webnovel

Chapter 4

"Gano'n ba, huwag kang mag-alala Loreen, mapapaamo ko din si Elysia. Batid kong malaki ang galit niya sa mga bampira, hayaan lang natin siyang gawin ang gusto niya hanggang sa tuluyan na siyang magtiwala sa atin." Agad na sumilay ang magandang ngiti sa labi ni Vladimir. Unang kita pa lamang niya sa dalaga ay amoy-na amoy na niya ang napakabangong dugo nito. Ipokrito siya kung sasabihin niyang hindi siya naaakit sa dugo ng dalaga, kasalukuyan siyang nakaupo sa kaniyang trono habang iniinom ang dugo mula sa hawak nitong gintong kalis.

"Ngunit Haring Vladimir, nararamdaman ko sa batang 'yon ang matinding poot, hindi man niya ito ipakita sa inyo, hindi naman iyon nakakatakas sa aking abilidad. Matindi ang galit niya sa angkan ng mga bampira at nakikita kong kapag hindi siya napigilan ay magmimitsa ito ng pagkaubos ng inyong angkan." Nababahalang wika ni Loreen. 

Napangiti naman si Vladimir sa tinuran ng babae. Nanlaki ang mga mata ni Loreen nang mapagtanto ang nais gawin ng kaniyang Hari.

"Huwag niyong sabihin na kaya niyo kinuha si Elysia kay Vincent dahil sa propesiya? Hanggang ngayon ba ay nais pa rin niyong mawakasan ang lahing inyong kinabibilangan?" tanong ni Loreen. Sa halip na sagutin ay isang malakas na tawa ang pumainlalang sa silid nito. Hindi maiwasan ni Vladimir ang hindi matawa, dahil nautakan na naman niya ang magaling niyang kapatid na siyang pumat*y sa kaniyang ina.

"Wala akong ibang hiling Loreen, kung si Elysia ang sagot sa aking mga pangarap, ay huhubugin ko siya para maging isang magiting na mandirigma na siyang lulupig sa aking angkan. Wala akong pakialam kung maging ako ay kaniyang wakasan. Ikatutuwa ko ang mamat*y sa kamay ni Elysia, Loreen." Natatawang wika niya, tila isang baliw na siya habang si Loreen naman ay bakas ang takot at pagkabahala sa pinaplano nito.

Kung matindi ang galit ni Elysia sa mga bampira ay ganoon din si Vladimir. Walang kasing lupit ang sinapit niya sa mga kamay ng kaniyang mga kauri, lalong-lalo na sa kaniyang ama at kapatid. Namatay ang kaniyang ina dahil sa kagagawan ni Vincent at nagkibit-balikat lang ang kaniyang ama rito. Ang buhay ng mortal para sa kanila ay laruan lamang at pagkain, wala ng iba. Wala siyang ibang hiling kun'di ang pagkawasak nila, kaya siya nagpalakas at nagtatag ng sarili niyang kaharian. Oo, at hindi siya isang purong bampira ngunit nasa dugo pa rin niya ang pagiging immortal, sa kabila ng edad niyang mahigit na sa isang daan ay nananatiling binata ang kaniyang kaanyuan.

Gabi na nang maisipan ni Vladimir na tunguin ang silid ni Elysia, naabutan niya itong nahihimbing na sa pagtulog. Marahan siyang umupo sa gilid ng higaan nito at pinagmasdan ang maamong mukha ng dalaga. Alam niyang isang manunugis ng mga bampira ang angkang pinagmulan ng dalaga, dahil naaamoy niya ang mabango nitong dugo na sadyang nakakahalina sa kaniyang ilong at buong pagkatao. Hinawi niya ang mahaba nitong buhok na nakatakip sa may bandang leeg ng babae at mariing napalunok. Unti-unting bumababa ang kaniyang mukha sa leeg ng dalaga at mahina siyang napapaangil habang dahan-dahan humahaba ang nakausli niyang pangil. Subalit, bago pa man niya tuluyang makagat ang dalaga ay mabilis niyang pinigilan ang kaniyang sarili. Isang mabilis na halik sa balat nito ang kaniyang iniwan at tila kidlat na nawala sa tabi nito.

Wala namang kamuwang-muwang si Elysia sa naganap nang gabing iyon, kinabukasan pagising niya ay nakita niya sa mahabang mesa si Vladimir na nakaupo, may kung ano itong iniinom sa gintong baso nito. Nag-angat ang binata ng ulo at nakangiting tinanguan ang dalaga.

"Mabuti naman at gising ka na." sambit ni Vladimir at napaangat naman ng kilay si Elysia.

"Himala, hindi ka yata tulog ngayon." Hindi maiwasang wika ni Elysia. Umupo siya sa upuang kaharap nito at agad siyang pinagsilbihan ng mga naroroon.

"Ang isang malakas na bampira ay hindi kailangan matulog araw-araw. Kaya kung tumagal ng isang linggo na hindi natutulog, alam mo ba 'yon?" nakangisi pang saad ng binata. Nagkibit lang naman ng balikat si Elysia at nagsimula nang kumain. Panaka-naka niyang tinatapunan ng tingin ang binata at may mga pagkakataon pa na nagtatama ang kanilang paningin na siya namang nagpapasikdo sa kaniyang dibdib.

Mabilis na nag-iwas ng paningin si Elysia at mas minabuti nang tapusin ang kaniyang kinakain. Mayamaya pa ay bigla ulit nagsalita si Vladimir.

"Ang totoo niyan ay aalis tayo at tutungo sa isang bayan sa norte, nais kong makita mo ang mga bayang nasasakupan ko." wika nito at napaawang ang labi niya.

Kalaunan ay lulan na sila ng isang karwahe, komportable siyang naupo sa upuan at hinayaan nakabukas ang bintana na nasa gilid nito upang malaya niyang matanaw ang tanawin sa kanilang daraanan. Nasa kabilang panig iyon ng pamayanang pinagmulan ni Elysia.

"Saan ba tayo pupunta?" tanong ng dalaga.

"Malalaman mo rin mamaya." tugon lang ng binata at ipinikit na nito ang kaniyang mata habang tinatakpan ang mukha. Hindi na nangulit pa si Elysia, bagkus aay itinuon na lang ang pansin sa daang tinatahak nila. Sa una ay may mga nakikita pa siyang mga kabahayan sa daan ngunit kalaunan ay puro puno na lmaang ang kaniyang nasisilayan. Hindi niya alam kung saan sila pupunta ngunit hindi siya nakakaramdam ng pagkabahala kung kaya't mas minabuti na lamang niyang namnamin ang kagandahan ng mga tanawing kanilang nadadaanan.

Mahabang oras pa ang lumipas nang tuluyan na nga nilang marating ang isang pamayanang ikinukubli ng nagtataasang mga punong-kahoy. Gawa sa malalaking troso ang kabuuan ng mgakabahayan doon maging ang nagsisilbi nilang bubong ay gawa rin sa kahoy. Payak ngunt mababanaag ang katibayan ng mga bahay roon.

Pagbaba nila sa karwahe ay isang matanda na natatayang nasa edad na singkwenta mahigigt ang sumalubong at lumapit sa kanila.

"Maligayang pagbabalik Haring Vladimir sa aming mumunting baryo." Magalang na yumukod ang matanda bago ito bumaling sa kaniya.

"At sino naman ang magandang dilag na ito?" Tanong pa ng matanda. Bahagyang pinasadahan ng tingin ni Elysia ang matanda bago inilibot naman ang tingin sa mga taong naroroon. Base sa nakikita niya ay mukhang mga mangangaso ang mga ito. Malalaki ang mga katawan nila at halos lahat ng kalalakihan roon ay may dalang mga armas katulad na lamang ng mg espade at palakol. Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang mga palaso at panang nakasukbit naman sa likuran ng kanilang mga kababaihan.

"Ito si Elysia, Haruon. Siya ang nakatakdang maging aking Reyna, dinala ko siya rito upang pormal na ipakilala sa inyo. Katulad niyo siya, isang mortal."

Agad na pumainlalang ang bulung-bulungan sa kanilang paligid. Nangungunot naman ang noo ni Elysia nang mapatingin kay Vladimir.

"Hindi ka ba natutuwa na makakita ng mga taong katulad mo?" Pabulong na tanong sa kaniya ng Hari.

"Hindi ba't isa kang bampira? Paanong hindi sila galit sayo, gayong ang angkan mo ang dahilan kung bakit sila naghihirap ngayon?" kunot-noong tanong ni Elysia.

"Hindi pa ba halata, noon pa man ay nasa ibang panig ako." natatawang tugon ni Vladimir at malakas na napabuntong-hininga ang dalaga. Napapakuyom na lamang siya ng palad sa sobrang inis sa binata. Hindi na tuloy niya alam kung dapat pa ba siyang magalit dito, o tama nga si Loreen. Kung bubuksan niya ang puso upang kilalahin ang binata ay marahil maintindihan din niya kung bakit ganito ang ginagawa nito.

Sa ngayon, patuloy siyang makikisama rito, kung makakabuti sa kaniya ay susundin niya ngunit kapag may nakita siyang ikapapahamak niya ay sasalungat siya.

Ang pagiging Reyna niya ang siyang magiging pananggalang niya sa mga nilalang na magiging balakid sa plano niya at si Vladimir ang kaniyang magiging kalasag upang ligtas na makamit iyon.

Nang makipag-usap na si Vladimir sa matandang nagsisilbing pinuno ng mga mangangasong iyon ay naiwan naman siya kasama ang mga kababaihan. Nakaupo sila sa malaking troso habang pinagamamasdan naman niya ang mga itong kumatay ng usa. Mahahaba ang mga buhok nito na nakatirintas at nakasablay sa kanilang mga balikat, kulay lupa ang kanilang mga kasuotan na marahil ay gawa sa mga balat ng hayop na kanilang nahuhuli. Kung anong uri ay hindi niya mawari.

Tahimik lang siyang nagmasid sa kaniyang paligid hanggang sa isang bata ang naglakas-loob na lumapit sa kaniya at kausapin siya.

"Ikaw ang aming magiging reyna? Tao ka rin ba katulad namin?" Sunod-sunod na tanong ng bata na sa pakiwari niya ay nasa sampong taong gulang. Napangiti siya at marahang tinanguan ang bata.

"Oo tao ako, katulad ninyo." Tugon niya, isang matanda naman ang lumapit sa kanila at inilayo roon ang bata bago siya hinarap. Sinenyasan siya nitong tumayo at sumunod sa kaniya na agad din naman niyang sinunod.

Hindi nagsasalita ang matanda habang naglalakad sila papalapit sa isang may kalakihang kubo. Pagbukas ng pinto ay bumungad naman sa kaniya ang loob ng kubong iyon na punong-puno ng samo't-saring uri ng mga armas, may mga espada, iba't-ibang klase ng patalim na may iba't-ibang haba at talim, meron ding mga palakol at pana.

Umupo ang matanda sa gitna ng bahay kung saan may mahabang mesa. Nang tumingin ito sa kaniya ay dali-dali naman siyang sumunod at umupo sa harap nito.

"Alam kung hindi pa sa'yo naipapaliwanag ni Haring Vladimir ang dahilan kung bakit ka niya kinuha. Alam namin na hindi talaga ikaw ang alay na para kay Vincent ngunit alam naming ikaw ang ipapalit ng magaling mong tiyahin." Mayamaya ay wika ng matanda. Tahimik lang siyang nakinig dito dahil ramdam niya na masasagot ng matanda ang lahat ng gumugulo sa isipan niya.

"Kakaiba ang dugo mo, dahil alam naming nagmula ka sa angkan ng mga tumutugis ng mga bampira noon, kakaunti na lamang tayo na may purong dugo ng manunugis, lahat halos sa atin ay napaslang na ng haring si Vincent. Batid din ni Haring Vladimir ang pagnanais mong maghiganti sa nangyari sa iyong mga magulang kaya ka niya dinala rito."

"Kilala po ninyo ang aking mga magulang?" Tanong ni Elysia at marahang tumango ang matanda.

"Kilala ko sila dahil minsan na din naming nakasama sa laban ang iyong ama at ina. Sa kasamaang palad ay napasama sila sa mga napaslang. Maging ang kanilang angkan ay nalipol ni Vincent. Walang kasing-sama ang halimaw na iyon. Sa ngayon bukod sa mga bampirang nagpasakop sa kaniya ay nauutusan niya rin ang mga chiroptera." Saad pa nito at nangunot ang noo ni Elysia.

Next chapter