Dahil sa pagkabigla sa kanyang mga nasilayan, biglang napaatras si Alex ngunit mabilis siyang nahawakan ng babae sa braso.
Mataman itong nakatitig sa braso niyang may sugat kung saan umaagos roon ang kanyang dugo. Nang mapansin niya ang tingin nito ay napakamot siya sa ulo.
"Naku, huwag kang mag-alala Miss, maliit na sugat lamang iyan." Wika pa niya. Ang buong akala niya ay nag-aalala ito sa sugat niya ngunit nang makita niyang tila nagsisimula na itong maglaway ay bigla siyang nakaramdam ng takot para sa kanyang buhay.
Mabilis namang iniiwas ng babae ang tingin nito sa sugat ni Alex na agad ding napansin ng binata. Napatingin siya sa dugong patuloy na umaagos doon at sa babae.
Wala naman sigurong mangyayari sa kanya, hindi ba ?
Akmang magsasalita na siya nang biglang tumayo ang babae at lumayo sa kanya. Ngunit hindi pa man din ito nakakailang hakbang ay bigla itong bumuway dahilan para ito ay mauling mapaluhod sa lupa.
"Miss, kung maipapangako mong hindi ako mamamatay, ibibigay ko ang gusto mo. Di ba gusto mo ng dugo ko?" Tanong ni Alex at napatingala sa kanyan ang babae. Tumama ang malamyos na liwanag ng buwan sa mukha nito at doon nakita ni Alex ang maamo nitong mukha. Napakaganda ng mga mata nito na animo'y naghahalong pula at ginto, habang matangos ang maliit nitong ilong. At kulay rosas naman ang napakaganda nitong labi.
Sa buong buhay ni Alex ay noon lamang siya nakatagpo ng babaeng ganoon kaganda. Iyong tipong mapapaisip ka kung tao ba siya o isang dyosa. Marahas niyang ipinilig ang kanyang ulo upang alisin ang ano mang makamundong isipin sa kanyang utak at marahang nilapitang ang babae.
"Sayo na ang dugo ko, basta ba't hindi mo ako itutulad sa mga naunang naging biktima niyo. " Malakas ang kutob ni Alex na iisa ang babaeng ito at ang mga nilalang na iyon. Ngunit tila ba meron nagtutulak sa kanya na tulungan ito.
Napalunok naman ang babae habang iminumuwestra ni Alex ang sugat nito sa labi ng dalaga. Wala namang nagawa ang babae, dahil sa ito lamang ang tanging makakapagpabalik ng kanyang lakas. Ibinuka niya ang kanyang bunganga at marahang din*laan ang sugat ng binata na animo'y isa itong aso bago nito s*psipin ang dugo ni Alex.
Tila umikot naman ang mundo ni Alex dahil sa sensasyong ibinibigay ng dalaga sa kanya habang patuloy ito sa pagsipsip ng kanyang dugo. Nang makaramdam na ng pagkahilo si Alex ay agad naman tumigil ang babae. Laking gulat pa niya nang mawala ang sugat niya roon at ang tanging patunay niyang nangyari ang lahat ng iyon ay ang marka ng sugat na naghilom.
"Salamat." Wika ng babae sa malamyos nitong boses. Napatunganga lamang siya rito dahil maging ang boses nito ay napakaganda.
"Walang anuman. Ako nga pala si Alex, Alexander Cruz. Anong pangalan mo, miss?" Matapang na tanong niya rito. Muli nang tumayo ang babae at tumingala sa langit.
"Celestia." Sambit niya. "Umuwi ka na, hinihintay ka na ng mga magulang mo." Wika pa ni Celestia bago ito nilisan ang lugar.
Nagtataka man ay mabilis na nilisan ni Alex ang lugar na iyon sa takot na baka may lumitaw na namang nilalang doon.
Nang tuluyan na siyang makauwi ay mabilis siyang nagtungo sa banyo at naligo. Pakiramdam kasi niya ay ang lagkit-lagkit ng katawan niya. Habang naliligo siya ay bigla naman niyang nasipat ang marka sa kaniyang braso.
Hindi iyon imahinasyon lang.
Totoo ang mga nakita niya.
Bigla siyang nakaramdam ng kilabot dahil sa pag-alala niya sa wangis ng halimaw na kumalmot sa kanya. Mabilis niyang tinapos ang paliligo at nagbihis na para maaga pa siyang makapagpahinga.
Samantala, dahil sa muling pagbabalik ng lakas ni Celestia ay muli siyang nag-ikot upang tugisin ang mga balrog na naghahasik ng lagim sa mundo. Ang buong akala niya ay habang-buhay na siyang mahihimlay sa kuwebang iyon. Ngunit sa kasamaang-palad ay hanggang pangarap na lamang iyon. Dahil sa pagsapit kabilugan ng buwan ay muli niyang naramdaman ang pagkabuhay ni Eleazar. Ang pinuno at Hari ng mga balrog na kanyang tinutugis. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matunton ang kinaroroonan nito ngunit isa lang ang sigurado siya.
Buhay na si Eleazar at kailangan niya itong mapat*y agad bago pa mahuli ang lahat. Sa kanyang paglilibot ay napdpad siya sa isang lugar kung saan puro kabahayan ang kanyang nakikita. Napakalaki na talaga ng ipinagbago ng mundo. Matataas na gusali at mga bahay na bato na ang kanyang nakikita. Meron na din mga kahon na sinasakyan ng mga tao na nagliliwanag tuwing gabi. Hindi naman niya alam ang tawag doon kung kaya't ipinagkikibit lamang niya ng balikat ito. Sa pagdaan nga niya sa isang eskinita ay bigla siyang hinarang ng mga kalalakihan na sa tingin niya ay mga lasing na. Pilit siya nitong pinapaupo ngunit mariin naman siyang tumututol.
Akmang hahawakan na siya at hahatakin ng lalaking pasuray-suray na ay bigla naman itong pinigilan at sinaway ng kung sino. Pag-angat ng kanyang tingin ay bumungad sa kanya ang maamomg mukha ni Alex.
"Hoy Bert, gabing-gabi na ah. Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo?" Wika ni Alex habang nakatingin ng masama sa lasing at sa mga kasama nito.
"Bert, tara na. Mamaya malagot pa tayo kay Marcus." Aya ng isa pang lasing at hinatak na nito papalayo si Bert. Napangisi lang si Alex nang makita papalayo amg mga ito na tila ba asong nababahag ang buntot. Alam niyang hindi siya papatulan ng mga ito dahil takot ang mga ito sa pinsang niyang pulis na si Marcus.
"Bakit ka nandito? Nawawala ka ba?" Tanong ni Alex kay Celestia. Napatingin lamang si Celestia rito nang may pagtataka.
Bakit nga ba siya naroroon?
Tama, sinusundan niya ang mabangong amoy sa hangin.
Inamoy niya si Alex at dito nga nanggagaling ang mabangong amoy na kanina pa niya hinahanap.
"Ang amoy mo." Wika ng dalaga at napamulagat naman si Alex. Kakalugo lang niya, mabaho ba siya? Iniangat pa niya ang kili-kili upang amuyin iyon ngunit hindi naman iyon mabaho.
Nang mapatingin siya sa dalaga ay nakita niyang nakikiamoy rin ito kaya naman bigla siyang napaatras.
"Teka, saan ka ba umuuwi Celestia?" Tanong ulit niya. Marahang itinuro ni Celestia ang bandang bundok at napakamot naman ng ulo si Alex.
"Ibig kong sabihin yung address mo. Saan ka mismo nakatira. " Paliwanag pa ni Alex
"Sa kuweba, doon sa bundok." Sagot ni Celestia at lalo lang siyang naguluhan sa sagot nito. Pakiramdam niya ay wala sa katinuan itong si Celestia kaya minabuti na niyang ito ay papasukin sa kanilang bahay.
Napatingin naman sa kanya ang kanyang mga magulang nang makapasok na sila.
"Pa, Ma, si Celestia ho pala. Bago kong kaibigan. Napagdedeskitahan dun ng mga lasing sa labas eh. " Paliwanag niya at napatingin si Celestia sa mga ito.
"Magandang gabi." Wika ni Celestia at nagulat si Alex.
'Normal naman siya minsan.' sl
Sa isip-isip pa niya ngunit may mga pagkakataong tila hindi ito matino. Tilad ngayon.
Nasapo niya ng noo, nang makita niyang lumapit si Celestia sa kanilang flat screen Tv at kinakatok-katok iyon. Bago bumati ng magandang gabi ulit.
Alanganing napatawa si Alex at hinatak na ito papalayo sa tv.
"Pa, Ma, dito na muna si Celestia ha, bukas na ako magpapaliwanag. " Wika pa niya habang hatak-hatak ang dalaga papaakyat sa kwarto niya.
May kalaparan din kasi ang kwarto niyang iyon at meron doon isa pang double deck na higaan na minsang hinihigaan ng pinsan niya kapag bumibisita ito sa kanila.
Pinaupo niya ito sa higaan at nakita niya ang pagkagulat sa mata nito. Muli niyong idinampi sa kutson ang kanyang palad at malakas na hinataw ito. Muling nanlaki ang mata ng dalaga bago naman nito iniangat ang kanyang puw*t at muli iyong ibinaba.
Natawa naman si Alex sa reaksyon nito. Doon niya napagtantong, ang mga nakikita ng dalaga ay bago lamang sa paningin niya.
"Ngayon ka lang ba nakakita ng kutson. Malambot siya ano. Subukan mong humiga para maramdaman mo." Wika ni Alex at sinunod naman iyon ni Celestia.
"Celestia, ano ka ba talaga? Tao ka naman kung titingnan pero bakit katulad ka ng mga halimaw na iyon na umiinom ng dugo. Bampira ka ba?" Tanong ni Alex nang makita niyang nakahiga na ang dalaga.
Napabangon naman si Celestia at tinitigan ang binata.
"Tao ako, subalit tama ka, katulad din nila ako. Ang tawag sa nakita mo ay mga ulipon. Mabababang uri ng balrog. Napakatagal na panahon na akong nahimlay ngunit muli silang bumalik kung kaya ako nagising." Wika ni Celestia at napakunot-noo naman ang binata.
"Anong ibig mong sabihin na nahimlay ka ng napakatagal na panahon?"
"Sa aking panahon ay walang bahay na bato,walang kahon na naglululan ng mga tao at walang mga nagtataasang gusali. Puro kabundukan, kaparangan at kapatagan ang iyon makikita. Kubo at barong-barong na gawa sa mga dahon at kahoy lamang ang mga tahanan ng mga tao."
"Ibig sabihin,matanda ka na?" Hindi makapaniwalang tanong niya. Pakiramdam tuloy niya ay pinagtitripan lamang siya ng dalaga. Ngunit ganunpaman ay alam niyang totoo ang mga sinasabi nito. Mahirap lang talagang paniwalaan dahil sa mga storya lamang niya iyon nababasa.