Chapter 2
"ANAK! DIYOS KO! Bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa namin hinihintay ng 'yong ama..."
Iniabot naman agad ng kaniyang Inang Victoria ang dala niyang basket na puno ng mga gulay at kasangkapan sa pagluluto. Lumapit naman sa kaniya ang Amang si Romulos at pinakatitigan siya na may pagaalala sa mukha.
Ngumiti siya sa mga ito saka isinara na ang pinto ng kanilang bahay. Mahirap na at baka pasukin sila ng mga magnanakaw. Balita pa naman niya kanina doon sa palengke na uso ngayon ang akya't bahay.
Hindi rin naman kasi sila ganoon kahirap sa buhay. Masasabi niyang katamtaman ang estado nila. Nakakain naman kasi sila ng tatlong beses sa isang araw. Bumaling siya sa kaniyang Ina.
"Natagalan po kasi ako sa bayan, Ina. Kung kaya't gabi na po akong naka-uwi."
"Diyos ko, anak. Mabuti na lamang at walang nangyaring masama sa'yo. Sa susunod sumabay ka na sa Amang mo sa pag-uwi. Para hindi ako mag-alala sa'yo ng ganito."
Tumango na lamang siya saka tumungo sa lamesa para uminom ng tubig. Habang umiinom siya biglang nagsalita ang kaniyang Ama.
"Wala bang nanakit sa'yo anak? Sabihin mo lang at nang mapag-sabihan ko.."
Umiling siya at bumaling dito nang matapos na siyang uminom. "Wala naman, Ama. Okay naman po ang araw ko ngayon. Walang gulo, nagsasawa narin siguro sila sa panlalait sa akin at sa pambubogbog."
Nilapitan siya ng Ina, at hinawakan ang kaniyang kulubot na mga kamay. Ngumiti ito sa kaniya, at nababanaag niya sa mga mata nito ang awa at pighati para sa kaniya.
"Anak, Oddyseus. Sabihin mo lang sa amin kung kailangan mo ng tulong. Huwag kang magdadalawang isip. Andito lang kami, mahal na mahal ka namin."
Tumango siya saka ngumiti rito pabalik. Ayaw niyang sabihin sa mga ito ang problema niya, hangga't kaya niyang lampasan. Pero kung hindi na saka na lamang niya sasabihin sa mga ito.
Mahal na mahal niya ang mga ito at ayaw niyang madamay ito sa kamalasan niya sa buhay hangga't maaari akuin na niya ang lahat, huwag lang ang mga 'to mahirapan.
"Sige, Inay. Pangako ko, ho sasabihin ko agad sa inyo. Sa ngayon, mag-luto na ho tayo para makakain na ng hapunan. Alam 'kong kanina pa kayo gutom ni Itay."
Sa muling pagkakataon nagtawanan silang tatlo.
"ROMULOS hindi ko na kayang makitang nahihirapan ang ating anak, nalalapit na ang itinalaga na araw. Baka pang-habang buhay nang ganoon ang ating anak. Kailangan na makahanap agad tayo," wika ni Victoria sa asawa nito.
Nakamasid sila sa labas ng kabilang bahay. Tanging sinag lamang ng buwan ang nagsisilbi sa kanilang ilaw.
Huminga si Romulos saka bumaling sa asawa nitong puno ng pag-aalala ang mukha. Nakikitaan ang mga mata nito ng pangamba. Pangamba na baka tuluyan nang maging isang kuba ang anak nilang si Oddyseus.
Hinawakan niya ang kamay ng asawa saka pinisil ito. "Huwag kang mag-alala, Victoria. Pinapangako ko sa'yong gagawin ko ang lahat matapos lang ang lahat nang 'to. Para matapos na ang paghihirap ng anak natin, na ako dapat sana ang nagbabayad."
Umiyak na ng tuluyan ang kaniyang asawa na siyang dahilan ng unti-unting pagkadurog ng kaniyang puso.
"Walang ibang sisihin rito Romulos, kundi ako. Ako dapat ang sisihin, kung hindi sana kita pinilit noon na hanapan ako ng hilaw na mangga hindi sana ito mangyayari. Ako dapat, dahil ako ang kumain ng manggang iyon."
Niyakap niya ito saka isinandal sa kaniyang dibdib. "Hindi mo kasalanan mahal ko, ako ang dapat sisihin dahil kung hindi ko sana inakyat ang puno ng mangga na iyon. Hindi sana ako paparusahan ng diwata ngayon. Hindi sana isinumpa ang anak natin."
"A–ahh! Inay! Itay! A–ahh! T–tulong!"
Nanlalaki ang mga mata ni Romulos nang marinig ang sigaw ng anak na si Oddyseus mula sa kwarto niti. Ganoon rin ang kaniyang asawa na si Victoria.
Napatingin siya sa labas ng bintana at tinitigan ang bilog na bilog na buwan. Napaiyak na ng husto sa kaniyang tabi si Victoria.
"Diyos ko," tanging nai-wika nito habang humahagulhol na sa iyak.
"Nakalimutan natin na kabilugan pala ngayon ng buwan."
"H–halika, Romulos. Puntahan natin si Oddy, kailangan natin siyang maagapan..."
Tumango naman siya saka sumunod narin sa likod ng asawa.
Nakalimutan nilang kabilugan pala ngayon ng buwan. At kailangan nilang mapainom ng katas ng hilaw na mangga si Oddyseus, para hindi na sumakit ang kuba nitong nasa likuran. Maging ang patuloy na pagkalubot ng husto ng mga balat nito sa katawan.
Agad na lumuhod si Victoria sa gilid ng kama ni Oddyseus habang pinagmamasdan ang pamimilipit ng katawan ng anak dahil sa sakit.
Lumapit naman agad rito si Romulos at pilit na pinababangon ang kawawang anak.
"Anak, andito na kami. H–huwag kang mag-alala. M–mawawala narin iyan. Labanan mo anak...labanan mo."
"A–ahh! Ang sakit, Inay!"
Walang tigil sa pamamalipit sa sakit si Oddyseus habang hawak hawak niya ang likurang may kuba.
"A–anak, inumin mo ito nang mawala ang sakit nanararamdaman mo," biglang kibo ng Itay niya.
Pinilit niyang ibangon ang sarili kahit hirap na hirap na siya. Inalalayan naman siya ng kaniyang Ina na nakatayo na ngayon sa kaniyang mula sa pagkakasalampak sa sahig nito kanina.
Agad niyang ininom ang isang basong may lamang katas ng mangga na ibinigay sa kaniya ng Ama. Dumaloy ang mapait na lasa n'on sa kaniyang lalamunan na naghatid ng kakaibang lasa.
"Aaaaah!" Namilipit siya sa sakit nang dumaloy na sa kaniyang lalamunan ang gamot na ininom.
Butil-butil ang pawis sa kaniyang buong katawan. At mukhang kahit na anong oras parang babawian siya ng buhay. Pero hindi. Hindi siya susuko. Lalabanan niya ang nararamdaman ngayong sakit. Hinding-hindi siya magpapatalo.
"A–anak...patawad kung hindi dahil sa akin hindi ito mangyayari. Patawad," ani ng kaniyang Ina habang niyayakap siya.
Kahit papaano gumaan ang sakit na nararamdaman niya nang yakapin siya nito. Tinitigan niya ito saka siya umiling.
Hindi nito kasalanan ang lahat. Wala itong kasalanan sa nangyayari ngayon sa kaniya. Walang ibang sisihin kundi ang may gawa nito sa kaniya.
Nararamdaman niya rin ang besa ng gamot na ibinigay sa kaniya ng Ama. Nanghihina siyang dumausdos sa mga bisig ng Ina. Hindi na niya kaya ang bigat na nararamdaman sa kaniyang likod. Hirap na hirap narin siyang huminga sa mga oras na ito. Kailangan na niyang mamahinga, pagod na pagod na siya.
"Oddyseus! Oddyseus!" tawag ng kaniyang Ina at Ama bago nandilim sa kaniya ang lahat.