webnovel

Chapter 68

"Nasa paligid lamang siya pero hindi ko matukoy kung saan." Pabulong pa niyang wika at tinapik naman siya sa balikat ni Maya.

"Ituon na lamang natin ang pansin sa tatay ni Manong, mukhang pahihirapan niya ako ng husto." sambit pa ni Maya at napatingin naman si Milo dito at napangiti.

"Mukha ngang hindi ka niya titigilan hangga't hindi ka naililibing sa lupa, ano bang ginawa mo at bigla na lang naging malaki ang galit niya sa'yo?" tanong ni Milo, habang kinukuha ang tabak sa tigiliran nito. 

"Nalaman niya kasi na anak ako ng aking ama na minsang tumalo sa kaniya. Alam mo naman ang mga pinunong aswang ay mabilis masaktan lalo kapag nauungkat ang kanilang mga kaahihiyan. Bilang isang pinuno ng mga sinaunang aswang isang kahihiyan ang matalo ng isang gabunang walang titulo. Kumbaga, para sa kaniyan, isang ordinaryong gabunan lamang si ama kaya masakit ang matalo ng inaakala mong mas mahina pa sa'yo." paliwanag ni Maya at hinugot na rin ang punyal niya sa tagiliran.

"Kaya naman pala. O' handa ka na ba? Sa kaliwa ka at ako na sa kanan. Sabay na tayo." Suhestiyon ni Milo. Tumalim pareho ang kanilang mga mata at halos kisap-mata lang nang mawala sila sa kanilang kinatatayuan at mapunta sila sa magkabilang bahagi ni Gonzalo. Napakabilis ng pag-atake nilang iyon na halos hindi nasundan ng kanilang mga kasangga, ngunit walang kahirap-hirap na nasangga lang iyon ng dalawang braso nito. Pakiramdam pa nila ay tila bakal ang tinamaan nila nang lumapat sa balat nito ang kanilang mga sandata.

"Naloko na, nagkaroon siya ng kabal kontra sa ating mga sandata. Hindi tatalab sa kaniya ang mahihinang pag-atake na may pambasag kabal." Wika ni Milo. Mabilis siyang nag-usal ng mga kataga ay inihip iyo sa talim ng kaniyang tabak. Ganoon na rin ang ginawa ni Maya bago sila muling umatake ng sabay kay Gonzalo.

Sa pagkakataong iyon ay nagawa na nilang masugatan ang braso nito pero tila ba hindi man lang nito ininda ang kaniyang mga sugat. 

"Mga hangal!" sigaw pa nito nang mahuli nito ang tabak ni Milo. Umusok ang kamay nitong nakahawak sa talim ng tabak ngunit tila ba hindi nito nararamdaman ang sakit ng pagkasunog ng kaniyang balat. iniaangat niya sa ere ang tabak at malakas na inihambalos iyon kasama si Milo. Bumagsak sa lupa si Milo at ininda niya ang pagtama ng kaniyang likod sa matigas na lupa. Napaubo pa siya at bahagyang napasigaw dahil sa nangyari. Maging si Maya ay walang kahirap-hirap na naibalibag ni Gonzalo sa lupa. 

Mabilis naman rumesponde si Gustavo at walang pagdadalawang-isip na inatake ang ama. nagpambuno silang dalaga, parehong nasa anyong aswang ang mga ito habang nagpapalitan ng kalmot. Halos dumagundong ang lupa sa bawat pagtama ng kani-kanilang mga atake sa bawat isa. Walang ano-ano'y matagumpay na naibalibag ni Gonzalo ang anak sa lupa. Akmang itatarak na nito ang matutulis niyang kuko sa dibdib ni Gustavo ay mabilis namang sinunggaban ni Maya ang haring aswang, dahilan para makaalpas sa pagkakadagan nito si Gustavo.

Wala nang sinayang na oras si Maya, pinahaba niya ang kaniyang mga kuko at isinaksak iyon sa dibdib ng nilalang. Bumulwak malapot at nangingitim nitng dugo mula sa kaniyang sugat at sa kaniyang mga bibig. Malakas ang pagsigaw nito habang nagwawala at pilit na kumakalawa sa pagkakadagan ni Maya.

Hindi pa nasiyahan si Maya at muli na naman niyang dinukot ang mga mata nito at itinapon sa lupa. Para itong isang baboy na kinakatay dahil sa malakas na pag-atungal nito. Ilang sandali pa ay kinuha ni Maya ang kaniyang punyal at nagbigkas ng limang mahihiwagang buhay na salita bago nito itinarak sa puso ni Gonzalo ang talim ng kaniyang punyal. Kumawala ang malakas sa sigaw sa nilalang bago ito tuluyang malagutan ng hininga. Walang pakundangang pinunit ni Maya ang dibdib ng nilalang at mula roon ay dinukot niya ang puso ng aswang.

Bahagya pa itong tumitibok-tibok nang iangat niya ito na tila ba iniaalay sa kalangitan. Sa pagkakataong iyon ay muling nanumbalik sa alaala ni Milo ang unang pagkakataong nakilala niya si Maya ngunit sa mga oras na iyon ay hindi na pugot na ulo ng aswang ang kaniyang hawak kun'di puso na nito. Matapos magsambit ng mga usal ni Maya ay walang kaabog-abog niyang ibinuka ang kaniyang mga labi at sinahod mula sa kaniyang mga palad ang nag-uumapaw na dugo na nagmumula sa puso ng hari ng mga aswang.

Hindi naman malaman ni Gustavo kung ano ang mararamdaman niya sa mga pagkakataong iyon. Magkahalong lungkot at saya ang kumakawala sa kaniyang dibdib. Napasigaw siya sa labis na kagalakan at marahas na inararo ang mga aswang na natitirang nakatayo habang nakatulala sa katawan ng kanilang pinuno. Wala na silang nagawa nang simulan nang pugutan nina Milo, Simon at Liway ng ulo ang mga natitira pang aswang. Nang tuluyan na nilang maubos ang mga aswang ay isang malakas na atungal ang siyang nagpayanig sa kanilang mga katauhan.

"Mga hangal, hanggang ngayon hangal pa rin ang mga tao." Wika ng isang boses bago nagpakawala nang nakakapangilabot na halakhak. Nagpalinga-linga sila sa paligid at ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat nang makita ang papalusob na mga wakwak mula sa kalangitan. Nakakarinig na din sila ng mga matitinis na palahaw ng mga tiktik at atungal ng iba't-ibang klase ng mga aswang.

"May mga aswang pang dumarating at napakarami nila." Sigaw ni Liway. Nagsimula na silang mabahala lalo pa nang marinig nila ang mga sigawan ng mga tao sa bayan. Maging sila ay inaatake na ng mga ito. Pilit na sinisira ng mga aswang ang mga kabahayan. Walang pakialam ang mga ito kung masaktan man sila ng mga pangontra na nakalatag sa bawat tahanan.

"Naloko na, hindi natin kakayanin ang ganito kadaming aswang." Wika pa ni Simon na noo'y nawawalan na ng pag-asa. Malakas na batok naman ang pinakawalan ni Liway upang gisingin ang binata.

"Walang susuko, hindi ba't nangako tayo sa bawat isa na walang mamamat*y sa atin. Sama-sama tayong uuwi sa bahay ni Milo." Untag ni Liway at bigla namang natauhan si Simon. Nawala ang isipin ng pagsuko sa kaniya at matapang na hinarap ang kanilang mga kalaban.

"Salamat Liway, sa paggising sa akin. Tama ka, walang dapat na sumuko." Sang-ayon ni Simon at mahigpit na hinawakan ang kaniyang balaraw.

"Nakakatuwa kayong mga tao, para kayong mga hayop na pilit kumakawala sa kuko ni kamatayan," dagdag na wika pa ng boses at napatayo na si Milo.

"Sino ka? Magpakita ka, naduduwag ka ba?" matapang na sigaw ni Milo. Hindi siya tumitingin kahit saan bagkus ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata at pinakiramdaman ang buong paligid. 

"Sino ako bata? Nakakatawa, hindi ba nasabi sa'yo ng magaling mong tiyuhin kung sino ako? Ako lang naman ang unang nagmahal sa iyong ina, ngunit mas nahulog siya sa isang tao, ang iyong ama. Ngayon sabihin mo sa akin bata, sino ako?" Tanong ng boses at napakunot ang noo ni Milo. Kahit anong isip niya kasi ay wala siyang makitang kaugnayan nito sa kaniya.

"Aba malay ko sayo, wala akong kinalaman sayo dahil hindi naman kita kadugo." sagot ni Milo na ginantihan naman ng tawa ng nilalang. 

"Ako si Asu-an, hinirang na diyos ng mga aswang at lahat ng nilalang ng kadiliman. Bata, gusto kita, dahil anak ka ng babaeng minsan kung inalayan ng aking pag-ibig-"

"Ha? Nagpapatawa ka ba, hindi ako pumapatol sa lalaki at lalong-lalo pa sa kalaban." Putol ni Milo sa sasabihin pa nito. Bigla kasi siyang kinilabutan sa mga pinagsasasabi ng nilalang na iyon. Idagdag pa na hindi niya alam kung nasaan ito. Nakadagdag din sa pangingilabot niya ang presensya nitong pabago-bgo, minsan lalakas tapos biglang hihina pagkaraan ng ilang saglit ay lalong lalakas.

"Milo, mukhang malakas ang tama niyan sa'yo a'," puna ni Simon at napangiwi naman si Milo.

"Wala akong pakialam diyan, bahala siya sa buhay niya, ni ayaw ngang maglantad ng mukha. Kaya siguro hindi sinagot ni nanay yan dahil pangit." saad pa ni Milo at kamuntik nang humgalpak ng tawa si Simon. KItang-kita niya kasi ang pagkairita ng binata sa kausap nitong nilalang at mukhang naiinis na din ito dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matunton ang pinagkukublian nito. Mukhang mga alagad din nito ang mga aswang na dumating sa Talusan dahil nananatiling nagmamasid lang ang mga ito at hindi umaatake.

Animo'y ang hudyat lang ng nilalang na kausap ni Milo ang kanilang hinihintay. Kaya iyon lang din ang naiisip na paraan ni Milo para pahabain pa ang kanilang oras. 

"Karim, nakita niyo na ba?" Tanong ni Milo sa kaniyang gabay. 

"Milo, mag-iingat ka, kilala ko ang Asu-an na iyan. Tunay na isa yan sa dating manliligaw ng iyong ina sa Ilawud. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit inatake ng mga magindara ang Ilawud. Anak ni Asu-an ang kauna-unahang magindarang nabuhay sa mundo at si Asu-an o mas kilala sa tawag na Asuang din ang dahilan kung bakit naging hayok sa laman ng tao ang anak niyang iyon." salaysay ni Karim. Naniningkit ang mga mata ni Milo sa nalaman. PInagtagpi-tagpi niya ang mga pangyayari at doon niya napagtanto na nagsimula nga ito sa kaniyang mga magulang. At bilang anak siya ng kaniyang mga magulang kaya siya ang inatasang pumunta sa Ilawud upang ituwid ang lahat.

"Kung ganoon, si Asu-an ay mortal na kalaban ng aking pamilya?"

"At siya rin ang dahilan ng pagkakapasl*ng ng iyong ama at ina,"dugtong pa ni Karim na siyang lalong nagpatalim ng mata ni Milo.

Next chapter