webnovel

KABANATA 7

Tinder

"O anong sabi ng HR?" Tanong ni Jean paglabas ko sa HR office.

Hindi ko maintindihan kung ano bang mararamdaman ko, nagtatalo ang tuwa at pagtataka. Hindi ko sinagot si Jean at nagpatuloy na lang sa paglalakad patungong cafeteria, saktong lunch break nang matapos akong kausapin ng HR manager. Aniya'y 'wala namang sinabi si Sir Shaun noong ipaalam nila ang buong pangyayari.

Magtatanong sana ako tungkol sa babayaran kong danyos at sa scholarship pero pinalabas na ako ni Ma'am dahil nga lunch break.

"Sa yaman ng mga Rizaldo kayang-kaya nilang bilhin 'yung company na gumawa nung vase na nasira mo. Kalimutan mo na!"

Huminga akong malalim habang nakatitig sa pagkain sa counter. Nakapila na kami sa cashier, bitbit ang tray na may lamang pagkain. Nasa likod ko lamang si Jean na pinapagaan ang loob ko. Pagkabayad ay naghanap na kaming bakanteng upuan. May meal allowance rin kami tulad ng sa normal na empleyado, nagbabaon lang akong ulam o kanin 'pag alam kong magugutom ako sa daming trabaho.

"Bigay nga ng sister-in-law niya 'yun. Mahalaga 'yon," anas ko.

"E, baka 'di sila close?" Konklusyon ni Jean.

Pinanliitan ko siya ng mata pagsulyap ko, patuloy pa rin siya sa pagsubo ng pagkain.

"Fanatic ka nila 'di ba? May alam ka ba sa chismis nila sa buhay?" Nakangisi kong tanong.

Tila nagliwanag ang mukha ni Jean sa tanong ko. Marami naman talagang chismis ang pamilyang Rizaldo pero magically, nawawala bigla. Marahil ay binabayaran nila ang media para mahinto ang pagpapakalat. Ang tanging nabalitaan kong chismis tungkol sa kanila ay 'yung kay Sir Zion Rizaldo, Kuya ni Sir Shaun.

Nakapangasawa raw 'yun ng isang escort dahil nabuntis niya ito. Wala pang linggo nung maglaho ang issue na 'yon na parang bula pero para sa katulad ni Jean na patay na patay sa kanila, kailanman ay hindi 'yon naglaho.

Pataas-baba ang kilay ni Jean sa akin habang may mapaglarong ngisi sa labi. Napailing ako. Nilapit ko na ang mukha ko sa kanya para marinig kong maayos ang kanyang sasabihin.

"Hindi ko alam kung close sila o hindi pero..." huminto siya at nagpalinga-linga, "Ang sabi... hiwalay na sila. Nagcheat daw 'yung asawa ni Sir Zion at ang malala, sa bestfriend pa ni Sir!"

Kunot noo akong bumalik sa maayos kong pagkakaupo.

"Saan mo naman nalaman 'yan?"

"Sa internet! Ang laking sampal no'n kay Sir Zion, ipagpapalit ka na nga lang sa bestfriend mo pa! Kaya siguro walang paki si Sir Shaun na nabasag mo 'yung vase. Baka nga magpasalamat pa 'yun sa'yo, e!" Pataray niyang sabi habang nakataas ang gilid ng labi.

I winced. "Hmm, 'di ba sabi mo iniwan si Sir Maximus nung girlfriend niya? Tapos eto namang si Sir Zion, niloko? Hindi kaya... 'yung mga Rizaldo ang may problema? Kasi 'di ba kilala sila bilang womanizer?"

"Ano karma?"

"Pwede..."

"Still, mali pa rin 'yung ginawa nung asawa ni Sir Zion sa kanya. Kahit na si Sir ang pinaka babaerong lalaki sa balat ng lupa, mag asawa sila. Edi sana 'di na lang siya nagpakasal 'di ba?"

Tumango ako bilang pagsangayon, tama nga naman. Whatever their problem is, cheating is cheating. Mali 'yon. Kung gusto mo nang kumalas sa isang relasyon, idaan mo sa maayos na proseso. Never use anyone for your comfort.

Pagkatapos naming kumain ay bumalik na kami sa lounge. Wala namang masyadong trabaho, nag-aral na lang muna kami ni Jean ng mga notes na naka-save sa aming phones. Nakapagpahinga pa akong mahaba-haba paguwi ko sa bahay.

Umidlip muna ako saglit. Pagkagising ay nag-ayos na akong sarili. Katawagan ko si Ate Cielo habang naglalagay ng lip and cheek tint na bigay niya. Ayun pa lang kasi ang kaya kong gamitin, ginaya ko lang kung paano nilagay ni Ate Chandra 'yon sa mukha ko.

I'll try to watch some make-up tutorial next time so I can use all of them. Mukhang napakapal pa ang lagay ko sa kaliwa kong pisngi, nahirapan pa akong alisin 'yon. Hassle talaga ang make-up! Nabibilib tuloy ako sa mga kaklase kong pageant-ready ang make-up kahit nasa school.

Pagkabihis ko ng usual kong suot ay umalis na ako. Ramdam ko na ang traffic sa daan at hindi nga ako nagkamali, traffic nga. Mabuti na lang at alas otso pa lang ay nakasakay na ako sa jeep, punuan na rin kasi.

Bumaba na akong jeep. Natigilan pa ako saglit nang mapansin ang dami ng nakaparadang kotse sa gilid ng resto bar, ang iba ay magagara. Wednesday ngayon. Ano bang meron 'pag Wednesday at ganito sila karami? Usually, Friday night ang alam kong siguradong maraming costumer.

Huminga akong malalim ay nagpatuloy na sa paglalakad. Ibang-iba ang ambiance ng resto bar pagpasok ko. Parang... mas naging masigla?

"MJ?"

Awtomatiko akong napalingon sa bandang kaliwa ko kung saan ko narinig ang tumawag sa aking pangalan. Napangiti agad ako nang makitang si Kuya Elcyd 'yon. Sinenyasan niya akong lumapit at ganon nga ang ginawa ko.

"Bakit po?" Magalang kong tanong.

Nginitian niya ako pero bahagyang lumihis sa likuran ko ang kanyang tingin sabay buntong hininga, "Wag ka na dumaan sa entrance ha?" sabi niya, sa likod ko pa rin nakatingin.

Lumingon ako upang tignan ang kanyang tinitignan, nahagip ko ang iilang titig ng costumer sa akin. Mabilis akong nagbawi ng tingin. Anong meron? Bakit nila ako tinitignan? Weird.

Halos mapaigtad ako nang marinig muli ang boses ni Kuya Elcyd.

"Naiintindihan mo?"

I sighed and looked at him with my puzzled expression.

"Saan ako papasok? Sa Exit?" I snorted.

Tila hindi naman niya na-gets ang joke ko. O seryoso talaga siya roon?

Marahan ang kanyang pagbuntong hininga, "Oo, doon ka sa likod dadaan ha? Magmula mamaya."

"Huh? O-okay pero anong meron? Bakit?"

Hinatak na ako papunta ni Kuya Elcyd sa likod. Pagdating doon ay saka niya lang sinagot ang tanong ko.

"Okay!" bulalas niya, "Kasi MJ... sabihin na lang natin na... 'yung dating singer na pinalitan mo ay... hmm, magaling pero... hindi kasing ganda mo."

I frowned abruptly. Anong kinalaman nun sa pagdaan ko sa fire exit? Bago pa ako makapagisip ng kung anu-anong bagay ay sinagot na niya ang mga tanong na tatakbo pa lamang sa isipan ko.

"Pansin mo bang puro lalaki ang costumer ngayong gabi?" tanong niya.

Umiling ako.

"Yung mga lalaki na 'yon, mukhang ikaw lang ang pinunta rito. Nabalitaan siguro nila na merong bagong singer... maganda."

"Resto bar 'to, Kuya. Kung makapagsalita ka naman parang isa akong GRO at beer house 'tong pinapasukan ko," sabay tawa ko.

Hindi na naman siya napangiti man lang sa sinabi ko, seryoso nga.

"Normal na nangyayari ang ganito, na nakukursunadahan ng costumer ang mga singer ng resto bar. Puporma o di kaya'y kadalasan nambabastos, iniiwas ka lang namin sa posibleng gulo. Totoo namang magada ka, e. Marami na mga nangyayaring gano'n, alam 'yon ni Elias kaya tiyak na magagalit 'yon 'pag nalamang nandito ka."

Napakagat akong labi at nag-iwas ng tingin, tama si Kuya Elcyd. Resto bar itong pinasukan ko, may mga nagiinom.

"Wala ka bang balak sabihin 'to kay Elias?"

Umiling ako at tumitig na lang sa kawalan. Tila nakuha naman ni Kuya Elcyd ang reaksyon ko na ayaw kong pagusapan ang bagay na 'yon.

"Maiwan na kita rito. Sabihin ko kay Richard nandito ka na..."

"Okay po..."

Sa sinabi ni Kuya Elcyd ay naging aware ako sa tingin ng mga tao sa akin sa stage. They were all smiling, enjoying my performance. Gustohin ko mang bigyang katotoohanan ang sinabi niya pero alam kong maapektuhan ang pagkanta ko kaya isinantabi ko na.

As long as hindi ako babastusin ng mga 'to, hahayaan ko na lang. They're still our costumer.

Last performance ko na sa gabing ito nang dumating ang crush ko. Tulad kahapon, bumagal muli ang ikot ng aking mundo. Pinilit ko ang sarili 'wag siyang titigan pero napapasulyap pa rin ako sa kanya.

He's now wearing a white plain t-shirt at itim na pants. Kasing lakas ng tunog ng drums ang tibok ng puso ko ngayon. Nahirapan akong maghabol ng hininga nang ngitian niya ako. Tinaas niya ang kanyang kaliwang kamay sa ere pantawag sa waiter. Nakita kong nakasuot siya ng relo na may itim na strap.

Kinagat ko ang pangibaba kong labi at nagbawi ng tingin, nagpatay malisya. Pakiramdan ko ay sasabog ako ano mang oras kakapigil sa paghuhurumentado ng sistema ko.

Mariin akong napapikit, inis sa sarili. Damn it! Hindi ko alam ang pangalan niya! Hindi ko narinig dahil sa pesteng truck na dumaan sa maganda naming tagpo! Ugh!

Kinanta ko na ang huling request para sa gabing ito. Diretso akong baba sa stage at pumuntang backstage. Nakahilig muli ako sa pader habang palihim na sinusulyapan ang crush ko.

Naalala ko bigla ang sabi ni Kuya Elcyd. Hindi kaya ako ang pinunta nito kaya nandito na naman? Wala sa sariling napatawa ako. Sige, managinip ka lang ng gising, Emery! Libre lang naman mangarap, e.

Masaya sanang paniwalaan ang imahinasyon ko pero syempre, imahinasyon lang 'yon. Sinandal ko ang ulo ko sa pader habang pinapanuod siyang lumabas sa resto bar. Agad akong nasampal ng realidad do'n ah.

Sa mga sumunod na araw ay palagi siyang pumupunta sa resto bar. Umiinom, paminsan-minsan ay sinusulyapan ako pero mas madalas ay sa cellphone ang kanyang atensyon.

"May jowa 'yan," sambit ni Jean.

Masama ang loob kong nilingon siya. Umasim ang mukha niya at inirapan ako.

"Ayaw pa maniwala! May jowa 'yang dream guy mo! Tignan mo, palaging hawak ang cellphone tapos nakangiti? Malamang ka-text o ka-chat niyan jowa niya!" nangungumbinsing aniya.

Bumugha akong malalim na hangin kasabay ng pagbagsak ng balikat ko. Kung sabagay, ano naman kung may girlfriend 'yung tao? Hindi na nakakagulat 'yon, sa gwapo niyang 'yon. Obvious naman na meron. Nalulungkot lang talaga ako.

Inalis ko ang pagkakatirintas ng buhok ko at niladlad sa kanang balikat ko. Ewan ko ba bakit masyado akong apektado. Ganon ba kapag first time magkaroon ng crush?

Mag-iisang linggo na ako sa resto bar at mag-iisang linggo ko na rin siyang nakikita. Wala na nga akong dahilan para magtrabaho pa dahil kinausap muli ako noong isang araw ng HR manager at sinabing wala na akong babayaran.

Salamat naman sa Diyos dahil dininig niya ang dasal ko. At least nabawas-bawasan ang problema ko. Nga lang, dahil nga sa crush ko ay nagkaroon ako ng rason para magpatuloy sa trabaho roon. Seeing his face, kahit medyo malayo ay ibang saya ang dinudulot niya.

Ang sarap pala sa pakiramdam ng ganito? Nakikita ko na siya, nae-enjoy ko ang pagkanta tapos nagkakapera pa akong pandagdag ipon. Hindi na rin masama!

Bumalandra sa harapan ko ang usok ng sigarilyo na binugha ni Jean sa gilid ko, lumabo tuloy ang mga jeepney na dumadaan sa kalsada na tinititigan ko. Lunch break ngayon, sa karinderya kami kumain ni Jean.

Nauumay na raw kasi siya sa pagkain sa hotel. May baon naman akong adobong manok na niluto ko kagabi kaya kanin lang ang binili ko.

"Itigil mo na kakayosi, masama 'yan!" sita ko, "Saka nasa duty tayo, didikit ang amoy niyan, e. Mapapagalitan ka ng guests kapag naamoy ka," paalala ko.

Isang malalim na hithit ang ginawa ni Jean bago niya iyon itinapon sa kanal na nadaanan namin. Sumimangot akong pinagmasdan siya. Hindi naman ako nagkukulang sa paalala, sadyang matigas lang talaga ang ulo nito.

"Mag tinder ka kaya?"

Kasalukuyan kaming nasa fire exit, dito kami tumatambay o nag-aaral para walang istorbo. May kinse minutos pa naman kaming extra time bago bumalik sa trabaho. Nagkakabisado akong capital ng bawat bansa ng bigla namang mangalabit itong si Jean.

Lumingon ako sa kanya, dalawang hakbang ang layo niya sa kinauupuan ako. Nakasandal ang likod niya sa railing at ako naman ay sa pader.

"'Yung dating app?"

Taas noo siyang ngumisi, "Oo! Para makalimutan mo na 'yung crush mo! Maraming gwapo roon. Sa ganda mong pang Miss Universe, maraming mags-swipe right sa'yo!" ganadong aniya.

I grimaced, ang OA naman ng mga sinasabi nito.

"Hindi na..."

"May tinder ako!"

I shushed her, napatakip siyang bibig at humakbang pababa. "May tinder ako," bulong niya,

"Bakit?"

Umirap siya, "Ano lang, kwentuhan. Iba't-ibang klase ng lalake nandoon, e. May mukhang matinong manyak, mukhang mayamang manyak, dugyot na manyak at manyak."

Humalakhak ako. "Manyak naman pala lahat ng naroon, e, ba't gusto mong mag tinder ako?"

"Pwede mo naman i-unmatch, MJ. Kung ayaw mo sa kanya, edi ayaw. Hindi naman porket nagkakausap na kayo, magda-date agad." Paliwanag niya.

"And try to broaden your horizon naman! Si Kuya Elias lang yata ang lalaki sa buhay mo saka si Kuya Richard tapos bakla pa. Kailangan mo rin naman makakilala ng ibang tao 'wag puro mga fictional character! Para din makalimutan mo na 'yang crush mong may jowa!"

Marahan akong tumango. May point nga naman si Jean. Wala namang masama sa usap?

"Kaso... baka 'di na kasya sa storage ng phone ko, e." dahilan ko.

"Sus, 'yun lang? Mamaya punta tayong labasan, maraming nagbebenta ng memory card do'n. Libre kita!"

Ngumiti ako. "Talaga? Libre mo 'ko?"

"Oo naman! Ako na rin magse-set up ng tinder mo. Tapos pi-picture-an kita, lalagyan din kitang make-up!" Excited niyang turan habang naglalaro ang kanyang kamay, animo'y isang kontrabidang may maitim na balak.

Nagku-kwentuhan pa kami nang marinig namin ang malakas na kalabog ng pintuan ng exit. Napatili si Jean sabay kapit sa braso ko, nakatingala sa pintuan. Matatakutin pa naman itong si Jean kaya halos manlamig at mamutla na ang buong mukha.

Nahirapan pa ako sa pagtayo sapagkat ayaw niya akong bitawan. Sa huli ay inalalayan ko siyang makatayo at bumaba na kami, palabas ng fire exit. Marahil ay hangin lang iyon?

Gaya ng napagusapan ay dumaan kami ni Jean sa labasan, namili ng memory card. Tumambay kami sa half-court, doon namin si-net up ang tinder account ko. Nakaupo kami sa tapat ng tindahan kung saan kami nagbayad ng sampung piso para maki-connect sa kanilang wifi.

"Okay na? Matagal ba 'yan?" curious kong tanong.

"Tapos na... kaso dapat pala nag picture-an muna tayo sa inyo."

Kinuha ko ang phone sa kanya, lalagyan na pala ng picture. Wala naman kasi akong matinong picture sa phone.

"Uwi muna tayo sa inyo ta's balik ulit tayo..." sabay hatak niya sa kamay ko.

Nagkaroon kami ng mini-photoshoot ni Jean sa kwarto ko. Nanaliti ang mermaid curls sa buhok ko mula sa pagkakatirintas. Ginamit ni Jean ang eyeshadow sa mata ko bilang eyeliner. Binasa niya ang eyeshadow brush at nilagay sa dark brown eyeshadow at ginawang brow pomade.

Hindi na niya ako nilagyan ng kahit anong foundation or blush para mas makita ang freckles ko. Sa lips naman ay 'yung pink shade na liptint ang kanyang nilagay.

Suot-suot ko 'yung mustard sweatshirt na nabili ko noon sa ukay. Nasa magkabilang gilid ko nakalagay ang flashlight na nakatutok sa akin, nakapatong 'yon sa monoblock na galing sa kusina. Si Jean lahat ang nagasikaso no'n.

Naka-side view ang katawan ko sa camera pero ang mukha ko ay nakatingin doon, hawak ang buhok ko paitaas na mistulan akong nasa shampoo commercial.

Maganda naman ang kinalabasan ng kuha. Kaonting edit lang ay 'yon na ang napagdesisyonan niyang i-upload pagbalik namin sa tindahan.

Sin-wipe right namin lahat ng 'gwapo' sa paningin niya. Hinayaan ko na siyang gawin lahat 'yon, tiwala naman ako sa kanya. Makatapos ng ilang sandali ay marami na agad akong naka-matched na agad din akong chi-nat.

Si Jean ang mas excited sa aming dalawa, umusog ako sa kanyang tabi, tinignan ang screen.

"Uy pogi 'to oh! Cover ng magazine!" Napapalakpak niyang sambit.

Kalel, 25, model-entrepreneur. Nanliit ang mata ko at mas nilapit pa ang mukha sa screen. Kalel? Kalel! Right, siya 'yung costumer sa resto bar na lumapit sa akin last time!

"Bet mo?"

"Costumer namin 'yan, e. I-unmatch mo, Jean. Nakakahiya," I said.

At ganon nga ang ginawa ni Jean. Kinuha ko na sa kanya ang cellphone at umalis sa tindahan. Nakakahiya talaga! Ang awkward kapag nagkita kami ulit. Nagsisi agad ako na nag-install akong tinder dahil gaya ng nasa isip ko, nagkita nga kaming muli nung Kalel sa resto bar! Vibrate pa nang vibrate ang cellphone sa bulsa ko.

Wala akong gana magreply sa mga messages nila. Tinuruan ako ni Jean kung paano mag unmatch at maramirami na rin sila na-unmatch ko.

"Hi, Emery! Saw you on tinder... pero in-unmatch mo ako," he chuckled.

Sinadya kong magtagal sa locker room dahil alam kong inaabangan niya ako. Isang oras pa naman ako roon at paglabas ko sa resto bar, nandito pa rin talaga siya.

I smiled fiddly at him and continued walking. I'm also not in the mood tonight, wala kasi 'yung crush ko. Hindi siya pumunta. He's with his girlfriend perhaps. I sighed when I heard Kalel's footsteps just a few inches away from me.

"Emery? Uhh..."

Binilisan ko na ang lakad papuntang sakayan. Buhay na buhay pa rin ang mga tao sa kalsadang nadadaanan ko, may mga lasing na rin na palabas sa kahilera naming bar at mga kumakain ng streetfoods na makikita sa bawat sulok ng daan.

Buong akala ko'y tinigilan na ako nung Kalel sa kasusunod sa akin pero nagkakamali ako, hinatak niya ang braso ko papalapit sa kanya. Nagitla ako.

I looked at him with disgust. Wala akong naamoy na alcohol sa kanya kaya alam kong nasa tama siyang pagiisip. May kakaiba akong nararamdaman sa mga ngiti niya. Nanginig ang labi ko at hindi na nakapagsalita. Ganitong-ganito ang ngiti nung Alfie noong binalak niya akong gawan ng masama!

Nakangiti, pero alam kong nagtitimpi lamang siya sa akin. Binawi ko ang braso ko, pasimple niya akong mas hinahatak papalapit sa dibdib niya. Yes, he's rich and handsome but that isn't a VIP card or license to use for harassing women! It doesn't give you any right! Ano bang akala ng mga lalaking katulad niya?!

Na biyaya sila ng Diyos sa aming mga kababaihan kaya kung umasta akala malaking pabor ang ginagawa nila sa amin?! What a sickening thought!

Naginit ang ulo nang may gana pa siyang matuwa sa pagpupumiglas ko. Noong huli ay nagpadala ako sa takot pero hindi na mauulit pa 'yon! Ang hibla ng pasensya ko ay tuluyan nang napigtas, inangat ko ang kanang kamay ko, nilagay ko ang buong lakas ko sa palad ko at isinampal sa makapal niyang mukha!

Tinulak ko siya papalayo sa akin. I run as fast as I could without looking back. Sobrang bilis din ng adrenaline rush ko, nakalagpas na ako sa pupuntahan ko. Taas-baba ang dibdib ko sa paghahabol ng hininga. May maganda rin pa lang naidulot ang pagpapatakbo ng prof namin sa PE.

Sa 'di pamilyar na kalsada ako napadpad, nasa looban na yata ako ng kung anong barangay dito. Mabuti na lamang ay may nakasalubong akong nagpapatrol na tanod, naligaw na ako kakaikot, hindi ko pa nararating ang main road. Sa tulong nila ay mabilis akong nakapunta roon.

Almost 3 AM na ako nakauwi sa bahay. Pinilit kong alisin ang nilagay kong make-up kahit na halos gapangin ko na ang kama sa pagkahapo at antok.

Kung hindi lang talaga dahil kay Jean, siguradong late akong makakapasok sa hotel. Tulog ako buong byahe namin sa jeep, 'di na nga ako nakakain pang agahan sa kakamadali. Matamlay ang kilos ko ngayong umaga. Uminom na nga akong kape pero walang talab.

Humikab ako at nagunat ng likod. As usual, magkakasama na naman kaming tatlo nila Ate Sam na naglilinis ng suite. Naupo ako sa stool habang wala sa sariling pinupunasan ang table.

"Huy, MJ! Gising!" Si Ate Sam.

I groaned as I stood up. Pangatlong linis na namin ng kwarto, wala akong masyadong naitulong sa kanila. Gayunpaman, nakakakilos pa naman akong maayos tuwing may iuutos sila.

Silang dalawa lamang ang nagku-kwentuhan samantalang para akong nasa ibang mundo. Tapos na kaming kumain ng lunch. Sinadya kong bilisan para makaidlip man lang sa lounge namin. Nagmadali akong pumanhik patungo roon. Ngiting-ngiti ako nang marating at makaupo sa mahabang sofa, pinagpagan ko 'yon saka humiga. Ang braso ko ang ginawa kong unan.

Papikit pa lamang ako nang biglang may tumawag sa pangalan ko. Gusto kong magwala sa inis! Break ko pa naman ah?!

"Pinapatawag ka ni Sir Shaun," anito.

Mabilis akong napabangon. Tila naglaho sa isang iglap ang antok ko at mabilis na dinaluyan ng dugo paakyat sa ulo ko.

"A-ano raw pong dahilan?" Kabadong tanong ko pagbaling ko sa babaeng kasamahan.

Nagkibit itong balikat at blanko ang ekspresyon ng mukha.

"May kasama si Sir Shaun doon, bilisan mo kasi baka may gagawin sila..."

Tumayo na ako, kabado. Mas tumindi pa ang kaba ko pagpasok sa elevator. Ako lang ang magisang sakay no'n. Si Mader Fely kaya nandoon sa penthouse? Sino kaya 'yung kasama ni Sir? Si Blanca kaya? O... babae niya?

I cleared my throat and pushed the elevator button. Ilang ulit akong napalunok sa panunuyot ng lalamunan ko dahil sa kaba habang paakyat na nang paakyat ang elevator. Ang dalawang kamay ay dinala ko sa aking dibdib, sasabog na ang puso ko sa lakas ng pintig nito!

I licked my lips while staring at my reflection from the elevator door. Inayos ko ang buhok ko at humingang malalim. Saktong tumunog na ang elevator. I bit the sides of cheek to divert my attention.

Sigurado akong pagagalitan ako nito ni Sir! If that happens, handa naman na akong magmakaawa, e. Magbabayad ako kahit magkano at kahit gaano katagal ang abutin! I badly needed this scholarship, gagawin ko ang lahat 'wag lang nila alisin sa akin 'to!

Mabigat ang bawat hakbang ko papasok sa penthouse. Wala namang nagbago. Nadako ang paningin ko sa grand piano. I don't know why but I expected to see a new vase there. Walang bakas ni Mader Fely na nanggaling doon dahil nakakalat pa rin ang throw pillow sa sahig.

Shit! I should've brought a cleaning trolley! Baka 'yun talaga ang pakay nila sa akin?! I shook my head to myself. Ang tanga ko!

Nakarinig ako ng ingay ng coffee maker. Dahan-dahan akong lumakad papunta sa bar counter, nakita ko agad ang isang matangkad na lalaking nakatalikod habang tahimik na hinihintay ang kanyang kape.

He has a broad shoulder and faultlessly defined biceps especially when he lifted a coffee mug. When he noticed my presence, he lazily turned to me and pointed the mug he was holding at me.

I swallowed hard. Direktang nakatitig ang malamig niyang mata sa akin, na nagsasabing hindi siya madadaan sa pakiusapan. Nagsisimula nang mabalot ang tainga ko ng malakas na pintig ng puso ko.

"Oh... you're Emery Joule Hernandez? The one who broke my sister's vase?" He said coldly.

Napayuko na ako para itago ang naluluha kong mata. My breath was starting to become jagged. Marahan akong tumango sa kanyang tinuran.

"O-opo... Sir Shaun. A-ako po iyon..." Naiiyak kong sabi.

ตอนถัดไป