KINAUMAGAHAN, aandap-andap na gumising si Zairah dahil pasado alas-dose na ng gabi siya nakauwi at nag-overtime siya ng isang oras. Umuwi ang kasama niyang si Louise dahil masama na ang pakiramdam nito. Ayaw din naman siyang pauwiin ng manager niya dahil marami pa ang mga customer na naiwan. Humihikab pa siyang dinampot ang tuwalya niyang nakasabit sa gilid ng kaniyang aparador saka tumungo ng banyo. Mabuti na lang at alas-onse ang pasok niya dahil kung hindi, sabaw na naman siyang guguhit sa pentab. Bago pa man siya pumasok sa banyo, narinig niyang tumunog ang kaniyang cell phone. Marahan niyang tinungo ito kung saan nakapatong ito sa ibabaw ng kaniyang unan saka tinignan ang caller. Naka-rehistro roon ang pangalan ng kaniyang ina.
Dinampot niya ang cell phone at sinagot ang tawag ng kaniyang ina. "Hello?"
"Hello... Zairah…"
Bigla siyang nabuhayan ng diwa nang marinig niya ang mahinang boses ng ina saka napasinghot. "Ma, a-anong nangyari? Umiiyak ka ba?" Kinakabahan na rin siya ng mga sandaling iyon.
"Zairah…" Muli na naman itong napasinghot at pigil na ang paghinga.
"Ma! Anong nangyari? Sabihin niyo na at nag-aalala ako!" Nag-uunahan na sa kaba ang kaniyang dibdib.
"Zairah, ang lupa natin. Patawarin mo kami dahil hindi namin sinabi ang totoo sa'yo. Kilala mo pa ba ang pamilya Acosta dito sa bayan natin?"
"O-Oo. Wala naman ibang mayamang pamilya riyan sa atin kung 'di sila lang naman. Anong nangyari sa lupa natin? Ibenenta niyo ba?" Nag-reregodon na ang kaba sa dibdib niya..
"Anak, naisanla namin ang lupain natin sa kanila dahil naitakas ng kumukuha sa atin ng gulay ang pera na para sana sa mga trabahador. Kung hindi namin mababayaran ang mga ito, aangkinin nila ang lupa natin."
Nasapo niya ang noo. "Ha? Kailan pa? Bakit hindi niyo man lang ako kinunsulta?"
"Ayaw naming pati ikaw ay mamublema rito. Alam naming malayo ka, anak."
"Ma, parang hindi niyo naman ako anak niyan. Ako ho ang panganay at natural lang na pasanin ko ang problema niyo ng papa. Nasa magkano niyo naman isinanla ang lupa?" Hindi na maiguhit ang mukha niya sa labis pag-aalala.
Muli itong napasinghap. "Tatlong daang libong piso. Noong isang buwan lang namin ito isinanla at iyong perang hinihingi ko kanina ay pambayad lang sa interes. Dalawang buwan lang ang palugit sa amin ni Mrs. Elizabeth kaya namumublema na kami ngayon. Anak...patawarin mo kami. Wala na kaming ibang naisip."
"Diyos ko!" Napaupo siya sa gilid ng kaniyang kama. "Ang laking halaga ng pagkasanla niyo. Saan tayo kukuha ng malaking halagang pambayad sa kanila?"
"Balak sana namin na mangutang sa kakilala upang makalikom ng sapat na halaga subalit wala na rin magpapautang sa amin dahil baon na baon na rin kami at ang iba." Muling humagulgol ang ina niya sa kabilang linya.
"Ma, kalma ka lang. Makakahanap tayo ng paraan. At least, nasabi niyo na sa akin ito. Ayusin niyo ang sarili niyo at tatawag ulit ako mamaya. Hahanap lang ako ng paraan kung paano tayo makakabayad kay Mrs. Elizabeth. Hindi ba siya magbibigay pa ng isang buwang palugit?" tanong niya sa ina.
"Ibang tao si Mrs. Elizabeth. Wala kaming choice noon kaya sa kaniya kami lumapit at ngayon ginigipit na niya kami."
"Napakatuso rin pala ang ginang na iyan pagdating sa pera. Gagawa ako ng paraan at hintayin mo ang tawag ko. Si Papa? Nasaan?"
"Nasa bukid at inaayos ang mga natirang gulay na ibebenta. Salamat, anak. Hindi ko na alam kung saan ako huhugot ng lakas sa ngayon."
"Okay lang. Kaya natin ito, Ma. Sige na at may tatawagan pa ako."
"Okay, sige. Mag-ingat ka. Bye."
Napapailing siya saka niya inilapag ang cell phone sa kama. Hindi na rin niya naiwasan ang mapahilamos sa mukha nang dahil sa masamang balitang natanggap niya. Halos buhusan na siya ng malamig na tubig habang iniisip kung saan siya kukuha ng ganoon kalaking halaga. Kahit maghanap pa siya ng part-time job ay hindi rin niya makukuha agad iyon.
Maya-maya pa ay naisip niya si Atty. Raven at ang calling card na ibinigay sa kaniya kagabi. Dali-dali niyang kinuha ang bag na nakapatong sa side table at hinalungkat ang loob niyon. Hinanap niya ang ibinigay ng binata. Nasaan na iyon? Dito ko lang iyon inilagay, ah. Hindi maaaring mawala iyon dahil iyon na lamang ang pag-asa ko. Nakita niya ito na nakaipit sa wallet niya. Bahagya siyang nakahinga ng maluwag nang makita ito. Kinuha niya ang kaniyang cell phone at nag-dial sa number na nakalagay sa calling card nito.
Naghintay siya ng ilang minuto bago narinig niya ang pag-ring ng kabilang linya. Kabado siya. Kahit kampante siyang maayos kausap ang abogadong binata ngunit hindi niya maiwasang makadama ng tensiyon sa sarili. Nakailang ring na ngunit wala pa rin sumasagot sa kabilang linya. Muli siyang nag-dial. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa gayong kailangan na kailangan niya ng pera. Kailangan din niyang maging matibay sa pagkakataong iyon para sa pamilyang umaasa lang sa kaniya. Isa pa, iyon na lamang ang tanging pamana ng kaniyang mga abuelo na matagal ng namayapa.
"Hello?"
Noon lang siya nagbalik sa riyalidad nang may sumagot na sa kabilang linya. Halatang nagising lang ito nang dahil sa tawag niya at alam niyang si Atty. Raven na iyon. Ilang segundo rin siyang hindi makapagsalita at tila umurong na ang kaniyang dila.
"Hello? Who's this, please?"
"H-Hi! Uhm, did I disturb you, Sir Raven?"
"Hmm... May I know who owns this lovely voice?"
Hindi niya alam kung biro ba iyon o compliment dahil kahit kagabi lang niya ito nakilala, ang wholesome rin nito kausap. Siguro may pagkapalabiro at sarkastiko pero nananaig pa rin ang pagiging gentleman nito.
"Hindi ka na makapagsalita, Miss. I have a wake-up call from you, but again, you wouldn't tell me who you are."
"S-sir, it's me. Ako iyong seat mate mo sa bus patungong Aura, remember?"
"Oh! The woman in a white-collar shirt. Yeah. I remembered you. Nakapagdesisyon ka na?"
"Ha?" Pakiwari niya ay nabasa na nito ang kaniyang pakay. Napalunok siya. "Uhm, kung sakaling papayag ako, maaari ko bang malaman kung magkano ang possible kong sasahurin sa part-time job na inaalok mo?"
"Desidido ka na talagang mag-alaga ng dragon?"
"O-Oo. Kahit anaconda pa iyan o buwaya. Karne naman siguro ang ipapakain ko at hindi ang sarili ko, hindi ba?"