webnovel

Saan pa ba ako nagkulang? (5)

Biên tập viên: LiberReverieGroup

Ibinuka ni Lu Jinnian ang kanyang mga labi ngunit hindi siya nagsalita. Sa sobrang katahimikan sa loob ng kwarto, pati ang apoy na nanggaling sa mga kandila ay naririnig na rin nila. Matapos ang ilang sandaling pananahimik, sa wakas nagsalita na si Lu Jinnian, pero imbes na sagutin ang tanong ni Qiao Anhao ay tinawag niya ito, "Qiao Qiao…"

Iniangat ni Qiao Anhao ang kanyang ulo at naguguluhang tumingin kay Lu Jinnian. "Huh?"

Tinitigan ni Lu Jinnian si Qiao Anhao, ang mga mata niya'y puno ng halo-halong emosyon. Gusto sana niyang sabihin na ito ang babaeng pinaka mamahal niya pero natatakot siya na baka dahil doon ay hindi sila maging magkaibigan.

Kapag ang isang tao kasi ay napahiya na, siguradong hindi na nito gugustuhin pang bumalik sa entablado. Ang limang taong hindi niya nakasama si Qiao Anhao ang naging pinaka mahirap na yugto ng kanyang buhay kaya ayaw na niyang muling balikan ito. 

Sobrang naguguluhan ang kanyang puso. Matapos ang ilang sandaling pananahimik, muli siyang gumawa ng ingay sa pamamagitan ng pag ubo para linisin ang kanyang lalamunan. "Isa kang babaeng karapat dapat na mahalin."

Ito ang unang pagkakataon na pinuri siya ni Lu Jinnian. Huminga ng malalim si Qiao Anhao at nalanghap niya ang pamilyar na amoy ni Lu Jinnian. Matapos niyang marinig ang tanong nito, gusto niya sanang itanong kung talaga bang karapat-dapat siyang mahalin. Kasi kung karapat-dapat talaga siya, bakit hindi siya kayang mahalin nito?

Habang mas iniisip niya ito ay mas lalo niya pang nararamdaman ang pananabik na magtanong. Tatawagin na sana niya si Lu Jinnian pero 'nung sandaling tignan niya ito, nakita niyang nakatitig ito sakanya na para bang hinihintay siyang magsalita. Noong sandaling ding iyon, bigla nalang umatras ang tapang niya.

Ito ang pinaka magandang nangyari sa kanilang relasyon at ayaw niyang gumawa ng kahit anong ikasisira nito.

Isa pa, kahit sinabihan pa siya ni Lu Jinnian na karapat-dapat siyang mahalin, hindi naman ibig sabihin 'nun na kaya na siyang mahalin nito.

Nilunok niya nalang ang dapat niyang sasabihin, at pinalitan nalang ito ng mahinang"Goodnight".

Ilang sandali pa ang lumipas bago sumagot si Lu Jinnian na kasing hina rin ng boses ni Qiao Anhao, "Goodnight."

Dito na nagwakas ang kanilang paguusap. Pareho nilang ipinikit ang kanilang mga mata at nagpanggap na tulog pero sa loob loob nila, pareho nilang iniisip ang kanya-kaya nila pinakatatagong lihim…Si Qiao Anhao ang mahal ni Lu Jinnian; si Lu Jinnian ang mahal ni Qiao Anhao.

Hindi na maalala ni Qiao Anhao kung paano siya nakatulog noong gabing iyon, pero nang magising siya kinabukasan, alas onse na ng umaga at wala na rin si Lu Jinnian sa tabi niya.

Wala na ang mga kandila sa sahig at puro babasaging lalagyan nalang ang mga natira pero ang mga lobo ay nakadikit pa rin sa pader na nagsilbing paalala sakanya na hindi panaginip ang mga nangyari.

Tinignan niya ang kanyang phone at nakakita siya ng maraming pagbati mula sakanyang pamilya at mga kaibigan. Habang nagsisipilyo, isa-isa niya itong nireplyan at noong oras na ng tanghalian, dumating si Zhao Meng para maisabay siya nito papunta sa filming set.

Naempake niya na ang lahat ng kailangan niyang dalhin pero bago siya umalis, bigla niyang naalala ang biniling cake ni Lu Jinnian para sakanya kaya inutusan niya si Madam Chen na ibalot ito para madala niya sa filming set.

Walang kahit anong eksena si Lu Jinnian noong hapon na iyon kaya hindi niya ito nakita. Pero sa ilang minutong hindi niya ito nakasama, narealize niya nalang na sobrang namimiss niya na ito.

Nang matapos na siya sa pagfifilm ng kanyang mga eksena, agad siyang bumalik sa hotel. Pagkarating niya roon, nakita niya ang sasakyan ni Lu Jinnian sa car park! Noong nalaman niyang nasa malapit lang pala ito, biglang pumasok sa kanyang isip ang cake na dinala niya, na maari niyang gamiting palusot para makita ito.

Pagkabalik na pagkabalik ni Qiao Anhao sa kwarto niya, nagmamadali siyang humiwa ng cake at naglagay ng isang malaking hiwa sa plato pero noong palabas na sana siya, biglang namang tumunog ang kanyang phone…

Chương tiếp theo