webnovel

Chapter 62

Sa pagsapit ng gabi ay pinababa na nila si Dylan sa restaurant na sinadya pang ipareserve ni Sebastian para lang sa kaarawan nito. Walang ibang tao kun'di sila lamang, kasama sina Veronica at ang mga kaklase nilang agarang kinontak ni Mira at Veronica.

Nanlalaki ang mga matang napatitig lamang si Dylan sa mga ito habang masaya silang kumakanta ng "happy birthday" sa binata. Dahil pare-parehong kwela at makukulit ang kaklase nina Mira ay naging masigla at masaya ang kanilang pagdiriwang.

"Minsan ka lang mag-twenty-one kaya pagbigyan mo na kami." Wika ni Sebastian habang inaabot sa kapatid ang isang box na halatang mamahalin pa. Bahagyang tumango si Dylan at niyakap si Sebastian.

"Salamat Kuya." Wika niya at marahang binuksan ang kahon. Tumambad sa kaniya ang isang makalumang relos na pamilyar sa kaniya.

"Matagal ko na dapat ibinigay sayo iyan ngunit hindi ako makakuha ng pagkakataon. Iniwan sa akin iyan ng Lolo mo at ibigay ko daw sa iyo sa tamang panahon. At mukhang ito na nga ang panahong iyon. " Nakangiting wika ni Sebastian.

Kakaiba ang relo'ng iyon dahil sa antigo nitong desinyo. Bahagyang sinipat ni Dylan ang mga letrang nakaukit doon at agad siyang napaluha.

"Kuya, nasaan si Lolo?" Tanong ni Dylan at itinuro ni Sebastian ang isang mesa kung saan nakaupo ang isang matandang lalaki na halos puti na ang lahat ng buhok nito. Bahagya na din nababaluktot ang likod nito dahil sa sobrang katandaan. Natatayang nasa ninety one years old na ngayong taon ang kaniyang abuelo at alam niyang maging sa paglakad ay hirap na ito.

Mabilis na pinahid ni Dylan ang luha at agad na nilapitan ang matanda.

"Ang sabi ni Sebastian madiriwang ka ng iyong kaarawan. Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito." Bungad na wika nito nang makalapit na si Dylan sa mesa. Lumuhod si Dylan sa harap nito at ginagap ang kulubot nitong mga kamay. Marahan niya iyon hinaplos bago nagmano.

"Lo, I'm sorry kung hindi ako nakakauwi sa bahay." Hinging paumanhin ni Dylan at napailing naman ang matanda. Alam nitong hindi komportable sa mansyon si Dylan kaya naman wala itong tutol na tumira ito sa labas. Alam din niyang nasa poder ni Sebastian ang kaniyang apo kung kaya't panatag siyang palaging ligtas ito.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Ako nga dapat ang humihingi ng tawad dahil hindi kita mabigyan ng komportableng bahay na matutuluyan. Napakalaki ng pagkukulang ko sa iyo Dylan. Malaki ka na, oras na siguro para maliwanagan ka sa totoong nagyari sa iyong ama at ina. Hindi ang kinikilalang ama mo ang iyong tunay na ama kun'di ang aking panganay na anak. Tiyuhin mo lamang si Arnulfo, pasensiya ka na kung inilihim ko ito sa iyo. Napakagulo ng buhay natin noon, ayokong malaman ng mga kalaban na anak ka ni Damian at Allysa, subalit sino ang mag-aakalang mangyayari pa rin ang aming kinakatakutan?" Salaysay ng matanda at humugot ito ng malalim na hininga. Tahimik na nakikinig si Dylan dito habang marahan ang paghaplos niya sa kamay nito.

"Namatay ang iyong ama dahil sa aksidente kasama ang iyong ina, ikaw naman ay biglang naglaho na parang bula. Hindi namin alam kung ano ang nangyari sa sinasakyan niyong kotse, galing kayo sa isang pagtitipon na ginanap sa lungsod ng Marabiles, papauwi na kayo nang maganap ang aksidente. Walang makapagsabi kung ano ang dahilan ng aksidente, nahulog ang kotse sa bangin at sumabog iyon. Nang dumating ang rescue ay tanging ang katawan lamang ng iyon ama ang aming nakita. Walang Allysa at wala ka." Dagdag pa nito at napaubo ito. Mabilis na kumuha ng tubig si Dylan at tinulungan itong makainom. Nang maging maayos na ang pakiramdam ng matanda ay agad itong napatingin kay Dylan.

"Kamukhang-kamukha mo si Damian, habang ang iyong mata ay kahawig nang kay Allysa. Dylan, ikaw na lamang ang natitirang alaala sa akin ng namayapa kung anak, matanda na ako at hindi ko alam kung hanggang saan na lamang ang buhay ko, nais ko sana sa aking paglisan ay maging tahimik na at matiwasay ang iyong buhay. " Saad pa nito habang hinahaplos ang mukha ni Dylan. Bakas ang kalungkutan at pagsisisi sa mukha ng matanda.

"At para maging tahimik ang buhay mo, kalahati ng mana ay mapupunta sa charity at ang kalahati ng assets ng ating pamilya ay iiwan ko sa Uncle Arnulfo mo. At ang tanging iiwan ko sa iyo ay ang lumang relos ng ating pamilya at ang mga ari-arian na naipundar ng iyong Ama nang nabubuhay pa ito. Huwag mo sana itong masamain Dylan apo. Ayoko lamang na malagay ka sa kapahamakan dahil sa pera. Intindihin mo sana." Malungkot nitong wika. Napangiti naman si Dylan at tumango.

"Hindi ko kailangan ng yaman Lolo, sapat na sa akin ang relo'ng ito. Sapat na po sa akin ang mga ipinagtapat mo. Sa katunayan, matagal ko nang alam na hindi ako tunay na anak ng kinikilala kong ama, at alam ko din ang dahilan bakit ako nasa sitwasyong ito. Lo, huwag ka pong mag-alala, masaya ako ngayon sa buhay ko, napakaraming nagmamahal sa akin ngayon at iyon ang mahalaga. Tungkol naman sa ari-arian ni Daddy, oras at panahon na lamang ang magdedesisyon kung kelan ko iyon gagalawin." Wika ni Dylan. Iyon na yata ang pinakamahabang diyalogong nawika niya ng isang hingahan lamang. Pakiramdam niya ay napakagaan ng kaniyang kalooban dahil sa nalaman. Matagal nang tinik sa lalamunan niya ang isiping kailangan niyang magpanggap na anak siya ng Tiyuhin niya kahit hindi naman. Ngayong ipinagtapat na ito sa kaniya ng kaniyang Lolo ay hindi na rin niya kailangang magpanggap pa sa harap nito at sa harap ni Antonio.

Matapos ang tagpong iyon ay bumalik na si Dylan sa kaniyang mga kasama, hindi na din kasi nagtagal ang pananatili doon ng kaniyang Lolo dahil sa malalim na din ang gabi at kailangan na din nitong magpahinga.

"Kamusta ang usapan niyo, ayos na ba kayo?" Tanong ni Carlos at inabutan siya ng beer. Tumango lang si Dylan at tinanggap ang beer bago ito buksan at tunggain.

"Your grandpa loves you, kaya agad namain siyang sinabihan sa plano nating ito na i-celebrate ang birthday mo." Dagdag pa ni Carlos at tinapik ang balikat ng binata.

"Thanks, Kuya Carlos. Alam ko naman iyon." Sagot niya at agad namang tinungo ang kanilang mga kaklase. Umupo na siya sa mesa nang mga ito at tahimik na nakinig sa biruan at tawanan ng mga ito. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang mga tawanan ng mga kaibigan nila.

"Kuya, Dylan, regalo ko," untag ni Aya sa kaniya. Gamit ang maliliit nitong mga kamay iniabot nito ang isang malaking kahon sa kaniya. Hindi iyon mabigat dahil nakaya itong bitbitin ni Aya. Nang buksan niya ito ay agad din siyang natuwa nang makita ang isang maliit na stuff animal sa loob ng box. Napapalibutan pa ito ng mga ginupit na makukulay na papel. Napangiti naman si Dylan at niyqkqp ng mahigpit si Aya. Makaraan oa ang olang oras ay nagtapos na nga ang kanilang pagdiriwang. Nagsialisan na din ang kanilang kinumbidang bisita at bulamik na sila sa misyong kanilang saglit na kinaligtaan.

Next chapter