webnovel

Kabanata 15: Nagbabagang Pagtutuos

KINABUKASAN ng gabi, nagkaroon ng misa sa simbahan na pinamumunuan nina Mateo at Teodoro.

Suot ng kanilang mga tauhan at sakristan ang tradisyonal na kasuotan ng mga sinaunang Kapampangan maliban sa kanilang dalawa na parehong nakasutanang itim.

Ngunit sa magkabilang gilid ng kanilang mga ulo ay may nakapatong na tila kuwintas na gawa sa matutulis na dahon. Isa iyong makalumang simbolo ng mga Kapampangan sa kanilang baryo noong kapanahunan ng yumao nilang ama na ibinibigay lamang sa may matataas na katungkulan sa lugar na nasasakupan.

"Ang aming kalam ay manatili sa inyo…"

"At sa iyo rin naman," sabay-sabay na sagot ng mga tao.

Dinagsa ng mga tao ang loob ng simbahan. Pati sa labas ay may mga nakatayo rin dahil hindi na magkasya sa loob. Lahat sila ay ang mga tagaroon na nilukuban ng kapangyarihan nina Mateo at Teodoro.

"Ialay n'yo ang inyong sarili sa ating simbahan…"

"Buong puso naming ibinibigay sa inyo ang aming sarili…"

Nahinto ang misang iyon nang lumikha ng ingay si Alex. Napalingon ang lahat sa kanya. Kitang-kita niya ang nagbabagang anyo ng mga tao roon na nakahandang sumagpang sa kanya anumang sandali.

Tila hindi nabahala si Mateo sa kanyang pagdating. "Mabuti na lang at naisipan mong bumalik, Alexander. Hindi pa huli ang misa kung nais mong umanib sa amin…"

"Batid mong hinding-hindi ako aanib sa inyong lahat! Nandito ako para wakasan ang kasamaan n'yo, at para ipaghiganti ang ginawa mo sa pamilya ko!"

Nagpakawala naman ng malakas na halakhak si Teodoro. "Ano naman ang iyong gagawin para labanan kami? Ang iyong Kalam? Sa tingin mo ba, magagamit mo pa iyan?" May inilabas ang ito sa bulsa. Isa iyong itim na mga halaman na kung tawagin ay Tagak.

Isa itong uri ng halamang ginawa ng mga Manggagawe bilang pangontra sa kahit sinumang makapangyarihang may Kalam.

Iyon ang halaman na pipigil sa isang tao para magamit nito ang kanyang kapangyarihan. Kahit sa mga Ukluban at Ustuang na kinikilalang pinakamataas sa lahat ng may Kalam ay tumatalab din ito.

Walang nagbago sa reaksyon ni Alex. "Mula ngayong gabing ito, tatapusin ko na ang kasamaan n'yo! Sinisigurado ko na masusunog kayo sa sarili n'yong impiyerno!"

Sa sinabi niyang iyon ay bigla siyang nilapitan ng mga tao sa misa. Pulang-pula ang mata ng mga ito na parang batak na batak sa droga. Masyado nang matindi ang itim na kapangyarihang lumulukob sa kanila.

Inawat naman sila ni Padre Mateo. Bumaba ito sa altar at pumagitna sa mga tao. Doon lang nagsiatrasan ang mga ito.

Hindi nagpakita ng takot si Alex nang lapitan siya ng binatang pari. Bahagya rin niyang isinara ang mga kamao.

"Saan ka ba humuhugot ng lakas ng loob at kapal ng mukha para pumunta pa rito? Sa tingin mo ba, may magagawa ka? Akala mo ba hindi namin pinaghandaan ang iyong Kalam? Sinasayang mo lang ang iyong oras dito, Alexander. Hangga't may Tagak kami na hawak ngayon ng kapatid ko, hinding-hindi mo magagamit ang iyong Kalam sa amin!"

"Wala akong pakialam! Hindi mo alam kung ano ang puwedeng gawin ng isang taong tulad ko para ipaghiganti ang mga mahal ko sa buhay na pinaslang mo! At kahit ikamatay ko pa ito, kung kasama rin kayong mamamatay, buong loob kong tatanggapin ang kapalaran ko!"

Muling ginamit ni Mateo ang kapangyarihan ng isang Manlilingu para magpakawala ng napakalakas na atake sa kanya.

Halos tumilapon siya sa isang suntok na pinakawalan nito. At sa isang kurap lang niya, nasa harapan na agad niya si Mateo!

Sa pagkakataong iyon, ginamit naman nito ang kapangyarihan ng Uple para lituhin siya. Halos mahilo siya nang magsimulang dumami si Mateo sa kanyang paningin.

Nagpalipat-lipat ng lugar ang mga ito. At sa bawat kurap niya'y parami pa sila nang parami, at pabilis din nang pabilis ang pagpapalit-palit ng puwesto ng mga ito.

At sa isang iglap lang, muli itong lumitaw sa kanyang harapan at nagpakawala ng isang malakas na suntok sa kanyang mukha. Hindi na siya nakabangon sa pagkakataong iyon.

Ginamit din ni Teodoro ang kapangyarihan ng Manlilingu para agad makarating sa harapan niya. Sa isang kurap lang din ay naroroon na ito. Itinapat naman nito sa kanyang harapan ang hawak nitong Tagak.

"Sige lang, Kapatid… Pahirapan mo pa siya… Galitin mo pa siya… Kahit anong gawin niya, hindi rin niya magagamit ang kanyang Kalam!" tumatawang wika ni Teodoro.

Nagbitaw ng isang makapangyarihang bulong si Mateo. At ilang sandali pa, biglang sumakit ang tainga ni Alex. Hanggang sa magulat siya nang biglang lumabas doon ang isang napakalaking ipis!

Binabarang naman siya ngayon ng lalaki base sa nangyayari sa kanya. Sunod-sunod ang paglabas ng mga ipis at iba pang insekto sa kanyang ilong at tainga!

Diring-diri siya sa sarili nang mga sandaling iyon. Napapikit na lang siya habang sumisigaw at pinipigilan ang pagsuka.

Nang huminto ang pambabarang sa kanya ng lalaki, ginamit muli nito ang kapangyarihan ng Uple para bulagin pansamantala ang paningin niya.

Sa pagkakataong iyon, wala na siyang makita kundi kadiliman. At bago pa siya makagawa ng aksyon, naramdaman na niya ang mabibigat na kamaong dumapo sa kanyang katawan.

Halos magsuka siya ng dugo sa tindi ng mga suntok sa kanya ni Mateo. Ginawa siya nitong laruan gamit ang lakas ng isang Manlilingu. Ilang beses siya nitong binuhat at binato sa sahig.

Narinig naman niya ang paghalakhak ni Teodoro, kasunod niyon ang pagtawa ng iba pang mga tao sa misa.

Unti-unti ring nagbalik ang kanyang paningin. Ngunit nang makakita na muli siya, bigla namang bumungad sa kanyang harapan si Mateo gamit pa rin ang kapangyarihan ng Uple.

Sa pagkakataong iyon, naging halimaw ang hitsura nito habang nakadikit sa mukha niya. Hindi niya naiwasan ang pagsigaw sa labis na gulat. Gumawa ito ng mga ilusyon para takutin siya.

Hirap na hirap na si Alex. Hindi na niya kinakaya ang mga ginagawa sa kanya ni Mateo. Ramdam na niya ang panghihina ng katawan pati ang takot na bumabalot sa kanyang kalamnan.

"HINDI ba puwedeng puntahan na natin si Alex? B-Baka kung ano na ang nangyari sa kanya roon!" pangungulit ni Mary Jane sa mga kasama.

Nasa iisang lamesa lang sila nina Apung Grasya, Apung Asyu, Apung Magda at Apung Iru. Katabi naman niya si Leoron na kanina pa pilit pinagagaan ang loob niya.

"Kailangan nating respetuhin ang ibinilin sa atin ni Alexander na huwag nang sumunod doon. Mas ligtas tayo rito, lalo ka na."

"Pero hindi rin ako mapapanatag kung hindi ko nalalaman ang nangyayari sa kanya roon! Hindi naman puwedeng iwan lang natin siya roon at hayaang patayin nina Father Mateo!" Halos mamula na ang mga mata ni Mary Jane sa pag-iyak.

"Alam ni Alexander ang kanyang ginagawa. Magtiwala lang tayo sa kanya. Kung anuman ang kalalabasan ng laban nilang iyon, sigurado akong ngayong gabi ay magwawakas na rin ito, magwawakas na rin ang kasamaan nina Mateo at Teodoro. Makakalayo na tayo sa madilim nilang pamamalakad."

Tumayo si Apung Iru at kumuha ng ilang pirasong papel sa lamesang nasa sala. Nagsulat ito ng mga dasal doon gamit ang Sulat Kulitan, saka nito iyon idinikit sa iba't ibang sulok ng bahay.

"Para saan pala iyang ginawa n'yo, Apung Iru?" tanong ni Leoron dito.

"Isa lamang itong maikling dasal na magbibigay sa atin ng proteksyon sa bahay na ito. Nararamdaman kong may mga elementong umaaligid ngayon dito. Galing sila sa Baryo Cambasi. Siguradong lumipat sila rito dahil alam na rin nila ang mangyayari doon," sagot naman ng matandang Magbantala.

Lalong nag-alala si Mary Jane para kay Alex. Hindi niya maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. Pero kung anuman iyon ay lalo lang itong nagpapabigat sa kanyang dibdib.

"Ang mga dasal na sinulat ko ay isang panalangin ng pagtataboy sa mga elementong napadpad dito. Mas maiintindihan nila ang mensaheng nais kong iparating sa kanila gamit ang Sulat Kulitan," dugtong ni Apung Iru, saka ito nagbalik sa kinauupuan.

Muling namagitan ang katahimikan sa kanilang lahat habang si Mary Jane ay patuloy pa rin sa pag-iyak.

BUGBOG-SARADO na si Alex sa kamay nina Mateo at Teodoro. Hindi na siya makabangon sa kinaroroonan. Halos mapuno na rin ng pasa at black eye ang mukha niya.

"Ang sarap mong paglaruan!" asik sa kanya ni Teodoro, saka ito muling nagpakawala ng malakas na sipa sa mukha niya.

"Sapat na siguro ang pinaranas nating hirap sa kanya. Dapat na nating tapusin ito, Kapatid. Gamitin natin ang Kalam ng Magbantala para makalikha ng isang makapangyarihang dasal na susunog sa lamang-loob niya sa katawan hanggang sa mamatay siya sa harapan natin!" makapangyarihang utos ni Mateo.

"Masusunod, Kapatid…" tugon ni Teodoro.

Naramdaman na ni Alex ang unti-unting pagkalagot ng hininga sa tindi ng mga bugbog na tinamo niya. Kaya bago pa siya tuluyang maubusan, inipon na niya sa buong katawan ang lahat ng galit at poot.

"Ako ang maghahatid sa inyo ng matinding pagkawasak!" pinilit pa rin niyang magsalita.

Nag-iba ang timpla ng mukha nina Mateo at Teodoro sa sinabi niya. Doon lang nila naalala ang kapangyarihang taglay niya. Kaya naman muling itinaas ni Teodoro ang hawak na Tagak para pigilan ang anumang nais gawin ni Alex.

Ngunit tila hindi man lang natakot doon ang lalaki. Patuloy pa rin nitong iniipon ang galit habang matalim ang mga matang nakatitig sa kanila.

"Pagkawasak… Pagkawasak… Sa akin magmumula ang pinakamatinding pagkawasak…" paulit-ulit na bulong ni Alex.

Naramdaman nina Mateo at Teodoro na tila may isang kakaibang init na namumuo sa loob ng katawan ng lalaki. Doon sila biglang kinabahan.

"Kapatid…" sambit ni Teodoro. "B-Bakit parang hindi yata umeepekto ang Tagak sa kanya? Patuloy pa ring umiinit ang loob ng kanyang katawan base sa aking panimanman!"

"Iyon din ang hindi ko alam!" kinakabahang sagot ni Mateo.

Napaatras silang dalawa sa isang sigaw na muling pinakawalan ni Alex. Isang sigaw na may kasamang galit at poot. Inipon niya sa dibdib ang lahat ng galit sa katawan at kasamang inilabas sa pamamagitan ng sigaw na iyon.

Naalala niya ang ginawa nitong pagpatay sa tunay niyang ina. Pati na ang ginawa nitong pambabarang sa Nanay Ofelia niya. Idagdag pa ang ginawa nilang pagpatay sa Tito Pisok niya. Pati na rin ang ginawa nilang pagpapahirap kay Mary Jane.

Naghalu-halo na ang mga galit sa kanyang puso. At tuwing sasagi sa kanyang utak ang kasamaang ginawa ni Mateo sa buong baryo na lumalason ngayon sa utak ng mga tao, lalo pang lumalaki ang kanyang galit.

"Ako ang maghahatid ng matinding pagkawasak na tatapos sa inyong lahaaaaaat!"

Galit na galit na si Alex. Oo, galit siya sa mga taong labis ang pagkauhaw sa kapangyarihan. Galit siya dahil pinatay ng mga ito ang lahat ng mahal niya sa buhay.

At ang galit na iyon ay puwedeng magsiklab at anumang oras ay maaaring sumabog.

Sa isang sigaw pa niya, isang malakas na pagsabog ang dumagundong sa buong simbahan, na di kalaunan ay kumalat sa iba pang panig ng Baryo Cambasi.

Bago pa man kumurap ang mata ng mga tao, nag-aapoy na ang buong paligid nila. Patuloy na kumakalat ang matinding pagsabog na animo nagmula sa isang nuclear bomb. Nagmistulang impiyerno ang buong lugar. Lahat ng mga tao sa paligid ay umiiyak at nagwawala habang sinusunog sila ng nagngangalit na apoy.

Pati sina Mateo, Teodoro at ang kanilang mga tauhan ay hindi rin nakaligtas sa malakas na pagsabog. Kasama rin sila sa mga nilalamon ngayon ng apoy habang nagmakakaawa sa kanilang mga buhay.

Ang katawan naman ni Alex ay patuloy pa ring naglalabas ng apoy na lumilipad sa ere. Para itong mga bulalakaw na tuwing babagsak sa lupa ay lumilikha ng mga pagsabog sa iba't ibang panig ng baryo.

Makikita hanggang sa ibang mga karatig na lugar ang pagsabog na nagaganap sa buong Baryo Cambasi. Tanaw na tanaw ito kahit saan lumingon ang mga tao.

Pati sina Leoron at Mary Jane ay labis din ang pagkasindak sa nakikitang sunog sa di kalayuan. Lahat sila ngayon ay nasa labas ng bahay habang tinatanaw ang pagsabog na iyon.

"Wala na ang Baryo Cambasi. Sumabog na muli ito gaya ng nangyari noong gamitin ko ang aking kapangyarihan. Ibig sabihin nito…" Napalingon siya kay Mary Jane na nakatitig din sa kanya at namumula na ang mga mata.

"W-wala na rin si Alexander…"

"A-Ano?" hindi makapaniwala ang babae.

"Isa ring Ustuang si Alexander gaya ko. Kami lang ang may kapangyarihang pasabugin ang aming katawan at maghatid ng matinding pinsala sa buong sanlibutan. Hindi ako makapaniwalang iaalay din niya ang sarili niyang buhay para lang madaig sina Mateo at Teodoro…"

Hindi na napigilan ni Mary Jane ang pagtulo ng luha. Bumigay ang mga tuhod nito sa lupa at doon humagulgol nang iyak. Kung kailan nakatagpo siya ng isang kaibigan at kakampi, saka naman ito mawawala sa kanya.

Napalapit sa kanya sina Apung Magda at Apung Iru. Humawak ang mga ito sa balikat niya habang punong-puno rin ng kalungkutan ang kanilang mga mata.

Dahil sa pagsabog na nilikha ni Alex, kasamang natupok ng apoy ang simbahan pati na sina Mateo at Teodoro. Walang nakaligtas. Lahat din ng mga tauhan nila, ang mga sakristan, pati na sina Christian at Renzo ay natusta rin nang buhay.

At iyon na yata ang pinakamasaklap na parusang sinapit ng mga nilalang na napasobra sa pagkasakim sa kapangyarihan. Lahat ng kanilang mga Kalam ay naglaho at nabura sa mundo nang dahil lang sa isang pagsabog.

Matagal iyong pinag-isipan ni Alex. Sa huli, nangibabaw rin sa kanya ang kagustuhang makapaghatid ng kapayapaan at bagong kaayusan sa lugar. At nagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagpapasabog sa kanyang sarili.

Habang nasusunog ang Baryo Cambasi, makikita ang kanyang abo na di kalaunan ay unti-unti na ring nilamon ng apoy…

TO BE CONTINUED…

Next chapter