webnovel

Chapter 33

Pasapit na ang gabi nang marating nina Maya ang bahay ni Mang Isidro at Aling Rita, kasalukuyan nang naghahanda ng hapunan ang mga ito kaya agad naman silang kinumbida upang sumabay na sa kanila. Magalang naman silang tumanggi sa alok nito dahil nakakain na rin sila bago pa man sila umalis ng bahay ni Mang Isko.

Tumango naman ang mag-asawa at dinaluhan na ang kanilang pagkain habang si Maya naman ay naglibot sa buong bahay nito at naglagay ng iilang pangontrang dala nila. Nang matapos niya ang paglilibot ay bumalik na siya sa kinaroroonan ng kaniyang kapatid at ni Milo.

"Isang Motog ang ama ng anak na dinadala ni Agnes, nahahanay ito sa lahi ng mga bangkilan na isa sa matataas na uri ng mga aswang." Panimula ni Simon habang tahimik na nakikinig si Milo.

"Marami pa bang uri ang mga aswang? Ang buong akala ko ay iisa lamang ang aswang," Saad ni Milo habang nakakunot-noo nakatitig sa binata.

"Marami Milo, napakaraming uri at lahi ang mga aswang, ang lahing kinabibilangan namin ay sa mga gabunan, ang aming ama ay isang gabunang may dugong babaylan, kaya ang dugong nananalaytay sa akin ay hindi na rin puro, mas matimbang ang dugong babaylan sa aking katawan. Kaya kung mapapansin mo, hindi ko kayang magpalit ng anyo, hindi tulad ni Maya," paliwanag ni Simon. Napakamot naman ng ulo si Milo at bahagyang napaawang ang bibig. Bigla siyang naguluhan dahil ang pagkakaalam niya ay kambal ang dalawa, hindi ba dapat ay magkaparehong dugo ang nananalaytay sa kanila? 

"Paano nangyari 'yon Simon, hindi ba dapat ay magkapareho kayo ni Maya?" Nagtatakang tanong ni Milo sa kasama.

"Sabihin na nating si Maya ang nagmana ng kakayahan ng aming ama at ang namana ko naman ay sa aking ina. Pero kung mapapansin mo, sa mga ritwal na aming ginagawa, si Maya ang laging nasa sentro, mahina kasi ang katawan ko kaya hindi ako nakakatagal sa mga ritwal, si Maya ang nabiyayaan ng malakas na katawan kaya din siguro sa kaniya napunta ang kakayahan ng aming amang gabunan," mahabang paliwanag ni Simon.

Mariing napatitig naman si Milo kay Simon, may ngiting nakasilay sa mga labi nito, ni hindi mo mababakasan ng kahit anong pagkainggit ang binata bagkus ay puno ng kagalakan ang maamong mukha nito.

"Ang sabi ni ama, hindi pa napapanahon kaya hindi pa nalabas ang anyong gabunan mo. Pero darating ang araw na kusa itong mangingibabaw sa pagkatao mo." Sabad ni Maya sa usapan nilang dalawa.

Napangiti naman si Simon at agad na ipinasa sa dalaga ang dala nitong sundang na kalimitan namang nakikita ni Milo na gamit ng dalaga.

"Sabi ko naman sa'yo hindi ko na kailangan ang anyong iyon." Giit ni Simon at nagkibit-balikat lang si Maya bago naupo sa tabi nito.

"Hindi mo matatakasan ang dugo mo Simon. Sabi nga ni Ina, ano't-ano pa man, darating ang araw na kailangan nating yakapin ang nakalaan para sa atin. Tanggapin mo ito ng buong-buo at doon mo lang mahahanap ang kapanatagan ng loob," saad pa ni Maya.

Napangisi naman si Milo sa narinig, hindi niya alam na ganito pala magbangayan ang magkapatid.

Sa pagdaan pa ng mga oras, tuluyan na nga nilang nasilayan ang buwan sa kalangitan. Panaka-nakang nakakarinig na rin sila ng mga kakaibang tunog sa paligid.

"Mukhang may pinadala na silang tagamasid a'," nakangiting sambit pa ni Maya. Nangalumbaba ito sa kaniyang tuhod habang nakatutok ang mga mata direkta sa isang puno di kalayuan sa kinatitirikan ng bahay nina Aling Rita.

Maging si Milo ay tila hindi na rin mapakali sahil nararamdaman din niya ang paglapit ng mga nilalang sa kinaroroonan nila. Subalit nakapagtatakang hindi gaanong lumalapit ang mga ito at tila ba nagmamasid lamang, marahil ay naghahanap ng tyempo upang makasugod sila.

Paisa-isa na silang nagpalipad hangin upang maitaboy ang mga tagamasid na ipinadala ng mga aswang na nais biktimahin ang anak ni Aling Rita. Hindi ang mga ito ang nais nilang makalaban kun'di ang mismong nag-uutos na manmanan ang bahay na iyon.

Wala din namang silbi kung makikipaglaban sila sa mga tagamasid, mauubos lang amg oras nila, dahil alam nilang muli lamang itong mabubuhay at babalik dahil na din sa utos ng mga nagmamay-ari sa kanila.

Dahil nga sa kanilang ginawang pagpapalipad hangin ng mga orasyon na pangtaboy ay matagumpay nilang napaalis ang mga di kanais-nais na mga nilalang na iyon.

"Pambihira, tagamasid lang ang pinadala, akala ko pa naman mapapalaban tayo," saad ni Milo matapos bumuga ng hininga. Ang totoo ay kanina pa siya hindi mapakali at nais na niyang sugurin ang mga ito. Subalit, dahil sa hindi gumalaw ang magkapatid ay minabuti na niyang manatili na rin at sabayan ang pag-uusal ng mga ito.

Kalaunan ay pumasok na sila sa loob ng bahay nang mapagtanto nilang wala nang nilalang ang umaaligid sa paligid. Saglit na tinungo ni Maya ang silid ni Agnes at tiningnan ang kalagayan nito. Napangiti naman si Maya nang mapagtanto niyang nasa maayos nang kalagayan ang ginang. Maging ang sanggol na nasa sinapupunan nito ay nasa maayos na rin.

Ramdam na ramdam din niya ang bawat pagtibok ng maliit nitong puso at mga galaw ng namumuo nitong kalamnan.

"Maya, bakit?" Mahinang tanong ni Agnes nang magising ito. Napangiti naman si Maya at agad na inilagay ang kamay ni Agnes sa malaki na nitong tiyan.

"Maayos na ang anak mo, masigla siya at lumalaking malusog. Hindi kami magtatagal sa lugar na ito kaya naman pakaingatan mo sana ang iyong sarili. " Wika pa ni Maya at bumakas sa mukha ni Agnes ang pagkabahala.

"Paano kami, baka bumalik sila kapag wala na kayo." Nag-aalalang wika ni Agnes.

"Nandito naman si Mang Isko, mag-iiwan kami ng mga pangontra laban sa aswang, barang at kulam, huwag kang mag-alala, pero dapat ipangako mo sa akin, hindi ka lalabas ng bahay, hangga't hindi mo pa naipapanganak ang bata. Babalik kami matapos ang aming misyon, ngunit hindi ko rin alam kung kailan iyon. Baka pagbalik namin nailuwal mo na siya. Hangga't nasa loob ka ng inyong bakuran ay hindi ka malalapitan ng kahit anong nilalang." Salaysay ng dalaga.

"Maya, ipangako mong babalik ka ha, sa maiksing panahon na nakilala kita ay napakagaan ng loob ko sayo. Para na rin akong nagkaroon ng nakababatang kapatid. Hindi ko alam, marahil dala din ng batang ipinagbubuntis ko, parang nais kong laging malapit sa iyo." Emosyonal na wika ni Agnes habang hawak-hawak ang kamay ni Maya.

"Marahil nga, huwag kang mag-alala, may ibibigay ako sa'yo bukas na siyang magpapanatiling ligtas sa inyo ng pamilya mo. At tungkol naman sa ama ng anak mo, ipanalangin natin na ligtas siya." Wika ni Maya.

Kalaunan ay pinagpahinga na ni Maya si Agnes, lumabas na siya at naabutan niyang naglalatag na ng banih si Simon at Milo sa sahig. Gawa sa kawayan ang sahig kaya naman komportable na iyong tulugan para sa kanila. Ibinigay naman ng dalawang binata ang papag kay Maya na malugod namang tinanggap nito.

Sabay na silang nagpahinga matapos magdasal ni Milo. Sa pagsapit ng bukang liwayway ay isang balit ang inihatid sa kanila ng kaibigan ni Mang Isko na si Mang Kanor. Ayon dito ay kasalukuyab nang kinukumpuni ng mga tauhan niya ang bangkang kanilang gagamitin at maayos iyon kinabukasan din.

Natuwa naman ang tatlo dahil alam nilang sasakto iyon bago sumapit ang kabilugan ng buwan. Nang umaga ding iyon ay bumalik sila sa bahay ni Mang isko para kuhanin amg ibang mga gamit nila upang tuluyan nang mabakuran ang paligid ng bahay ni Aling Rita.

Pinaikutan nila ito ng pangontra na punong-puno ng mga dasal at orasyon. Ang iba ay inilibing pa nila sa palibot ng lupang kinatitirikan ng bahay ni Aling Rita. At ang iba naman ay isinabit nila sa mga punong nasa paligid ng bahay nito.

Maging ang mga puno sa mga kalapit na bahay ay sinabitan na rin nila upang masigurado nilang walang makakalapit sa kanila.

Matapos mailagay ang lahat ng pangontra sa paligid ay isinunod naman nila ang paglalagay ng espiritual na bakod sa mismong bahay ni Aling Rita.

"Hindi makakapasok ang mga nilalang hangga't hindi niyo sila iimbitahan sa loob. Ito ang inyong magiging pangalawang pananggalang sa mga nilalang ng dilim. Sa tuwing lalabas naman kayo ay dalahin niyo ito. Huwag niyo itong ihihiwalay sa inyong mga katawan lalo kapag lalabas kayo ng bahay." Paunang paliwanag ni Simon habang binibigay sa mag-asawa ang dalawang kwentas na may palawit na tila isang uri ng kahoy na may itim na balat. Hindi naman mawari ng mag-asawa kung anong uri ng kahoy ito subalit hindi na lang din nila itinanong.

"Bakit naman pati kami hijo, hindi ba dapat si Agnes ang mayro'ng pangontra?" Tanong ni Aling Rita at napatango naman si Mang Isidro.

"Mayro'ng ibibigay ang kapatid ko sa anak niyo, ito naman po ay oara sa kaligtasan niyo rin , para hindi kayo malapitan ng mga nilalang o magawan man lang ng masama. Si Mang Isko na din ang bahalang pumunta sa inyo paminsan-minsan. Hindi na rin kasi kami magtatagal ay kailangan na din namin makatawid sa pagsapit ng kabilugan ng buwan." Sagot naman ni Simon. Matapos bitawan ang mga salitang iyon ay siya rin namang pagbalik ni Milo, bitbit ang isang basket na punong-puno ng mga halamang gamot at mga maliliit na botelya na may lamang mga ugat na ibinabad sa langis.

"Ito naman po ay gagamitin lang ni Mang Isko sa tuwing may magkakasakit sa inyo, yung mga dahon po ay hindi basta-basta matutuyo hanggat may tubig sa kanilang sisidlan, ang langis naman ay kukulo kapag may aswang na lalapit sa inyong bakuran. Maari niyo din itong gamiting pantaboy sa kanila, buksan niyo lamg ang botelya at itapos ang laman nito sa aswang. Malalapnos ang kanilang balat ay matatakot na itong lumapit sa inyo." Dagdag na paliwanag ni Milo bago ibinigay sa mag-asawa ang sisidlan niyang dala.

Labis-labis ang pasasalamat ng mga ito sa kanila. Maging si Agnes na noo'y nakakaupo na ay walang tigil din ang pasasalamat sa kanila.

"Ginagawa lang po namin ang alam naming tama. Salamat din po sa inyong pagtitiwala. Hindi namin kayo matutulungan kung hindi niyo kami pinaniwalaan sa una pa lang." Sabad naman ni Simon at nagkangitian sila.

ตอนถัดไป