Sa pagkagat ng dilim ay binalot agad siyang bumangon mula sa kinahihigaang kawayan na katre at tumungo sa kalapit bintana. Doon ay nakita niyang halos handa na ang lahat para sa gagaping selebrasyon at hindi magtatagal ay magsisimula na rin ito; lahat ng taong naninirahan sa sitio Delano ay narito at nagtipon-tipon para sa taunang okasyon.
"Calisto! Bumaba ka na rito, tinatawag ka na ng iyong ama." Sabi ng lalakeng tumatawag sa kaniya sa mula sa baba.
Tinanguan lang niya ito at isinara ang bintana ng kaniyang silid. Agad naman siyang bumaba sa unang palapag ng kanilang lumang bahay at wala na siyang naabutan pa roon na kapamilya kung kaya't dali-dali siyang lumabas.
Mainit, maalinsangan ang panahon dahil sa mga nagkalat na sulo; nakatarak ito malapit sa mga kabahayan na sapat lamang ang distansya o layo upang bigyang gabay at liwanag ang malawak na bakuran. Sa gitna naman ay naroon ang isang rektanggulong hukay na binalot ng luwad, ang sisidlan ng kanilang espesyal na babae na mahalaga para sa kanilang okasyon, at anim naman na naglalakihang troso ang nakapaligid dito na maayos ang pagkakahanay.
"Calisto, anak halika rito." Tawag ng kaniyang ama nang makita siya nito.
"Ano po 'yun, ama?"
"Dahil wala na si Jorros, gusto kong ikaw ang manguna sa selebrasyon ito." Sabi nito na ikinasigla ng kaniyang sarili, "Ayusin mo anak, para sa kaniya."
"Opo," nakangiting tumango si Calisto.
Kinuha naman nito ang kaniyang kamay at saka may inilagay ang sariling ama sa kaniyang nakabukas na palad, "Heto, Isuot mo 'yan kaagad." Ani nito matapos maibigay ang sariling kuwintas na palaging suot-suot.
Napatingin siya sa ibinigay ng kaniyang ama at hindi niya halos maintindihan ang sarili sa labis na tuwa matapos ibinigay nito ang katangi-tanging kuwintas sa sitio, ang kuwintas na sinasabing pagmamay-ari ng kanilang sinaunang panginoon na naipasa sa mga pinuno ng bawat henerasyon.
Sinasabing itong kuwintas ay ang pinagsamang buto ng kanilang panginoon mismo at ng ngipin ng mga nagdaang pinuno; inukit at ginawang perpektong bilog ang buto mula sa bungo ng kanilang panginoon na may katamtamang laki na butas sa gitna na nagsilbing palawit, at ang natitirang bahagi ng kuwintas ay ang mga ngipin. Ang masuot itong kuwintas ay isang malaking prebelihiyo para sa kaniya;
"Salamat po," nagagalak niyang saad.
Tinanguan lang naman siya ng kaniyang ama at mahigpit siyang hinawakan sa balikat bago ito umalis, sinundan lang niya ng tingin ang sariling ama na nagtungo sa mga kakilala nito at doon nakipag-usap ng importantng bagay. Walang masisidlan ang tuwang nadarama niya, sabik na sabik talaga siya sa tsansang ipinagkaloob ng kaniyang ama. At hangga't hindi pa nagsisimula ang seremonya ay dinaluhan niya ang mahahabang mesa na nakahilera sa may kaliwang bahagi ng bakuran.
"Calisto, halika kumain ka muna." Aya sa kaniya ni Manong Jun at binati siya ng matamis na ngiti.
"Sige po, salamat. Medyo nagugutom nga rin po ako." Sabi niya at kumuha ng isang piraso ng karne sa isang dahon ng saging na nakalatag sa mesa.
"Masarap ba?"
Tatlong sunod-sunod na tango ang sagot niya bilang pagsang-ayon. Tunay ngang masarap ang inihaw na karne ng tao; nalalasap talaga niya ang tamis nito na nanuot sa karne, at malambot din ito na madaling nguyain.
"Kahit kailan po, ikaw po ang may pinakamasarap na timpa rito sa sitio. Hindi magtatagal mamaya ay tiyak na mauubos itong mga hinanda mo." Aniya at pumulot ulit ng isa pang piraso ng karne.
"Salamat iho," sabi nito, "Magpakabusog ka lang diyan, may aasikasuhin lang ako."
"Sige po,"
Hindi nagtagal ay biglang tumunog ang kampana ng sitio. umalingawngaw ang dumadagundong nitong tunog sa paligid na nagbigay hudyat sa lahat na magsisimula na ang seremonya. Sa galak ni Calisto ay agad niyang iniwanan ang mesang puno ng pagkain at diretsong tinungo ang hukay sa may 'di kalayuan na may lamang naglalagablab na apoy, gaya niya ay nagsitungo na rin ang mga tao sa gawi ng hukay at lahat sila'y may iisang pakay.
Nang tuluyang nakalapit ay agad niyang hinubad ang sariling damit; inalis niya ang pantaas at diretsong itinapon sa apoy, kasunod nito ay ang kaniyang pangbaba na pantalon. Hubo't-hubad siyang nakatayo sa bukana ng hukay habang pinapanood kung paano tupukin ng apoy ang kaniyang damit; ramdam niya ang init na hatid nito na nagpawi sa panlalamig na katawan. Kalaunan ay mas lalong lumakas ang lagablab ng apoy nang itapon din ng ibang taong dumalo ang kanilang mga damit. Dinagdagan naman nila ito ng mga sinibak na kahoy at upang suportahan ang pagtupok ng mga damit na bagong tapon.
Umalis na si Calisto at hinayaan muna ang iba roon na maghubad at sunugin ang kaniya-kaniyang damit. Dahan-dahan namang napawi ang init sa nakatambad niyang katawan nang lumayo siya sa apoy at napalitan ito ng lamig dulot ng malakas na bugso ng hanging humahaplos sa kaniyang kabuoan. Walang malisya ang maglakad ng nakahubad sa mga oras na 'yun lalo pa't gaganapin ang espesyal na selebrasyon, sa puntong ito ay magiging iisa lang ang mamamayan ng sitio na bibigyan ng kahalagahan ang araw na ito.
Agad niyang tinungo ang isang malaking platapormang nakahanda na gawa sa kawayan at doon sumampa at pumatong sa pinakamataas na bahagi. Mula sa pwesto niya'y kitang-kita niya kung paano nagtulungan ang iilang kalalakihan upang buhatin ang anim na mga walang-malay na binatilyo, gaya nila'y hubo't hubad din ang mga ito bilang mga mahahalagang bahagi ng okasyon.
Bawat binatilyo ay dinala sa kaniya-kaniyang poste ng troso, doon ay itinali silang hubo't-hubad din. Sabik na sabik si Calisto nang makita ang anim na binatilyong nakapaligid sa pangunahing hukay kung saan naroon ang isang babae. At nakapaligid sa likod nitong mga troso ay ang mga taong maayos na nakahilera; lahat ay nakahubo't hubad at nakaluhod sa maalikabok at mabatomg na lupa habang nakapako lang ang tingin sa gitna.