"What?! Para iyon lang? Hindi ka na kinuha? Damn it!" inis na bulalas ni Dem matapos sabihin ni Kaye ang lahat. Hindi na siya napaigtad sa biglang pagtataas ng boses nito dahil sanay na siya rito. Hindi na rin napigilan ni Kaye ang sarili. Sinabi na niya ang lahat kay Dem para maintindihan nito kung bakit hindi siya natanggap sa trabaho.
Napabuntong hininga siya at muling pinasadahan ng tingin ang dyaryo para magtingin ng bagong trabaho. Nalulungkot man, kailangan pa rin niyang makipagsapalaran. Tama na sa kanyang umiyak ng isang buong gabi. Kinabukasan ay dapat na siyang bumangon at harapin ang buhay. Kaya hayun siya. Maaga pa ring gumising para makabili ng dyaryo at iyon ang binabasa para maghanap ng trabaho.
"Ganoon ba talaga ang sistema dito?" hindi makapaniwalang tanong pa rin ni Dem.
Matamlay siyang tumango. "Oo naman. Papaano nga naman nila iha-hire ang isang tao na alam nilang hindi maganda ang naging performance sa ibang kumpanya?"
"Pero papaano ka na niyan?"
Dahil sa sinabi ni Dem na iyon ay parang may humaplos sa puso ni Kaye. Napatingin tuloy siya kay Dem at napangiti.
"Makakahanap pa rin naman ako ng trabaho. Huwag kang magalala. Mayroon 'yan," nakangiting sagot niya para makita nitong okay pa rin siya kahit nalulungkot. Nanghihinayang din kasi siya dahil maganda ang call center na iyon. Balita niya ay maraming benefits kagaya ng transportation allowance, hazard pay at kung anu-ano pa.
Natigilan ito hanggang sa nagkadailing-iling ng makabawi. "Ugh... hindi ako worried,"
Natawa si Kaye ng mapalatak si Dem dahil nagtutunog mabuting tao na naman ito.
"Dem, okay lang 'yan. Secret lang naman natin ito. Ako lang ang nakakaalam na mabait ka ring demon," biro niya. Dahil doon ay nawawala tuloy ang lungkot niya.
Napabuga ito ng hangin. "You know what? Pakawalan mo na lang ako. Wala ka rin naman mapapala sa akin,"
Natigilan siya at napaisip. Papaano kung burahin niya nga ang holy oil sa sahig at makawala ito? Naka-seal pa rin naman ang kapangyarihan nito pero hindi siya sigurado kung gagawan siya nito ng masama.
Umiling siya. "Hindi. D'yan ka lang."
"I'll behave. Promise, I won't go anywhere," seryoso nitong pangako.
"Hindi mo ako sasaktan?" seryoso niyang paniniyak. Aba, mahirap na. Halos masugat siya noon sa talim ng irap nito kaya kailangan niyang pakasiguro.
Napalatak ito. "I will not hurt you, okay? Kung sasaktan kita, dapat noon pang umiiyak ka sa dibdib ko at niyakap ako ng sobrang higpit."
Biglang naginit ang mukha ni Kaye sa naalala. Natawa si Dem sa naging reaksyon niya. Lalo tuloy namula ang buo niyang mukha dahil sa pagkapahiya!
Gayunman, tama ito. Oo nga naman. Pumasok siya sa loob ng bilog at niyakap si Dem noon. Wala itong ibang ginawa noon kundi ang pakalmahin siya sa pamamagitan ng yakap at haplos...
"You're blushing," nakangising kantyaw ni Dem.
"Oo na!" napapahiyang amin niya saka napatingin sa mga hawak hanggang sa napailing na lang. "Okay, okay. Ito ang tandaan mo. Magtitiwala ako sa'yo kaya umayos ka. Nagkakaintindihan ba tayo?" pakikipag-bargain niya.
Sumaludo si Dem. "Okay."
Huminga siya ng malalim at kumuha ng kutsilyo. Kinaskas niya ang holy oil sa sahig hanggang sa maalis iyon.
Napasinghap si Kaye ng bigla siyang hawakan ni Dem sa braso at nabitawan ang hawak na kutsilyo. Sa isang iglap, nagawa na siya nitong itayo at hinigit sa katawan. Napamaang siya sa dagsa ng boltaheng tumama sa katawan niya dahil sa pagkakalapit nila.
"A-Ang sabi mo, hindi mo ako sasaktan..." kinakabahang paalala ni Kaye habang nakatitig sa dilaw na mga mata ni Dem na mainit na nakatitig sa kanya. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Pakiramdam niya ay sasabog na iyon sa sobrang pagkakalapit nila.
Ngumisi si Dem. Kumislap sa kapilyuhan ang mga mata nito. Kinabahan lalo si Kaye. "Yes. That's right. But I want to get even." mainit na anas nito saka siya siniil ng halik.
Napamulagat si Kaye! Hinalikan siya ni Dem! Nanayo ang mga balahibo ni Kaye sa katawan hanggang batok! Nang kumilos ang labi nito para palalimin ang halik ay namigat ang talukap ng mga mata ni Kaye at wala sa sariling dinama ang pagangkin ni Dem sa kanyang labi.
Napaungol si Kaye ng simsimin ni Dem ang ibabang labi niya at marahang kagatin iyon. Nanayo na rin pati buhok niya sa ulo at kumalat sa bawat himaymay ng katawan niya ang boltaheng dulot ng halik ni Dem...
Aaminin niya, nalango siya sa halik ng lalaki. Agad siyang nawala sa sarili at walang ibang gusto kundi ang namnamin ang sandaling iyon...
"That's for sealing me for almost a month, Kaye ..." anas ni Dem sa pagitan ng mga labi nila. Napaungol si Kaye dahil hindi pa rin siya nakakabawi sa mind-blowing kiss na ibinigay ni Dem. Napasinghap siya ng higitin pa siya nito palapit sa katawan. "And this is for driving me crazy..." anas nito at muli siyang siniil ng halik.
Napaungol na lang si Kaye dahil sa mainit na halik na iyon. Nakadagdag sa sensasyon ang paghawak nito sa batok niya para halikan siya ng ubod diin. Lumulutang ang pakiramdam ni Kaye dahil doon. Hinayaan niyang angkinin ni Dem ang labi niya habang magkalapat ang kanilang katawan. Kung parusa iyon ni Dem sa kanya, tatanggapin niya. It was easy though. Easy and... yummy.
"Alam mo, lumabas ka na. Hindi ka makakahanap ng trabaho kung tataguan mo lang si Dem. Ikaw naman kasi. Bakit naman kasi hindi mo siya pinigilang halikan ka? Hayan ang napala mo. Sa tuwing nakikita mo siya, inaasar ka niya," sermon ni Kaye sa sarili habang nasa harap ng salamin. Kung may makakakita lang sa kanya, siguradong matatawa dahil desperado siyang napasubsob sa mga kamay matapos sermunan ang sarili.
Napaungol siya ng muling maalala ang halik na pinagsaluhan nila ni Dem. Napahawak tuloy siya sa labi. Isang linggo na ang nakararaan iyon pero bakit ganoon? Pakiramdam niya ay nagiinit pa rin ang mga labi niya? He gave her a mind blowing kiss with a mind blowing effect on her system! And that mind blowing kiss lasted for many minutes. Ni hindi na nga niya namalayang natapos iyon. Nakapikit pa rin siyang nilubayan ni Dem ang labi. At ang nakapagpagising lang ng diwa niya ay ang boses nito na nagsasabing puwede na siyang magmulat ng mga mata. Tapos na daw ang parusa nito.
Pahiyang-pahiya siya. Dahil sobrang hiya, nagtatakbo na lang siya sa loob ng kuwarto samantalang napahalakhak ito. Napaungol na naman si Kaye ng maalala iyon.
"Kaye, lumabas ka na d'yan. Magusap tayo."
Napatuwid ng upo si Kaye ng marinig ang boses ni Dem. Biglang kumabog ang puso niya. Hindi na iyon tumigil sa pagtibok ng mabilis. Napahawak siya sa dibdib. Pilit na kinalma ang pusong nagwawala. Pambihira. Tumindi ang epekto ni Dem sa kanya!
Sa kabilang banda, sa loob ng isang linggo na nakalaya ito sa holy oil, awa naman ni lord ay hindi siya sinaktan ni Dem. Gayunman, araw-araw siya nitong kinakatyawan!
"Kaye! Kundi ka lalabas, ako ang papasok d'yan. Hahalikan kita ulit at—"
"Oo na! Lalabas na nga, eh..." angal niya at napabuga ng hangin. Wala sa sariling napahawak ulit siya sa labi at muling naalala ang paraan ng paghalik ni Dem. Agad niyang ipinilig ang ulo. Maisip pa lang iyon ay nakakaramdam na siya ng kakaibang pananabik! Oh no!
Tumikhim siya at kinalma ang sarili. Bago pa totohanin ni Dem ang banta, lumabas na siya. Simangot na simangot habang nagba-blush. Nabungaran naman niya si Dem na nakapatong ang dalawang kamay sa magkabilang hamba ng pinto. Nakangisi ito sa kanya.
Inirapan niya ito. "Ano na naman?" angil niya rito sabay halukipkip. Nakakaloka. Iniwasan niyang mapatingin sa labi nito. Wala siyang ibang makita dito kundi ang ginawa nitong panghahalik! Kaya hayun siya, naiilang kahit ano'ng pigil niya.
"Hindi ka ba maghahanap ng trabaho?" tanong nito saka siya pinagmasdan.
Lihim siyang napaungol. Lintik ang mga mata ni Dem. Umiikot tuloy ang sikmura niya sa paraan ng pagtitig nito. Naapektuhan siya sa isang titig lang!
"M-Maghahanap. Aalis na nga ako," aniya saka tumikhim. Ready naman na siya kanina pa kaya lang ay hindi nga siya makalabas dahil sa herodes na ito. "Dito ka na lang. Hintayin mo na lang ako at—"
"I'm coming with you. No buts," anito saka ngumisi.
Napaungol siya. Minulagatan niya ito. "Hindi puwede. Baka malasin ako,"
"Ang sakit mo namang magsalita," reklamo kuno nito pero alam niyang nagda-drama lang ito. Gusto lang nitong sumama. Napailing-iling siya at kinuha ang bag.
"Dem, naman. Huwag ka na ngang makulit," reklamo ni Kaye saka naglakad na papuntang pinto.
Napasinghap siya ng unahan siya ni Dem. Pinagbuksan siya nito ng pinto. "I'm bored. Take me with you."
"Dem—"
"I want to be with you, okay?" seryosong anas nito.
Tumalon tuloy ang puso niya at napatingin dito. Ngumiti ito. Natunaw tuloy ang puso niya sa kaguwapuhan nito. Hindi tuloy alam ni Kaye ang iisipin! Biglang bumangon ang mga emosyon sa puso niya. Kinilig siya, naaliw, natuwa hanggang sa... biglang nasira ang pantasya niya ng ngumisi si Dem.
"I thought so. You want to hear that kind of words," nangaasar na saad nito habang kumikislap sa kalokohan ang mga mata!
Namula ang mukha ni Kaye sa pagkapahiya. Kumibot-kibot ang labi niya hanggang sa inis na napaungol. "Nakakainis ka!" asik niya saka tinulak ito at lumabas na siya.
Sumunod si Dem. Hindi ito pinansin ni Kaye. Nagpupuyos ang kalooban niya. Pahiyang-pahiya siya sa sarili. Pinagalitan niya ang sarili ng maraming beses kung bakit siya na-touch, kinilig at natuwa sa sinabi nito. Pinagsabihan niya ang sariling hindi dapat naniniwala kay Dem. He is demon! He does evil things. He was not capable of feeling anything!
"Kaye!" tawag ni Dem.
Hindi niya pa rin ito pinansin. Umasta siyang hindi ito nakikita o kilala. Pagdating sa MRT station, doon na siya nito hinila sa siko. Doon niya napansing nakapatong na ang hood nito sa ulo at pilit nitong tinatakpan ang mukha. At alam na niya kung bakit: para takpan nito ang mga dilaw na mata.
"Ano ka ba? Pansinin mo naman ako." pakiusap nito.
Napabuntong hininga siya at inilabas ang may kalakihang salamin. Unisex iyon. Ginagamit niya sa tuwing natutulog sa bus para hindi obvious na tulog siya. Ibinigay niya iyon dito. Gusto niyang batukan ang sarili. Naiinis siya kay Dem pero hindi naman niya napanindigan dahil naunahan din siya ng pagaalala na baka may makapansin dito.
"Isuot mo para hindi makita ang yellow eyes mo," angil niya rito.
Kinuha nito iyon saka siya tinitigan. "Sasakyan ka ba d'yan?" tanong nito ng dumaan na ang MRT.
Tumango siya. "Sa Boni ako pupunta. Gusto mo talagang sumama?"
Tumango ito. "Of course. Tour me around." utos nito.
Naitirik ni Kaye ang mga mata. "Kung gusto mong sumama sa mga lakad ko, kailangang umayos ka. Nakakapikon ka rin, eh." reklamo niya rito.
Napakunot ang noo nito. "You want me to change? This is me. You can't make a demon change," natatawang sagot nito.
"Hindi ko naman sinabing magbago ka. Ang sinasabi ko, umayos ka. Kung gusto mo 'yang kasamaan ng ugali mo, fine. Pero makisama ka. Baka nakakalimutan mo? Ako ang may hawak ng orasyon para mawala ang seal ng kapangyarihan mo. Umayos ka. Huwag mo akong inisin," angil niya rito.
Tinitigan siya ni Dem. Nabanaag niya ang pagkaaliw sa mga mata nito. Mukhang natatawa pero nagpipigil lang hanggang sa napabuga ng hangin. "Okay, okay. Ano ba ang gusto mong gawin ko?" nangingiting tanong ni Dem.
"Una, mag-sorry ka sa ginawa mo kanina," aniya saka humalukipkip.
"Ah. 'Yung tungkol lang kanina ang hihingan ko ng sorry? Hindi ako magso-sorry tungkol sa kiss?"
"Dem!" nabibiglang bulalas niya at napalingon sa paligid. Nakahinga siya ng maluwag ng patuloy lang ang mga tao sa paglalakad at hindi sila pinapansin. Gayunman, naiinis na sinuntok pa rin niya si Dem sa dibdib. Mahina man, nagulat pa rin ito sa ginawa niya pero natawa ng makabawi.
"What was that for?" natatawang tanong nito.
"Nakakainis ka talaga!" angal niya rito.
"Bakit? Ayaw mong pagusapan ang tungkol doon?"
"Dem naman..." angal niya at nagiinit ang mukhang inirapan ito. "Oo! Shut up please?" angil niya.
Napangisi ito pero tumango-tango naman. "Okay. Naiilang ka. Naiintindihan ko. Pero honestly, ngayon pa lang ay sasabihin ko na hindi ko ihihingi ng sorry ang ginawa ko. I enjoyed kissing you. Did you?"
"Dem!" bulalas na naman niya at napahalakhak ito. Umiwas ito ng susuntukin na naman niya sa dibdib. Gusto na niyang magpapadyak sa inis hanggang sa natawa na rin. Para naman kasi silang ewan nito. Ah, kasalanan iyon ni Dem. He was driving her crazy too! Damn it!
"Tara na!" aya nito.
"Mag-sorry ka muna!" angal niya. Hindi pa rin niya nakakalimutan iyon.
Doon nawala ang ngiti ni Dem. Napahinga ito ng malalim. Kumibot-kibot ang labi nito hanggang sa napabuga ng hangin. "I can't!" nagi-struggle na angal ni Dem.
Napamaang si Kaye. Sorry lang, hirap pa nitong sabihin? Napahilamos si Dem sa mukha hanggang sa nagkaroon ng lambong ang mga mata. "I am a demon, Kaye. It's hard for me to say that."
Napatango siya at napabuntong hininga. "Okay..."
"Kaye," mahinang tawag ni Dem. Tipid na lang niya itong tinanguan. Gusto na nga niyang kurutin ang sarili. Bakit ba naman din kasi niya naisip na hingan ito ng apology? Demon nga ito. Hindi sila nakakaramdam ng remorse kaya natural lang na hindi nito masasabi iyon.
"I-I-I'm s-s-s-sor... ah! Shit!" desperadong bulalas ni Dem.
Nahihiwagaang napatitig siya kay Dem. Confirmed! He can't really say it! Namumula ang mukha nito at kumikibot-kibot ang labi. Mukhang hirap na magsalita! "D-Dem..."
"I-I'm s-s-s-sorrrrrrr-y. I-I'm s-s-s-s-sor—"
"O-Okay, tama na!" awat niya kay Dem dahil siya ang nahihirapan. Napabuga ito ng hangin. Taas baba ang dibdib. He couldn't say any sympathetic words! Pero gayunman, para kay Kaye ay sapat na iyon. Nakita niya ang struggle ni Dem at pagpupumilit na mag-give in sa kahilingan niya. It was enough for her.
"Let's go." aya niya rito saka nginitian. Napabuntong hininga ito at para gumaan ang pakiramdam ni Dem, marahan niyang tinapik ang pisngi nito. "Halika na. Sumama ka na," aniya saka hinila na ito sa kamay. Napasinghap siya ng maramdaman ang init nito na agad humalo sa init niya.
Lihim siyang napangiti ng sumunod naman ito. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya ng tumahimik na ito sa tabi at matyaga siyang tinabihan. And right there and then, Kaye realized something. Her life totally changed because of Dem.
And she was grateful for him regardless of who he was.
"Ano'ng nangyari? Okay ba?" agad na tanong ni Dem paglabas ni Kaye. Sa waiting area siya hinintay ng lalaki at agad siya nitong nilapitan ng makitang lumabas mula sa entrance ng gusali. Umiling siya rito at tipid na ngumiti. Ilang araw na siyang sinasamahan ni Dem sa paghahanap ng trabaho pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nakikita. Dalawang linggo na! Ah, masasaid na ang ipon niya.
"H-Hindi ka okay? Ugh... a-ano'ng gagawin ko?" nalilitong tanong ni Dem.
Bigla tuloy natawa si Kaye kay Dem. Tawa siya ng tawa. Aliw na aliw. Ah, ibang klase talaga ang presensya ni Dem. Dahil dito, aminadong nababawasan ang stress at lungkot ni Kaye sa buhay. Nakakatuwa na ang isang demon ay umaastang ganoon. Na kahit taglay ni Dem ang lahat ng kasamaan ng ugali sa mundo, mayroon pa rin itong kainosentihang tinatago.
Or maybe because he didn't know that. Namulat ito sa underworld na walang ibang alam kundi chaos, greed, lust at kung anu-anong makasalanang pakiramdam. Ni hindi nga ito makapagsabi ng 'sorry'. Parang kapag nabigkas nito ng diretso iyon ay magiging abo ito.
At naiintindihan ni Kaye iyon. At dahil naiintindihan niya, hindi mapigilang maaliw sa tuwing umaasta itong mabuting tao. Ni hindi napapansin ni Dem iyon dahil na rin sa araw-araw sila nitong magkasama at alam niyang tinutubuan na rin ito ng concern.
"Why are you laughing?" nagtatakang tanong ni Dem.
"Tinatanong mo kasi kung ano ang gagawin mo. Ikaw ba? Ano ba ang nararamdaman mo at gustong gawin?" tatawa-tawang balik niya rito.
"Well..." napapaisip na sagot nito saka napabuga ng hangin. "You look sad. Should I make you happy?" panghuhula nito.
Napangiti siya. Nakakatuwa na iyon ang naisip ni Dem. Instead na magisip ito ng masama, mabuti ang naiisip nito at mukhang hindi naman nito pansin iyon. It was his automatic response. Hindi kagaya noong una sila nitong nagkita na sinusulsulan siyang gumawa ng masama.
"What? Tell me what I need to do," reklamo nito at napabuga ng hangin.
"Wala. Ito naman. Natutuwa lang ako sa'yo," amin niya.
Diskumpyado siyang tiningnan ni Dem. "Iyong totoo?"
"Oo nga. Tara?" aya niya rito. Magsasalita pa sana ito pero hinila na niya ang kamay. Muli, naramdaman ni Kaye ang init ni Dem. Pamilyar na siya sa init nito at gusto niya iyon. Pakiramdam niya ay umaabot ang init nito sa puso niya...
"Saan tayo pupunta? Hindi ka pa kumakain. Ganitong oras ka kumakain ng tanghalian, hindi ba?" paalala nito.
Natigilan siya at lihim na nalungkot. Wala na siyang pera. Hindi na sila makakauwi kung magla-lunch pa siya. Gayunman, kakasya naman iyon sa biskwit. Kailangan din naman niya iyon para makatagal sa lakaran. Sanay naman siya. Basta ang mahalaga, may tubig siya—bagay na lagi niyang dala-dala sa bag.
"Iyan lang ang kakainin mo?" takang tanong ni Dem nang bumili siya ng sky flakes sa isang sidewalk vendor.
Tumango si Kaye. "Tara. Maupo muna tayo doon," aya niya at nagpauna na. Sumunod naman si Dem. Naupo din ito sa flower box at tinabihan siya.
Kumain na siya at nagisip. Mayroon pa siyang dalawang extra resume. Sana lang ay makapasok na siya ng trabaho. Kundi pa siya matatanggap, biodata na ang bagsak niya dahil wala siyang budget para sa printing. Inisip din niya ang gastos. Mukhang kailangan na niyang magbenta ng gamit sa bahay para magkaroon ng budget para sa pagkain at city services. Maputulan na siya kundi pa siya magbabayad.
Kung noon nangyari iyon sa kanya ay nagiiyak na naman siya at sinisisi ang diyos kung bakit ganoon ang buhay niya. Ngayon ay hindi niya iyon ginagawa. Sa halip ay lihim siyang nagdarasal na sana ay bigyan pa siya nito ng lakas ng loob. Nagpapasalamat din siya dahil kahit papaano ay buhay siya. Hindi siya namatay sa kamay ng butcher.
"Okay ka lang ba talaga?" untag sa kanya ni Dem.
Tumango siya at inubos ang huling skyflakes. Uminom siya ng tubig at nag-retouch. Nang matapos ay humarap siya rito. "Okay na ba? Walang dumi ang mukha ko?"
Tumango ito. "Oo. Maganda ka pa rin kahit walang make up,"
Pareho silang natigilan sa sagot nito hanggang sa namula ang mukha niya. Aaminin niya, biglang umalon ang puso niya sa puri nito. Ramdam niya ang sinseridad nito at katapatan. He answered automatically. He didn't even blink and think! Alam niyang galing iyon mismo sa puso nito at natutuwa si Kaye.
Si Dem naman ay napatikhim hanggang sa bahagyang natawa. "That's true." amin na nito saka napabuga ng hangin. "Come on. Don't blush. You should know you're pretty and be confident,"
Namula na yata siya mula anit hanggang talampakan! Nagrigodon ang puso niya. Nagwawala na ang mga paruparo niya sa sikmura hanggang sa napabuga ng hangin. Kinalma niya ang sarili. Palibhasa ay ngayon lang siya nasabihan ng ganoon. Naiilang tuloy siya kahit ano'ng pigil niya.
"Tara na nga. Lakarin na lang natin ang papuntang Clientle at Sonics," tukoy na aya niya sa dalawang malalaking call center. Kung tutuusin, isang jeep pa iyon pero dahil short na siya sa budget, magtitiis na lang siyang maglakad. Mabuti na lang, hindi napapagod o nagugutom si Dem. Kung nakakaramdam ito ng ganoon, siguradong matagal na itong nagreklamo. Gayunman, solo niyang nararamdaman ang pagod kaya sa tuwing umuuwi sila ay bagsak na siya sa kama.
At siguradong ganoon uli siya sa paguwi nila. Itutulog na lang niya ang gutom dahil wala na rin silang pera.
Napabuntong hininga na lang si Kaye.
SHIT. MANDURUKOT. Dinudukutan niya si Kaye! hindi makapaniwalang saad ng isip ni Demetineirre ng mapansin ang katabi ni Kaye na lalaki sa kaliwa na pasimpleng binubuksan ang sling bag ng dalaga. Pasimple niyang iginala ang paningin at ng makitang walang nakakapansin, lihim siyang napamura. He wanted to kick his ass but he couldn't. Natutulog si Kaye sa balikat niya. Kaunting galaw ay siguradong magigising ito. Pagod na pagod pa naman ito kakalakad nila. Kita na niya iyon sa mukha nito kaya hindi na niya pinigilan ng makatulog.
"Ano 'yan?" hindi mapigilang sita niya sa lalaki at marahan itong tinulak sa balikat dahil iyon lang ang abot niya.
Nagulat ito sa ginawa niya at namutla. Mukhang hindi inaasahang papalag siya. Gayunman, nakikita ni Demetineirre na maitim talaga ang budhi nito. Kagaya ng lalaking nagtangkang gumahasa kay Kaye, maitim ang aura nito—aura na gustong-gusto nilang mga demons. Nakikita niya iyon at naamoy.
Pero sa pagkakataong iyon, hindi niya gusto iyon. Nagagalit siya at ginustong kuhanin agad ang kaluluwa nito para itapon sa impyerno. Doon nababagay iyon: sa dagat-dagatang apoy ng underworld. Araw-gabi, nasusunog. Hindi tinitigilan ng mga kapwa demons niyang sunugin para iparamdam na iyon ang deserve nila sa pagkakaroon ng maitim na budhi noong nabubuhay pa.
"H-Huwag kang mayabang. May kasama ako dito sa loob ng MRT at—aray!" gulat na angal nito ng suntukin niya ang ilong. Kasama ng suntok ay mayroon din iyong puwersa ng lakas niya bilang demon. Sa lakas noon ay natumba ito sa kinauupuan. Nasa dulo kasi ito ng upuan. Bukod doon ay wala itong katabi kaya bumaligtad ito.
Agad siyang napatingin kay Kaye. Hindi alam ni Dem kung matutuwa o mamangha sa babae. Tulog mantika ito. Ni hindi napansin ang komosyong iyon. Lalo pa niya itong niyakap para hindi maistorbo.
"G-Gago ka!" reklamo ng lalaki at dinaluhan ito ng ibang tao. Napamura ito ng makitang duguan na ang ilong.
"Alam ko," maangas na sagot ni Demetineirre saka napabuga ng hangin. "Hindi mo alam kung gaano ako kagago kaya magingat ka sa ginagawa mo." banta niya rito sabay nag-blink ang mga ilaw at nagkaroon ng pagyanig sa loob ng MRT. Dahil sa sobrang inis, mukhang sumingaw ang aura niya bilang demon. Pasalamat na lang ang lalaki dahil kung nagkataong walang tao, ginamit pa niya ang kapangyarihan para makuha ang kaluluwa nito.
Isang linggo na ang nakakaraan ng mawalan ng bisa ang spell na iginawad ni Kaye sa kanya. Alam niyang dapat na niya itong iwanan o mas tamang gantihan pero... hindi niya magawa. Papaano niya iyon magagawa kung nakikita niyang nahihirapan na ito sa buhay? Nahihirapan na nga, hindi pa naiisipang gumawa ng masama. Silang mga demons ay aminadong kinikilabutan sa ganoong klaseng tao. But instead, he was still there. Honestly, he had attachment that's why he couldn't just leave her...
Natigilan ang mandurukot hanggang sa kinabakasan niya ng takot. Nagkaroon tuloy ng impit na tilian dahil doon. Takot na takot ang lalaking umalis. Nakisiksik ito sa maraming tao at ang mga nakatabi naman nila ay nagsialisan. Napabuga siya ng hangin. He didn't give a shit! Bahala sila sa mga iisipin nila basta siya, nakuntento dahil nawala ang peligro sa buhay ni Kaye.
Natahimik na rin siya hanggang sa nagising si Kaye. Saktong huminto na rin ang train sa station nila at inalalayan niya itong makatayo. Hindi na nito napansing inilagan sila ng mga kapwa pasahero dahil lango pa rin ito sa antok.
Lumabas na sila. Alalay pa rin siya rito dahil lutang ito sa antok. Mukhang pagod na pagod. Nasasanay na siya sa takbo ng buhay sa mundo. Sanay na rin siya sa takbo ng buhay ni Kaye.
Something was really wrong... anas ni Demetineirre habang pinagmamasdan si Kaye. Ni hindi na siya kinausap. Dire-diretso itong pumasok sa bahay at pabagsak na dumapa sa kama. Ni hindi rin ito kumain. Ni wala pa nga itong matinong kain. Nagtitipid ba ito o... wala ng pera?
Napabuntong hininga si Demetineirre at napatingin sa bag ni Kaye. Binuksan niya iyon at tiningnan ang wallet nito. Mahina siyang napamura ng makitang singkwenta pesos na lang ang laman noon. Tapos ay muntikan pa itong madukutan! What the hell was that?
Bumigat ang dibdib ni Demetineirre at nanghihinang napaupo sa tabi ni Kaye. Honestly, wala siyang alam para payamanin ito kaya hindi niya matulungan. Bilang demon, kasamaan ang puwede niyang ituro dito. Utusan itong magnakaw at turuang magbenta ng aliw.
Napabuntong hininga siya dahil ramdam niya sa sariling ayaw niya ring gawin iyon. Natutop niya ang noo at napailing sa sarili. This woman was really driving him insane! He was starting to do crazy things for her. Ah, he was really out of control now. Kailangan pa naman niyang makipag-communicate sa underworld. Siguradong nagkakagulo na sila doon dahil sa bigla niyang pagkawala pero hayun siya, nanatiling kasama pa rin ang dalaga. Itinago pa nga niya sa mga kapwa demons ang kapangyarihan para hindi siya ma-trace at matuklasan ang tungkol kay Kaye. Malala na talaga siguro siya.
Tama. Malala na siya dahil nagiisip siya ngayon ng paraan para makatulong. Napabuntong hininga na lang si Demetineirre at nagisip ng paraan.