Ngayon na abot kamay na sila ng mga reporters, malabo ng tigilan sila ng
mga ito kaya noong gumalaw sila, bigla silang dinumog.
Hindi nagpatinag si Xu Jiamu at nagpatuloy lang siya sa paglalakad ng
mabilis habang yakap-yakap ang balikat ni Qiao Anhao, sa takot na baka
maipit ito.
Noong nasa kalagitnaan na sila ng bakuran, biglang nagkatulakan kaya para
silang domino na nagsitumbahan paharap at siguro dahil na rin sa sobrang
lakas ng pwersa, may isang reporter ang nakabitaw ng malaking camera na
nakapatong sa balikat nito, na kung sakali ay saktong babagsak sa balikat ni
Qiao Anhao.
Nakita na ni Xu Jiamu ang mangyayari kaya dali-dali siyang sumigaw ng
"Magingat ka!" at hinarang ang balikat niya para hindi matamaan si Qiao
Anhao.
At saktong-sakto, biglang nalaglag ang camera sa braso ni Xu Jiamu bago ito
malaglag sa sahig, na sa sobrang lakas ng impact ay nagkabasag-basag ang
lens nito.
Hindi biro ang bigat ng camera na gamit ng mga reporters kaya biglang
napahinto si Xu Jiamu sa paglalakad. Sa pagkakataong ito, hindi na talaga
kayang magkimkim ni Xu Jiamu kaya halos isang minuto siyang napatigil sa
kinatatayuan niya bago niya ibaba ang kanyang braso.
At dahil dito, muli silang dinumog ng mga reporters.
At dinagsa ng mga tanong..
Pinilit ni Xu Jiamu na wag magpahatalang nasaktan at muli niyang
pwersadong hinawi ang mga reporters na nakaharang sakanila. Hinawakan
niya si Qiao Anhao gamit ang kabila niyang kamay at naglakad ng mas
mabilis papasok sa villa.
Dahil nakita ng mga reporter kung paano protektahan ni Xu Jiamu si Qiao
Anhao, lalong naintriga ang mga ito.
"Miss Qiao Anhao, hindi ba divorce na kayo ni Xu Jiamu? Eh bakit sobrang
bait niya pa rin sayo? May tinatago ba kayong relasyon? Ibig sabihin, kahit
magasawa na kayo ni Lu Jinnian, kayo pa rin ng ex-husband mo? Hindi
naman ba parang salawahan ka niyan?"
Hindi na nagustuhan ni Xu Jiamu ang tabas ng dila ng mga reporters kaya sa
sobrang sama ng loob, bigla niyang inagaw ang microphone ng isang reporter
at galit na galit na binato ito sa sahig, "Anong sabi mo? Anong mata ba ang
ginagamit mo para makita mong may tinatago kami?"
Sa sobrang inis niya, hindi niya na nakontrol ang mga lumabas sa bibig niya.
At dahil dito, biglang nanahimik ang mga reporters.
Pero hindi nagtagal, may isang biglang sumigaw, "Bakit mo ako tinulak
kanina?"
Biglang nahimasmasan ang mga reporters at parang mga asong ulol, muli
nanaman silang nagkagulo. "Oo nga, bakit ka naninigaw?"
"Kahit na galit na galit ka na, wala kang karapatan na manakit ng ibang tao!"
"Humingi ka ng tawad samin!!"
"P*tang*na, sinong sinaktan ko?"
Malinaw na wala ng kwenta ang mga sinasabi ng mga reporters kaya galit na
galit tinignan ni Xu Jiamu ang kanyang kaliwa't-kanan at nang mapansin niya
na masyado na silang ginigipit ng mga ito, walang pagdadalawang isip niyang
kinuha ang kanyang phone para tumawag. "Hello, 110 ba 'to? Nandito ako
ngayon sa pangalawang kanto sa loob ng Mian Xiu Garden, unit 106.
Irereport ko lang na may mga taong nangtetrespass ng private property."
Pagkatapos magsalita ni Xu Jiamu, biglang nahimasmasan ang mga reporters
at naalala kung nasaan sila.
Pagkaputol ng tawag, pasinghal na sinabi ni Xu Jiamu, "Gusto niyong
manggulo diba? Sige, magsawa kayo dahil tumawag na ako ng mga pulis!"