webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · วัยรุ่น
Not enough ratings
60 Chs

Kabanata 29

Kabanata 29

"Sige na, Aling Adoria. . . Kahit ano po!" pagmamakaawa ko kay Aling Adoria na noon ay abalang-abala sa pag-uutos sa mga tauhan niya.

Naisipan ko kasing mamasukan ulit kay Aling Adoria. Siya ang kinukuhanan namin noon ng banana cue na inilalako namin sa palengke at sa parke.

"Pasensya na, Maureen. Wala talaga akong bakante ngayon," may bahid ng inis na sabi niya. Napapakunot pa ang noo niya at napapakamot pa sa maiksi niyang buhok.

"Wala po ba talaga?" dismayadong tanong ko naman.

"Wala," sagot naman niya. "E, ikaw naman kasi! Nando'n ka na sa mansyon, lumayas ka pa."

Napaiwas naman ako ng tingin nang sumbatan niya ako nang ganoon. Sa katunayan, pilit ko nang kinakalimutan ang mapait na nangyari na 'yon. Wala namang magagawa kung magmumukmok lang ako, 'di ba? Pero ang sakit pa rin pala talaga. . . Kapag minamaliit ka ng ibang mga tao.

"S-Sige, salamat na lang po," sabi ko na lang at malungkot na umalis sa bahay niya. Doon din kasi ginagawa 'yung mga pinalalako niyang meryenda.

Napabuntong-hininga naman ako nang makalabas ako. Noong isang araw ko pa pinipilit na makahanap ng trabaho, pero wala talagang tumatanggap sa akin. Katwiran ng iba, kung hindi walang bakante ay ayaw daw nila sa'kin dahil hanggang elementary lang ang natapos ko.

Nalulungkot tuloy ako. Sa edad ko ngayon, hindi ako dapat naghahanap ng trabaho, e. Imbis na sa mga tindahan, sa eskwelahan dapat ako nagpupunta. Pero, wala, e. Sadyang mapait ang kapalaran ko. At tila nga wala na itong itatamis pa.

Napagpasyahan ko na lang na umuwi dahil tanghali na at nararamdaman ko na rin ang kalam ng sikmura ko. Naglugaw lang kasi kami ni Itay kanina, e. Lugaw na puro luya at sabaw.

"Oh, ayan ka na pala," bungad sa'kin ni Itay nang makita akong pumasok sa bahay namin.

"Nauna ka na po pala," sabi ko naman at tipid na ngumiti. Dumiretso na lang din ako sa hapag-kainan dahil naghahain na si Itay.

"E, naisip ko nga rin kasi baka tanghali ka na dumating, e," sabi naman niya at naupo sa harapan ko matapos ilapag sa mesa ang pritong galunggong na ulam namin.

Kasunod noon ay nagsandok siya ng kanin para sa aming dalawa. Hay, ang tatay ko talaga. . . Napaka-maaruga at maaalalahanin niya. Napakasuwerte ko at siya ang naging tatay ko. Kahit pa ganito ang buhay namin, hindi ko siya ipagpapalit kahit na kanino pa.

"Kamusta nga pala? Ano? May nakuha ka na bang trabaho?" tanong pa niya habang kumakain kami.

"Sorry, Itay, wala pa rin po, e . Pero bukas po, susubukan ko po ulit maghanap. Hindi po ako titigil," sagot ko naman sa kanya.

"Ayos lang 'yan, Anak. E, mahirap talagang maghanap ng trabaho, e," tugon naman ni Itay. "Mabuti nga at nahulugan ko 'yang tricycle na 'yan. Kita mo, kahit pa'no, may napagkuhaan tayo."

"Salamat, Tay, a?" nasabi ko na lang sa kanya.

"Asus! Para sa'n naman?" natatawang tanong niya.

"Hmm. . . Para sa lahat po! Basta, Tay, salamat po," sagot ko na lang sa kanya. 'Yon na lang ang sinabi ko dahil baka kapag nagdadag pa ako ay maluha na lang ako dito.

"Ikaw talaga oh. Kumain ka na nga lang." Natawa na lang siya sa akin.

* * *

Matapos kumain ay umalis na rin kaagad si Itay. Naiwan naman ako sa bahay, at para malibang ang sarili ko ay nanood na lang ako ng TV. Masarap namang manood ng palabas sa tanghali—iyong may mga komedyante at nagpapamigay ng pa-premyo at may pa-contest.

Nalibang naman ako sa panonood noon kahit papa'no. Natigil lang ako nang makarinig ako ng tunog ng kotse na parang paparating dito. Kaagad akong sumilip sa bintana ng bahay namin at gayon na lang ang gulat ko nang makita ang pamilyar na kotseng puti na pumaparada na sa labas namin.

Kung hindi ako nagkakamali ay kotse iyon ng mga Lorenzino. Kaya naman dali-dali akong lumabas ng bahay at inabangan ang paglabas ng taong nasa loob niyon. Ipinapanalangin kong huwag naman sana si Ma'am Helen, dahil ayoko na siyang makita pa. Tama na sa akin lahat ng pagpapahiyang ginawa niya sa akin.

"Maureen!" nakangiting bati sa akin ng lalaking lumabas mula roon.

"J-Junard?" dismayadong sabi ko.

Oo na, umasa ako na baka si Sir Zeus ang taong nasa loob ng kotseng iyon. Sabi noon sakin ni Monet, hahanap siya ng pagkakataon na makita at makausap ulit ako. At akala ko ay ito na 'yon. Hindi pa pala.

"Akala mo ba si Sir Zeus?" tanong niya naman nang tuluyan na siyang makalapit sa akin.

"H-Hindi naman sa gano'n. . ." nahihiyang tugon ko sa kanya.

"Pero gano'n na nga?" biro pa niya at tumawa nang bahagya.

Hindi naman na ako sumagot pa.

"Tumakas lang talaga 'ko sa mansyon, Maureen. Sinabihan ko nga rin si Sir, e. Kaso, pinilit siya ni Ma'am Helen na lumabas kasama si Marquita, e. Bantay-sarado na siya ngayon, e," paliwanag niya sa akin kahit na hindi pa naman ako nagtatanong.

"Naiintindihan ko," sabi ko at tumango-tango. "Gusto mong pumasok muna?"

"Ay hindi na." Umiling-iling siya. "Hindi rin naman ako magtatagal, e. May sasabihin lang ako sa'yo."

"S-Sige. Ikaw ang bahala," sabi ko na lang sa kanya.

Medyo naiilang akong kausapin siya dahil 'di naman kami masyadong malapit sa isa't isa. Kumbaga, hindi pa ako gano'n ka-komportable sa kanya. Saka isa pa, hindi ko rin naman inaasahan ang pagdalaw niya rito.

"Pinapasabi nga pala ni Sir sa'yo, sorry daw sa lahat ng nangyari sa'yo. Siya raw naman talaga ang nagdala sa'yo sa sitwasyon na 'to, e. Kaya gusto talaga niyang humingi ng tawad. . ." sabi niya sa akin.

"Hindi naman 'ka mo ako galit sa kanya, e," sagot ko naman. Totoo naman kasi 'yon. Hindi ako galit kay Sir Zeus. Ginusto ko rin naman 'to. Wala naman kaming dapat sisihin dito kung hindi ang sarili din namin.

Napabuntong-hininga ako at bahagyang napahaplos sa braso ko kasabay ng pagsulyap ko sa langit. Tirik na tirik pa ang araw, pero ni hindi man lang umabot sa puso ko ang tingkad at init nito.

"Siguro nga hindi na talaga kami magkikita pa ulit ni Zeus, ano?" may bahid ng lungkot na sabi ko pagkatapos ay tumingin muli sa kanya.

"Wag kang mawalan ng pag-asa, Maureen. Tiyak, gagawa ng paraan si Sir Zeus para makita ka ulit," pag-aalo naman niya sa'kin.

"Sana nga. . ." sabi ko na lang.

Ilang segundong namayani ang katahimikan sa aming dalawa.

"Siya nga pala! Baka gumaan ang loob mo dito," mayamaya ay sabi niya.

"Ano 'yon?" takang tanong ko.

"Nagpunta talaga 'ko dito para sabihin na meron akong irerekomendang trabaho sa'yo," nakangiting sagot niya sa akin.

"T-Talaga?" Maging ako ay napangiti rin sa sinabi niya. Hindi ko rin kasi inaasahan ito.

"Oo. Do'n sa bakery na pinapasukan ng GF ko. Malapit sa palengke sa San Marcos. E, kailangan daw nila ng bagong tauhan do'n, e. Naisip naman kita," paliwanag niya.

"T-Teka, may girlfriend ka pala?" gulat na sabi ko.

"G-Grabe ka sa'kin. . ." reaksyon naman niya.

"Pero salamat ha? Alam mo, ang tagal ko nang naghahanap talaga ng trabaho, e," sinserong sabi ko naman sa kanya.

"Wala 'yon. Para mo na rin akong kaibigan," tugon naman niya. "Bukas a? Alas otso ng umaga, pumunta ka doon. Alam mo 'yung Kyla's Bakery? Doon."

"Oo, alam ko 'yon! Sige, pupunta 'ko."

Tumango naman siya. "Kung gano'n, aalis na 'ko. May gagawin pa 'ko sa mansyon."

"Teka, sandali!" pagpigil ko sa kanya bago pa siya tuluyang makasakay sa kotse ng mga Lorenzino. Napalingon naman siya pabalik sa akin. "Pakisabi kay Zeus. . . Hihintayin ko siya."

Napangiti siya. "Sige, sasabihin ko."

Pagkatapos noon ay kaagad din siyang sumakay sa puting kotse at sumibad na. Hinatid ko na lamang siya ng tingin hanggang sa hindi ko na siya natanaw. Naiwan naman ako sa labas na hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.

Biruin mo nga naman, kung kailang akala mo, e, walang-wala ka na, saka may darating na 'di mo inaasahan.

Napatingin tuloy akong muli sa asul na kalangitan. Matingkad na matingkad 'yon, pati na rin ang mga puting ulap na naaaninag ko. Unti-unti ay sumulyap ang matamis na ngiti sa aking mga labi.

'Salamat, Diyos ko, hindi mo pa rin ako pinababayaan. Sa dami ng kasalanan ko, hindi mo pa rin ako iniiwan. . . Salamat po.'

* * *

Kinabukasan, alas otso y medya pa lang ay umalis na ako sa bahay. Dalawang sakay lang naman ng tricycle ang layo ng San Marcos dito sa amin; isang sakay mula sa bahay hanggang sa palengke ng Doña Blanca at isang sakay pa papunta naman sa Poblacion ng San Marcos.

Dahil pakiramdam ko'y espesyal ang araw na ito ay isinuot ko ang T-shirt na regalo sa akin ni Jacob. Naalala kong una ko itong isinuot noong kaarawan ko—noong lumabas kami ni Sir Zeus. Sabi na nga ba't may nagmamasid sa amin noon, e.

Pero gayon pa man, ayos lang sa akin na suotin ito. Kahit papa'no naman ay masayang alaala ang hatid nito sa akin. At dahil nakasama ko si Sir Zeus noon, magiging paborito ko na rin yata ang damit na ito. Idagdag pa na bigay ito ng isang kaibigan.

"Hay. . . Sana palarin na 'ko dito," sambit ko nang sa wakas ay marating ko na ang Kyla's Bakery. Madali lang naman iyong mahanap, dahil sabi nga ni Junard ay malapit 'yon sa palengke ng San Marcos.

Abala na ang ilang tindera sa bakery nang dumating ako. Dahil nga umaga ay maraming tao ang bumibili ng tinapay na pang-agahan. 'Yung iba rin ay tricycle driver, kagaya ni Itay, na dito na lang piniling mag-agahan.

"Ano sa'yo, 'te?" tanong sa akin ng isang tinderang payat at medyo maputi. Nakatali ang maiksi at medyo kulay mais niyang buhok. Nakaladlad pa sa gilid ng noo at mukha niya ang kaunting bangs niya.

"Ay, hindi po. A, mag-a-apply ho sana 'ko? May nakapagsabi kasi sa'kin na may bakante raw po dito, e," sagot ko naman sa kanya.

"Ah! I-Ikaw ba si Maureen? 'Yung kakilala ni Junard?" magiliw na tanong niya sa'kin.

Tumango-tango naman ako. "Ako nga. Ikaw 'yung girlfriend ni Junard?"

Tumawa muna siya nang bahagya bago sumagot. "Oo. Ako si Yngrid."

Ngiti na lamang ang naisagot ko sa kanya. Maganda si Yngrid. Bagaman malaki ang ngipin niya sa unahan ay 'di maikakailang cute siya. Medyo singkit din ang mga mata niya at may maliit na ilong. Kapag ngumingiti siya ay saka lamang nakikita ang buto niya sa pisngi.

"Halika, pasok ka. Pakilala kita kay Kuya Lando," yaya naman niya sa akin sabay bukas ng maliit na pintuan nila papasok sa bakery. Sumunod naman ako sa kanya.

Pagpasok ko sa tindahan ay may pintuan siyang binuksan at pagpasok doon ay tumambad sa akin ang gawaan nila ng tinapay. May mahahabang mesa kung saan nagmamasa ang mga trabahador na mga nakasuot ng apron. Sa pinakadulo naman ay may malaking oven na pinaglulutoan nila ng mga tinapay.

"Kuya Lando!" sigaw ni Yngrid at mayamaya lang ay papalapit na sa amin ang isang lalaking may katabaan at hindi pa naman ganoon katanda. Pero ang buhok niya'y papakalbo na.

"Oh, Yngrid."

"Kuya Lando, ito po 'yung sinasabi ko sa inyo. Si Maureen po," pakilala naman ni Yngrid sa akin. Mula sa kanya ay nabaling ang tingin ni Manong Lando sa akin.

Napangiti naman ako. "Magandang umaga po."

Tinanguan naman ako ni Manong Lando bilang tugon.

"Ilang taon ka na ba, hija?" tanong niya sa akin pagkatapos.

"Sixteen po," sagot ko naman.

"Hmm." Tumango-tango siya. "Nag-aaral? O huminto na?"

"Huminto na po ako, e."

"Alam mo, Maureen, dito sa bakery ko, ayos lang talaga sa'kin 'yung mga 'di pinalad na makatapos. E, kasi, madali lang naman ang trabaho dito, e. 'Di rin naman kalakihan ang sweldo," paliwanag ni Kuya Lando sa akin.

"Oo nga, Maureen. Pero 'yung iba dito, katulad ko—working student," segunda naman ni Yngrid.

"E, nasubukan mo na bang gumawa ng tinapay kahit minsan? Magmasa?" tanong pa sa'kin ni Manong Lando.

"Pasensya na po, pero hindi pa po, e. . ." pagtatapat ko. "P-Pero handa po akong matuto!"

"Ayos lang 'yan, Maureen. Ako rin, no'ng nagsimula ako rito, hindi pa 'ko marunong gumawa ng tinapay," sabi pa sa akin ni Yngrid.

"Oh siya. Sige, patuturuan na lang muna kita kay Kuya Nesty mo, a? Bukas, kapag nagsimula ka na talaga, e, magbantay-bantay ka na lang din ng tindahan, para may nagagawa ka," sabi naman sa akin ni Mang Lando.

Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya. "I-Ibig sabihin po, tanggap na po ako?"

"Oo! Gano'n lang kadali, 'di ba?" natatawang sagot niya. "Basta 'wag mo lang sirain ang tiwala ko, magtatagal ka rito."

"Naku! Maraming-maraming salamat po!" natutuwa kong sabi. Sa wakas! Matapos ang ilang araw na paghahanap, may trabaho na ako! May trabaho na ulit ako!

"Tsaka 'wag ka nga palang mag-alala. Kung 'di mo man matutunang gumawa ng tinapay, pagtitindahin na lang talaga kita," sabi pa ni Mang Lando sabay ngiti sa akin. "Siya. Mauna na ako—Nesty!"

"Yes, Boss?" dumungaw nang bahagya ang isa pang lalaki. May katabaan rin, ngunit mas payat naman kumpara kay Mang Lando. Kung gayon ay siya si Mang Nesty.

"Pakituruan nga 'tong si Maureen," sagot naman ni Mang Lando sa kanya.

"Sige, Maureen, mauna na rin ako. Tatao pa 'ko do'n sa labas, e," paalam din naman sa akin ni Yngrid.

"S-Sige. Salamat dito a?" sabi ko naman sa kanya sabay ngiti. Lubos-lubos ang pasasalamat ko sa kanya sa ngayon, sa totoo lang.

"Wala 'yon! O, sige na."

Matapos bumalik ni Yngrid sa pinaka-tindahan nila sa harap, nilapitan naman ako ni Mang Nesty at nagpakilala. Pagkatapos ay pinalapit niya ako doon sa isang mahabang mesa. May isang ale pa siya doon na kasamang gumawa.

Habang gumagawa siya ng pandesal ay sinasabi niya rin sa akin kung ano ang dapat gawin at mga dapat ilagay. Halos tango lang naman ang isinasagot ko, pero hangga't makakaya ko'y tinatandaan ko.

Nang matapos niyang gumawa ng dough ay pinasubok niya sa akin ang pagmamasa nito. Sa totoo lang, natutuwa ako doon. Para ka lang naglalaro, pero mahirap din pala. Sa huli ay pinanood ko na lang siyang magporma ng mga pandesal. Pero sa huli rin naman ay tumulong ako sa kanyang maglagay ng keso.

Bandang hapon ay umuwi ako nang masaya. Katumbas na rin ng bagong trabaho na 'yon ang isang bagong simula para sa akin. Isang bagong pagkakataon para kalimutan ang mapapait na nakaraan. . . Pero gaano pa man mabago ang buhay ko, maghihintay at maghihintay pa rin ang puso ko para sa pagkakataong para sa amin ni Zeus.

Maghihintay lang ako. . . Hihintayin ko siya.

Itutuloy. . .