid.

"May, ano po ba'ng problema?" usisa niyang pipikit-pikit pa at 'di masyadong maidilat ang mga mata sa sobrang pamumugto ng mga 'yon.

"Flor, 'yong mama mo raw ginugulo ng mga armadong kalalakihan sa palengke." Takot ang nasa mukha ng landlady.

"Ano?! "bulalas niya, noon lang nag-absorb sa isip ang kanina pa'y isinisigaw nito.

Patakbo siyang pumunta sa lababo at mabilis na nagmumog saka naghilamos at nagmamadaling lumabas ng bahay.

"Ano po'ng nangyari?" nag-aalalang tanong niya.

"Ewan ko. Pinuntahan lang ako ng isang binatilyo rito at sinabing may nanggugulo sa ina mo do'n sa palengke. Mga armado daw."

Tumakbo na siya pagkarinig niyon, puno ng pag-aalala sa ina at mga kapatid. Halos lahat ng myembro ng pamilya niya'y ando'n sa palengke. Sila lang ng bunso ang andito.

Biglang nangatog ang kanyang mga tuhod. Pero hindi siya dapat magpadala sa takot. Kailangan niyang lakasan ang loob lalo sa gan'tong mga pagkakataon.

Mula labas ng bahay ay tumakbo siya papuntang palengke. Muntik-muntikan na naman siyang masagasaan ng sasakyan habang tumatawid sa may simbahan. Pero wala siyang pakialam kahit nagsisigawan ang mga driver ng sasakyan sa kanya saka siya minumura. Kailangan niyang makarating agad sa palengke para malaman kung ano'ng nangyayari.

"Ma?" sambit niya nang makita ang inang nakasabog ang buhok sa mukha at tastas ang manggas ng damit habang tulalang nakaupo sa silya at pinapalibutan ng nag-iiyakang mga kapatid maliban kay Harold na isa-isang pinupulot ang mga tindang isdang nagkalat sa semento at inilalagay sa basag nang banyera.

Naroon naman ang ibang mga tindero at mamimili na tinutulungan ito sa ginagawa.

"Ma!" Patakbo niyang nilapitan ang ina at itinali agad ang buhok saka inilagay sa likod.

Nag-init agad ang kanyang mukha sa galit nang makita ang namamagang mga pisngi nito at dugo sa gilid ng labi.

"Sino'ng gumawa nito sa inyo, Ma?" galit niyang usisa.

Tulala itong nakatingin sa kawalan.

"Sino po'ng gumawa nito, te? " tanong niya sa kumare ng ina na noo'y tumutulong ring ayusin ang paninda nila.

"Aba'y 'yong asawa ng mayor kasama ng mga alipores niya. Sukat ba namang bugbugin ang mama mo at ipabugbog sa mga tauhan nito ang kapatid mong lalaki," kwento nitong naroon sa boses ang magkahalong takot at galit.

Pagkatapos marinig ang sinabi nito'y humiram siya ng isang daan dito at agad nang umalis.

Dere-deretso ang kanyang lakad hanggang makarating sa sakayan papuntang City Hall.

Nag-uumapaw ang galit niya sa dibdib. Kung nagawa ng kabit ng amang bugbugin na lang basta ang kanyang ina, 'di 'yon nito pwedeng gawin sa kanya.

Tama na ang pagpapakumbaba nila. Tama na ang ginagawa sa kanilang pang-aapi. Panahon na seguro para siya naman ang lumaban at ipagtanggol ang karapatan niya bilang lehitimong anak ng mayor at ipaghiganti ang ginawa sa kanyang ina at kapatid.

Wala siyang imik habang nasa loob ng jeep pero sa mga mata'y naro'n ang 'di mapapantayang galit sa dibdib.

Halos isang oras din ang naging biyahe niya bago makarating sa harap ng City Hall pero balewala sa kanya ang isang oras na paghihintay niya makarating lang sa pupuntahan.

Dere-deretso siya sa opisina ng ama at binuksan ang pinto at pabalibag 'yong isinara dahilan upang matuon ang pansin ng lahat ng mga naroon sa loob.

Nakita niya sa loob ang pamilyar na lalaking nakausap niya kahapon, isang 'di kilalang babae na sa hula niya ay isang secretary, ang kanyang amang gulat na gulat sa ginawa niya at ang kabit nitong nasa harapan ng lamesa ng ama at namumula ang mukha sa galit.

"See, there she is! The daughter of that bitch!"

Gigil na hiyaw ng babae sabay harap sa kanya.

Inilang-hakbang lang niya ang kinaroroonan nito at nang tuluyang makalapit ay magkabilang sampal sa mukha ang kanyang pinakawalan.

Gulat na gulat ang mga nakakita, ni walang makakilos sa kanyang ginawa maging ang kanyang ama na noo'y nakaupo sa swivel chair.

Kahit ang ginang ay nabigla rin at natigilan.

Hindi pa siya nakuntento, hinablot niya ang mahaba nitong buhok saka ipinulupot sa kanyang kamay sabay ngudngod ng mukha nito sa ibabaw ng lamesa.

"Sinong tinatawag mong bitch halimaw ka, ha?!" sigaw niya habang inuuntog sa mesa ang ulo nito sa sobrang galit niya.

Walang magawa ang kabit na babae kundi magtitili.

Doon lang natauhan ang ama at mabilis na tumayo para awatin siya.

"Stay there, you fuckin' asshole!" sigaw niya sa amang natigilan sa sinabi niya.

Nang mga sandaling 'yon, lahat ng katinuan niya sa isip ay tila naglaho. Ang gusto niya lang gawin ay bugbugin ang babae bilang ganti sa ginawa nito sa kanyang ina. Ni hindi niya alam na sa liit ng katawan niyang 'yo ay magagawa niyang gulpuhin nang gano'n ang babaeng higit na malaki ang katawan sa kanya.

Buong lakas niya itong ibinalibag sa sahig pagkatapos.

"Hayup kang walanghiya ka! Pagbabayaran mo 'tong ginawa mo sa'kin!" 'Di na ito makatayo sa ginawa niya kaya't dinaan na lang sa sigaw ang galit.

"Tandaan mo ang araw na 'tong malandi kang kabit! Hindi kita tatantanan hanggat 'di ka nakakapasok sa kulungan!" kung saan siya kumuha ng lakas ng loob para sabihin ang mga katagang 'yon ay 'di niya alam. Ang gusto lang niya'y malaman nitong hindi siya basta-basta magpapatalo lalo na kung ang inaapi ay ang kanyang pamilya.

"Tama na Flor! Sumusobra ka na!" Doon lang niya narinig ang sigaw ng ama.

"Kayo ang sumusobra na!" ganti niyang sigaw dito.

"Ni wala man lang kayong ginawa para pigilan ang kahayupang ginagawa ng malanding 'yan sa mama ko! Naturingan kayong mayor ng lugar na 'to, pero sarili niyong pamilya 'di niyo kayang ipagtanggol! Wala kayong silbi! Isa kayong inutil na padre de pamilya! Kayo dapat ang ipinakukulong!"

Lahat ng sama ng loob ay isinambulat na niya sa ama. Wala siyang pakialam kahit magalit ito sa kanya.

Natigilan ito't 'di agad nakapagsalita.

"Simula sa oras na 'to, wala na akong ama at wala ka na ring mga anak at asawa. Magsama kayo ng kabit mong mas masahol pa sa walang mga pinag-aralan!"

Pagkasabi niyo'y patakbo siyang umalis sa lugar na 'yon, hindi pansin na bini-videohan siya ng sekretaryang nasa 'di kalayuan.

Kung mananatili pa siya sa lugar na 'yo kahit isang segundo lang, baka kung ano nang mangyari sa kanya dahil ramdam niya ang pangangatog ng mga tuhod at paninikip ng dibdib.

Patakbo siyang lumabas sa City Hall at tinakbo ang kahapo'y dinaanan kung saan muntik na siyang mabangga ng sasakyan.

Duon lang siya tila natauhan at napansandal sa pader. Hindi niya akalaing gano'n siya katapang. Nagawa niya 'yon sa kabit ng ama? Hindi siya makapaniwala. Ni hindi siya makapaniwalang nasabi niya ang mga bagay na 'yon sa kanyang sariling ama at pinatahimik ito.

Abot-abot ang paghingang tumingin siya sa paligid kung may nakasunod sa kanya mula sa City Hall pero wala siyang nakitang tao.

Ilang beses siyang nagpakawala ng buntung-hininga bago naging normal ang pintig ng kanyang puso at nawala ang panginginig ng kanyang katawan. Gano'n pala ang pakiramdam 'pag sobra kang galit, wala ka nang kinikilala kahit sarili mo pa.

Muli niyang binalikan sa isip ang ginawa kanina lang, gusto niyang matawa sa ginawa niya. Gusto niyang purihin ang sarili. Nagawa niya ba talaga 'yon? Ang tapang naman pala niya.

Chương tiếp theo