webnovel

Chapter 34: Wakas ng Unang Pagsubok

Ilang oras din ang pinalipas nila bago kumalma ang emosyon ni Mina at Isagani. Kaagaran naman nilang binagtas ang daan pababa ng bundok. Sa pagbagtas nila ng matarik na daan ay kapansin-pasin naman ang pagbabago ng buong kagubatan. Unti-unti na silang nakakasilay ng mga bagong usbong na mga halaman at pagkabuhay ng mga punong inaakala nilang patay na. Nakakarinig na rin sila ng mga huni ng mga kulisap at panaka-naka na rin silang nakakasipat ng mga hayop na nagtatakbuhan sa kakahuyan.

Doon ay napatunayan nilang wala na nga ang hukbo ng huklubang sumasakop sa buong bundok ng Sarong. IKinagalak naman ito ni Mina dahil kahit papaano ay nagawa niyang iligtas maging ang kagubatang iyon. 

Dapit hapon na nang marating nila ang bayan ng Lombis. Kahit bakas ang pagkapanalo sa kanilang mga mukha ay hindi rin mawawala sa kanila ang lungkot para sa mga kaibigan nilang nasawi sa digmaan. Ni hindi man lang nila ito nabigyan ng matinong lamay dahil sa agaran nilang pag atake sa bundok. NI hindi nila alam kung ano na ang nangyari sa mga naiwang katawan ng mga ito. Marahil ay nakuha na iyon ng mga balbal at ang tanging magagawa na lamang nila ay ipanalangin na naway makaligtas ang mga kaluluwa nito bago pa sila makain ng mga balbal.

Sa paglapit nila sa bahay na tinitirhan nila ay nasipat nilang naghihintay ang mag-amang Christy at Manong Ricardo. Nakadamit itong puti na animo'y sumasabay sa kanilang pagluluksa. Nang tuluyan na silang makalapit ay agad nilang napansin ang mga galos sa mukha at mga braso ni Manong Ricardo na animo'y nakipaglaban rin ito. Buong pagtataka namang lumapit doon si Sinag para tanungin ito. 

"Manong Ricardo, ano pong..." Naputol naman sa pagtatanong si Sinag nang bigla siyang yakapin ni Christy. Sa sobrang pagkagulat niya ay kamuntikan pa siyang matumba, mabuti na lamang at agad siya naalalayan ng kanyang mga kasama sa kaniyang likod.

"Bakit ngayon lang kayo? Akala ko hindi kona karo makikitang muli?" Naiiyak na tanong ni Christy na may kasamang sumbat sa mga ito. Napakamot naman ng ulo si Sinag habang napapangiti sila MIna at Isagani. Tatawa-tawa naman ang ibang antinggero na tila ba nanunukso.

"Bakit kayo tumatawa? Hindi niyo alam kung gaano kami nag-alala sa inyo. Limang araw kayong nawala simula nang umalis kayo. Wala kaming balita sa inyo kung babalik pa ba kayo o kung ano na ang nangyari sa inyo." Patuloy pa rin sumbat ng dalaga habang walang patid sa pgtulo ang luha nito.

"Ate Christy, pasensya ka na kung pinag-alala ka namin." wika ni Mina.

"Mina!" Humagulhol naman si Christy nang makita si MIna sa grupo at agaran itong niyakap ng mahigpit. Hindi na ito nakapagsalita dahil na din sa pag-iyak nito. Nang kumalma na ito ay agaran din silang pumasok sa loob ng bakuran. Doon ay nakita nila ang sampong kabaong na nakahilira . May mga sulong nakapalibot doon at mga bulaklak na animo'y bagong pitas pa lamang. Nagulat naman sila sa kanilang nakita dahil may mga taong nakaupo roon na halos lahat ay may mga benda sa katawan.

Ang kaninang tatawa-tawang mga kalalakihan ay biglang nagtangis nang makita ang mga kabaong na iyon. Nasa loob kasi ng mga ito ang katawan ng kanilang mga kaibigan yumao. Bigla-bigla ya nahugutan sila ng malaking tinik sa kanilang mga puso. Sobrang pasasalamat naman ang kanilang ibinigay kay Manong Ricardo na halos ikaluhod nila sa lupa dahil sa pagbibigay nito sa knilang mga kasama ng magandang lamay.

"Lahat kayo ay nagbuwis nag buhay para sa kaligtasan ng lahat ng tao, kahit sa ganitong paraan man lang ay makatulong ako." wika naman ni Manong Ricardo. makaraan ang ilang minuto ay agad na naghanda si Christy ng pagkain para sa knilang grupo. Kasama niya noong naghatid ng pagkain si Mikel upang maiabot sa mga antinggero na naroroon. Sa kanilang pagkain ay bigla naman silang napahinto nang biglang mabitawan ni MIkel ang sisidlang dala-dala nito na naglalaman ng tinapay. Nakatuon ang tingin nito kay Obet na tila ba hindiito makapaniwala.

"Kuya Obet?" Gulat na tanong nito sa antinggero. Napakunot naman ang noo ni Obet at agarang tumayo bago malakas na binatukan si Mikel. Agaran naman niya itong ikinulong sa kanyang bisig. Nag-iyakan din ang mga ito na halos ramdam mo ang kasabikan sa bawat isa. Kalaunan ay agad namang lumapit si Obet sa kanila para ipakilala ng pormal sa kanila si Mikel.

"Ito nga pala ang nawawala kung kapatid si Mikel. Mina, naikwento sa akin ni MIkel ang ginawa niyong pagliligtas sa kanya. Sa dami ng naitulong niyo sa akin hindi ko na alam kung paano pa ako makakabawi sa inyo." wika naman ni Obet sa kanila.

"Parang magkakapatid na tayo sa samahang ito. Malaki din naman ang naitulong niyo sa amin para sa digmaan ito. Hindi mo na kailangang magpasalamat pa. Ganun naman ang mgakakapatid di ba? Nagtutulungan." nakangiting wika naman ni Sinag sa kanya.

Pasinghot-singhot pa ito habang tumatango bilang pagsang-ayon sa tinuran ni Sinag.

"Natutuwa akong muli mong nakita ang iyong kapatid. Marahil ay itinadhana talaga na pagtagpuin ang mga landas natin upang maging daan para magkita kayo ulit ng Kuya mo." wika pa ni Mina at nahihiyang tumawa si MIkel.

"Oo tama ka nga Mina. Salamat talaga." wika naman ni Mikel.

Magkahalong saya at lungkot ang namayani sa kanila habang patuloy silang nagbabantay sa lamay ng kanilang mga kaibigan at kapatid sa samahan. Sa kanilang pagbabantay ay doon na naikwento ni Manong Ricardo sa kanila ang nangyari noong mga panahong umakyat na sila sa bundok ng Sarong.

Ayon kay Manong Ricardo, pagkaalis nila ay agad niyang tinungo ang lugar kung saan sila nakidigma sa bukana ng bayan upang kunin ang mga katawan ng mga namatay  na antinggero. Kasama niya noon ang iilan sa mga magsasakang tauhan ni Manong Ricardo. Nang papalapit na sila ay may nasipat silang mga nilalang na halos gutay-gutay na ang mga kasuutan. Madudungis din ang mga ito na halos may butot-balat na pangangatawan. Agad naman silang nabahala nang mkita nilang hatak hatak na ng ibang nilalalang ang mga katawan ng ibang antinggero. Mabilis nila itong sinita at doon na nga nangyari ang pakikipaglaban nila sa mga ito. Mabuti na lamang at lumitaw sa kanilang kinaroroonan yung Kapre na namamahay sa puno ng mangga na nasa bakuran ni Manong Ricardo. Kung hindi dahil dito ay malamang aging sila ay pinaglalamayan na rin ngayon o mas masama pa ay naging hapunan na sila ng mga ito. Ayon pa sa kapre ay mga balbal raw ang mga nilalang na iyon. Laking pasasalamat na lamang nila na natunugan ng kapre na nasa panganib sila.

"Hindi nagkataon ang paglitaw ng kapre. Buhat ng manirahan siya roon sa inyong bakuran ay nakatatak na sa kanya ang inyong mga presensya. Kapag may nararamdaman siyang panganib sa inuong paligid ay agaran siyang lilitaw upang tulungan kayo kahit nasaang dako pa kayo hangga't sakop pa ito ng kanyang kapangyarihan. " Paliwanag naman ni Mina na ikinamangha ng mga ordinaryong taong naroroon.

"Naku, manong Ricardo napakapalad naman natin. Biruin ninyo isang kakampi pala talaga ang kapreng iyon. Salamat talaga sa kanya kung hindi siya dumating hindi ko na makikita ang pamilya ko. Mina paano ba kami makakapagpasalamat sa kapre?" Tanong naman ng isang lalaki na tauhan ni Manong Ricardo.

Ngumiti lang si Mina at inilahad sa mga ito ang maari nilang gawin upang maihatid ang pasasalamat sa nilalang na nagligtas sa mga buhay nila. Maigi naman nila itong tinandaan upang mainhanda nila ito kinabukasan .

Lumipas ang gabing iyon na walang nagtangkang manggulo sa lamay ng kanilang mga kaibigan. Hanggang sa tuluyan na nga nila itong maihimlau sa kani-kanilang huling hantungan. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga namayapa ay napagdesisyunan ni Manong Ricardo na gawing sementeryo ang isa niyang lupain malapit lamang sa bayan. Hindi ito kalaparan ngunit hindi din naman ito maliit. Ikinatuwa naman ito ng mga antinggero. Kahit papaano ay madadalaw nila ito at mapapangalagaan ang kanilang mga alaala roon. Pinalibutan naman iyon ni Mina ng espiritual na bakod upang kahit papaano ay hindi ito pangahasang pasukin ng mga balbal o kung ano mang nilalang na kumakain ng mga bangkay ng namaalam.

Matapos nilang maihimlay ang mga ito ay nag alay sila ng taimtim na dasal uoang mabigyan ang mga ito ng gabay na dasal sa pagtawid nila sa kabilang buhay.

Paglipas ng isang linggo ay doon na nagpasya si Mina at Sinag na manatili sa bayan ng Lombis. Nag-utos naman si Mina sa mga kaibigan niyang tikbalang na ihatid ang balitang ito sa kanilang mga naiwan sa Baryo Maasil. Gamit ang tan-awang itinatag ni Mina sa likurang bahagi ng bahay na tinutuluyan ng mga antinggero ay ipinasundo ni Mina sila Landon at Mang Ben sa tikbalang niyang kasangga.

Kinagabihan ng araw din iyon ay lumitaw sa tan-awang iyon ang kanyang Ama at si Mang Ben na lubos naman nilang ikinatuwa.

"Ben, ang tagal nating hindi nagkita ah. " Bati ni Tandang Ipo sa matanda.

"Oo nga Ipo, akala ko hindi na tayo muling magkikita. Alam mo na tumatanda na tayo at hindi natin alam kung kelan tayo ipapatawag ng may lalang. " Pabirong sagot naman ni Mang Ben dito.

Nag kasiyahan sila noong gabing iyon. At nabalot ng kwentuhan ang buong bahay habang nag-iinoman ng tuba. Isinalaysay nila kay Mang Ben at Lando ang mga nangyari sa kanilang paglalakbay hanggang sà noong tuluyan na nga nilang mailigtas ang mga kaluluwa ng mga babaylang nabihag ng kanilang kalaban. Maluha-luha naman si Lando habang nakikinig sa kanilang kwento. Nagagalak ito dahil sa wakas ay nakatawid din ito ng payapa at makakapagpahinga na rin ito sa kabilang buhay. Hindi man niya ito naka-usap sa huling sandali ay masaya na rin siya dahil sa mensaheng iniabot ni Loring sa kanya. Sapat na iyon sa kanya dahil naniniwala siyang muling magtatagpo ang kanilang mga landas sa kabilang buhay.

Ang kanilang pagtira sa hasyenda ni Manong Ricardo ang siyang nagbigay sa kanila ng matiwasay na buhay. Maging ang iilang antinggero ay doon na din napagpasyahang magtayo ng sarili nilang pamilya. Si Sinag at Christy naman ay unti-unti na din nagkakamabutihang loob na hindi naman tinutulan ni Manong Ricardo .

Dahil sa pagtira ng mga albularyo at antinggero sa Lombis ay nakilala naman ang bayang iyon na bayan ng mga antinggero. Dinarayo na rin sila ng mga tao sa kabilang bayan at mga malalayong bayan para magpagamot o humingi ng tulong. Naging masagana rin ang pamumuhay ng pamilya ni Manong Ricardo dahil sa kabutihan nito. Patunay na kapag tumutulong ka sa nangangailangan ng hindi naghihintay ng kapalit at nabibiyayaan ka mg higit pa sa iyong inaasam.

~

Sa mga susunod na kabanata ay ang pagpapatuloy ng buhay ni Mina sa pagtungtong niya sa edad na kung saan mas lalong niyang napagtibay at nalinang ang kanyang kakayahan at ugnayan sa kalikasan.

Next chapter