webnovel

"I HEAR YOUR VOICE"

Abot hanggang tenga ang ngiti ni Flora Amor habang naglalakad sa lobby ng kanilang department. Malayo pa'y nakita na agad niya si Anton na nakatanaw sa kanya. Sa di-kalayuan dito'y sina Phoebe at ang mga barkada nito na naghahagikhikan habang nakatanaw sa ginagawang building sa tabi ng kanilang department.

"Good morning, Flor," bati ni Anton sabay angat ng braso para akbayan siya.

"Beshie, bakit lukot 'yang mukha mo umagang umaga pa lang?" pansin niya agad sa kaibigan nang mapansing salubong ang mga kilay nito habang nakatitig sa kanya.

Pinagmasdan siya nitong mabuti saka pilit na ngumiti.

"Namiss kasi kita, Beshie. 'Di ka kasi nagpahatid sakin kahapon," pabiro nitong sabi pero may laman ang mga salita.

Nag-blush siya, naalala 'yong nangyari kahapon sa loob ng kotse ng estrangherong lalaki.

Inakbayan siya nito. "Who was that guy?"

Papasok na sana sila nang mapabaling siya dito.

"Huh?" blangko ang mukhang tumingin sa kaibigan.

"Sino?" balik-tanong niyang nakakunot-noo, hindi makuha ang ibig nitong sabihin.

"Ah-wala. Para kasi kitang nakitang may kasamang iba kahapon," turan sa kanya.

Lalong nangunot ang noo niya.

Nakita niya itong sumakay sa motor bago siya umuwi. Pa'no nitong nalamang may kasama siyang iba?

"Amor, didn't I tell you no one is allowed to touch you but me?"

Nagulat siya.

He's here?

"'Wag mo akong akbayan, Beshie," aniya sabay tapik sa braso nito sa kanyang balikat.

Nagsalubong ang mga kilay nito.

Ipinilig niya ang ulo saka naunang pumasok sa loob ng silid-aralan. Ayaw niyang maniwala pero bakit parang dinig niyang nagsalita ang lalaking iyon?

Paupo na siya sa pwesto nang muling marinig ang boses nito.

"Amor, my sweetie..."

Napaawang ang mga labi niya. She was not dreaming! Andito talaga ang lalaki.

Mabibilis ang mga hakbang na ginawa niya pabalik sa labas at hinanap ang may-ari ng boses na 'yon.

"Amor..."

Napadako ang tingin niya sa pinagmamasdan nina Phoebe kanina pa habang naghahagikhikan.

Lumapit siya sa mga ito at awang ang mga labing tinanaw ang lalaking naka-polo shirt at pantalong maong. Ang dami na niyang nakakasalubong na mga lalaking gano'n ang outfit pero bakit sa tingin niya'y ito ang pinakagwapong lalaking nakita niyang nakasuot ng polo shirt.

Tumingin ang binata sa dako nila ni Phoebe habang nakalagay ang mga kamay sa bulsa ng magkabila nitong pantalon.

Ano'ng ginagawa nito sa eskwelahan nila?

"Amor, I miss you."

Lalo siyang natigagal nang marinig itong nagsalita. Ang boses nito, dinadala ng hangin papunta sa tenga niya.

Ang kalkula niya, tatlumpong metro ang layo nila sa isa't pero bakit ang dinig niya sa boses nito'y parang magkatabi lang sila, malinaw na malinaw ang pagkakasabi?

May sa demonyo kaya ang lalaking 'yon?

Nagtilihan ang mga kaklase niya nang ngumiti ang binata habang nakatanaw sa kanila.

"Phoebe, ikaw ang tinitingnan, oh. Nakangiti sayo!" ani Jessica sabay hagikhik.

Ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib, nagmamadaling pumasok sa loob ng silid-aralan at tigagal na naupo sa pwesto habang si Anton ay salubong pa rin ang kilay na nakatingin sa kanya.

Pa'no niyang naririnig ang boses ng lalaki kahit pabulong lang?

"Hi Beshie!"

Nagulat pa siya nang tapikin ni Mariel ang kanyang braso.

"Ba't para kang nakakita ng multo d'yan? " usisa nito.

Nang matauhan ay lumipat siya ng upo sa bakanteng upuan sa tabi ni Mariel.

"Beshie, 'pag narinig mo ang bulong ng isang tao kahit malayo siya, ano ibig sabihin no'n? " curious na pabulong niyang tanong.

"Lakas naman ng hearing powers ko!" bulalas ng kaibigan.

"'Yong hindi mo naman nararansan sa iba, sa isang tao lang?" pangunglit niya.

Tumahimik ito saka tumingin nang deretso sa chalkboard habang nag-iisip as if ando'n ang sagot.

"Aha! Alam ko na, Beshie!" Pumilantik ito.

Nakatunganga siya habang naghihintay ng sagot.

"Gano'n din ang nabasa ko sa isang novel. Malakas ang telepathy nila. Kaya nilang mag -usap gamit lang ang isip."

Naihilig niya ang ulo. Ibig sabihin malakas ang telepathy nila? Pero bakit parang siya lang ang nakakarinig dito?

"Bakit Beshie, nabasa mo din ba 'yon sa novel?" usisa nito.

"O-Oo," alanganin niyang sagot.

Nag-isip siya, alam kaya ng lalaking 'yon na naririnig niya ito?

Totoo kaya 'yong telepathy? Pero bakit parang bulong nito ang naririnig niya at hindi ang isip? Naguguluhan siya at nahihiwagaan.

Sa lalim ng iniisip ay 'di niya napansing nagsipasok sina Phoebe at ang talim ng titig ng kaklase sa kanya.

--------

ALAS syete na nakalabas ng computer room sa school nila si Flora Amor nang araw na 'yon. Kailangan niyang tapusin ang mga projects para maipasa na ang mga iyon bukas.

Hindi biro ang ginagawa niya para lang ma-maintain ang kanyang grades nang 'di mahirapan ang mga magulang sa pagpapaaral sa kanya.

Kahit papano nama'y nababalanse niya ang kanyang oras. Hindi siya pwedeng mag-focus sa isang bagay at kalimutan ang iba lalo na sa pag-aaral.

Madami pang mga estudyante ang nasa loob ng eskwelahan nang mga sandaling 'yun. Mag-isa siyang papunta sa gate ngunit nang mapatapat sa kanilang department ay nakita niya sina Phoebe at ang mga barkada nitong may binu-bully sa covered walk.

"Kawawa naman 'yong babae," nasambit niya.

Bakit kasi nauso ang bully? Pero sabagay kahit noon pa, may mga tao talagang masaya 'pag nakapang-aapi ng kapwa.

Sa maluwang na kalsada siya dumaan para makaiwas sa mga kaklase. Ayaw niyang makialam sa ginagawa ng mga ito. Ang kabilin-bilinan ni Anton, 'wag siyang lalapit sa mga taong tulad nina Phoebe na mahilig mam-bully ng kapwa estudyante.

Deretso siyang naglakad pero nagulat din nang tinawag siya ng mga ito. Napilitan siyang lumingon at napansing siya talaga ang sadya ng mga 'to.

Tinakbo siya ng dalawa nitong barkada saka biglang hinawakan ang magkabilang braso at dinala sa kinaroroonan ni Phoebe.

Nakaramdam siya ng takot ngunit hindi siya pumalag. Sa halos dalawang taon niya rito'y ngayon niya lang yata mararanasang ma-bully.

Sa kabila ng takot ay nagtataka siya bakit bigla itong naging galit sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama.

Sa tulong ng ilaw sa tapat nila ay nasino niya ang inaaping estudynte ng mga 'to.

"Megan?!" gulat niyang bulalas.

Bigla siyang kumawala sa pagkakahawak ng dalawang kaklase at agad itong nilapitan. Awang-awa siya kay Megan. Puro pasa na ang mukha nito at gulong-gulo ang buhok. Pati butones ng uniform nito ay sira na rin.

Sa tapat nila'y nakatayo si Phoebe, galit na galit.

"Akala mo ba palalagpasin kita sa ginawa mo kay Ellise, gaga ka?" gigil nitong wika.

Bahagya niya lang itong sinulyapan.

Kaya pala binugbog ng mga ito si Megan, dahil pala sa nangyari kay Ellise.

Pero bakit sa kanya ito galit na nakatingin?

"Megan, okay ka lang ba?" tanong niya rito habang inaalalayan itong tumayo at nang makatayo'y bigla itong pumalag.

Pati ba si Megan ay galit sa kanya?

"Nang dahil sayo'y nawala ang bestfriend ko rito, hayup ka!"

"Ha?" natigagal siya.

Anong kinalaman niya sa pagkalipat kay Ellise?

Kunut-noong bumaling siya sa kaklase.

Sa kanya nga ito galit. Pero bakit?

Nang akmang sasabunutan na siya ni Phoebe ay bigla na lang may dumating na dalawang estudyante. Ang isa'y sinampal si Phoebe, ang isa'y sinuntok sa tyan ang dalawang kaklaseng humawak sa mga braso niya.

'"Wag!" sigaw niya nang makita ang ginawa ng dalawa pero huli na.

"Hayup ka! Malakas lang ang loob mo kasi may nakabantay sayo!" sigaw nito saka sinabayan ng alis. Nagtakbuhan din lahat ng mga kaibigan nito kahit may iniindang sakit.

Tigagal siyang napatingin sa dalawang estudyante.

Saang lupalop ng mundo nanggaling ang mga 'to at bigla na lang sumulpot para iligtas siya?

Sinino niya ang dalawa pero ngayon niya lang nakita ang mga 'yon.

"Okay ka lang ba, miss?" tanong ng isang lalaki sa kanya.

Tigagal pa rin siyang tumango.

Ang isang lalaki'y inalalayan si Megan sa paglalakad.

"Buti napadaan kami rito. Kung hindi, baka kung ano nang ginawa ng mga 'yon sa'yo," anang isang lalaki.

Hindi siya sumagot, mataman lang itong tinitigan.

Napadaan lang ang mga 'to? Pero bakit sabi ni Phoebe may nakabantay sa kanya? Sino?

Ngumiti ang lalaki saka siya tinalikuran at sinamahan ang isa pa para alalayan si Megan papunta sa clinic ng eskwelahan.

Naiwan siyang natitigilan.

Walang ibang pumapasok sa kanyang isip kundi 'yong mga sinabi ni Phoebe.

Bakit siya ang sinisisi nito sa nangyari kay Ellise?

"Amor!"

Naagaw ng tawag na 'yon ang kanyang atensyon.

Agad siyang napalingon sa may-ari ng boses na 'yon.

Nakita niya ang lalaking tumatakbo palapit sa kanya.

"Hey, what happened?" usisa nito nang mapansing tulala siya, hinabol pa ng tingin ang dalawang papalayong lalaki.

Hindi siya sumagot, hanggang nang mga sandaling 'yon ay gulat pa rin siya sa mabilis na pangyayari.

Inakbayan siya ng lalaki at iginiya sa kinaroroonan ng sasakyan nito.

Mahabang katahimikan ang namayani sa kanila sa loob ng sasakyan.

"Are you alright now?" basag ng lalaki sa katahimikan.

Bumaling siya dito saka tumango.

"Kilala mo 'yong dalawang lalaki?" usisa nito.

Umiling siya. Pero base sa mga suot ng dalawa, ang alam niya'y mga estudyante din ang mga 'yon.

"Then-"

Pinagmasdan siya nitong maigi. At nang mapansing gulat pa rin siya'y hindi na nito itinuloy ang sasabihin.

Hinawakan na lang nito ang kanyang kamay, pinisil-pisil iyon.

Huminga siya nang maluwang. Biglang gumaan ang kanyang pakiramdam.

Bumaling siya rito at pinagmasdan ang mukha nito. Bakit kay gaan ng pakiramdam niya sa lalaking ito?

Ngumiti ito sa kanya.

"Dito ka rin ba nag-aaral?" pakli niya.

Napangiti ito.

"Dito ako nagtatrabaho," saka itinuro 'yong ginagawang building.

"Ikaw ang engineer?!" bulalas niya.

Marahan itong tumawa.

"I'm--" tinitigan siyang maigi, pagkuwan ay tumango.

"Yes. Ako ang engineer."

Dumeretso ito ng upo at idinako ang paningin sa labas ng sasakyan habang marahang pinipisil ang kanyang kamay.

"So, engineer pala ang boyfriend ko?" sambit niya, 'di tinatanggal ang pagkakatitig sa mukha nito.

Sa maikling panahong kasama niya ito, maliban kay Anton ay dito lang siya naging panatag ang loob na para bang matagal na silang magkakilala.

Bumaling ito sa kanya at ngumiti.

"Are you proud that your boyfriend is an engineer?"

Mabilis siyang tumango.

"Pero mahirap lang kami. Wala kaming sariling bahay, tsaka pito kaming magkakapatid tapos 'yong mga magulang ko eh tindera lang ng isda sa palengke. Hindi ba alangan sa'yo 'yon?"

Marahan nitong pinisil ang kanyang Ilong saka hinalikan ang likod ng kanyang kamay.

"It doesn't matter to me, Amor," seryoso nitong sagot habang nakatitig sa kanya.

Kinilig siya sa ginawa nito, agad nakalimutan ang nangyari kanina lang.

"Wala akong kahit anong gadgets kaya hindi mo ako makokontak 'pag gusto mo akong kausapin," aniyang inaalam kung ano'ng magiging reaksyon nito.

"It's alright. I can give you anything you want. All I need is your loyalty," saad nito.

Napahagikhik siya.

"Kahapon lang tayo nagkita pero gusto mo na ako agad?" takang tanong niya.

"Hey, kailangan bang makilala kita for a year para lang magustuhan kita?" pabiro nitong balik-tanong.

Napahagikhik uli siya, saka sumeryoso ang mukha.

"Ano nga pala ang pangalan mo? 'Di ko kasi natandaan no'ng magpakilala ka sakin," usisa niya.

Biglang kumunot ang noo nito at mariing tumitig sa kanya.

Nagulat siya nang bigla itong dumukwang sa kanya't ikinabit ang kanyang seatbelt.

Sa likod ng kanyang tenga ay bumulong ito.

"I'm Dixal Amorillo, your future husband," saka hinalikan siya sa batok.

Napapitlag siya, nahanap nito agad ang kanyang kiliti.

Pulang-pula ang pisngi't inayos ang upo nang lumayo ito sa kanya.

"Iuuwi na kita. Baka hinahanap ka na sa inyo," anito saka pinaandar ang sasakyan.

Tulad ng ginawa nito kahapon ay sa tabi ng simbahan siya nito ibinaba. Mabilis siyang bumaba ng sasakyan sa kabang baka halikan na naman siya nito.

Pero no'ng makatawid na siya sa kalsada pauwi, agad niya itong nilingon.

Pa'no pala nito nalamang do'n siya bumababa pagkagaling sa school? Alam ba nito ang bahay nila?

------

"Ma!" Hinanap agad niya ang ina pagkapasok pa lang ng bahay.

Nadatnan niya ito sa salas, nagpapadede sa kapatid niyang bunso habang ang tatlong mga kapatid ay nasa hapagkainan at doon nagsisipagbasa ng mga aklat.

"Bakit ngayon ka lang bruhilda ka?" singhal agad ng ina.

"Si Mama talaga, kung ano-anong ipinapangalan sakin," angal niya.

"Anong gusto mo, murahin kita?"

Umirap siya.

"O kumain ka na. Wala tayong talong ngayon at napupurga na mga kapatid mo do'n," wika nito saka tumayo habang kalong-kalong ang bunsong anak.

Pagkatapos ilapag sa ibabaw ng mahabang sofa ang bag ay lumapit siya sa ina at kiniliti ang patulog pa lang na kapatid.

"Hinampak kang bata ka. Kanina ko pa 'to pinatutulog, bruha ka!" singhal na uli nito.

Humahighik siya.

Umupo uli ito at iniba ang posisyon ng pagkakahawak sa bunso.

"Ma, namiss kaya kita," lambing niya.

"Asus, pasimple ka pa. Ano na naman ang itsitsismis mo?"

Napahalakhak siya.

Kinurot siya ng ina sa tagiliran nang mapansing nagulat ang kalong na anak.

Napa-"Aray!" na lang siya pero mahinang humagikhik.

"Ma, nakakita ka na ba ng taong naririnig ang ibinubulong ng isang tao kahit malayo sila sa isa't isa?" sumeryoso siya.

Agad siya nitong tinitigan.

"Merun ka rin no'n?" takang tanong nito.

Natigilan siya.

"Nararanasan mo 'yon, Ma?" di-makapaniwalang bulalas niya.

"Ang ingay mo!"

"Ma, kanino mo naranasan? Kay Papa?" usisa niyang di-maipaliwanag ang tuwa sa mukha.

"Oo, pero nawala din 'yon," kaswal na sagot.

"Pa'nong nawala, Ma? Kelan nawala?" may panghihinayang na tanong niya.

Tumayo ang ina na tila nairita.

"Kumain ka na nga d'yan at inaantok na ako," singhal sa kanya sabay pasok sa kwarto nito.

"Ma, si Papa?"

"Wala!" napalakas ang sigaw nito.

Nawerduhan siya sa ikinilos ng ina. Ba't parang nagalit ito bigla?

Hindi niya 'yon pinansin. Kumakanta siyang lumapit sa kusina at tiningnan kung anong ulam sa kawali. Adobong manok.

Bigla siyang nakaramdam ng gutom.

'Di mawala sa isip niya ang sinabi ng ina kahit sa paghiga niya. Naranasan din nito ang nararanasan niya ngayon. Ibig sabihin, talent nila 'yon? Naririnig nila ang bulong ng mahal nila kahit malayo ang mga ito sa kanila?

Napahagikhik siya.

"Sa sunod nga ate, do'n ka sa labas matulog. Ang likot mo," reklamo ni Harold.

Inirapan niya ito sabay talikod sa huli.

Dapat kasi may sarili na siyang kwarto dahil dalaga na siya, hindi tulad nitong nagsisiksikan sila sa iisang kwarto lang.

Maya-maya'y balik na naman siya sa sinabi ng ina.

Mawawala din daw 'yon? Bakit mawawala at pa'nong mawawala? Kelan, 'pag tumanda na sila?

Pero gustong gusto niya ang namana niyang 'yon sa magulang. Kinikilig siya lagi 'pag binibigkas ni Dixal ang pangalan niya.

"Dixal!" naaalala na niya ang pangalan ng bf. Ito raw si Dixal Amorillo, isang engineer at ito daw ang mapapangasawa niya!

Napahagikhik siya.

Siniko siya ni Harold.

"Lumabas ka nga dito, ate. 'Di ako makatulog sayo. Lagot ka sakin 'pag di ako nakapunta sa palengke bukas!" gigil na wika nito.

"Ba't ka naman pupunta sa palengke eh 'di ba nga umaga pasok mo?" wala sa sariling balik-tanong niya.

'Di ito sumagot.

Naiinis siyang tumayo bitbit ang kumot at unan.

Sa ina siya nangulit makitabi.

"Hayup ka talagang bata ka! gigil sa sambit ng ina saka siya binigyan ng espasyo sa kama nito.

Niyakap niya agad ito.

"Ma, love you," pang-uuto niya.

"Tse!" singhal nito.

Napahagikhik siya saka ipinikit ang mga mata.

"Ma, dapat may sarili na akong kwarto kasi dalaga na ako," aniya habang nakapikit.

Bago makatulog nang tuluyan ay naramdaman niya ang balikat ng inang yumuyugyog. Seguro'y nagising ang kapatid niya sa tabi nito kaya tinatapik-tapik nito ang katawan ng bata para makatulog uli.

Chương tiếp theo