webnovel

Chapter 11

PALINGA-LINGA si Quincy pagpasok sa Rider's Verandah. Hinagilap agad ng mga mata niya si Yuan at ang babae nito. "Quincy, what are you doing here? Hindi ba day off mo?" tanong ni Miles na paakyat sa second floor ng restaurant.

"Nakita mo ba si Sir Yuan?" tanong niya.

"Oo. Nasa second floor. Kasama pa nga niya si Theresa Garcia, eh!"

"Theresa Garcia? At sino naman ang babaeng iyon?" Kung bakit ang na-research lang niya ay ang mga members ng club. Wala siyang alam sa mga babaeng posibleng nadidikit sa pangalan ni Yuan.

"Semifinalist siya sa Miss Earth beauty pageant. Hindi nga lang siya nakapasok sa finals. Sa question and answer portion, may ipinakitang picture sa kanya. It was a barren land, parang disyerto. Sagutin ba naman ng too much pollution. Talo tuloy."

Napangiwi siya. Ganoong babae ang idine-date ni Yuan? "Salamat sa info."

"Hamak na mas maganda ka naman doon."

"Alam ko," taas-noong sabi niya. "Sige, ha? Aakyat lang ako."

"Teka, ano'ng gagawin mo? Susugurin mo sina Sir Yuan at si Theresa?" Katulad ni Jhunnica, nagkakahinala na rin kasi si Miles na may gusto siya kay Yuan.

"Hindi. Magpapakuha ako ng picture."

Pag-akyat sa second floor, nahagip agad ng mga paningin niya sina Yuan at Theresa na nasa paboritong mesa ng una. Nagpalinga-linga siya. Magtago kaya siya na parang secret agent? Ang kaso, magmumukha naman siyang tanga kapag ginawa niya iyon. Isa pa, nakita na siya ni Yuan at kasalukuyang masama ang tingin sa kanya. Paano pa siya magtatago?

She ran out of options. Nakangiting lumapit siya rito. "Hi!" bati niya.

Dalawang pares ng matalim na mga mata na ang nakatingin sa kanya. Possessive na yumakap si Theresa sa braso ni Yuan na parang aagawin niya ang binata rito.

"What do you want?" Yuan asked in a grave tone.

"Can I take your picture?"

"Nakunan mo na kami ng picture ni Arrowhead, hindi ba?"

"Her picture," aniya na itinuro pa si Theresa. "Not yours."

Awtomatikong ngumiti si Theresa. "Sure. Sure. Are you my fan?"

"Yes, Miss Theresa. Kayo ang favorite candidate ko roon sa Miss Earth. Nagtaka nga ako kung bakit natalo kayo. Ang galing-galing pa mandin ninyo."

"Alam mo ba na nakakaabala ka sa lunch namin?" tanong ni Yuan.

"Be nice to her. She's my fan," nakangiting baling sa kanya si Theresa. "Puwede bang isama mo na rin ang babes ko sa picture?"

"Huwag na lang," sabi ni Yuan.

"Sumama ka na, Sir Yuan. Nahihiya ka pa, eh!"

Idinikit ni Theresa ang mukha sa pisngi ni Yuan. "Babes, smile for the camera, please." Nag-flash ang digital camera. "Isa pa."

Iba't ibang sweet na pose ang kinunan niya sa dalawa. Nariyang yumakap ang babae kay Yuan o kaya ay humilig. Parang nasa isang romantic pictorial ang mga ito. Dapat nga ay matuwa siya dahil marami na siyang ebidensiya laban kay Yuan. Pero hindi niya maiwasang magngitngit. May pa-babes-babes pa kayong nalalaman. Taksil talaga kayo!

"That's enough!" wika ni Yuan.

"One more shot, please!" pakiusap ni Theresa.

Huminga siya nang malalim. "Okay. One, two..."

Pagdating ng three ay hinalikan ni Theresa nang mariin si Yuan sa mga labi. Natigagal na lang siya. Nanginginig ang mga kamay niya pagkatapos kunan ang dalawa.

"T-thank you," naiusal niya saka dali-daling tumalikod.

Hindi na siya makahinga sa sobrang gigil. Kanina pa kayo nagpapakasaya, mga taksil! Sa harap ko pa! Iyon pala ang ginagawa ni Yuan habang nakatalikod siya. Kung sinu-sinong babae ang hinahalikan.`Tapos ako, simpleng halik lang sa pisngi ang ibinigay noong debut ko. Puro na lang sa pisngi. Ako ang pakakasalan mo!

Chương tiếp theo