webnovel

Chapter 51

"Welcome back!!!" Isang malaking tarpaulin ang sumalubong kila Jake at Lexi pagbaba nila ng sasakyan. Hinatid sila nila Carlo at Bianca mula Nueva Ecija hanggang sa ospital. Nasa entrance ang mga staffs ng Skylab Hospital na pinangungunahang nila Shane, Richie, at Bella, ang kani-kanilang mga magulang na sila Daniel at Mila at sila Ronnie at Tessie, sila Rhian at Anthony, pati ang kanilang mga kaibigan ay kumpleto, si Phil na halos kalalabas lang mula sa ospital ay nandoon din. Sinalubong sila ng mga ito at hindi magkamayaw sa pagyakap at paghalik sa kanilang dalawa na akala mo galing silang abroad na matagal na hindi nakauwi.

"Best!" Tawag ni Lexi kay Phil. "Best!" Ganting tawag ni Phil at nagyakap ang dalawa. Hindi mapigilan ni Lexi ang maiyak dahil sa nangyari sa bestfriend dahil sa kanya, "Sorry, Best..." Sabi ni Lexi habang humihikbi. "Tapos na 'yun, wala kang kasalanan." Sabi ni Phil habang hinahagod ang likod ng bestfriend. "Ehem, ehem..." Tikhim ni Jake na nagpahiwalay sa dalawang magkaibigan. "Selos ka naman." Biro ni Phil sa binata. "Hindi ah." Sagot ni Jake. "Hindi ba? Okay..." Sabi ni Phil sabay hila ulit kay Lexi para yakapin. Hindi na umabot kay Phil ang katawan ni Lexi dahil nagmamadaling yumakap si Jake sa kanya. "Pre, yung mga sugat ko!" Sabi ni Phil na pilit kumakawala sa yakap ni Jake.

"Ate Lexi!" Si Rhian naman ang tumawag sa dalaga pagkatapos ay nagyakap ng mahigpit ang dalawang dalaga. "Handa ka na ba?" Tanong ni Rhian kay Lexi, dahilan para kumunot ang noo niya. "Handa para saan?" Takang tanong ni Lexi. Inakbayan ni Anthony ang girlfriend saka diniinan ang kamay sa balikat nito. "Ah, handa ka na bang kumain ng madami. Grabe! Ang daming pagkain sa loob. Hehehe." Sabi ni Rhian na gustong batukan ang sarili dahil muntik na siyang madulas.

Pumasok na ang lahat sa loob para simulan na ang maliit na sorpresang si Lexi lang ang hindi nakakaalam...

Nagulat si Lexi ng pumasok sila sa loob dahil akala mo may birthday ang ayos sa loob ng auditorium. Nagsimula ng magsikuha ng pagkain ang lahat sa buffet table. Hinila siya ni Rhian at Bianca, kasama sila Tanya, Heleana, Melanie, at Joanna, para kumuha na ng pagkain. Habang naglalakad papuntang buffet table ay hinanap niya si Jake. "Nasaan si Kuya mo, Rhian?" Tanong ni Lexi. "Naman Ate Lexi, halos two weeks kayong magkasama, 'di ka ba nagsasawa sa pagmumukha ni Kuya?" Sabi ni Rhian. "Oo nga naman, hayaan mo naman mamiss ninyo ang isa't isa kahit sandali." Sabi ni Tanya. "Nako, kung alam n'yo lang ang pinaggagawa niyang dalawang 'yan sa safehouse." Tukso ni Bianca na ikinapula ng mukha ni Lexi. "Gaya ng?" Nakangising tanong ni Heleana. "Mamaya, ikukwento ko sa inyo lahat." Sagot ni Bianca at nagkatawanan sila dahil lalong namula si Lexi.

Nakakuha na sila ng pagkain pero hindi pa din nakikita ni Lexi si Jake. "Huwag kang mag-alala, nandiyan lang ang mga iyon. Baka nagkwekwentuhan lang." Sabi ni Melanie ng makitang umiikot pa din ang paningin ni Lexi sa buong paligid. "Kasama naman niya sila Carlo. Kumain ka na." Sabi ni Bianca. Walang nagawa si Lexi kungdi sundin ang sinabi ng mga kaibigan.

Maya-maya ay may tumugtog na music sa background, Marry Me ni Thomas Rhett. Dahil wala ngang kaalam-alam si Lexi ay wala lang sa kanya ang music pero ang buong paligid ay napuno ng kilig.

"Tart..." Biglang nadinig ni Lexi ang boses ni Jake. Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses at nakita niya na nasa stage si Jake.

"Hindi ko alam kung paano ko mag-uumpisa, first timer eh." Simula ni Jake at natawa ang lahat. Lumabas mula sa backstage ang mga kaibigan nilang lalake at doon lang napansin ni Lexi na kasama ng mga ito sila Daniel at Ronnie.

"Sa totoo lang po naging mahirap ang preparation ko sa araw na 'to kasi nasa malayo po kaming dalawa ng maisip ko ito. Pero dahil na din sa tulong ng mga kaibigan ko, alam kong matatapos din ito at sana maging positive ang outcome." Sabi ni Jake na pinunasan ng panyo ang pawis sa noo.

"Heto na." Sabi ni Jake at huminga ng malalim. "Tart, noong una akala ko hindi talaga kita gusto. Gusto lang kitang inisin, asarin, galitin kasi gusto ko lagi mo akong pinapansin. Hindi ko alam na 'yung mga ginagawa ko sa'yo noon ay simula na pala ng pagkakagusto ko sa'yo kaso huli na kasi nagkalayo na tayo dahil nagpunta na kami sa States. Pero siguro, talagang tayo sa huli, harangan man tayo ng sibat, kasi binigyan ulit ako ng pagkakataon na makita at makasama ka pa." Halos lahat ay tahimik na nakikinig kay Jake. Si Lexi naman ay sobra ang kabog ng dibdib.

"Habang dumadaan ang mga araw ay lalong naging malalim ang pagtingin ko sa'yo at alam ko na ganoon ka din sa akin." Sabi ni Jake sabay kindat kay Lexi dahilan para mangiti ang dalaga at matawa ang lahat. "Tatay Ronnie, sorry po ulit kung sinira ko ang tiwala n'yo sa akin. Sobrang ganda lang po talaga ni Lexi kaya hindi ko napigil ang sarili ko." Sabi ni Jake dahilan para ulanin ng tukso si Lexi ng mga kaibigan sa pangunguna ni Bianca. Tinanguan naman ni Ronnie si Jake pagkatapos ay lumapit sa anak at itinayo ito mula sa pagkakaupo. Hinatid ni Ronnie ang anak sa stage at pagkatapos ay bumaba na din. Lumapit si Jake kay Lexi at hinawakan nito ang kamay ng dalaga. "Sa totoo lang po, parehong nanlalamig ang kamay naming dalawa." Sabi ni Jake kaya nahampas siya ni Lexi sa dibdib dahilan para matawa ang lahat.

"Tart?" Sabi ni Jake. "Mmm." Sagot ni Lexi. "I love you." Sabi ni Jake. "I love you." Mahinang sabi ni Lexi. "Ano?" Kunyaring nagbingi-bingihan si Jake na ikinaikot ng mata ni Lexi. "I love you too." Malakas na sabi ni Lexi. "Yown!" Sabi ni Jake kaya napuno ng tawa ang paligid. "Pakasal na tayo!" Walang kaabog-abog na sabi ni Jake para muling tumawa ang lahat. "Tara!" Patol naman ni Lexi sabay hila sa binata pero hindi naman natinag ang binata sa pagkakatayo.

"Seryoso na tayo, Tart." Sabi ni Jake. Huminga ulit ng malalim si Jake. "Lexi del Rosario, will you marry me?" Seryosong tanong ni Jake na nakaluhod sa harap ni Lexi at hawak ang isang box na nakabukas at nakalagay ang engagement ring na binili ni Anthony kasama si Rhian. "Pag-iisipan ko." Sagot ni Lexi na nakangiti dahilan para matawa ulit ang lahat. "Tart naman!" Maktol ni Jake. "Yes, Mr. Jake de Castro, I will marry you." Sagot ni Lexi at lumuhod din para maging pantay sila ni Jake. Sinuot ni Jake ang singsing sa kamay ni Lexi at pagkatapos ay nagyakap at naghalikan silang dalawa dahilan para magsigawan at magpalakpakan ang lahat.

Chương tiếp theo