webnovel

Kabanata Dise Siete - Ang Pagpupulong

"BAKIT? Nagpatawag ng pulong ang bagong emperador ng Titania? Hindi ba't kaya niyo nang mag-isa? Nagawa niyo ngang isailalim sa inyong kapangyarihang sakim ang karamihan sa mga kaharian!" Natatawang bulalas ng emperador ng Feredoza habang siya ay umuupong naka-dekwatro sa pahabang mesa, "Baka ang dahilan ay ang pagpatay niyo sa inyong heneral na hindi niyo mapapantayan ang katalinuhan? Dahil sa inyong kamangmangan ay nagawa niyo ang isang malaking kamalian? " pagpapatuloy pa nito at narinig sa buong silid ang mga halakhak ng iba't-ibang emperador na naroroon.

Pinipigilan naman ni Ringo, ang emperador ng Titania ang kaniyang inis dahil sa mga naririnig. Marahil ay tama ang ibang emperador. Naging sakim ang Titania, naging mahina siya noon kaya't naipagpatuloy ng ama ang kasakiman at ngayon siya ang nagbabayad. Naging hangal siya kaya't nasaktan ng lubusan at nawawala ngayon ang kaniyang mahal.

At isa pa may matinding personal na galit talaga sa kaniya ang emperador ng Feredoza kaya ganito na lamang ang reaksiyon nito noong nagpatawag siya ng isang pagtitipon.

Hinawakan ni Vien ang balikat ng emperador, humingi ng permiso na siya na lamang ang sumagot sa mga paratang ng ibang emperador ngunit umiling lamang si Ringo.

Hindi panahon ito upang mag-away, marami nang napatay ang mga kalaban. Sa loob ng isang linggo, isang daang libo na ang namatay at labing limang kaharian na ang nabura sa mapa.

Bumuntong hininga siya at kinuyom ang kamao; pigil ang pagbuhos ng apoy mula sa kaniyang mga kamay. "Alam kong maraming kasalanan ang Titania sa inyong karamihan. Alam kong naging sakim ang aking ama at maraming nasaktan, alam kong isa ako sa mga hangal na umasa na mapapatalsik ang aking ama sa tamang paraan, dahilan kung bakit nangyari ang nangyari sa aking heneral. Pero mga kapwa ko emperador, hindi ito ang panahon upang mag-away tayo! Kailangan nating magtulungan! Alam naman nating marami nang kaharian ang nabura! At kailangan nating humanap ng mga alkemista!" dumagundong ang kaniyang boses sa buong silid at nagsimatayan ang mga halakhak, lahat ng mga emperador ay tinititigan siya.

Matiim siyang tiningnan ni Vien at bumulong. "Huwag mong sabihin, kamahalan na, gagawin mo iyon? " ngiti lamang ang isinagot niya sa kaniyang heneral.

Pumalakpak ang emperador ng Feredoza, at tumawang muli, sumunod ang ibang mga emperador. "Ang galing! Kailangan ng tulong ng Titania-" hindi na natapos ng emperador ng Feredoza ang kaniyang sasabihin nang tuluyang nasunog at agad natupok ang pahabang mesa nang ito ay hawakan ng emperador ng Titania, matalim ang tingin nito sa kaniya.

Nagsitahimik ang nasa bulwagan at nagsitayuan sa kani-kanilang upuan. Bakas ang takot at taranta habang kumakalat ang itim na apoy sa silid, kumorte isang malaking ahas ang apoy na iyon na may pulang mga mata, humarap ang ahas na ito sa emperador ng Feredoza at inilabas ang mga pangil nito. "Seryoso ako, Cordelio. Hindi ito panahon para unahin mo ang personal mong galit sa akin o sa Titania. Palapit na sa inyong kaharian ang mga kalaban, 'di ba? Uunahin mo pa ba ito kaysa sa kanila?" inayos ni Ringo ang suot niyang kapa at kampanteng nakaupo sa kaniyang upuan kahit na pinalilibutan na ito ng apoy at kahit na halos himatayin na ang ibang naroroon sa presensya ng itim na ahas.

Hindi makapaniwala si Ringo bakit siya lumakas ng ganito, siya ri'y nagugulat sa kapangyarihan na dumadaloy sa kaniyang katawan. Marahil nga ay dahil ito sa walang tigil niyang pakikipaglaban sa mga dheyati, ang tawag sa mga umaatake sa mga kaharian sa loob ng isang linggo. Hindi na niya alintana ang tulog dahil nais niyang tulungan at iligtas ang buong kontinente habang hindi pa nahahanap ang iba pang alkemista. Kaya nama'y napakaputla na lamang ng kaniyang laman na para bang siya ay isang viaphur.

Naalala niya pa kung kailan nagsimula ang kaniyang pakikipaglaban. Noong una, gusto niya lamang hanapin si Kira pero naglaon ay gagawin niya ang kaniyang makakaya upang hindi dumami pa ang mga nasalanta para kay Kira.

Sakay-sakay siya ng kaniyang itim na kabayo. Alas kwatro pa lamang ng madaling araw noong umalis siya sa palasyo, siniguradong hindi alam ni Tsukino kung saan siya naparoon. Kasama niya sa kaniyang paglalakbay ay ang kaniyang heneral na si Vien, sakay-sakay naman ito ng kulay kayumangi na kabayo. Paparoon sila sa bukana ng bundok kamatayan, upang magbakasaling baka naroon si Kira at mailigtas ito mula sa halimaw.

Iniba niya ang kaniyang ruta papuntang bundok kamatayan. Imbes ay gamitin ang pinakamadaling ruta ay pinili ang pinakamalayo, dahil kapag nalaman ni Tsukino na wala siya sa palasyo ay magpapadala nanaman ito ng mga kawal at sasama papunta sa pinakamadali na ruta upang pauwiin siya. Sasaktan nito ang sarili kapag hindi sasama ang emperador.

"Sigurado ka ba rito, mahal na emperador? Ang rutang iyong pinili ay higit na mapanganib. Ito ay lugar ng kadiliman at sumpa. Hindi po ba kayo natatakot? " nagaalalangang wika ni Vien sa emperador; tanaw-tanaw ng kaniyang tingin ang mahaba at madilim na daanan na kanilang tatahakin.

Umiling-iling ang emperador. "Kakayanin ko, Vien. Isa ako sa mga alkemista, 'di ba? Ang ibig sabihin lang non ay may ilalakas pa ako. Kung nararapat kong gamitin ito upang mailigtas si Kira gagawin ko. "

Umiling-iling na lang si Vien at napangiti. "Kung iyon ang inyong nais, wala akong magagawa ngunit isa lamang pong babala, mahina ako sa pakikipaglaban, kaya hindi ko mawari bakit ako ang inyong dinala. " hinila niya ang tali ng kaniyang sakay na kabayo upang pabilisin ito; lumilipad-lipad ang kaniyang olandes na buhok dahil sa malakas na hanging dala nito.

"Pinagkakatiwalaan kita, Vien. Kaya ikaw ang dinala ko rito. Hindi mo man aminin alam kong marami kang alam na hindi ko alam. " pinabilis din niya ang pagtakbo ng kaniyang kabayo at nakita niyang ngumisi si Vien.

'Tunay ngang ang mahina noon ay maaring lumakas sa paglipas ng panahon, ganoon ang nakikita ko sa iyo, Vien. '

Napatigil ang pagtakbo ng mga kabayo umatras ang mga ito, bakas ang takot at kagustuhang makawala ng mga hayop, para bang may nakita ang mga ito na ikakapahamak nila, para bang nalaman ng mga ito na patungo sila sa lugar ng dilim at maaring hindi na sila makaalis.

Mahigpit ang hawak ni Ringo sa tali upang hindi mahulog at sinimulang pakalmahin ang kabayo. "Kamahalan, mukhang narito na tayo sa unang ciudad na nasa ruta," mahinang wika ni Vien; tila bulong lamang sa hangin ang pagbigkas ni Vien sa mga salita parang takot na palakasin ang boses dahil may makakarinig.

Tumaas ang balahibo ni Ringo noong mapagtanto kung bakit ganoon na lamang ang takot ng mga ito. Nakarating na sila sa pasukan ng abandonadong ciudad ng Sitri, tahimik ang paligid at ramdam na ramdam ang pagyakap ng kamatayan at kadiliman sa lugar na iyon. Umaalingasaw din ang amoy ng nabubulok at nasusunog na laman at kahit nasa pasukan pa lang sila, naririnig na nila ang mga malalim na paghinga ng mga nilalang na hindi tulad nila, mga nilalang na nabubuhay upang maghasik ng lagim at-pumatay.

"S-Sigurado ka talaga dito? " utal-utal na sambit ni Vien at bumaba sa kaniyang sakay na kabayo.

Bumaba na rin sa kaniyang kabayo si Ringo at napayakap sa braso dahil sa kakaibang lamig galing sa pasukan ng ciudad. "Pinili ko ang ruta na ito, kaya'y sigurado ako. "

"Dinala mo naman ang mahiwagang kapa ng Vera? Ito ang naiisip kong paraan upang hindi tayo masiyadong matagpuan nang karamihan sa mga kalaban. " Inihanda ni Ringo ang kaniyang espada na nakakabit sa kaniyang baywang.

"Kahit dalhin ko ma'y wala itong maitutulong dahil palapit na sila kamahalan, naamoy na nila tayo, at hindi sila makapaghintay..." kumislap ang kulay tsokolateng mata ni Vien habang madiing tinititigan ang ciudad, isang ngiti ang pinakawala nito sa maputla nitong labi. "Mabuting pumasok na tayo at harapin sila, dahil kapag sila ay makalabas sa ciudad na ito, susunod na mabubura ang bayan ng Gator at ang susunod at ang susunod pa hanggang sa maabutan nito ang Titania. " napalunok ng laway si Ringo sa narinig; mahigpit ang pagkakuyom sa mga kamay na basa ng pawis.

Itinali ni Vien ang mga kabayo sa may puno at pailing-iling na tiningnan ang halatang natatakot na emperador. Alam ni Ringo kung bakit ganito na lamang ang reaksyon ng heneral. Hindi siya sanay makipaglaban, lahat ng mga problema ay idinadaan niya lamang sa maiinit na talakayan at mga debate, mahina ang kaniyang katawan simula pagkabata at naiinggit siya sa kaniyang kuya sa angking lakas nito at pati kay Kira lubos ang inggit niya dahil kaya nitong makipaglaban.

'Kung duwag si Vien, ay mas duwag siya. Pero iba na ngayon, nararapat na lumaban siya. '

"Tara na, " iyon lamang ang kaniyang nasambit at unang pumasok sa ciudad.

Pagkatapak pa lamang nila sa ciudad ay agad silang sinalubungan ng mga orcade at dheyati na sa mga tingin pa lamang ng mga ito ay handa na silang patayin.

Isang nakakatakot na sigaw ang pinakawalan ng heneral ng mga kalaban at sinenyasan ang kaniyang mga tauhan upang atakihin sina Ringo. Kahit nanginginig ma'y binunot ni Ringo ang kaniyang espada at inihanda ang sarili. Kahit na alam niya sa sarili niya na may kapangyarihan siya gaya noong lumabas ito dahil sa galit niya kay Tsukino ay hindi niya ito kontrolado.

Mahigpit niyang hinawakan ang espada habang tagaktak ang pawis sa kaniyang noo. Tumakbo siya sa kinaroroonan ng mga kalaban at unang umatake, rinig ang pagtunog ng kaniyang espada habang tumatama ito sa mga kalasag at armas ng iba at naririnig niya ang bawat pagsirit ng itim na dugo mula sa mga natatamaan ng kaniyang atake.

Sa unang pagkakataon naranasan niyang pumatay... At hindi ito kasing sama gaya ng kaniyang iniisip. Siguro nga't takot lamang siya sa panganib noon kaya hindi siya nagpapakita sa mga digmaan, ngunit sa ngayon hindi niya lubos maisip kung bakit nagkaroon siya ng lakas ng loob.

"Mag-iingat ka, kamahalan. Hindi lahat ng mga dheyati ay madaling mapapatay. Tandaan mong nilalang sila ng dilim at kung nagigipit dilim din ang kakapitan upang makamit ang kapangyarihan, " rinig niyang wika ni Vien; na ngayo'y manginig-nginig na iwinawagayway ang espada sa sino mang kalaban.

'Ngunit kung kailangang mag-ingat bakit ang hina ng mga kalaban?"

Kinalaunan ay hindi namalayan ni Ringo na pinalilibutan na pala sila ng kalaban. Kahit anong pagpatay niya sa mga ito at kampante siyang napapatay ito ay bigla na lamang itong nabubuhay. Pilit niyang sinusubukan na saksakin ang mga kalaban ngunit ngayo'y hindi na ito namamatay, tanging ngisi lamang ang isinusukli ng mga ito.

"Tama ang sinabi ng kasama mo, ngunit minaliit mo ang aming kakayahan. At panahon na ngayon para tapusin ka. " sa sinabi ng heneral ng kalaban ay nagkalat ang itim na usok sa paligid, nawala ang lahat ng kalaban ngunit naramdaman ni Ringo na hindi siya makagalaw.

Mainit din ang buo niyang katawan at parang gustong sumirit ang dugo sa kaniyang mata. Gusto niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa. Nakita niya sa kaniyang tabi si Vien na nakaluhod na habang sumusuka ng dugo. Umiiyak ito dahil sa sakit.

"Hindi namin kailangang patayin kayo gamit ang talim ng espada ngunit sa kadiliman ng sumpa ay sasapat na, " rinig niya ang boses ng heneral ng mga kalaban at bawat salita ay nakakapagpa-sakit ng kaniyang ulo.

Tama nga ang sinabi ng kaniyang kuya noong ito ay nabubuhay. Lagi siyang kampante sa pakikipaglaban at ito ang nakakapagpadala sa kaniya sa kapahamakan.

Naiinggit siya sa mga taong kayang lumaban, naiinggit siya sa mga taong may kayang protektahan ang sarili nila at nagagalit siya sa kaniyang sarili na kung sana nakinig na siya sa kaniyang kuya, kung saan malakas na siya noon ay nailigtas niya ito at kung sana malakas na siya ngayon maliligtas din niya si Kira.

Ngunit isa lamang ang alam ni Ringo-kailangan niyang mabuhay upang makamit ang lahat ng ito...

Kung kaya't tila isang pagsabog ang kumalat nang lumabas sa katawan ni Ringo ang masaganang itim na apoy.

Itinaas ni Ringo ang mangas ng suot at nakita ng lahat ang isang itim at lilang marka, korteng ahas na may matatalim na pangil ang lilang marka at ang itim naman ay mga simbolo na mula sa mga lumang iskripto. "Nakuha ko ito sa aking pakikipaglaban sa kanila at dahil dito ano mang sumpa ng mga kalaban ay wala nang epekto sa akin at may iba pa akong kayang gawin, " tumahimik pa lalo ang buong bulwagan sa narinig.

Namumutla ang emperador na si Cordelio sa nakikita. Napakalakas ng kapangyarihan ng emperador ng Titania. Kapangyarihan na aabot sa hinahanap na alkemista upang matalo ang mga kalaban. "H-Hindi maari! Paano mo ito nakuha?" ngumisi ang emperador Ringo at tumayo mula sa pagkakaupo.

"Sasabihin ko kung handa kayong makinig at kapag sinabi ko, papayag na kayo sa sinasabi kong paghahanap sa mga alkemista, " katahimikan lamang ang sagot ng mga naroroon, at alam ni Ringo na gusto ng mga itong marinig ang kwento.

"Magkakaroon ng isang malaking patimpalak ukol sa mahika sa buong kontinente, ang iilang matitira sa kanila at makakapagpakita ng mataas na kakayahan ay tatanghaling mga alkemista na sasanayin pa upang ipadala sa kanluran

Dahil noong una pa lamang niyang inilabas ang kaniyang kapangyarihan sa bulwagang ito ay wala nang magagawa ang mga emperador kung'di pumayag.

Dahil ang kapangyarihang meron siya ay ikakagalit ng mga dheyati. At makakapagpahamak sa kaniya kung sakaling makita na ang ibang alkemista.

"MGA HANGAL! Wala na ba kayong sasabihin sa aking magandang balita?" Dumagundong sa isang silid ang nakakatakot na boses ng isang nilalang; rumerehistro sa boses nito ang galit kung kayat nanginginig na ang mga laman ng kaniyang mga tauhan na nakayukod sa kaniyang harapan.

"G-Gumagalaw na ang mga alkemista, Schezer. Ngunit hindi namin inasahan na magagawa iyon, malakas ang ating mga tauhan at dalawa lamang ang sumugod ngunit-" Lumipad palayo ang tauhang nagsalita at kaagad na naging abo.

Nanlilisik ang mata ng nilalang habang mahigpit na hinawakan ang magkabilang dulo ng kaniyang trono. "Dalawa? Ang hihina niyo! Mga cxyetri! Paanong nalamangan kayo ng dalawa?" Mahigit isang daan ang naroroon at dalawa lamang ang nakapatay? Napaka-vhixo niyo!" Napaluhod ang mga natitirang tauhan dahil sa lakas ng kapangyarihang pinakakawala ng nilalang, sapat na ito upang bumulwak ang itim na dugo mula sa kanilang bibig at malapnos ang kanilang balat.

"P-Patawarin niyo p-po kami! Ngunit may nagbalita sa isa nating mga croce na may naramdaman silang kakaibang kapangyarihang tumulong sa dalawang nangahas, ito raw ay kilala bilang ang Mahikero ng Astonia. Ito rin ang may kagagawan kung bakit hindi natin mapasok-pasok ang nawawalang kweba ng sepir," tumigas ang panga ng nilalang sa narinig at lumipad ang lahat ng bagay na naroroon sa silid na iyon at lahat ay nasunog at naabo. Ngunit ngumisi rin siya kinalaunan at hinila ang kadenang nakatali sa kaniyang trono, isang daing ng isang babae ang narinig.

"A-Ang isa sa mga umatake roon ay may nakamit na isang kakayahan na meron din ang tulad natin," sa narinig humalakhak ang nilalang at nagsi-atungal ang mga kaluluwa ng mga nakakulong na alkemista na sumubok na siya'y tapusin.

"Ang mahikero ng Astonia... Isa nanamang alkemista at wari kong isa sa mga umatake sa dalawang bayan ay ang emperador ng Titania, tama ba?" manginig-nginig na tumango ang mga tauhan; takot na matapos ang kanilang buhay sa isang iglap kung hindi naaprubahan ng kanilang schezer ang kanilang mga sagot.

"Nakahanda na rin ang preparasyon upang maipadala ang babaeng alkemista at mga kasama nito sa kweba ng sepir? Kung hindi natin mapapasok at makaya ang panganib doon, sila na lamang ang kukuha ng bagay na iyon para sa atin," ngumisi ang nilalang ng ipinakita ng kaniyang tauhan mula sa isang maliit na salamin na gawa sa buto ang pagpasok ng babaeng alkemista at mga kasama nito at nag-aaway pa ang mga ito.

Malakas na hinila ng nilalang ang kadena at ngumiti ito nang katakot-takot, ang pangil ay lumalabas na kulay itim, lumabas sa mukha nito ang itim na mga ugat na kumakalat sa katawan nito. "May gamit ka ulit, cxyetri. Ngunit dahil pumalpak ka at hindi mo napigilan ang iilang alkemista, isa na roon ay ang emperador ng Titania. Mas madadagdagan ang iyong araw-araw na parusa," wika niya sa babaeng mula sa salamin na kaniyang hinihila gamit ang kadena; pilit na kumakawala ang babaeng punong-puno ng sugat at naliligo sa sariling dugo, wala itong mata at bibig at tanging ilong lang ang meron ito.

Hinding-hindi niya hahayaang manalo muli ang mga alkemista. Nagawa na ng mga ito na ikulong siya noon at hindi na mangyayari ito ngayon. Namatay ang mga itong hindi siya napapatay at mamatay din ang mga alkemista ngayon at hindi pa rin siya mapapatay.

Umitim ang kadena at napuno ng madilim na kapangyarihan, nagsimulang dumugo ang katawan ng babae at makaramdam ito ng parang sinusunog siya ng impyerno. "Huwag!" sigaw ng babae ngunit wala itong nagawa noong hinila itong muli ng nilalang.

Tanging sigaw nang pagpapahirap ang narinig sa buong silid at ang tawanan ng nilalang at kaniyang mga alipores.

-

Vocabulary:

cxyetri- puta

Schezer- master

Vhixo- bobo

Dheyati- nilalang ng dilim

Viaphur- bampira.

Croce- uwak

Chương tiếp theo