webnovel

7

"Maganda ba, Em?"

"Eh ito? Baka hindi bagay sa'kin, iba nalang."

"Bagay na ba?"

"Ito?"

"Wag nalang 'to. Para akong nanay nito."

"Ano sa tingin mo, Em?"

Kanina pa ako naririndi sa boses ni Kim. Gusto ko nang umuwi at magpahinga nalang. Kanina pa kami dito at marami-rami na rin kaming nabili. Lahat naman ng mga damit na nasubukan n'ya ay bagay talaga sa kan'ya.

Sobrang ganda lang talaga n'ya kaya siguro ang baba ng tingin n'ya sa ibang bagay. Katulad s'ya sa mga kabataan ngayon na nakikisabay sa uso pero ang bait-bait naman.

Hindi ko siguro mabilang kung ilang beses na n'ya akong tinulungan. Nasa kan'ya na siguro ang lahat kung bakit maraming humahanga sa kan'ya. Nakakainggit s'ya pero alam kong hindi dapat s'ya kinakainggitan dahil ganun naman talaga ang pagkatao n'ya noong una pa.

"Bagay naman sa'yo lahat Kim. Hindi mo na kailangan sumubok pa ng iba." Sabi ko imbes na sagutin ang mga tanong n'ya.

Hindi naman ako marunong mamili pero talagang bagay sa kan'ya lahat.

Sumimangot s'ya. "Klarong hindi talaga bagay sa'kin, Em. Pili pa tayo ng iba," sabi n'ya at hinila ako palabas ng boutique. Pumasok na naman kami sa isang mamahaling boutique.

Pinaupo ako ng isang staff sa pang-isahang sofa habang nagbibihis si Kim para makita ko kung bagay ba. Ngumiwi ako, hindi naman na n'ya kailangang mamili dahil bagay na sa kan'ya, ang kalakihan lang siguro ang kailangang piliin.

Tumingin-tingin ako sa isang brochure at mas lalong nalukot ang mukha ko nang makita ang mga suot ng mga model. Kulang sa tela ang mga damit ng mga ito, at nang tumingin ako sa kabilang pahina ay doon umawang ang mga mata ko nang makitang pati ang panloob ng mga ito ay kulang sa tela. Pati ba naman sa panloob babawasan ang tela? Hindi ba mas hindi komportable ang magsuot ng ganyan?

Tumingala ako nang biglang lumabas si Kim sa fitting room at nakasuot na s'ya ng simpleng dilaw na bestido at umikot-ikot sa harapan ko.

Ngumiti ako sa kan'ya at nagkomento. Ngumiti naman si Kim na mukhang nagustuhan din nito. Bumalik na naman s'ya sa loob at nagbihis, hinintay ko s'ya ng ilang minuto bago s'ya lumabas ng iba na naman ang suot.

Halos lahat ng mga ipinakita n'ya sa'kin ay puro nagustuhan ko, walang halong pilit dahil maganda naman talaga s'ya.

Nang matapos kaming bumili sa lahat ng kakailanganin n'ya ay dumiretso kami sa isang restaurant para doon nalang maghaponan. Naabutan talaga kami ng gabi sa katagalan ni Kim.

"Ang tagal mo naman kasi. Kaya gagastos ka na naman para sa pagkain mo." Sabi ko kay Kim.

"Nah. Okay lang sa pagkain natin. Bahala na kung wala na akong pera basta ang mahalaga ay makakain tayo. Damn, I'm hungry." Ani Kim sabay subo ng pagkain n'ya.

"Anong natin? Ako na ang babayad. At saka marami ka nang nagastos kaya ako na, pati sa pagkain mo."

Baka isipin n'ya na pera lang ang habol ko sa kan'ya, kaya ako na ang bahala sa pagkain namin. Mayroon naman akong pera dito sa pitaka.

"Ako na, Em. Last day na natin 'to at ilang buwan akong mawawala kaya gusto kong sulitin natin ang araw na 'to at ako na ang bahala sa gastusin." Aniya.

Huminga ako ng malalim at mariin na pumikit. Ayoko nang makipagtalo sa kan'ya, nakakasawa din palang makipagtalo na alam mong talo ka na.

"Sige."

Chương tiếp theo