webnovel

Kabanata I - Tungkulin Bilang Hansley

Aria ng Pamilya Hansley.

Ang nag-iisang unica hija ni Count Hansley.

Kinasusuklam ko ang aking pangalan.

Bata pa lamang, itinanim na sa aking isipan ang kahalagahan ng katayuan, kayamanan, at kapangyarihan. Kung wala sayo ang tatlo, isa kang walang kwentang tao na ang papel lang sa lipunan ay pagsilbihan ang nakatataas sayo.

Bilang isang babaeng anak, tungkulin kong mas paunlarin ang katayuan, kayamanan, at kapangyarihan ng pamilya namin. Sa papaanong paraan pa nga ba kundi sa pamamagitan ng kasal.

Ipinagkasundong kasal, tiyak ko nang mangyayari iyan sa akin. Tanggap ko na ang aking sasapitin simula nang magkaroon ako ng kamalayan sa buhay.

Hindi ko lang inakala na darating ang araw na ito isang taon pa lamang ang nakalilipas nang makatungtong ako sa karampatang gulang ng pagpapakasal.

"Miss Aria?"

Napakurap ako nang mabilis upang makabalik sa wisyo. Mula sa planong aking pinag-aaralan ay inangat ko ang aking tingin sa katulong na nagwika.

"Pinapatawag po kayo ni Count Hansley."

Ako'y napabuntong-hininga nang marinig na naman ang pangalan ni Papa. "Sabihin mong papunta na ako."

"Masusunod po." Wika ng katulong. Siya'y saglit na tumungo sa'king direksyon bago lumisan sa hardin.

Ano na naman kayang kailangan niya?

Muli kong inirolyo ang plano at inipit ito sa aking braso. Ang plano ay para sa irigasyong balak kong ipagawa sa hasyenda, ito ay kung pahihintulutan ni Papa ang plano ko.

Ngunit hindi rin maaaring hindi niya pahintulutan sapagka't pinagpuyatan ko ang planong ito. Ilang libro ang aking ibinasa at ilang konsultasyon rin ang aking ginawa upang mabuo ito.

"Krista, pakisimpan na nga itong mga gamit."

"Mukhang hindi niyo masasalisihan ang Count ngayon, Miss Aria." Pagbibiro ni Krista.

Napangiti naman ako sa sinabi niya. "Hays, mukhang gan'un na nga."

Mukhang pipilitin na naman akong sumama ni Papa sa salo-salong magaganap sa Imperial Palace isang buwan mula ngayon.

Ang Spring Ball, na ginaganap lamang tuwing unang araw ng tagsibol. Dalawang beses lamang nagdadaos ang Royal Family ng pagsasalo, tuwing tagsibol at taglamig.

Idinaraos daw ang dalawang salo-salo upang ipagdiwang ang kasaganahan at kaunlaran ng Asteria. Psh, maniwala naman sa kanila.

Sa totoo, ginagamit lang ng mga maharlika ang pagkakataon na iyon para sumipsip sa Emperor at ipagmayabang ang kayamanan nila. Ni hindi nga imbitado ang mga nasa laylayan sa salo-salong tinutukoy nila na para sa buong imperyo.

Pagdiriwang? Isang malaking kalokohan.

Ako'y tumayo na upang magtungo sa opisina ng aking ama.

Ninais ko pa namang suriin nang mabuti ang plano para sa detalyeng aking nakaligtaan, kasabay na rin ang pagnamnam ng napakagandang panahon sa hardin habang humihigop ng tsaa.

Ngunit syempre, ano pa nga ba ang araw ko kung wala itong mga sorpresa?

Tuloy, kailangan ko na namang mag-isip ng katanggap-tanggap na rason kung bakit hindi dapat ako sumang-ayon o sumunod sa sinasabi ni Papa. Napangiwi ako sa realisasyong ito.

Sa kabilang banda, gagamitin ko na rin ang pagkakataon na ito upang kumbinsihin si Papa na isakatuparan ang plano ko. Nagbabalak na rin naman akong pumunta sa opisina niya.

Mas napaaga nga lang ang pagpunta ko kaysa sa aking inasahan.

"Magandang hapon po, Miss Aria." Bati ng katulong na nakasalubong ko.

"Magandang hapon din." Bati ko naman sa kaniya pabalik.

Dahan-dahan ako sa paglalakad, naglalakad nang mas mabagal pa kaysa sa karaniwan kong ginagawa upang pagmamasdan ang bawat detalye sa aming koridor na parang hindi ko ito araw-araw na nakikita sa loob ng labingsiyam na taong paninirahan ko sa mansyong ito.

Nagpatuloy ako sa aking ginagawa hanggang sa makarating ako sa harapan ng opisina. Akin munang inayos ang aking itsura sa para magmukhang kaaya-aya kahit papaano, at saka ko binuksan ang pinto.

"Papa, pinatawag niyo daw po ako?"

"Ilang beses ko ba dapat sabihin sayo na kumatok ka muna bago pumasok?" Pagpaparangal ni Papa. Hindi man halata sa boses ngunit ramdam ko ang inis niya.

Heto na naman tayo.

Napahigpit ang hawak ko sa pinto. "Pasensya na po, hindi na mauulit."

Bumuntong-hininga siya.

"Maupo ka, Aria." Wika ni Papa nang hindi man lang tumitingin sa direksyon ko.

Gayunpaman, tahimik kong sinarado ang pinto at ako'y nagtungo sa sopa upang maupo.

Ang pagbuklat lamang ng mga dokumento ang maririnig sa silid. At gaya ng nakasanayan, marapat lamang na manatili akong matino at hintaying magsalita siya.

Jowk. Sino bang niloloko ko?

Kung pinapatawag sana ako ni Papa kapag tapos na siya sa trabaho niya, edi mabilis sana ang usapan. Kaso hindi, mas gusto niyang sayangin ang oras ko.

Hinayaan ko na lang ang sariling magmasid-masid bilang pampalipas-oras.

Wala namang nagbago sa opisina ni Papa. Ngunit hindi na rin ito kataka-taka sapagka't sumasalamin naman ang opisina ni Papa sa personalidad niya. Konserbatibo at tradisyonal.

Ang ulo ng usang nahuli niya sa pangangaso ay nakasabit pa rin sa ulunan niya. Maging ang paso na naglalaman ng patay na gumamela sa sulok ng opisina ay hindi pa rin itinatapon.

Sa sobrang tagal na ng patay na halaman doon, tingin ko'y hindi magiging kumpleto ang silid na ito kapag wala iyon.

"Hiningi ng Duke ng Winterthrone ang kamay mo sa kasal." Biglang sabi ni Papa.

Napatigil ako sa aking ginagawa, at tila tumigil din sa pagtibok ang aking puso.

Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. "Po?"

Duke ng Winterthrone? Imposible.

"Pumayag ako." Inangat ni Papa ang tingin niya mula sa mga dokumento at sinalubong ang aking mga mata.

Blangko lamang ang kaniyang mukha, ni mga mata niya'y walang kabuhay-buhay. Parang hindi kinabukasan at kalayaan ko ang nakasalalay sa desisyong ginawa niya.

Talagang wala siyang pakialam.

Alam ko namang nanganganib na ang aming ari-arian at kalagayan. Pababa nang pababa ang kalidad ng nagagapas naming palay tuwing tag-ani dulot ng pagtuyo ng lupa. Pabawas na rin nang pabawas ang mga taong naglilingkod dito sa mansyon.

Hindi maikakaila na mas marangya kami noon kaysa ngayon, ngunit alam kong namang hindi kami tuluyang maghihirap. Hindi magtatagal at muli kaming makakabangon, doon ako sigurado.

Kaya bakit pakiramdam kong ibinenta ako na parang karne sa palengke?

"Ngunit paano ako?" Hindi ko na napigilan ang sariling sabihin.

"Ano?" Wika ni Papa na tila hindi inaasahan ang ganitong reaksyon mula sa akin, na parang inakala niyang tatanggapin ko na lang lahat ng sasabihin niya.

Hindi ako makapaniwala sa kaniya.

Kinuyom ko ang aking mga kamao, nagtitimpi. "Ni hindi mo ba kaya kahit magpanggap lamang na may pakialam ka rin sa kapakanan ko, Pa?"

Nandilim ang mukha ni Papa nang dahil sa sinabi ko. "Ginawa ko ito para sa kapakanan mo, Aria!"

"Ngunit karapatan ko ring malaman ang tungkol sa mga pagbabagong maaaring mangyari sa buhay ko, kahit na wala akong karapatang magdesisyon para sa sarili ko."

Iniwas ni Papa ang tingin niya sa akin at nilingon ang paso sa sulok.

"Hindi mo man lang ba naisip, Pa, na sabihin muna sakin lalo na't buhay ko ang pinag-uusapan dito? "Tanong ko, desperadong makarinig ng katanggap-tanggap na sagot mula sa kaniya.

Ngunit katahimikan lang ang natanggap ko.

Agad akong nakaramdam ng pagkabigo.

Alam ko namang hindi magtatagal at kakailanganin ko ring magpakasal, sa taong mahal ko man o hindi. Inasahan ko lang na magkakaroon ng paunang-sabi si Papa bago magdesisyon para sa akin.

Bakit nga ba ako umasa pa?

"Ika'y dadalo sa Spring Ball bilang nobya ng Duke, sa ayaw mo man o hindi." Sabi ni Papa makalipas ang ilang saglit.

Napayuko na lamang ako. "Kung ganoon, maiwan ko na po kayo. Natitiyak kong marami ka pa pong gawain."

Hindi ko na hinintay pa ang pagpayag ni Papa at ako'y tumayo na upang makalayo sa nakakasal niyang presensya.

Muli naman akong hinarap ni Papa. "Aria."

"Pumapayag na po ako, Papa. Ngunit hindi mo naman talaga kailangan ang pagsang-ayon ko, hindi ba."

Wala siyang tugon at kaniya lang akong tinitigan. Tila may gusto pa siyang sabihin sa akin, ngunit sa huli'y wala siyang sinabi.

Tinalikuran ko na lang siya.

Nasa harap na ako ng pinto nang muling magsalita si Papa. "Ito'y tungkulin mo bilang Hansley, Aria. Alam kong alam mo iyan."

Walang kibo kong binuksan ang pinto at sinara ito nang hindi lumilingon pabalik sa kaniya.

Tungkulin... Ano pang silbi ng pagsisikap ko upang maging perpekto sa mata niya kung ang halaga ko bilang anak ay katumbas lang ng katayuan ng aking mapapangasawa?

Mabilis akong naglakad patungo sa aking kwarto. Ni hindi sapat ang salitang lungkot upang ilarawan ang nararamdaman ko.

Mukhang nakuha na ni Papa ang gusto niya, alang-alang sa aking kaligayahan.

"Krista, sa tingin mo ba dapat na lang akong tumakas dito?" Agad na tanong ko nang makarating ako sa kwarto.

Si Krista naman, na kasalukuyang naglilinis, ay naguluhan sa tanong ko. Ngunit sumagot pa rin siya. "Hindi. Unang-una, wala kayong mapupuntahan kung saan maaari kayong makapagtago mula kay Count Hansley. Pangalawa, wala kayong pera. Kung gagamitin niyo naman ang alahas niyo'y matutunton niya rin lang kayo sapagka't may palatandaan ang bawat alahas."

Napabagsak na lang ako sa higaan nang marinig ang sinabi niya.

"Ngunit hindi ko alam kung bakit niyo ako tinatanong sapagka't sayo mismo galing ang mga rason na ito." Tila nalilito pa niyang dagdag.

Bumuntong-hininga naman ako. "Gusto ko lang na isampal mo sa akin ang katotohanan."

Aking tinitigan ang mataas na kisame, nasa isipan ko pa rin ang sinabi ni Papa.

Mas magaan na ang pakiramdam ko kumpara kanina, marahil dahil sa paglalakad na aking ginawa, ngunit naroon pa rin ang kalungkutan.

"Batid kong hindi naging maganda ang pag-uusap?" Tanong ni Krista.

Muli akong napabuntong-hininga.

"Hindi. Mukhang ang buhay ko bilang Aria Hansley ay malapit nang magtapos." Sinubukan kong hindi ipahalata ang lungkot sa tinig ng aking boses, ngunit mukhang nabigo ako.

Hindi na muling tumugon si Krista at nagpatuloy naman ako sa pagtalunton sa mga ukit sa kisame gamit ang aking mga mata. Akala ko'y wala na siya sa kwarto nang muli siyang magsalita.

"Kung inyong pahihintulutan, nais kong sumama sa araw ng paglipat niyo, Miss Aria."

Napangiti naman ako sa sinabi niya ngunit agad din itong nabura nang may mapagtanto ako. "Natutuwa ako na marinig 'yan mula sayo, pero nasa nobyo ko na ang desisyon sa araw na ikasal kami."

Duke Adler ng Winterthrone Duchy.

Ang taong kasunod sa royal family kung kapagyarihan ang pag-uusapan.

Ang taong aking mapapangasawa.

Balita ko rin ay hindi siya lumalabas sa lungga niya sa norte. Wala pang nakakakita ng mukha niya dito sa kapitolyo maliban sa royal family.

Noong nakaraang taon siya naging opisyal na duke ng Winterthrone sapagka't namatay ang kaniyang ama. Naging usap-usapan ang balitang ito sa buong kapitolyo, at kung ano-anong tsismis ang narinig ko tungkol sa kaniya.

Sabi nila, siya raw mismo ang pumatay sa kaniyang ama dahil isa siyang tiranong uhaw sa kapangyarihan.

Sabi naman ng iba, isa siyang ermitanyo na hindi marunong makipagkapwa.

Marami pa akong narinig na mga usap-usapan, magaganda o hindi man. Ngunit hindi ko binigyang-pansin ang mga ito sapagka't noong mga panahon na iyon, ang nakikita ko lamang ay isang ginoo na nawalan ng mahal sa buhay.

Isang ginoo na nagluluksa sa pagkawala ng kaniyang ama.

Tuloy, tila ngayon ay pinagsisisihan kong hindi ko inalam ang lahat ng impormasyon patungkol sa kaniya.

Napabuntong-hininga na lamang ako.

Duke Adler ng Winterthrone.

Kung kaniyang nanaisin, maaari niyang italaga ang Winterthrone Duchy bilang isang kingdom at tuluyan nang humiwalay mula sa Asteria. Ganoon kalakas ang isang taong tulad niya.

Alam naman ng lahat na kaya lang nananatiling bahagi ng imperyo ang Winterthrone dahil sa ipinangakong katapatan ng mga Adler sa korona.

Ngunit ipinagtataka ko lang kung bakit ako mismo ang kaniyang pinili para mapangasawa.

"Krista, andiyan ka pa?" Tanong ko sa ere, ngunit tila napuno ako ng sigla nang marinig siyang sumagot.

"Andito pa."

Kung paghahambingin, mas maraming nalalaman ang mga katulong tungkol sa buhay ng mga maharlika kaysa mismo sa mga maharlika. Kahit na hindi mausisa si Krista kagaya ko, alam kong mas marami pa rin siyang nalalaman kaysa sa akin.

Aking itinukod ang siko ko at hinarap siya.

"Sabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo tungkol sa Duke ng Winterthrone. Lahat, kabilang pati ang mga tsismis na tila mahirap paniwalaan."

Bakas ang pagkalito sa mukha ni Krista ngunit ilang saglit ay nakita ko rin ang realisasyon sa kaniyang mukha.

"Magiging maikli lamang na usapan 'to." Sagot ni Krista, nanlulumo na kakaunti lamang ang nalalaman niya tungkol sa Duke.

Umiling naman ako. "Ayos lang, mas mabuti nang may alam kaysa wala hindi ba?"

Upang makapamuhay nang maayos sa labas ng mansyong kinalalagyan ko ngayon, kailangan kong maging handa.

Dahil kung kilalang-kilala ako ng Duke na handa siyang pakasalan ako, marapat ding kilalanin ko siya.

Sabi nga nila, sa'yo lang nakasalalay ang kapakanan mo.

hi! thank you for deciding to check out this novel.

mimioxyricreators' thoughts
Next chapter