webnovel

Chapter 88

Takipsilim nang dumating si Elysia sa palasyo. Mabilis siyang bumaba sa kaniyang kabayo at isang kawal naman ang lumapit upang ibalik ito sa kuwadra habang siya naman ay tuloy-tuloy nang pumasok sa palasyo.

Saktong pagdating niya sa bulwagan ay bumungad naman sa kaniya si Luvan na noo'y papalabas na sana ng lugar.

"Uncle, nagmamadali ka po ba, may isasangguni sana ako at itatanong sa 'yo,": bungad ni Elysia.

"Wala naman akong gagawin, ano ba 'yon, mukhang seryoso 'yan ah." tanong ni Luvan at muli itong pumasok kasama siya sa bulwagan. Mabilis namang naglakad si Elysia patungo sa kinaroroonan ni Vladimir at sa harap nito, inilapag niya ang espadang ibinigay sa kaniya ni Olivia.

"Binigay sa akin ito ng naiwang kaibigan ni Mama, ang bilin niya ay ibibigay lang ito sa akin, sa oras na malaman ko na ang totoo sa aking pagkatao." Matapos ilapag, hinugot niya ito sa kaluban at doon tumambad sa harapan nina Vladimir at Luvan ang itim na talim ng mahabang espada na hawak ni Elysia.

Nanlaki naman ang mga mata ni Luvan, ngunit bakas sa mukha nito ang kagalakan dahil sa nakikita.

"Hindi ko akalaing magkakaroon ulit ako ng pagkakataon na makita ang Lama De Soare." emosyonal na wika ni Luvan.

"Lama De Soare?" Nagtatakang tanong ni Elysia at napatingin sa espada.

"Oo, Elysia, ang espadang iyan ay may pangalan, Lama De Soare, o ang talim ng araw. Sandatang mabisang pangpaslang sa mga bampira. Ang talim ng Soare ay mabisa dahil kahit sa maliit na sugat na maidudulot niyan sa isang bampira, siguradong maghihirap sila hanggang sa sila na mismo ang lumapit kay kamat*yan," tugon ni Luvan. 

Sinuyod ng mata nito ang kabuuan ng talim, hindi na sumubok na humawak si Luvan dahil alam niya sa sarili niya na hindi ito mahahawakan ng kahit sino lamang. Tanging ang magtatangan lamang ang may kayang gamitin o buhatin ito. At sino man ang magtangkang nakawin ang sandata, ay siguradong isusumpa nito.

"Ang buong akala ko ay tuluyan nang nawala ang espadang iyan sa mundong ito. KUng sino man ang nagtago niyan ay paniguradong may permiso na hawakan ang Soare. Pag-ingatan mo iyan Ely, bukod sa panang hawak mo, siguradong malaki ang maitutulong ng Soare sa 'yo," dagdag pa ni Luvan.

Muli naman isinilid ni Elysia ang espada sa kaluban nito. Bumuga siya ng marahas na hangin at napatingin sa espada.

"Ayos ka lang ba Ely? Bakit 'di ka muna magpahinga," suhestiyon ni Vladimir.

"Ayos lang ako Vlad," sagot ni Elysia at muling bumuntong-hininga.

Tumayo si Vladimir at lumapit kay Elysia, pinili niyang hindi magmadali sa mga salita, ngunit ang tono ng kanyang boses ay puno ng alalahanin at malasakit. "Ely, alam kong marami kang iniisip, at ang mga kaganapang paparating ay parang mabigat na pasanin sa iyong balikat. Pero hindi mo kailangang mabahala at pasanin ang lahat nang mag-isa. Alalahanin mong nandito pa kami, ako, hindi ka namin pababayaan."

Pumuwesto siya sa harapan ni Elysia, hinawakan ni Vladimir ang kamay ng dalaga, marahan iyon at punong-puno ng suporta. "Hindi mo kailangang maging perpekto, Ely. Ang koronasyon ay hindi lang tungkol sa pag-upo sa trono, at pamamahala sa nasasakupan mo. Tandaan mo, kahit ikaw ang maging reyna ka, hindi mo kailangang maglakbay mag-isa."

Bumuntong-hininga si Elysia, at sa mga salitang iyon, unti-unti niyang naramdaman ang bigat na unti-unting naglalaho mula sa kanyang mga balikat. Ngumiti siya at yumakap sa binata, doon lang niya napagtanto na wala na pala roon si Luvan. Sa tuluyang paggaan ng kaniyang kalooban, naramdaman rin niya ang pagod na kanina pa nagpapabigat ng kaniyang pakiramdam.

Malakas na tunog ng ulan ang gumising kay Elysia sa umaga. Ang mga patak ng ulan ay tumama sa bubong ng kanyang kwarto, at ang tunog ng malakas na hangin ay umabot hanggang sa kanyang mga pandinig. Pumihit siya sa kanyang kama, bumaba at naglakad patungo sa bintana. Mula roon, kitang-kita ni Elysia ang mga punong hinahagupit ng ulan, ang mga dahon ay yumuyuko dahil sa lakas ng hangin. Ngunit sa kabila ng unos na may kalakasan sa paligid— isang uri ng katahimikan ang bumabagabag kay Elysia. 

Isinara niya ang bintana at bumalik na sa kaniyang higaan, doon ay nakita niyang tila nagliliwanag ang espada niyang nakapatong sa ibabaw ng upuan sa gilid ng kaniyang higaan. Mabilis niyang nilapitan ang espada,sa kaniyang paghawak dito, tila hinaplos ng isang mainit na sensasyon ang kanyang palad, nagsimula siyang makaramdam ng koneksyon na hindi niya dati naramdaman— parang ang espada ay may buhay, at tinatawag siya. 

Sa kaniyang pagdama sa hawakan ng espada, isang pangitain ang pumasok sa kaniyang isipan, tila isang malaking bato itong inihampas sa kaniyang ulo, dahilan upang mahilo siya at mabuwal sa kaniyang kinatatayuan. Mabilis niyang naitukod ang kamay sa higaan at nasapo niya ang ulot habang ang mga mata ay titig na titig sa espada.

"Isa ba iyong babala Soare? Pero bakit ngayon? Dahil ba sa ulan?" naisatinig niya. Kunot-noo siyang napatingin sa kaniyang bintana at nanununot sa balat niya ang lamig na dulot ng ulan. Nang tuluyan nang humupa ang pagkahilo niya ay agad niyang isinukbit ang pana sa kaniyang katawan at dinampot ang espada, bago nagmartsa palabas ng kaniyang silid. Dali-dali niyang tinahak ang mahabang pasilyo patungo sa bulwagan upang ipagbigay-alam ang babalang ibinigay sa kaniya ng espada.

"Sigurado ka ba Elysia?" Kunot-noong tanong ni Vladimir. Kasalukuyan itong nakikipag-usap sa kaniyang mga Heneral nang maabutan niya ito.

"Oo, Vlad. Malakas ang kutob ko na gumagalaw na sila ngayon at ginagamit nila ang masamang panahong ito para ikubli ang kanilang mga presensiya sa inyo." Nang makita ni Elysia na nag-aalangan ang mga Heneral na paniwalaan siya ay mabilis niyang hinugot mula sa kaluban ang espada. Gamit ang dulo ng talim nito ay sinugat niya ang kaniyang daliri at ipinatak roon ang kaniyang dugo.

Matapos niyang ginawa iyon ay humawak naman siya kay Vladimir at kinuha ang punyal sa tagiliran nito. Sinugat niya ang daliri ng binata at ipinatak rin iyon sa talim ng espada bago niya muling hinawakan ang kamat ng binata.

Nakita nilang magliwanag ang espada at muling nakita ni Elysia ang pangitaing iyon at mas malinaw na ito ngayon. Sa pagkakataon ring ito ay malinaw rin na nakita ni Vladimir ang nakikita ni Elysia dahil sa kanilang koneksyon.

"Ihanda ang inyong mga hukbo ngayon din, papunta na ang ating mga hindi inibitang bisita." Ikinumpas ni Vladimir ang kaniyang kamay habang nagbibigay ng utos. Mabilis na tumalima ang kaniyang mga Heneral at naiwan ang dalawa sa loob ng bulwagan.

"Paano mo nagawa iyon Elysia? Ang ibig kung sabihin, paanong naipakita mo sa akin ang mga nakikita mong pangitain sa espada?" Naguguluhang tanong ni Elysia.

"Iyon ang utos ng espada, Vlad. Hindi ko rin maintindihan pero parang may buhay ang espadang ito. Para siyang si Lira ngunit nasa katauhan lang ng isang espada. Hindi ko rin maipaliwanag pero iyon kasi ang pakiramdam ko. At Vlad, sa tingin ko ay tinutulungan tayo ng espadang ito." Wika ni Elysia.

Tumango naman si Vladimir bilang pagsang-ayon. Nang araw ding iyon ay naghanda sila. Batid nilang ano mang oras ay darating na ang kanilang mga kalaban. Lalong naging malakas ang ulan at napakalamig ng hatid nitong hangin.

Bakas sa mukha ni Elysia ang pag-aalala habang nakatingin sa kabuuan ng Nordovia habang nababalutan ito ng mapipino at malakas na ulan.

"Nararamdaman ko na sila prinsesa." Sambit ni Lira, puno nang kaseryosohan ang maliit nitong mukha.

"Oo Lira, nararamdaman ko rin ang paglapit nila." Kinuha ni Elysia ang pana niya at isang palaso. Gamit ang kakayahan niyang apoy, pinagapang niya ito sa palaso at mabilis na pinakawalan patungo sa damdana sa kabilang tore.

Agad na nagliyab ang mga inilagay nilang kahoy roon at naalerto ang mga naroon. Apat na tore pa ang nagsunod-sunod na nagliyab na siyang umalerto naman ng lahat ng mga tao sa Nordovia.

Sabay-sabay na nagsarado ang mga bahay sa mga bayan at ang mga tao ay nagsipagtago na sa mga lihim na taguan nila.

"Ngayon pa talaga, ano ba ang akala nila, hindi natin malalaman ang pagdating nila dahil sa kapal ng ulan?" Tanong ni Elysia.

"Hindi, pero wala tayong magagamit na apoy kapag umatake ang mga chiroptera." Sagot ni Lira at napangiti si Elysia.

"Hindi lahat ng apoy ay kayang patayin ng ulan, Lira."

Ngumisi si Lira. "Tama ka prinsesa at iyon ang hindi nila alam."

Nakikinita na ni Elysia ang pagkasira ng mukha ni Vincent dahil doon. Isa ang apoy ng mga Alarion sa mga hindi naaapula ng tubig o ng kahit ano pang natural nitong kahinaan.

"Elysia, mag-iingat ka." Narinig ni Elysia sa kaniyang isipan, alam niyang si Vladimir iyon na nakikipag-usap sa kaniyang isipan. Mabilis siyang tumugon rito at nag-iwan ng mga paalala bago niya pinutol ang koneksiyon nila.

Muli niyang itinuon ang pansin sa madilim nankalangitan at doon niya naaninag ang mga hayok na halimaw na lumilipad papalapit sa palasyo. Bukod pa roon, nararamdaman na rin niya ang pagdagundong ng lupa dahil sa sabay-sabay na yabag ng mga hukbong papalapit sa kanila.

Next chapter