webnovel

Chapter 13

"STABLE na ang kondisyon niya. Nabigla lang siya marahil dahil sa dami ng iniisip niya. Matagal na niyang iniinda ang sakit niya at matagal ko na siyang pinayuhan na huwag papagurin ang sarili niya sa kaiisip nang kung anu-ano," sabi ng doctor na tumingin kay Horacio.

Nagpapahinga na ito sa kuwartong nakalaan para dito subalit hindi pa rin humuhupa ang tensiyon na nararamdaman ni Atasha. Manhid pa rin ang utak niya. Hindi pa rin siya nakaka-recover nang atakihin sa puso si Horacio dahil sa labis na galit sa kanya.

"Pero hindi po niya sinabi sa amin ang kondisyon niya, Doktor," anang si Bettina na hindi tumitigil sa pag-iyak. "Kung alam ko lang…" Hindi nito naituloy pa ang sasabihin dahil nagpatuloy na naman ito sa paghagulgol. "Kasalanan ko ito!"

"Tumahan na po kayo, Tita. Hindi naman natin alam," bulong niya.

She didn't know how to console her. Dahil mas malaki ang kasalanan niya. Siya ang sinisisi ni Horacio bilang puno't dulo ng lahat ng problema. Tama ito. Kung noon pa sana siya nagpakasal kay Kurt, hindi sana magiging magulo ang lahat. Pero hindi siya nagsisisi na hangarin ang kaligayahan ng pinsang si Kim. Ginawa lang niya ang alam niyang tama. Hindi lang niya alam na ganito ang magiging resulta.

"Kailan po siya maaring lumabas, Doc?" tanong ni Kurt. Sa kanilang tatlo, ito lang ang kampante na humarap sa doktor dahil hindi ito emosyonal. Ito ang kumakalma sa kanila habang halos histerikal na sila ni Bettina. At kahit minsan, hindi siya nakarinig ng sumbat mula dito.

"Kailangan pa siyang obserbahan. It was only a minor heart attack but it could be fatal next time. Ipagpasalamat na lang natin na hindi siya kailangang operahan. Basta huwag lang siyang magkakaroon ng problema. Para hindi na siya magkaroon pa ng anumang isipin at hindi na lumala pa ang kondisyon niya. All he needs right now is enough rest." Pinisil ng doctor sa balikat si Bettina. "Aasahan ko po na susundin ninyo ang lahat ng bilin ko."

Tumango si Bettina. "Pwede po ba namin siyang makita?"

"Oo," sabi ng doctor. "Pero sandali lang dahil kailangan niya ng pahinga."

"Salamat po, Doc," sabi ni Kurt at kinamayan ito.

Nauna nang pumasok sa kuwarto si Bettina. Susunod na sana si Kurt nang mapansin nitong hindi pa rin siya gumagalaw sa kinauupuan. "Hindi ka ba papasok sa loob para makita ang Tito Horacio mo?"

Umiling siya habang nakatulala sa puting dingding ng hallway. "Hindi na. Ikaw na lang. Baka lalo lang magkasakit si Tito kapag nakita ako."

"You can't undo what you did. Ginawa mo lang ang inisip mong tama."

Tiningala niya ito. Wala siyang makitang kahit anong hinanakit sa mga mata nito. And she didn't expect to hear kind words from him. Hindi siya sa sanay. Dapat ay nagwawala ito at sinisisi siya. O hindi lang marahil ito normal na tao.

"Ikaw na lang ang pumasok, Kurt. Papasok din ako kapag handa na ako at napatawad ko na ang sarili ko."

Nang pumasok si Kurt ay lumabas naman si Bettina. Malungkot ang anyo nito subalit hindi na ito umiiyak. "Hindi ko alam na hahantong sa ganito. Bakit ganoon? Gusto ko lang namang maging masaya ang anak ko. Bakit kailangang ang asawa ko ang magbayad? Wala namang masama sa ginawa ko, hindi ba?"

Niyakap niya ito. "That's enough, Tita. Stop blaming yourself. Kasalanan ko naman ang lahat."

"Pero tumulong rin ako sa pagtakas nila Rohann at Atasha. Hindi ko alam kung mapapatawad ko ang sarili ko."

"Mas lalo ako, Tita. Ang totoo, naguguluhan po ako. Akala ko kasi, magiging simple ang lahat. Na kaya kong harapin ang konsekwensiya ng lahat ng ginawa ko para kay Ate Kim. Pero hindi pala lahat ng tama ay may resultang maganda. Ni hindi ko alam kung ano ang magagawa ko para patawarin ako ni Tito."

She always saw Horacio as a villain. Tingin niya dito noon ay isang lalaki na walang halaga kundi ang ambisyon at kayamanan. Pero tao lang ito. Hinahangad lang nito ang makabubuti sa pamilya nila. At sa huli, ito pa ang nanganib. Hindi lang ang kalusugan nito kundi maging ang pangalan ng kanilang pamilya.

"Isa lang ang naiisip kong paraan para patawarin ka niya at matapos ang lahat ng problemang kinakaharap natin ngayon."

"Ano po?" tanong niya.

"Pakasalan mo si Kurt. Ikaw ang pumalit kay Kimberly."

Natigagal siya. "P-Pero imposible po ang hinihingi ninyo, Tita! Ni hindi ko siya gusto." Mas gugustuhin niyang sila ang magpalit ng sitwasyon ng Tito Horacio niya. Na siya na lang ang magkasakit para dito.

Ginagap nito ang kamay niya. "But this is the only way. Kung pakakasalan mo si Kurt, hindi na natin kailangan pang intindihin na mawawala sa atin ang kayamanan ng pamilya. Hindi na kailangan pang mag-alala ng Tito Horacio mo. Nagmamakaawa ako. Kung ako, kaya ko ring maghirap huwag ka lang ipakasal kay Kurt. Pero buhay ng tito mo ang nakataya dito," nagmamakaawa nitong sabi at muling napaluha. "Wala na tayong pagpipilian. At sa palagay mo ba, magiging masaya ang Ate Kim mo kapag nalaman niya ang nangyari sa papa niya?"

Namayani ang katahimikan. Gusto man niyang sagipin ang buhay ng tito niya, hindi niya alam kung kaya niyang pakasalan si Kurt. Hindi iyon madali. Pero kailangan niyang magdesisyon. Ang pagpapahalaga niya sa sarili o ang buhay ng isang taong mahal niya? Kapag nagkamali siya ng desisyon, tiyak na mawawala ang lahat ginawa nilang pagsasakripisyo.

Hanggang sa bumalik si Kurt ay wala pa rin siyang masabi. "Babalik na po ako sa hotel, Tita," magalang nitong sabi at kinintalan ng halik sa noo si Bettina. "Kailangan ko pa pong harapin ang mga bisita para sabihing hindi na matutuloy ang engagement namin ni Kim."

"Sasama ako sa iyo pabalik," sabi niya sa pormal na boses.

"Pero kailangan ng makakasama ni Tita Bettina dito para bantayan si Tito Horacio. Kaya ko nang harapin ang mga bisita nang mag-isa."

Direkta niya itong tiningnan sa mga mata. Hindi siya sumusulyap kay Bettina dahil ayaw niyang manghina habang bumubuo ng desisyon sa isip. "Nagpaalam na ako sa kanya. Kailangan nating mag-usap."

Chương tiếp theo