PAUWI na si Miles sa staff house ay di pa rin mawala sa isip niya ang tungkol sa paparating na tournament. "Sino nga kaya ang makaka-date niya? Imposibleng ako dahil wala namang sinasabi si Gino." Di niya maiwasang mainggit at magselos sa kung sinuman ang makaka-date nito. "Nakakainis! Bakit pa kasi nabanggit ni Quincy? Sana hindi na ako namomoroblema nang ganito!"
Ano ang gagawin niya kapag nakita niya si Gino na may kasamang ibang babae? Makakakilos pa ba siya nang normal? Baka matulala na lang siya. O kaya ay sungitan ang mga kasama niya. "Di ako dapat magpaapekto!"
Malapit na siya sa staff's house nang may tumawag sa pangalan niya. "Miles! Miles, sandali lang!" anang si Gino. "May sasabihin ako sa iyo!"
Tumigil siya sa paglalakad. "Bakit, Sir?"
"Yayayain sana kita sa Sabado. We have a tournament and I want you to cheer for me. I want you as my date."
Tumigil sa pagtibok ang puso niya. She was half-expecting it. Pero di niya alam kung ano ang dapat sabihin. "Ahhh… may trabaho kasi ako."
"So? Pwede ka namang mag-day off sa ibang araw, di ba?"
"Ano… iba na lang ang yayain mo. Alam mo naman ang sagot ko, di ba?"
"Na ayaw mo akong maka-date? Oo. Basta ikaw pa rin ang gusto kong ka-date. Ipapadala ko ang isusuot mo. Bahala ka kung isusuot mo o hindi."
NAPAPITLAG si Miles nang sikuhin siya ni Quincy. "Hoy! Tulala ka na naman. Dalhin mo na iyang order sa table fifteen. Baka mapagalitan pa tayo."
"Pasensiya na," usal niya at isinerve ang order. Araw iyon ng tournament pero pinili niyang magtrabaho na lang. Nasa kuwarto pa rin niya ang damit na ipinadala ni Gino. It was too pretty. Masasayang lang sa kanya. Ipinabalik na niya iyon nang nakaraang araw pero bumalik ulit sa kanya kaninang umaga.
"Sabi ko naman sa iyo, samahan mo na lang si Sir Gino. Ano? Aayaw-ayaw ka tapos malulungkot ka. Ewan ko ba kung bakit magulo ang kukote mo."
"Kasi… Basta! Magtrabaho na nga lang tayo!"
Maraming guest nang araw na iyon. Naroon ang lahat ng members at di pwedeng walang kasama. Ang iba nga ay isinama pa ang kanya-kanyang pamilya. Buwan-buwan ay may ginaganap na tournament para sa miyembro ng club. Pagkakataon na rin iyon para makakilala ng bagong kaibigan. Ang iba naman ay ginagamit na pagkakataon iyon para sa negosyo. Sa sobrang dami ng tao ay nagdagdag pa sila ng mesa sa labas ng restaurant.
Kini-clear niya ang table sa labas nang pumasok si Gino at ang mga kaibigan nito. Kasa-kasama ang mga companion ng mga ito. Iniwas agad niya ang tingin. Ayaw na niyang malaman pa kung sino ang babaeng isinama ni Gino. Mas mabuti nang hindi ko alam. Para hindi ako masyadong magselos.
Nang di sinasadyang masulyapan niya si Gino ay napansin niya na masaya itong nakikipag-usap sa katabing babae. Masaya nga siya kahit wala ako. Magpapasalamat pa nga siya dahil di ako pumayag makipag-date sa kanya.
"Miles, dalhin mo ito sa table ni Sir Gino," utos ni Jhunnica.
Pamanhirin mo na lang ang sarili mo. Ito naman ang gusto mo, di ba? Ang may kasama siyang ibang babae? Di siya pwedeng magmukhang tanga sa tournament para sa iyo. You are not that special either, Miles. Kaya wala kang karapatan na masaktan o magselos, wika niya sa sarili.
"Poor Gino. Hindi ko alam na wala kang ka-date. Sana tinawagan mo si Tonette. She's free today," anang si Jennelyn, anak ng isang dating sexy star.