" Kapag naakabut ka na sa kakahuyan, tumakbo ka lang. Huwag hihinto at higit sa lahat huwag kang lilingon." Ang nagbabadyang luha ni Estella ay tuluyan ng kumawala sa kanyang mga mata ng bitawan ni Lucas ang mga salitang iyon. Pakiramdam niya mapupunit ang kanyang puso kapag naiisip niyang hindi na niya ito makikita pa kailanman. Ito na ang huli at wala siyang magagawa. Hinaplos niya ang maamo nitong mukha. Kitang-kita niya ang lungkot at pait sa abuhin nitong mga mata. " Ngunit paano ka?Natatakot ako sa gagawin nila sayo kapag nalaman nilang tinulungan mo akong makatakas. Ayokong mawala ka sakin, Lucas. Ayakong-" Hindi niya natapos ang sasabihin g siniil siya ng binata ng matamis. Ninamnam niya ang matamis nitog labi subalit sa kabila ng halik na iyon ay alam niyang malabong maulit pa iyon. " Mahal kita," anito at dinala kanyang mga kamay sa matipunong dibdib nito. Ramdam niya sa kaniyang palad ang ritmo ng pagtibok ng puso nito. "Makakalimutan ka man ng aking isip pero patuloy na titibok ang puso ko para sayo." " A-anong ibig mong sabihin?." Natigilan ang dalawa ng may marinig silang mga yabag mula sa di kalayuan pati na ang ilang boses na pamilyar sa kanya. " Malapit na sila. Tumakbo ka na at iwan mo na ako dito. " " P-pero..." Pagsusumamo ni Estella sa binata. " Lilituhin ko sila upang mabigyan ka ng oras na makatakas dito. Diretsuhin mo lang ang kakahuyan at igigiya ka nito sa pangpang kung nasaan naghihintay ang isang banka. Gamitin mo iyon upang makatawid sa kabilang isla." Niyakap niya ang binata ng mahigpit bago tuluyang tumakbo papunta sa madilim na kakahuyan. Tanging ang liwanag ng buwan ang nagpapaninag sa kanyang dinaraanan habang kumakawas sa kanyang mata ang masaganang luha. Hindi siya tumigil kahit na narinig niya ang pagsigaw ni Lucas sa di kalayuan.