webnovel

Chapter 64

Kinaumagahan, halos tanghali na nang magising si Elysia. Ramdam niya ang matinding pananakit ng kaniyang katawan, partikular sa mga parteng tinamaan ng pag-atake ni Alicia.

Matapos maghanda ay lumabas na siya sa silid at tinungo ang pagamutan. Naabutan niyang gising na si Mariella at kasalukuyang umiinom ng dugo na ibinibigay ng ama nito. Agad naman itong napatingala at napabaling sa pinto nang makita siya nito. Maging ang Duke ay napalingon at agarang napangiti nang makita siya.

"Magandang araw, mabuti naman at gising ka na Mariella." nakangiting bati ni Elysia. Tila nahihiyang inilapag naman ni Mariella ang basong hawak at saka marahang pinunasan ang kaniyang bibig gamit ang isang panyong kulay pula.

"Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin, Elysia. Tatanawin kong isang malaking utang na loob ang ginawa mong ito. Kahit napakasama ng trato ko sa'yo, ginawa mo pa rin ang lahat para mahanap lang ako." Mahinahong wika ni Mariella, nawala na ang dating angas nito at tila naninibago naman si Elysia sa ganitong bersyon ni Mariella. Gayunpaman, nakangiti siyang lumapit sa babae at ginagap ang kamay nito.

"Walang ano man, hindi naman basehan ang alitan natin para pabayaan kita. Ayokong mapahamak si Vladimir dahil lang napahamak ka dito sa palasyo. At isa pa, hindi naman kaaway ang turing ko sa'yo," wika ni Elysia. Namuo ang luha sa mga mata ni Mariella at tumango-tango.

"Mahal mo nga si Vlad, suko na ako. Tinatanggap ko na, hindi kailanman magkakaroon ng pag-asa na mapansin ako ni Vladimir, mula noon hanggang ngayon. Matagal na rin akong umasa, siguro nga oras na para tanggapin ko ang katotohanan." umiiyak na wika ni Mariella. Naitakip pa niya ang mga palad sa kaniyang mukha at saglit na humagulgol. 

Hindi kumibo si Elysia bagkus ay hinaplos lang niya ang likod nito, hinayaan niya itong umiyak hanggang sa tuluyan na rin itong tumahan.

"Mabubuhay ka pa nang mas matagal at napakaganda mo Mariella, isang kalabisan kung itatali mo ang sarili mo sa bagay na walang kasiguruhan. Bakit hindi mo subukang buksan ang puso mo sa iba, siguradong maraming nagkakagusto sa iyo at isa pa, ang pag-ibig, hindi 'yan pinipilit. Kusa 'yang darating sa buhay mo sa mga pagkakataong hindi mo inaasahan." saad ni Elysia at muling tumango si Mariella.

"Elysia, may hihilingin lang sana ako sa'yo. Ngayong tanggap ko na na hindi ako magugustuhan ni Vladimir, siguro naman ayos lang sa'yo." tila nag-aalangan pang sabi ni Mariella.

"Ano ba 'yon, kahit ano pa 'yan."

"Maaari ba tayong maging magkaibigan? Hindi mo naman siguro mamasamain, hindi ba? Tutal napatunayan ko naman na mabuti kang tao, siguradong magiging mabuting kaibigan ka rin. Ayos lang ba?" tanong ni Mariella at masayang natawa naman si Elysia.

"Oo naman, mas masaya nga kung magiging magkaibigan tayo." natutuwang wika ni Elysia at napangiti na rin si Mariella, nawala ang takot at kabang namumutawi sa mukha niya at nakahinga na rin ito ng maluwag.

Matapos makipag-usap kay Mariella ay tinungo naman ni Elysia ang piitan kung saan nakakulong ang sampong espiya. Pagdating niya ay naabutan pa niyang pinapakawalan na ang isang babae. 

"Mahal na Prinsesa, kayo po pala." Nakayukod na bati ng kawal na siynag nagtatanggal sa babae sa pagkakatali nito.

"Tapos na ba ang pagsusuri sa kanila?" tanong ni Elysia.

"Opo, itong babae lamang ang nakapasa sa lahat ng katanungan sa kaniya, patunay na isa talaga siya sa atin," sagot ng kawal. Napatingin naman si Elysia sa babae at napansin niya ang mga sugat na gawa ng pagmamalupit sa kaniya.

"Pasensiya ka na kung kailangan mong pagdaanan ito. Sana ay huwag kang magtanim ng galit sa kaharian o sa hari." Wika ni Elysia sa babae. Umiling naman ang babae at napaiyak.

"Naiintindihan ko, mahal na prinsesa. May pagkakamali rin ako dahil inakala kong kabilang rin sila sa atin, kaya pinatuloy ko sila sa aking tahanan. Kaparusahan lamang ito sa aking pagkakamali at wala akong ibang sinisisi kun'di ang aking sariling kat*ngahan." Umiiyak na wika ng babae.

"Wala kang kasalanan, mabuti kang nilalang. Hindi mo dapat sisihin ang sarili mo. Dalhin mo na siya sa pagamutan at sabihan mo silang gamutin siya agad." Utos ni Elysia sa kawal na kausap niya.

Agad naman siyang sinunod nito at inakay na ang babae palabas ng piitan. Dalawang kawal na bampira naman ang sumama sa kaniya papasok at tinungo nila kung saan nakagapos si Alicia kasama pa ang ibang mga espiya.

"Nasaan ang tagapagligtas mo?" Patuyang tanong ni Elysia. Nag-angat naman ng mukha si Alicia at masamang tininitigan ai Elysia.

"Maghintay ka lang, magugulat ka na lang at narito na siya, pinapabagsak kayong lahat." Sigaw ni Alicia at pagak na tumawa si Elysia.

"Napakataas pa rin talaga ng tingin mo sa sarili Alicia. Hindi ka pag-aaksayahan ng panahon ni Vincent dahil para sa kaniya, basura ka lang katulad ng mga nilalang na ito. Maaari kayon palitan at patapon na ang mga buhay niyo. Ang kaibahan lang, sa kamay namin kayo mawawala at hindi sa mga kamay niya." Wika ni Elysia. Mariing tinutulan naman ito ni Alicia at muling iginiit na mahalaga siya kay Vincent ngunit paulit-ulit na sinasabi ni Elysia kung ano ang totoo.

"Hindi na niya kayo magagawang iligtas, dahil mamayang gabi na ang magiging hatol niyo. Sa oras na magtangka siyang pumasok sa Nordovia, hindi na niya matatakasan si Vladimir." Anunsyo pa ni Elysia at maging ang balitang iyon ay hindi nagpatinag sa paniniwala ni Alicia na ililigtas siya ni Vincent.

Pinagkibit-balikat na lamang ito ng dalaga at hindi na nag-aksaya ng panahon na manatili roon.

Pagdating niya sa bulwagan ay nahimigan naman niya ang nag-uusap na grupo ni Vladimir.

"Nakahanda na ang magiging parusa ni Alicia at ng walo pa niyang kasama." Saad ni Arowen na sinundan naman ng mga detalye ni Alastair.

Nanlaki naman ang mga mata ni Elysia sa narinig. Ang buong akala niya ay malala na ang parusa noon ng tiyahin niya, ngunit mas nakakapanginig ng laman ang magiging parusa ni Alicia.

Nanatili muna siya sa labas at hinintay niyang matapos ang usapan ng mga ito bago pumasok. Nang lumabas na sina Arowen at Alastair ay binati lang niya ang mga ito bago pumasok sa bulwaganan.

"Nakita mo na ba si Alicia sa piitan niya?" Tanong ni Vladimir nang maramdaman nito ang pagpasok niya.

"Oo, naniniwala pa rin siyang ililigtas siya ni Vincent. Sa tingin mo posible bang sumugod dito si Vincent para iligtas si Alicia?" Tanong niya at napaangat ng ulo si Vladimir. Nagtama ang kanilang mga mata at nakita niyang maging ito ay nagdududa.

"Hindi mabuting bampira si Vincent simula pa lamang noong mga bata kami. Isang himala kung gagawin niya ang sinasabi mo. Sa tingin ko ay binulag lang ng kapatid ko ang utak ng babaeng iyon upang mapasunod siya sa mga bagay na nais niya. Mapanlinlang si Vincent. Gagawin niya ang lahat upang mapaikot sa mga palad niya ang kahit sino. Kahit nga ang ama namin ay walang kawala sa kaniya, paano pa kaya amg isang tao na katulad niya. Mahina si Alicia at punong-puno ng galit ang puso niya. Kung ano man ang ipinangakong kapalit sa kaniya ni Vincent ay siguradong kaaya-aya." Mahabang paliwanag ni Vladimir.

Sumang-ayon naman si Elysia dahil maging siya ay nagdududang paninindigan ni Vincent ang lahat ng pangako niya kay Alicia.

"Napakatuso talaga ng kapatid mo. Siyam na buhay na naman ang magiging sakripisyo para sa kaniya. Sa tindi ng kasalanan niya sa mundo, siguradong kahit sa impy*rno ay hindi na siya tatanggapin." Umiiling na wika ni Elysia.

"Maiba ako Vlad, narinig ko ang plano niyo sa parusa para kay Alicia, totoo ba?"

"Oo, totoo ang narinig mo. Mabigat na kasalanan ang ginawa nila kaya mabigat din na parusa ang nababagay sa kanila. Wala kang dapat ipag-alala, walang inosente ang masasaktan." Saad naman ng binata. Matapos ng kanilang pag-uusap ay sabay na silang nagtanghalian kasama ang mga bata.

Naging masaya sila kahit paano kasama ang mga bata. Hindi na nila ipinaalam sa mga ito ang mga nangyayari at tanging ang mga nakatatanda lamang ang nakakaalam.

Sa pagsapit mg gabi ay nagtipon-tipon ang lahat ng mahahalagang kawani ng kaharian ng Nordovia. Kabilang na dito ang mag-amang Morvam at Mariella. Nakaupo sila sa sa gilid ng luklukan ni Vladimir at Elysia. Bagaman hindi pa nakokoronahan ang dalaga, bukal sa loob ang pagtanggap sa kaniya ng Nordovians bilang kanilang reyna. Si Mariella naman ay tahimik na napapakagat ng labi habang nakatingin sa babaeng nagpahirap sa kaniya.

"Huwag kang mag-alala anak, makukuha mo ang hustiyang nararapat sa'yo." Pag-aalo ng Duke sa kaniyang anak.

"Alam ko naman iyon ama, nakakainis lang isipin na isang mababang uri ng bampira ang makakatalo sa akin. At kampon pa ng mabahong si Vincent." Reklamo ni Mariella at pigil na pigil ni Elysia ang tawa sa narinig.

"Totoo naman, kaya nga kay Vlad ako nagkagusto noon at hindi sa kaniya. At 'yon na yata ang pinakatamang desisyon na ginawa ko sa buhay ko. Kahit pa sabihin natin wala pa rin akong pag-asa kay Vlad. Sana lang talaga, bumuka na ang lupa kung saan man naroroon ang Vincent na 'yon. Para matapos na ang gulong ito at mabuhay naman tayo ng tahimik." Saad pa ni Mariella at doon naman naging seryoso si Elysia. Itinaas pa niya ang kamay at binigyan ng palakpak ang dalaga, bilang pagsang-ayon.