Snatcher
Nag celebrate kami ni Kuya Elias paguwi ko. Bumili akong limang barbeque, isaw at betamax sa terminal ng tricycle kanina. Inimbita ko si Jean kaso ay may sarili rin silang celebration.
Alalang-alala si Kuya sa akin paguwi ko. Kanina pa raw siya tumatawag sa cellphone ko pero hindi naman nagri-ring.
Nasira na kasi 'yung de-keypad kong cellphone noong isang araw. Hindi ko pa nasasabi at siguradong magagalit 'yon! Pagkatapos ng training bukas, magpapasama ako kay Jean sa Divisoria at maghahanap ng mumurahing cellphone sa bangketa.
Ang alam ko sa halagang limang daan makakabili ka na. Ayos lang kahit ano basta merong pan-text at tawag!
"Congrats, Emery! Sa ating magkakapatid ikaw talaga ang pinaka matalino!" Tumatawang puri ni Kuya habang tinatapik ang balikat ko.
Sinamaan ko siyang tingin nang nagiging hampas na 'yon.
"Talaga! Oo nga pala, Kuya... anong laman nung bitbit mong paper bag? Kanina ko pa napapansin, e." Sabi ko habang sinusuri ng mata ang paper bag sa ilalim ng lamesa.
May ribbon 'yon sa gitna kaya 'di ko makita ang loob. Suminghap ako at tinignan siya na patuloy pa rin sa pagkain. Hindi na ako nangulit pa. Ako na ang naghugas at nagpunas ng lamesa. Binubutingting ni Kuya ang electric fan sa labas dahil hindi na naman gumagana.
"Sira na talaga?" tanong ko pagdungaw sa bintana.
"Oo. Ipapa-ayos ko bukas kay Mang Ernie." aniya habang nagpupunas ng pawis.
Bumalik ako sa lamesa at nagsalok ng tubig sa baso. Inabot ko iyon kay Kuya. Nilabas ko ang monoblock at doon naupo malapit sa kanya. I took a deep breath and looked up at the starless sky. May kung anong lamig akong naramdaman na hindi ko maipaliwanag. My hands are shaking, maybe because of the uncertainty of what tomorrow will bring.
Natatakot ako sa katotohanang isa lamang akong dumi sa sobrang lawak ng mundo. I need to be brave to carry on with life. Hindi ako pwedeng panghinaan ng loob dahil lalamunin ako ng buhay ng kahirapan.
Niligpit na ni Kuya lahat ng kalat sa labas at bigong pinasok ang electric fan. Nakapagtataka na wala akong naririnig na nagkakaraoke ngayong gabi at naghahabulang tambay sa kalsada.
Ilang sandali ay bumalik si Kuya, inabot ang malaking paper bag na kanina ko pa gustong usisain. Tinitigan ko pa siya bago ko 'yun tinanggap. Hindi ko naman inasahang para sa akin 'yon kaya nagdalawang-isip pa ako.
"Regalo ko 'yan sa'yo."
Tinatanggal ko ang pagkakatali ng ribbon nang sabihin niya iyon. Sinulyapan ko siya at sinamaan ng tingin. Inip na inip niya akong tinitigan. Napanganga ako nang makitang tuluyan ang loob no'n. Isang box set ng libro ni John Green! Mahal ito!
Namamasa na ang mata ko pero pinagpatuloy ko ang pag-check sa laman. Meron ding dalawang pares ng contact lens, t-shirts at pantalon! Nag-squat si Kuya sa harap ko para pawiin ang luha ko.
Ang mamahal ng binili niya. Anong trabaho na naman kaya ang ginawa niya para mabili lang ito? Nanginginig ang labi ko pero sinikap kong isatinig ang katanungan ko.
"Saan ka nakakuhang pera, Kuya? Mahal lahat 'to! Ano na namang trabaho ang pinasok mo?" Pumiyok pa ako sa panunuyot ng lalamunan.
Tumawa si Kuya at tumayo na. "Sa resto bar nga 'di ba? Nagbigay ng malaking tip 'yung costumer kanina. Maghahati-hati sana kami nila Joey pero nung malamang ipambibili ko ng regalo sa'yo, binigay na lang nila lahat. Kaya... ayan!"
Huminga akong malalim at tumayo para yakapin si Kuya. Nahagip ng mata ko ang sapatos niyang pamasok sa trabaho na nasa gilid ng pintuan para hindi siguro hindi ko makita.
Parang kinurot ang puso ko roon. Kung 'yung sapatos ko buka na ang swelas, 'yung kanya halos wala nang swelas.
Nahihiya na talaga ako sa pagiging pabigat. Pakiramdam ko ninakawan ko siya ng pagkakataong mangarap para sa sarili. Ako ang prioridad niya imbis na unahin ang sarili. Lalo lamang nadagdagan ang kagustuhan kong makapagtapos ng pag-aaral.
Kapag nangyari 'yon ay ako naman ang gagawa ng paraan para makapag-aral siya. Pangarap niya ring makapagtapos pero hindi niya magawa dahil sa akin.
Inayos ko sa kwarto ang librong kanyang binili at nilagay sa drawer ang mga damit. Nasa kwarto si Kuya para paypayan ako hanggang sa makatulog. Pinilit ko ang sariling makatulog para makapagpahinga na rin siya. Maaga rin ang training namin bukas.
Kung hindi pa ako ginising ni Kuya ay paniguradong mala-late ako. Alas otso ang call time at alas siete na ako nagising! Paspasang ligo ang ginawa ko. Ewan ko kung matatawag ko bang ligo 'yon! Basang-basa ang likod ng t shirt ko dahil hindi ko na napatuyo ang buhok ko ng tuwalya.
Pagkasuot ng damit at contact lens ay lumarga na. Mabuti na lamang at nakahiram ng motor si Kuya sa kaibigan niyang si Paul. Ilang beses pa kami nabugahan ng maiitim na usok ng bus at jeep, bahala na at mahalaga naman ay hindi ako nahuli!
Natuyot na ang buhok ko at anlagkit-lagkit ng pakiramdam ko. Hingal na hingal ako dahil tinakbo ko ang lounge. Pinagtitinginan na naman tuloy ako ng mga tao dahil sa itsura at buhok kong parang sinabunutan ng sampung tao sa gulo.
"Sa kalsada ka ba natulog? Ba't mukha kang taong grasa?" Nakangiwing bungad ni Jean sa akin pagpasok ko sa locker room.
Nakahawak ako sa dibdib ko at naghahabol ng hininga. Tinuro ni Jean ang katabi niyang locker para sabihin iyon ang akin. Tumango ako at lumapit na. Binagsak ko ang likod ko roon at humingang malalim.
"Mamamatay ka na ba? Sabihin mo lang para makatawag akong ambulansya." Seryosong aniya habang nakasandal ang kanang siko sa locker, sinisilip ako.
Itinaas ko ang kaliwang kamay ko malapit sa kanyang mukha bilang sign na kailangan ko munang huminga. Naintindihan naman iyon si Jean at nagpatuloy na sa kanyang ginagawa. Salamat naman! Para na akong hihimatayin sa pag-ikot ng paningin.
Hindi pa nga pala ako nakakain o nakainom man lang ng tubig kaya ganito na lang ang reaksyon ng katawan ko. Sinulyapan ko si Jean na patapos ng magbihis. Humugot akong isang malalim na hininga at humarap sa locker. Binuksan ko iyon at kinuha ang uniform na gagamitin.
Sa kitchen sana ako ilalagay pero sinama na lang nila ako kay Jean sa housekeeping department. Medyo malaki ang uniform ko na 'to, kulay tsokolate na may puting linings sa braso at leeg.
Tinignan ko ang sarili sa malaking salamin dito sa locker room at sinuklay ang mahaba kong buhok. Manipis at bagsak ang buhok ko na natural brown na kakulay na rin ng suot kong uniform.
May katangkaran at balingkinitan ang katawan ko kaya mas lalong mahabang tignan ang buhok kong hanggang baywang. Layered naman ang style nito at ang pinaka maiksing bahagi ay nasa dibdib ko.
Inayos ko ang pagkakahati nito sa gitna at sinuklay sa huling pagkakataon bago itinirintas. Nilagay ko 'yon sa kaliwang balikat ko pagkatapos. Kaya naman pala hinarang ako ng guard kanina, akala siguro talaga taong grasa ako't may mga itim sa mukha ko.
"One week traning tayo rito. Sakto pasukan na next week! Nakabili ka na bang gamit pamasok?"
Nilingon ko siya at umiling. "Hindi pa nga, e. Sa linggo na lang ako bibili sa palengke." sagot ko.
Tulak-tulak ko ang cleaning trolley, kasama namin ni Jean si Ate Sam na magtuturo sa amin kung paano ang tamang paglilinis at iba pang kalakaran dito sa hotel. Nasa late thirties na si Ate Sam pero mabilis naman makagaanan ng loob.
Ibin-rief kami kanina tungkol sa do's and don'ts dito sa hotel. Sa 30th floor kami nakatoka.
"Tandaan niyo ha? Bawal kayo mangialam ng mga gamit ng guests! Dapat mabilis din ang kilos at kung anong makita niyo, isarili niyo na lang. Alam niyo na 'yon!" Striktong paalala ni Ate Sam.
Tumango kaming dalawa ni Jean sa kanya. Room 3112 ang unang lilinisin namin. Nagpatawag ito ng room service kaya pumunta agad kami. Sinulyapan ko ang iba pang kwarto na may nakasabit sa labas na do not disturb.
Neoclassical ang disenyo ng buong hotel, bawat gamit ay nakakatakot hawakan dahil siguradong mahal kaya nga tanging mayayaman lamang ang nakakapagpa-book dito. Sa laki ng hallway kakasya yata ang sasakyan! Ngumuso akong tiningala ang gintong chandelier. Kahit siguro magtrabaho ako ng limang taon ay hindi ako makakabili ng ganyan.
"Ano may world war bang naganap ba't ganito kagulo?" Bulalas ni Jean.
Bumaling agad ako. Napanganga ako nang makita kung gaano kagulo ang loob no'n. Hindi lang yata world war ang nangyari sa loob! Tinulak ko na ang trolley papasok. Naghalo ang amoy ng alak at suka sa buong silid! Sinenyasan kami ni Ate Sam na magsuot ng mask na nakaipit sa likod ng trolley.
Hindi na siya nagsuot pa ng mask dahil normal na ito sa kanya kaya hindi na rin kami nagmask. Mas mabaho pa nga sa lugar namin kesa rito, e.
"Ang baboy naman ng mga guest na 'to! Tignan mo o! Hindi man lang magawang itapon ang condom!"
Panay ang reklamo ni Jean sa likod ko. Nagpupunas ako sa glass window at si Ate Sam naman ay nagpapalit ng bedsheet.
"Wala pa 'yan!" Si Ate Sam na humalakhak, para bang meron siyang iyayabang na mas higit doon.
"Ay may chika ka ba? Ano 'yan baka bastos 'yan!" Tumawang malakas si Jean.
Nilingon ko silang dalawa at napailing. Mabilis na napalitan ni Ate Sam ang bedsheet kaya tinulungan na niya si Jean sa pagva-vacuum ng carpeted floor. Pinagpatuloy ko ang pag-spray sa bintana.
"Isang beses nakapag linis ako sa penthouse ni Sir Shaun, nako! Daig pa ang dinaanan ng bagyo!" si Ate Sam na pinantayan ang lakas ng tawa ni Jean.
Napangiwi ako. Sinabi niyang kung anong makita ay sarilinin na lang pero siya itong nagku-kwento ng kung ano.
"Si Sir Shaun Rizaldo, my loves? Nandito si Sir?"
"Oo! At kapag napunta siya rito, palaging may kasamang babae! Mga spokening dollars!"
"Pwede ba akong maglinis doon?"
"Hindi! Pili lang pinapaglinis ni Sir doon. Si Mader Feli lang! 'Yun yung pinaka matanda rito, e."
"E, sabi mo nakapaglinis ka?"
"Absent kasi si Mader Feli kaya no choice si Sir, ako na lang pinili kasi bibisita si Ma'am Tori."
"Hmm, ganon? Teka... anong kababalaghan ang nakita mo roon?"
"Ay oo nga! My God! Andaming condom na pakalat-kalat doon! Ilang box yata 'yung nakita ko, e, lahat gamit!"
Napalunok ako. Pinilig ko ang ulo ko at nagpatay malisya na lamang. Naiilang ako sa mga ganitong usapan, para sa akin ay hindi na dapat pag-usapan ang mga ganito lalo na't pribadong buhay 'yon ng ibang tao.
"Ganon din ang ibang pinsan si Sir Shaun 'no! Kilala mo si Sir Zion?" Tanong ni Ate Sam kay Jean.
"Avid fan ako ng mga Rizaldo kaya kilala ko 'yan!" pagyayabang ni Jean.
"Malupit 'yon 'wag ka! Kapag dinadala niya mga babae rito, diretso maglakad pero kapag lalabas na sila ng kwarto, sakang na!" Humalakhak siya.
Tapos na akong magpunas sa bintana. Ang lamesa naman ang nililinis ko na puro upos ng sigarilyo.
"Si Sir Maximus lang yata ang matino sa kanila, e. Wala naman 'yong dinadalang babae rito o siguro sa bahay na niya dinadala. Balita ko iniwan daw 'yun ng girlfriend, e." Dagdag pa niya.
"Ang chismosa mo pala Ate Sam!" Sabay tawa ni Jean. "Saan mo naman nabalitaan 'yan? Ang tanga naman ng babaeng 'yon! Rizaldo na, nag inarte pa!"
"Nung naglilinis ako sa penthouse, naririnig kong kausap ni Sir Shaun si Sir Maximus. 'Wag mong ipagkalat ha? Secret lang kasi 'yon."
Pumasok na ako sa banyo kaya hindi ko na narinig ang iba pa nilang usapan tungkol sa mga Rizaldo. Si Tori Rizaldo lang naman ang kilala ko dahil bukod sa dati siyang boss ni Kuya ay foundation niya ang magpapaaral sa amin.
Laman lagi sila ng diaryo at magazine pero hindi naman ako nagbabasa ng mga 'yon. Kay Jean ko lang nalalaman kung ano ang itsura nila base sa description na sinasabi niya.
Gwapo, babaero, mayaman at walang puso pagdating sa business. Sa mga librong nababasa ko, sila 'yung klase ng character na dinadaan sa pera ang lahat para makuha nila ang gusto. Malaki rin naman ang posibilid na ganon din sila sa totoong buhay.
Nang matapos kami sa paglilinis ay doon naman kami sa iba. Sampung kwarto ang nalinisan namin buong araw. Pinuri kami ni Ate Sam dahil mabilis daw ang kilos namin para sa baguhan. Hindi ko naman din naramdaman ang pagod dahil nagtulungan kaming tatlo at kwentuhan.
"Ang swerte niyo pala, MJ. Sa tagal na ng Rizaldo Empire ngayon lang nila naisipang magbigay ng scholarship at isa kayo sa natanggap! Kung may ganyan lang sa panahon ko, edi sana hindi lang ako basta taga-linis dito. Baka ako na ang manager niyo!"
Nagbibihis na kami sa locker room. Out na rin ni Ate Sam. Kakaalis lang nung tatlong pumalit sa pwesto namin. Tinanggal ko ang pagkakatali ng buhok ko kaya kumulot na ito.
"Matagal ka na ba rito, Ate Sam?" tanong ko at naupo sa mahabang upuan sa likod namin.
Pagkasarado ni Ate Sam ng kanyang locker ay nilingon niya ako. Napatitig siya sa akin at ngumisi. Kumunot ang noo ko at yumuko na lang para alisin ang suot kong sapatos.
"Magta-tatlong taon na..."
Tumango ako. Dumiretso akong upo at sinuot na ang baon kong tsinelas. Napaigtad ako nang hawakan ni Ate Sam ang magkabilang pisngi ko at iniharap sa kanya.
"Naka-contact lens ka?" nakangisi niyang tanong.
Inatras ko ang mukha ko at yumuko para kunin ang sapatos. Huminga akong malalim at nilagay ang sapatos sa locker room. Kinakabahan akong harapin siya. Attention is one of the things I dislike.
"Nakita ko ibang kulay ng mata mo..."
Narinig ko ang pagbagsak ng gilid ng upuan sa pagtayo ni Ate Sam. Tumikhim ako. Magsasalita na sana siya nang bumalik si Jean.
"Divi na tayo!" pahiyaw na yaya ni Jean.
Natigilan sa paglalakad si Jean nang magkasabay kami si Ate Sam na lumingon sa kanya. Nakapalit na rin siyang damit. Kumunot ang noo ni Jean at nagpatuloy na sa lakad diretso sa katabing locker ko.
"Kalma, ako lang 'to!" aniya.
Hindi na ako nagsalita pa. Kinuha ko na ang backpack at sinukbit sa likod ko.
"Jean, ba't iba kulay ng mata nito ni MJ?"
"Napansin mo rin?" may halong gulat niyang nilingon si Ate Sam.
Sinamaan ko ng tingin si Jean pero hindi niya 'yon nakita.
"May heterochromia si MJ, e. Blue saka green kulay ng mata niyan."
Bumagsak ang balikat ko at napapikit. Bumuntong hininga ako. Ano pa nga bang magagawa ko nasabi na niya? Gaya ng inaasahan ay nilapitan ako ni Ate Sam at iniharap na naman sa kanya.
"May sa pusa ka pala! Patingin nga!" Nilapit niya ang mukha niya sa akin.
Inangat ko ang balikat ko para alisin ang kamay niya roon.
"Pakitaan mo nga, MJ!" Bahagya akong tinulak ni Jean papunta kay Ate Sam.
Sinulyapan ko siya para irapan. Tumaas ang dalawang kilay niya at mas lalong bumilog ang mata. Napairap ulit ako.
Kaya ayaw kong may nakakaalam ng kulay ng mata ko, e. Kung ituring nila ako ay parang kakaiba, hindi man sa pangit na paraan pero ayoko talaga ng atensyon. I showed her my real eyes to make her shut. Nalaglag ang panga niya at gusto pang pic-tur-an ang mata ko!
"Unang kita ko pa lang sa'yo kanina gandang-ganda na ako sa'yo, MJ! Ba't hindi ka na lang kaya mag model? Maraming kukuha sa'yo! Kahit na itim mata mo maganda ka talaga. Kasing ganda mo 'yung mga jowa nila Sir... mas maganda ka pa nga, e!"
Panay ang tampal ni Ate Sam sa balikat ko sa loob ng jeep. Ang ingay-ingay ng bibig niya kaya panay din ang tingin ng ibang pasahero sa amin. Sinubsob ko ang mukha ko sa backpack sa hiya. Taga Ermita rin si Ate Sam kaya kasabay na naming umuwi.
Sumama muna sa amin si Ate Sam sa Divisoria kahit nadaanan na namin ang kanilang lugar. May tampuhan daw kasi sila ng ka-live in partner niya, e.
Hindi na natuloy ang plano kong pagbili ng basic phone. Ang sabi ni Jean ay mas kakailanganin ko ng advance na cellphone para sa pasukan. Isang libo lang ang bili ko sa latag. Kaya naman ganoon kamura dahil puro nakaw naman ang binebenta. Namili na rin ako ng charger at case no'n, pati ang pagbili ng school supplies ay ginawa ko na.
Kakatapos lang din naming kumain ng siomai rice sa gilid ng Divisoria market. Nagtitingin ng mga medyas si Jean at Ate Sam sa kabilang kalsada, andito naman ako sa tindahan ng prutas.
"Magkano po ang mansanas?" Tanong ko sa tinderang naglalagay ng nail polish sa kamay.
"Singkwenta isa." Mataray nitong sagot na hindi ako tinitignan.
Ibinaba ko na ang mansanas. Ang mahal naman nito, doon na nga lang ako sa amin bibili. May ginto yatang tinurok dito kaya ganito kamahal. Mga ubas naman ang tinitignan ko nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone sa bulsa. Nakita kong tumatawag si Kuya at agad na sinagot.
"Hoy, Miss, 'wag kang maglabas ng cellphone rito! Baka makuha 'yan!" Mataray na paalala ng tindera.
Hindi ko na siya pinansin at lumakad na lamang pabalik kila Jean sa kabilang tindahan.
"Hindi ako makakauwi ngayong gabi, Emery..." Si Kuya sa kabilang linya.
Hindi ko gaanong maintindihan ang sinabi niya dahil medyo putol-putol.
"Sa'n ka Kuya?" Tanong ko.
Tapos nang mamili sila Jean at kinakawayan na ako. Tinanguan ko sila habang mariing pinapakinggan ang kabilang linya.
"May raket ako sa pagwa-waiter... Sige na umuwi ka na lang ha?"
"Oka—"
Hindi ko na natapos ang sasabihin dahil sa isang iglap ay may humablot sa cellphone ko. Sumalampak ako sa semento nang pwersahan niya 'yong kinuha at tinulak. Ramdam ko ang mabilis na pagdaloy ng dugo sa buo kong katawan. Nagtilian ang mga tao at tinuro ako ng ilang tindera para may tumulong sa akin makatayo.
"Hay nako, sabi ko na sa'yong 'wag kang maglalabas ng cellphone, e!" Anang tindera ng mansanas kanina.
Inalalayan akong makatayo nila Jean at Ate Sam. Binalingan ko ang snatcher na tinutulak lahat ng taong humaharang sa daan. Nagtitilian ang ibang kababaihan sa takot dahil may hawak pala itong ice pick! Mabilis akong tumayo at walang pagdadalawang isip na hinabol ang snatcher.
"Wag mo nang habulin, Emery!" Sigaw ni Jean.
Huli na dahil matulin ang takbo ko at hindi pa rin nawawala sa paningin ko ang snatcher. Maling tao yata ang ninakawan niya at hindi ko siya tatantanan! May nabangga pang kariton ng saging ang snatcher, nagkalat sa daan ang mga saging at inapak-apakan pa!
Tinalunan ko ang mga saging para hindi maapakan. Awang-awa ako sa matandang tindero pero nagpatuloy ako sa takbo. Tila hindi ko na maramdaman ang mga paa ko sa bilis at hingal ko.
"Magnanakaw 'yan! Ha-harangan niyo!" Buong lakas kong sigaw habang tinuturo ang lalaki.
Sinubukan naman siyang harangin ng mga tao pero sadyang malakas yata talaga ito. Napamura ako sa isip ko at nawawalan na rin ng pagasa. Kabisado ko ang pasikot-sikot dito kaya kahit saan siya lumiko ay nasusundan ko.
Isang beses pang kumaliwa ang snatcher sa malaking kalsada. Bumagal na ang takbo ko at nakaramdam na ng panghihina. Huminga akong malalim at sinundan ko pa rin.
"Magnanakaw 'yan..." Kinakapos na akong hininga.
Nagulat na lamang ako nang may lalaking tumisod sa kanya. Bumagsak siya sa semento, una ang mukha at tumilapon ang hawak na ice pick. Binilisan ko ang takbo at tinadyakan sa sikmura ang snatcher. Namilipit siya sa sakit.
"Ibalik mo ang cellphone ko!" Singhal ko at sinipa kong muli.
"Ah, ayaw mong sumagot ah?" Kinwelyuhan ko siya at pinagsasampal. Umiikot na ang paningin niya, hihimatayin na.
"Ibalik mo kundi gugulpihin kita! Ibalik mo!" Inalog-alog ko siya. Mainit talaga ang ulo ko sa ginawa niyang perwisyo!
"Miss? Is this your phone?"
Natigilan ako nang marinig ang boses ng lalaki. Tinulak ko pabagsak ang snatcher na ngayon ay wala na talagang malay. Pinagpagan ko ang kamay ko at humarap na sa lalaki. Hindi ko na kinailangan pang mag-angat ng tingin dahil nilahad na niya ang cellphone ko.
Nakangiti akong tinanggap 'yon. "Thank you, boss. Buti na lang talaga tinisod mo 'tong snatcher!" sabi ko habang sinusuri ang cellphone.
I sighed in relief when the phone's still working. Kakagastos ko lang dito ng isang libo at wala akong pambili ulit kung sakaling hindi ko nakuha.
"Sure." Tipid na wika ng lalaki.
Ngumiti ako. Titignan ko na sana siya nang makita ko ang loafers niyang luis vuitton ang tatak! Sinulyapan ko ang gilid ng tinatayuan niya at nakita ang sports car na merong apat na magkakadikit na bilog sa harapan. Tinikom ko ang bibig ko. Hindi lang siya mayaman, mayaman na mayaman!
"Are you hurt or something?" aniya sa magandang ingles.
Umiling ako at dahan-dahang nag-angat ng tingin. Napapikit ako nang humangin ng malakas pagdaan ang truck sa gilid namin. Isinabit ko ang bumuhaghag kong buhok sa magkabilang tainga ko at minulat ang mata.
Napakurap-kurap ako nang makita kung ano ang itsura ng lalaking nasa harapan ko. Para siyang character ng isang libro na nagkatotoo! He looks so manly with his sharp facial features. He smiled at me. Napalunok ako. Bumilis bigla ang tibok ng puso ko dahil mas lalo siyang gum-wapo!
"Malapit ka lang ba rito? I can drive you home..." aniya.
Pati ang pagsasalita niya ng tagalog ay maganda rin sa pandinig ko! I seem to be hypnotized by his voice. Humakbang siyang isang beses papalapit sa akin at naglahad ng kamay. Lumapad ang ngiti sa labi niya.
Bumusina nang napakalakas ang dalawang bus kaya hindi ko narinig ang pagpapakilala niya sa sarili. Sinundan ko ang galaw ng kanyang labi.
Ano raw? Kumunot ang noo ko pero hindi ko pinahalatang 'di ko siya narinig. Hindi ko tinanggap ang kanyang kamay. Napansin niyang naiilang ako kaya binawi niya rin.
Nginitian ko siya pabalik. "Uh, Emery. Ako nga pala si... Emery..." pakilala ko.
Tumango siya at nagpamulsa. Hanggang baba niya lamang ako. Ito ang unang beses na humanga ako sa isang lalaki. Unang beses na bumilis ang tibok ng puso ko. Una at huli dahil hindi naman na kami magkikita ng taong ito kahit kailan.
Siguro kung character kami sa isang libro, ito ang simula ng aming magandang kwento. Mayaman na lalaki at mahirap na babae. Kaya lang... wala nga pala ako sa libro.