webnovel

Si Map (Part I)

PINALIBUTAN NG DRAGON ang leeg ni Dian. Ang katawan niyon ay naging kuwintas at ang ulo ay sumabit sa harap bilang pendant. Kagat ng dragon ang isang perlas.

Napabalikwas si Dian nang biglang narinig ang pagkatok sa pinto ng kanyang ama.

"Dian," ang sabi ni Rodel, "anak, kailangan na nating umalis."

"O-opo, 'tay," sagot ni Dian habang tinatanggal ang kuwintas. Kinapa ni Dian ang kadenang ginto, ngunit walang bukasan. Wala ring saraduhan. Paano niya ngayon tatanggalin ito? Siguradong magagalit ang tatay niya kapag nakita ito!

"Dian!" Muling kumatok sa pinto si Rodel. "'Wag ka nang magpalit ng damit! Baka tayo ma-traffic!"

Oo nga! Makapagpalit na lang ng damit! 'Yung maitatago sa loob 'yung kuwintas... Turtle neck? Wala naman siyang ganon. Polo? Dali-daling binuksan ni Dian ang tokador at hinila ang puting long sleeves mula rito saka isinuot iyon. Binutones niya ang kwelyo upang maitago sa loob ang ginto. Tiningnan niya sa salamin ang sarili upang ma-tsek kung hindi na halata ang kuwintas.

Pusang gala, mukha namang rarampa si Dian sa suot niya. Kulang na lang ay palitan niya ang maong na pantalon ng skirt, pwede na siyang magselfie at magpost ng OOTD sa Instagram... kahit wala siyang Instagram. Pero sa totoo lang, kahit pa hindi siya kaputian, kaya niyang dalhin ang kahit na anong kulay o estilo ng damit. Hindi nga lang sa ganitong sitwasyon. Tiniklop ni Dian ang sleeves ng kanyang pang-itaas, para naman hindi mukhang magpa-fashion show siya sa airport.

Pssst.

"Opo, 'tay," sagot ni Dian. "Lalabas na nga po."

Psssssst…

"Hala, ang kulit ni tatay. Tapos na po!"

Biglang bumukas ang pinto at sumilip si Rodel.

"Anak, tara na."

"Teka, last na po talaga."

"Ano na naman 'yun?" may kasamang asar na ang tono ni Rodel.

Hinalikan ni Dian ang dalawang daliri saka idinikit ang mga iyon sa bibig ng isang guwapong lalaki sa poster sa dingding.

"Kailangan ko lang mag-goodbye sa boyfriend ko."

"Nobyo mo 'yung poster?" sabi ni Rodel. May halong pangungutya.

"Comedy bar, 'tay?"

TILA ISANG MAHABANG ahas ang pila ng mga pasahero na gustong magcheck-in sa flight nina Dian. Dahil sa napatagal ang byahe ng mag-ama patungong airport, sila ngayon ang nasa dulo ng pila.

Maya't maya ay dinadama ni Dian ang pendant na nasa kanyang dibdib. Napansin iyon ni Rodel.

"Anak," may pag-aalalang sabi nito, "may masakit ba sa 'yo? Hindi ka ba makahinga?"

"A, wala po 'tay..." dali-daling nag-isip ng dahilan si Dian. "Nauuhaw lang po."

Kumuha ng pera sa bulsa si Rodel at ibinigay sa anak.

"O ayan, maghanap ka ng mabibilhan ng tubig. Bumalik ka agad."

Pagkakataon na. Nagmamadaling umalis si Dian sa pila.

"Hoy," ang tawag ni Rodel. "Ibalik mo ang sukli, ha!"

Iwinagayway ni Dian ang pera at lumakad nang mabilis palayo sa kanyang tatay at naghanap ng kiosk na may tindang inumin.

Wala.

Wala kahit saan.

Nagpaikot-ikot na si Dian, ngunit wala pa rin siyang makitang bilihan ng tubig. Kaya nagpasya siyang mag-escalator pababa. Baka roon ay mayroong convenience store.

Pssst.

Napatigil si Dian. Tumingin sa likuran. Mukhang wala namang siyang kilala sa mga taong naririto. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Convenience store. Kiosk.

Psssst.

Napatigil ulit si Dian. Muntikan na siyang mabangga ng trolley na tinutulak ng isang matandang lalaki na nakasunod sa kanya. Matapos siyang mag-sorry ay lumingon siya sa kanan. Sa kaliwa. Sino ba itong sumisitsit sa kanya? Hindi kaya nasa isip lang niya ito?

"Ineng," ang sabi ng guwardiya na lumapit sa kanya. "May kailangan ka ba? Mukhang nawawala ka."

"Ay hindi po," sagot ni Dian. "Naghahanap lang po ng tubig."

Itinuro ng guwardiya kung saan siya maaaring makabili ng tubig. Matapos niyang pasalamatan ito ay tumuloy na siya patungo sa tindahan.

Psssst. Dian.

Pusang gala. May tumatawag talaga sa kanya.

Nanginginig si Dian habang inilabas ang kanyang earphones at isinaksak iyon sa cellphone. Pinatugtog niya ang nag-iisang kanta na nasa playlist niya. Lumabas sa kanyang cellphone ang album cover na katulad ng poster sa kanyang dingding. Nakatingin sa kanya ang guwapong lalaki. Mukhang kaedad lang niya ito. Maputi. Makinis ang balat. Nangungusap ang mga mata. May singsing na katulad ng pendant niya. Ang nakalagay na pangalan ng Artist: MAP.

Matagal na ang pinagsamahan nila ni Map. Noong tumuntong sa junior high school si Dian ay sumikat ang singer dahil sa kantang pinakikinggan niya ngayon. Parang ginayuma ang lahat ng mga mga fans ni Map na kung saan man siya magpunta at mag-perform, siguradong naroon ang kanyang mga magiliw na tagasubaybay. Kung pwede nga lang ay sundan din ni Dian ang bawat kilos ni Map ngunit higit pa sa wala siyang perang pambili ng mga tiket, nahihiya rin siya sa mga ka-team niya sa Arnis kapag nalaman nila na humaling na humaling siya kay Map. Ang nobyo niyang si Map. Kasama niya sa hirap at ginhawa. Awitin ni Map ang nakatulong sa kanya habang siya ay nagrereview para sa pagsusulit. Si Map din at ang kanyang mga video sa YouTube ang nakapagpalakas sa kanya habang siya noon ay nagsasanay para sa provincial meet. At ngayong kinakabahan siya dahil pakiramdam niya'y may sumusunod sa kanya at sumisitsit... nananalig siyang mapapakalma siya ni Map.

Sa wakas ay nakita ni Dian ang convenience store. Dumiretso siya sa refrigerator at habang kumukuha ng dalawang bottled water ay sinabayan niya sa pagkanta si Map sa chorus ng kanta.

Ngunit 'di niya inaasahan na magbabago ang lyrics ng kanta.

Pssst. Dian.

Nabitiwan ni Dian ang dalawang PET bottle na hawak dahil sa takot.

~oOo~

Chương tiếp theo