Gusto sanang magmatigas ni Qiao Anhao at sabihing, "Hindi ah! Nagkakamali
ka. Ano namang ikakalungkot ko?" Pero noong narinig niya ang sinabi nito,
parang may biglang bumara sa kanyang lalamunan… Siguro, iba talaga ang
epekto ni Lu Jinnian sakanya kasi kahit gaano siya katapang, bigla siyang
naduduwag padating dito.
"Qiao Qiao, sa lahat ng nangyari, sino bang hindi malulungkot…Habang
nagpapanggap ka na masaya, lalo lang akong nasasaktan.
"Asawa mo ako… isang tao na maasahan at mapagkakatiwalaan mo. Noong
pinakasalan kita, nangako ako na hindi lang tayo magsasama sa saya, ngunit
higit sa lahat, magdadamayan sa oras ng kalungkutan."
Sa puntong ito, mukhang natalo na siya ni Lu Jinnian at hindi niya na napigilan
ang mga luha na kanina niya pa pinipigilang bumuhos.
Tama ang asawa niya. Sa lahat ng nangyari, sino bang hindi malulungkot?
Para hindi malungkot ang isang tao, madalas sinasabi ng mga mahal nito sa
buhay na wag nalang makinig sa sinasabi ng iba dahil naman alam ng mga ito
ang totoong kwento. Pero iba pala talaga kapag ikaw na mismo ang nasa
sitwasyon.
Sino ba naman kasing ayaw na magmukhang masaya at maganda sa harap ng
ibang tao?
At sino rin bang tao ang walang pakielam kahit na madumihan ang pinaka
iingatan nitong reputasyon at pagkaisahan ng iba?
Isa pa, malayo sa katotohanan ang binibintang sakanya ng mga netizens, pero
para siyang pinagkaitan ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili niya.
Oo… sobrang nasaktan siya.
Simula noong lumabas ang scandal, noong napuno ang bakuran nila ng media,
noong pinagkaisahan siya sa internet, at noong kinuyog siya ng mga
reporters…sobrang nasaktan siya.
Alam niyang malulungkot si Lu Jinnian kapag nakita nitong malungkot siya, kaya
pinili niyang kimkimin nalang.
Ang buong akala niya ay sapat na ang tapang niya para magpanggap na
masaya sa harapan nito, pero dahil lang sa mga simple nitong sinabi, bigla
siyang bumigay.
Habang tumatagal, lalo niyang nararamdaman ang sakit kaya bandang huli,
tuluyan niya ng nilabas ang lahat at umiyak ng malakas.
Alam ni Lu Jinnian na ito ang magpapagaan sa loob ni Qiao Anhao kaya niyakap
niya lang ito ng mahigpit at hinayaang umiyak.
Pero habang naririnig niya ang bawat hikbi nito, pakiramdam niya ay dinudurog
ang kanyang puso.
Umiyak lang ng umiyak si Qiao Anhao hanggang sa mapagod siya.
Ito na ata ang pinaka masaklap na nangyari sakanya at walang ibang
magpapagaan ng kanyang loob kundi ang taong nakayakap sakanya ng
mahigpit kaya dahan-dahan siyang tumingin dito at mangiyak-ngiyak na sinabi,
"Wala naman silang alam… Ang sama-sama nila sa akin. Hindi naman nila yung
totoo pero bakit galit sila sa akin?
"Isa pa, kahit pa sabihin nating totoo ang mga balita, ano bang karapatan nila
para sisihin ako? Siguro sa tunay na buhay sobrang sama talaga ng mga taong
yun!
"Pati yung mga reporters! Sinabi ko na ayokong magpainterview, bakit tanong
pa rin sila ng tanong? Hinayaan ko na nga sila sa labas ng bahay, pero
nakakainis kasi tawag pa sila ng tawag! Pero ang pinaka kinagagalitan ko,
tinulak nila ako. Tignan mo! Ang sakit kaya nito."
Sa wakas, nasabi niya na rin ang lahat ng sama ng loob na kinimkim niya mula
kanina, at noong bahagyang gumaan na ang kanyang pakiramdan, bigla niyang
naalala kung paano niya naidamay si Lu Jinnian, at kung paano siya sabihan ng
mga tao na wala karapatan kaya muli nanaman siyang naging emosyunal at ang
boses niyang puno ng galit ay biglang napalitan ng lungkot.
"Lu Jinnian, kung hindi dahil sa akin, hindi ka madadamay sa gulong 'to."