webnovel

Chapter 44

Walang paglagyan ang takot na nararamdaman ni Elysia. Nais niyang saklolohan si Vladimir ngunit pinipigilan siya ni Ruka at Loreen.

"Elysia, huminahon ka. Sa oras na lumabas ka sa ginawa nating barrier, masasaktan ka niya. Magtiwala ka kay Haring Vladimir." Sigaw ni Loreen ngunit tila bingi si Elysia at patuloy na nagpupumiglas sa mga ito.

Nang hindi na makapagtimpi si Ruka ay isang marahas na sampal ang pinakawalan niya sa pisngi ni Elysia.

"Patawad sa kapangahasan ko, prinsesa. Pero, hindi ka na nag-iisip." Sigaw ni Ruka.

Natigilan si Elysia nang maramdaman ang pagsidhi ng sakit sa kaniyang pisngi. Napaatras naman si Ruka nang lumingon sa kaniya si Elysia. Seryosong nakatingin lang ang dalaga kay Ruka, nanlilisik ang mga mata nitong tila galit na galit. 

Ilang segundo rin iyon at nakahinga lamang nang maluwag si Ruka nang mahimasmasan na ang dalaga at nawala na ang panlilisik ng mga mata nito. PAra bang imahinasyon lang niya ang lahat, ngunit malinaw pa sa isipan niya ang pag-iba ng kulay ng mga mata ni Elysia. Ang kulay ambar nitong mata ay tila naging matingkad na asul.

"Elysia, ikaw na ba 'yan?" maingat na tanong ni Ruka.

 Inangat ni Elysia ang kamay at marahan niyang hinaplos ang nasaktan niyang pisngi.

"Salamat, Ruka." sambit ni Elysia at mabilis na kinuha nito sa isang sulok ang kaniyang palaso at pana na inihanda niya kanina. Mabilis niyang iniumang iyon sa makapal na usok at pilit na pinapakiramdaman ang presensya ng dem*nyo. Nang matukoy niya ang kinaroroonan nito ay mabilis niyang pinakawalan ang palaso. Humagibis ito sa ere at diretsong lumusot sa makapal na usok. Ang malakas na atungal ng nilalang ang sumunod nilang narinig, kasabay nang marahas na paghawi ng usok at ang paglabas doon ng nilalang. Sa kaniyang balikat nakatusok ang palasong pinakawalan ni Elysia.

Galit na galit ito, tila yumayanig pa ang lupa habang papalapit ito sa kinaroroonan niya. Ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tumigil ito sa kaniyang harapan na tila ba may kung anong pader na pumipigil dito. Marahas pang ipinukpok ng nilalang ang kaniyang braso sa hindi nakikitang harang at galit na galit itong nagwawala roon.

"Lubayan mo si Vlad!" sigaw ni Elysia.

"Pangahas ka tao. Lumabas ka riyan at dudurugin kita nang pinong-pino!" Galit na angil nito at pilit nitong hinuhuhugot ang palaso sa kaniyang braso. Ngunit sa bawat paghatak nito ay lalo itong bumabaon sa kalamnan nito. Nabigla naman si Elysia nang mapansin ito, hindi niya alam kung paano iyon nangyayari pero, naisip niyang pabor sa kanila ang sitwasyon. Muli niyang itinaas ang kaniyang pana at nilagyan iyon ng palaso bago matapang na itinutok sa nilalang.

"Lubayan mo na kami, ang alay na gusto mo ay nasa labas. Dalawampung baka, para sa dalawang buhay na hiniling sa'yo ni Esme. Putulin mo na ang ritwal at hindi na rin namin kailangang buhayin mo pa sila." matapang na utos ni Elysia at napahagikgik nang nakakaloko ang nilalang. 

"Baka? Hindi hayop ang nakasaad sa kasunduan kun'di tao. Buhay na tao, babae. Hindi na mapuputol ang ritwal dahil matagal na itong tapos at alay na lang ang kulang." Tugon ng dem*nyo.

Mariing napahawak si Elysia sa kaniyang pana at hinatak pa niya ito.

"Wala na ang kasunduan, dahil hindi alam ni Esme ang kasunduan. Nilinlang niyo siya at wala kang karapatang gawin iyon." sigaw ni Elysia.

Muli ay pinakawalan ni Elysia nag palaso ngunit mabilis lang iyong nailagan ng nilalang. Isang malakas na pag-atake ang pinakawalan ng halimaw at dumagundong at yumanig ang lupa nang lumapat ang kamao nito sa harang. Umatungal ito ng ubod ng lakas at naitakip ng wala sa oras ni Elysia ang mga kamay sa kaniyang tainga.

Lalong nagwala ang nilalang at paulit-ulit nitong inihahambalos ang kaniyang mga kamay sa harang. Patuloy namang nagsasambit ng mga salita si Loreen habang yakap-yakap ang mga bata.

Nag-aalalang binalingan ni Elysia ang lugar kung nasaan si Vladimir at wala pa rin siyang nakikitang paggalaw mula roon.

"Vlad, sana nasa maayos kang kalagayan." Pabulong niyang hiling at muling binalingan ng tingin ang nilalang. Muli niyang nilagyan ng palaso ang kaniyang pana at itinutok ito sa nilalang.

Hindi pa man din niya ito napapakawalan ay isang malakas na puwersa ang nagpatilapon dito. Napangiti si Elysia nang makitang si Vladimir ang may gawa niyon.

Mabilis niyang ibinaba ang kaniyang sandata at dagling nawala ang kaninang pag-aalala sa puso niya.

"Vlad, ayos ka lang ba? May sugat ka ba?" Tanong niya.

"Ayos lang ako, diyan ka lang Ely, huwag kang lalabas sa harang na ginawa ni Loreen. Hindi niya kayo malalapitan." Utos ni Vladimir. Matapos sabihin iyon, agad siyang umalis. Tila kidlat siyang nawala sa harapan ng dalaga at nang balingan niya ng tingin kung saan ito pumunta ay nakita na niya itong muling nakikipaglaban sa dem*nyo.

"Loreen, wala ba tayong magagawa para tulungan si Vlad na gapiin ang kalaban niya?" Tanong ni Elysia nang lapitan si Loreen.

"Wala, hindi ordinaryong nilalang ang mga tulad niya. Kahit sabihin natin utusan o mababang uri lang siya, mas malakas pa rin siya sa atin. Mga tulad lang ni Haring Vlad ang maaaring makatapat sa kaniya o ang tulad niyang dem*nyo o di kaya mga lalang ng Diyos." Seryosong tugon ni Loreen.

"Pero, nakita mo ba kanina. 'Yong palaso ko, gumana sa tulad niya at hindi niya ito mabunot sa kalamnan niya." Wika ni Elysia at napatango naman si Loreen.

"Oo, nakita ko. Nag-iisip ako kung paano nangyari iyon. At iniiisip ko rin na baka posibleng mapaslang natin ang dem*nyo kung tatamaan mo siya sa mismong puso niya o di kaya naman sa ulo." Wika ni Loreen.

Saglit na napaisip naman si Elysia at napatingin sa hawak niyang palaso.

"Loreen, paano kung lapatan mo ng nakamamatay na lason ang palaso ko? Posible pa bang malason ang mga tulad nila?" Tanong ni Elysia at nanlaki ang mga mata ni Loreen.

Bahagyang nangunot ang noo nito at napahawak sa kaniyang baba.

"Lason? Tama, napakatalino mo talaga Elysia. Hindi sumagi sa isip ko na posible 'yon. Halika, ibigay mo sa akin ang tatlong palaso. Mayroon akong alam na spell na makapaglalagay ng nakamamatay na lason sa palaso mo." Saad ni Loreen at dali-daling ibinigay naman ni Elysia ang tatlo sa kaniyang mga palaso rito.

Habang nilalapatan ng spell ni Loreen ang mga palaso ay hindi naman mapakali si Elysia. Kitang-kita kasi niya kung paano nadedehado si Vladimir sa tuwing inaatake ng nilalang ang harang na nakapalibot aa kanila.

Ilang beses pang bumagsak sa lupa si Valdimir ngunit mabilis itong nakakabawi at muling nahaharangan ang nilalang. Magkagayon pa man ay hindi panatag ang kalooban ni Elysia dahil kita niya kung paano nahihirapan ang binata.

Ilang minuto pa ang lumipas bago naisakatuparan ni Loreen ang kanilang plano. Maingat niyang iniabot kay Elysia ang palaso at nagbigay ng babala rito.

"Elysia, mag-iingat ka. Kaunting daplis at maaari kang malason. Huwag mong hahawakan ang talim dahil sampong ulit na mas matalas iya kaysa sa una."

"Naiintindihan ko Loreen. Salamat." Wika ni Elysia at mabilis na pumuwesto. Maingat niyang inilagay sa pana ang palaso at hinatak ito.

Nang makakita siya ng pagkakataon at mabilis niyang pinakawalan ang palaso. Humagibis ito subalit katulad noong una, nailagan ito ng nilalang at sa lupa ito tumama.

Napam*ra si Elysia at muling nilagyan ng palaso ang kaniyang pana. Naghintay ulit siya ng pagkakataong makalayo si Vladimir bago ito pakawalan.

Sa pangalawang beses ay matagumpay na tumama ito sa kanang binti ng nilalang. Mariing ininda ng nilalang ang sakit at walang tigil ito sa pagmum*ra sa kaniya. Ngumisi naman si Elysia at muling ibinala sa pana niya ang huling palaso.

Nagpatuloy ang pakikipaglaban ni Vladimir sa dem*nyo at sa bawat pag-atake niya ay naramdaman niya ang panghihina ng kalaban niya.

"Mukhang naisahan ka ng taong minamaliit mo. Hindi basta-basta ang aking prinsesa dahil hindi siya isang dekorasyon lang. " Natatawang wika ni Vladimir. Isang malakas na sipa ang pinakawalan niya at tinamaan sa ulo ang kalaban ng binata.

Bago pa man ito makabawi ay isang espada ang hinugot ni Vladimir sa lupa, kasabay ng unti-unting paglitaw nito ay ang pagyanig ng lupang kinatatayuan nila.

"Alam kong nakikilala mo ang espadang ito. Hindi ito ordinaryo dahil galing mismo ito sa hari niyo." Wika ni Vladimir at malakas na pag-atungal lang ang isinagot ng nilalang.

Bago pa man maibaba ni Vladimir ang talim ng espada sa ulo ng dem*nyo ay isang palaso ang tumusok sa noo nito. Kilala niya ang palasong iyon kaya alam niyang si Elysia ang may gawa nito. Bumagsak sa lupa ang nilalang at natupok ito hanggang sa tuluyan itong maging itim na abo at tangayin ng hangin.

"Mukhang hindi pa rin kita magagamit. Maaari ka nang bumalik sa tahanan mo." Mahinahong wika ni Vladimir at binitawan ang espada. Muli naman itong nilamon ng lupa at nawala maging ang presensya nitong kanina lamang ay nagbigay ng kilabot sa lahat ng mga nilalang.

Isang mahigpit na yakap naman ang bumungad kay Vladimir paglingon niya. Ang nag-aalalang mukha ni Elysia ang agad niyang nakita.

"Hindi ka ba nasaktan? Ano ang sandatang iyon? Bakit ganoon na lamang ang takot na naramdaman ko nang lumabas iyon?" Sunod-sunod na tanong ni Elysia.

"Hindi ako nasaktan. Hiniram ko lang ang sandatang iyon. Mamaya na ako magpapaliwanag. Ikaw muna ang magpaliwanag. Paano mo nagawang paslangin ang dem*nyo gamit lang ang palaso mo?"

"Nagtulong kami ni Loreen, nilagyan niya ng lason ang palaso ko. Ayaw kong nadedehado ka sa laban, kinakabahan ako." Sagot niya at natawa lamang ang binata. Kumislap ang mga mata nito habang pinakatitigan si Elysia. Sadyang napakasuwerte niya dahil hindi lamang may mabuting puso si Elysia, may utak rin ito at tapang na hindi mo aakalain.

ตอนถัดไป