webnovel

Indifference

Aliyah's Point of View

Kasabay ng pananakit ng pisngi at anit ko, ay ang pagsalakay ng kakaibang kaba sa dibdib ko sa banta ni Monique. Hindi naman sa maaari niyang gawin ako natatakot kundi sa posibilidad na mangyari kay lola Marta. Hindi ko alam kung mapapatawad ko ang sarili ko kapag may hindi magandang nangyari sa kanya.

" Sana hindi ka na nagmagaling para isiwalat ang katotohanan, wala sana tayo pare-pareho dito. Sobrang kating-kati ka na siguro na makasama si Onemig kaya hindi mo na inintindi ang kalagayan ni lola. Ngayon, anong magagawa mo para magising siya? At may gana ka pang sumunod dito matapos ang ginawa mo. Lumayas ka sa harap ko baka hindi lang yan ang abutin mo sa akin. Layas! " galit at nanlilisik ang mata ni Monique sa akin. Pilit nya akong inaabot pero yakap-yakap ako ni Onemig.

" Stop it Monique! Nakakahiya ka! " sabi ni Onemig.

" Ako pa ngayon ang nakakahiya? Yung lola ko, hayun at nakikipaglaban ngayon sa kamatayan dahil sa babaing yan!" dinuro pa nya ako.

" Ano ba ang kasalanan ni Aliyah, ha Monique? Yung pagsasabi ba niya ng katotohanan? " hinarap ni tita Bless si Monique.

" Kung hindi niya sinabi ang katotohanan, hindi sasama ang loob ni lola, hindi sana siya inatake, mommy. " sagot niya kay tita Bless.

" But you're the one who provoked her. Kung hindi mo pinilit at tinakot si Guilly na magsabi ng katotohanan, sa tingin mo ba aabot kayo sa ganong sitwasyon? Pinipigilan ka ni inang na tigilan mo yung bata hindi ba? Nakinig ka ba? Kahit sinong ina Monique, kapag ang anak na ang sangkot, aalma yan. " saad muli ni tita Bless.

" So, ngayon mommy, siya na ang kinakampihan nyo? Sabagay siya naman talaga ang manugang ninyo at gusto ninyo para sa anak nyo! " halos walang respetong turan niya kay tita Bless.

" Wala akong kinakampihan dito. Baka nakakalimutan mo na nandoon ako kanina at nasaksihan ko ang mga pangyayari. Lumabis ka kanina Monique, kaya huwag mong isisi ang lahat kay Liyah. " saad muli ni tita Bless.

" Sige mommy, kampihan mo ang mang-aagaw at malanding babaeng yan! " galit pang dinuro-duro ako ni Monique.

" Monique! Anak ko yang pinagsasalitaan mo ng hindi maganda. Kailanman ay walang inagaw sayo ang anak ko. Puro pagsasakripisyo ang ginawa ni Liyah dahil sa obligasyon ni Onemig sa inyo. Siya ang asawa pero sayo umuuwi si Onemig kahit na hindi naman niya obligasyong arugain ang batang hindi naman niya anak. Sino ngayon ang mang-aagaw? At lalong hindi siya malandi dahil isang lalaki lang ang pinagbigyan niya ng sarili niya. Isang beses ko pang marinig na pagsalitaan mo ng hindi maganda ang anak ko, may kalalagyan ka.Nagtitimpi lang ako sayo. " galit na galit na pinagsabihan siya ni mommy. Hindi siya nakakibo pero panay ang masamang tingin sa akin.

Natahimik na kami. Umupo na lang ulit ako sa pagitan ni mommy at tita Bless samantalang si Onemig ay naroon pa rin sa kabilang couch katabi si Monique. Hindi ko gusto ang nakikita kong pagtatabi nila sa upuan pero hinayaan ko na lang. Wala ng makakasama si Monique kung pati siya ay iiwan ito.

Nung makabalik si daddy at tito Migs ay saka lang kami natinag.

" Kumusta ang inang, mahal?" tanong agad ni tita Bless kay tito Migs.

" Nasa ICU na siya. Sabi ng doktor delikado ang atake niyang ito. Hindi pa malaman kung kailan siya magigising. Hanggang dalawa lang ang pwedeng pumasok dun kaya hindi rin tayo makakapunta lahat." sagot ni tito Migs.

" Mommy umuwi na po kayo. Kami na lang ni Monique ang maiiwan. Paki-asikaso na lang po si Travis pagdating ninyo sa bahay. " turan ni Onemig sa mga magulang.

Tila parang sinakal naman ako sa narinig. Pakiramdam ko namanhid bigla ang buong katawan ko. Bakit parang hindi yata niya alam na nasa paligid lang ako? Bakit yung anak ni Monique lang ang naalala niya gayong yung mismong anak niya ay halos magka-trauma sa ginawa ni Monique kanina dito?

" Sige kami na ang bahala. Uuwi na kami. Kung may kailangan kayo itawag na lang ninyo sa amin." tumango lang si Onemig saka mabilis ng hinila si Monique papunta sa ICU. Parang wala kami sa paligid at hindi man lang niya nakuhang magpaalam sa amin. Ni hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin.

Nagkatinginan kaming mga naiwan sa inasal niyang yon. Nagkibit-balikat lang ako upang hindi na nila maisip na may nararamdaman akong kakaiba.

Habang biyahe pauwi ay hindi ako kumikibo. Iniisip ko kung bakit ganon ang inasta ni Onemig kanina. Parang may mali. Galit ba siya sa akin? May kakaiba kasi sa mga kilos niya simula nung bumalik sila daddy at tito Migs galing sa ICU. Ako rin ba ang sinisisi niya dahil nasa ganoong sitwasyon si lola Marta?

" Anak pagpasensiyahan mo na lang ang asawa mo sa inasal niya. Baka nag-aalala lang yon sa lola Marta." sabi ni tita Bless. Panay ang hagod niya sa likod ko. Napansin din pala niya.

Tumango lang ako at yumakap sa kanya. Nasa gitna nila ako ni tito Migs. Si daddy ang nagmamaneho at nasa tabi niya naman si mommy. Si Neiel kasi ay pinauwi ko kaagad pagkarating pa lang sa ospital dahil walang kahalili si Tin kay Guilly.

" Tita, bakit kailangang mangyari  sa akin ito?" tanong ko habang nakayakap kay tita Bless. Pakiramdam ko, hinang-hina ako. Hinang-hina ako physically at emotionally, idagdag pa yung pagbalewala sa akin ni Onemig kanina. Aaminin ko, nasasaktan ako.

" Anak hindi mo dapat kwestiyonin ang mga nangyayari. May dahilan ang Diyos at Siya lamang ang nakakaalam ng lahat. Darating ang araw, masasagot din yang tanong mo at doon mo mauunawaan na kailangang mangyari ang mga bagay para sa ikabubuti mo rin. Ipahinga mo na muna ang isip mo anak, masyado ka ng maraming pinagdaanan. Mas nakakapagod kapag isip ang gumagana kaysa sa katawan. Basta tandaan mo lang, nandito lang kami ng tito Migs mo, nakaalalay sayo." sabi ni tita Bless at tumango lang ako. Kahit paano, naibsan ang mga agam-agam ko. Pero sa isang sulok ng puso ko, may iniinda akong sakit na tanging si Onemig lang ang makakapawi.

Hanggang sa pagdating sa bahay ay wala pa rin akong kibo. Hindi naman ako pinilit kausapin ng mga magulang ko at nirespeto na lang ang pananahimik ko. Alam ko naman na alam na nila ang dahilan kung bakit tahimik ako. Hindi naman sila bulag para hindi makita yung naging kilos ni Onemig kanina.

Pagpasok ko sa room ko ay naratnan kong tulog na si Tin at Guilly, gayon din si Neiel na nasa couch naman. Ginising ko sila para palipatin na sa kani-kanilang silid.

" Kumusta ang lagay ni lola Marta, besh?" tanong ni Tin, bagamat inaantok ay nakuha pa rin magtanong.

" Comatose siya at hindi alam kung kailan gigising." sagot ko.

" Hala! Ay kawawa naman si lola. Yang Monique na yan kasi, kung hindi umeksena at tinakot-takot pa ang Guilly eh hindi na sana umabot sa ganun si lola. Pinatitigil na siya kanina, sumige pa rin. " napabuntung - hininga ako sa sinabi ni Tin. Maging siya ay si Monique ang sinisisi.

" Lahat kayo yan ang sinasabi pero si Monique, ako talaga ang itinuturo niyang may kasalanan. Parang ganun na rin ang pakiramdam ko kay Onemig besh. " malungkot kong turan.

" Ha? Paano mo namang nasabi yan? Bakit ka naman sisisihin ni Onemig eh nandoon din siya sa eksena nyo kanina ni Monique? " napailing na lang ako at kinwento ko sa kanya yung napansin namin kay Onemig kanina sa ospital.

" Tanga ba siya? Eh nakita at narinig niya mismo yung sagutan ninyo ni Monique tapos sisisihin ka niya sa nangyari kay lola Marta? Ginusto mo bang ma-comatose yung matanda? Alam mo lahat ng nangyari sa inyo simula pa sa umpisa, kasalanan ni Monique lahat. Kung hindi siya nagsinungaling kay lola Marta at inamin na lang niya kung sino yung nakabuntis sa kanya, hindi sana kayo naghiwalay ni Onemig. Hindi rin aabot sa ganitong kalagayan yung lola niya. Tapos ngayon ikaw ang sisisihin niya? Eh siya ang puno't dulo ng lahat. Engot siya! Gagawa-gawa siya ng kalandian niya, nung mabuntis, nagturo ng iba. Inagaw yung asawa ng may asawa. Tapos siya pa ang may ganang magsabi sayo na mang-aagaw at malandi ka. Eh siya yun eh. Siyang-siya. Engot! Tsinelasin ko mukha niya pag nakita ko sya. Itsura nya kanina nung duru-duruin ka, akala mo siya nagpapakain sayo. Eh tauhan nyo lang naman siya. Buti kung may share siya sa FCG, eh ni singkong duling wala syang ambag. Ang yabang din. Napabilang lang sa mga Arceo akala mo miyembro na rin ng board. Sus! makatulog na nga. Hina-high blood ako sa babaeng ilusyunadang yon. " hayan na si Tin. Kapag nagsalita hindi na mapigilan pero lahat naman ng sinasabi niya totoo.

" Mabuti pa nga. Ang dami mong sinabi. " turan ko.

" Kulang pa yon. Para naman sa asawa mong isa't kalahati ring engot, anong drama nya? Sayo rin isisisi yung pagka-comatose nung matanda? Naku tigilan niya ako baka ilayo  kita ng tuluyan sa kanya para malaman niya kung ano itsura ng impyerno kapag nawala ka sa kanya. " nanggigigil pa nyang sambit. Kung naiba lang ang sitwasyon, matatawa na ako sa mga pinagsasasabi ni Tin pero hindi eh. Hindi ako okay ngayon.

At mas lalong hindi magiging okay nung mga sumunod na araw.

Chương tiếp theo