webnovel

Chapter 28: The Man in The Mirror

Date: March 17, 2021

Time: 6:30 P.M.

Papunta si Rjay sa bahay nila Mr. A. upang bisitahin ang pagbabalik nito mula sa business trip, at para isumbong na makikipagkita dapat si Chris kay Jin at siya ang pumigil dito. Habang naglalakad siya, may biglang humablot sa kanyang kanang braso—isang lalaki na nakasuot ng itim na cap, naka black na leather jacket, naka black na pants, naka-shades at naka black na face mask.

Nagulat siya nang hablutin siya nito at pilit siyang kumakawala ngunit malakas ang pagkakakapit ng lalaki sa kanya at dinala siya nito sa isang tagong lugar.

Wala ng magawa si Rjay kundi sumama dahil napatingin siya sa bandang belt ng lalaking humablot sa kanya. Napansin niya na may nakabakat na hugis ng isang baril, kaya naman hindi na siya lumaban pa. Nang makarating na sila isang eskinita kung saan walang nakakakita sa kanila, binitawan na siya ng lalaki at nakatayo lang ito sa harap niya.

"Sino ka ba? Kailangan mo ba ng pera? Sabihin mo lang! Isang milyon? Dalawa? Kasi ibibigay ko sa'yo 'yung pera ko kung 'yun lang ang gusto mo!" nainis na sinabi ni Rjay sa lalaking humablot sa kanya.

Tinawanan lang siya ng lalaking nakatayo sa harap niya, kaya mas lalong nainis si Rjay.

"Hindi mo ba nakikilala itong boses na 'to?" tanong sa kanya ng lalaki.

Pinakinggan ni Rjay mabuti ang boses at natutunugan niya ito.

Kaya naman dahan-dahang tinanggal ng lalaking kaharap niya ang facemask at shades nito.

Laking gulat ni Rjay nang makita niya kung sino ang lalaking nakatayo sa kanyang harapan.

Tiningnan niya mabuti ang mukha ng lalaking nakatayo sa kanyang harapan. Malalim ang mga mata, namumula tila wala itong tulog masyado, mulungkot ang mukha at puno ng galit, at medyo mapayat, mahaba ang buhok at buhaghag.

Nagulat si Rjay sa kanyang nakita. Kaharap niya ang kanyang sarili 6 years from now-ang Rjay na galing sa oras ni Jon.

"Wa-wag mo sabihing-" na-uutal si Rjay at hindi niya masabi ang gusto niyang sabihin dahil hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita ngayon.

"Binalikan kita! Ang tagal ko hinintay itong oras na 'to, batang Rjay." Nakangiting sinabi ng matandang Rjay ngunit may mga nakakatakot na tingin sa kanyang mga mata at tila may masama siyang balak gawin.

Umiling si Rjay at tila hindi pa rin makapaniwala sa kanyang nakikita. Dahan dahan niyang hinawakan ang mukha ng lalaking nasa harap niya.

"Ako ba talaga to? A-anong nangyari sa akin? Paano ka nakarating dito?" tanong ni Rjay.

"Noong araw na bumalik si Jin sa oras niyo, sinundan ko siya. Alam ko may binabalak siyang gawin na hindi natin magugustuhan. Rjay, maniwala ka sa nakikita mo. Ikaw to sa hinaharap!" natatawang sinabi ng matandang Rjay.

"Hindi! Hindi 'to totoo!" sagot ni Rjay habang nanginginig sa kaba.

"Wala ka nang magagawa, Rjay, hindi mo na matatakasan ang hinaharap mo. Kung gusto mong sumaya ka, patayin natin si Chris!" bulong ng matandang Rjay habang nanlilisik ang kanyang mga mata.

"A-Anong ibig mo sabihin? Bakit natin papatayin si Chris?" nagtatakang tanong ni Rjay.

"Hindi ba 'yun naman talaga ang gusto natin? Ang mawala si Chris sa landas natin? Pagkakataon na natin 'to, Rjay, 'wag mong sayangin ang oras! Papatayin ni Mr. A. si Jin! Kung ayaw mong mamatay si Jin, si Chris ang kailangan mamatay!" bulong ng matandang Rjay.

Nagulat at nanlaki ang mga mata ni Rjay at hindi siya makapaniwala sa isiniwalat sa kanya.

"Hindi! Hindi 'to totoo! Nananaginip lang ako!" sagot ni Rjay habang pinapalo-palo niya ang kanyang mukha at tila ginigising niya ang kanyang sarili sa katotohanan.

Hinawakan ng matandang Rjay ang mga kamay niya upang pigilan siya na saktan ang kanyang sarili, at muli siyang kinausap nito.

"'Wag mo saktan ang sarili mo, Rjay. 'Wag ka magalala, sa oras ko, si Chris ang namatay! Alam mo kung bakit? Ako ang nagpapatay sa kanya!" nakangiting sinabi ng matandang Rjay.

Nakatitig lang si Rjay sa matandang sarili niya at tila hindi makapaniwala. Hindi niya kinakaya ang kanyang mga naririnig at parang gusto niyang sumuka.

"Nilinlang ko si Chris para siya ang mamatay imbis na si Jin na nais ipapatay ni Mr. A.! Alam mo ba kung bakit bumalik si Jin sa oras niyo? Kaya siya bumalik dito para iligtas si Chris mula sa pagkamatay nito! Hahayaan mo ba na maligtas si Chris? Hahayaan mo ba na sirain ni Chris yung kaligayahan mo? Kung wala na si Chris, wala ka ng kalaban!" bulong ng matandang Rjay.

Nanginginig na sa kaba si Rjay sa kanyang mga narinig at tila namumutla na siya.

"Ayoko... mamatay si Jin. Hindi pwede." nakatulalang sinabi ni Rjay.

"Oo, hindi natin hahayaang mamatay si Jin! Si Chris lang ang dapat mamatay! Naalala mo ba kung paano ka nakapuslit sa files ni Mr. A, at nakita mo ang mga documents tungkol sa pamilya ni Jin dahil may tumawag sa kanya?" Tumawa bigla ang matandang Rjay at nagpatuloy, "Ako ang tumawag sa kanya!"

Ang matandang Rjay ang tumawag kay Mr. A. upang magkaroon ng pagkakataon ang batang Rjay na makapuslit sa cabinet kung saan may itinatagong sikreto si Mr. A.

"Ngayon, ipaghiganti mo si Jin! Hindi mo kakampi si Mr. A., kalaban din natin siya. Gusto niya ipapatay si Jin! Tandaan mo, 'wag na 'wag mong ipapahalata kay Mr. A. na alam mo ang lahat dahil baka ipahuli ka niya. Akong bahala sa kanya at hindi ka niya magagalaw! Isa pa, gagawa at gagawa si Jin ng paraan para maligtas si Chris. Mamamatay si Chris sa pang apat na araw mula ngayon. Kailangan masiguro natin na hindi magtatagumpay si Jin na mailigtas si Chris! Hindi natin siya kailangan! Sisirain lang niya ang buhay natin! Ang kaligayahan natin! Ang buhay natin na para kay Jin lang." bulong ng matandang Rjay.

"Anong gagawin ko para mabuhay si Jin?" nakatulalang tanong ni Rjay.

Napangiti ang matandang Rjay dahil tagumpay niyang nakuha ang loob ng batang Rjay at binulungan niya ito, "Makinig ka." Kinuha ng matandang Rjay ang kanyang phone at tinawagan niya si Mr. A. Nilagay niya ito sa loudspeaker upang marinig ng batang Rjay ang kanilang pag-uusapan.

Nag riring na ang phone ni Mr. A at sinagot niya ito.

Mr. A: Hello?

Old Rjay: Ako to Mr. A., 'yung taong gagawa ng mission para sa'yo.

Mr. A: Gusto ko gawin mo ang mission mo! Babayaran kita ng malaking halaga, basta kailangan malinis ito! Wala dapat makakaalam! Dalhin mo siya sa building na walang laman sa 306 Street Sta. Mesa. Ibibigay ko sayo ang address, at doon mo siya papatayin. Walang nakakaalam ng lugar na iyon at iligpit niyo ng maayos ang katawan niya! Isesend ko din sayo ang picture ng taong papatayin mo. Tandaan mo, malinis dapat at ayoko ng may taong makakasira pa sa business ko at sa pamilya ko!

Binaba ni Mr. A. ang phone, at pagkatapos ng ilang minuto ay natanggap na ng matandang Rjay ang mga detalye sa kanyang phone. Na-isend na sa kanya ni Mr. A. ang address at ang picture ni Jin.

Biglang nag message si Mr. A. sa batang Rjay.

Mr. A: Maraming salamat sa tulong mo, Rjay, sa pagsunod mo kay Jin. Pati sa pagkuha mo ng mga litrato sa kanya, at sa bawat kilos niya. Maaasahan ka talaga.

Nagtaka si Rjay sa natanggap niyang message mula kay Mr. A. Tinitingnan naman siya ng matandang Rjay na nakangiti at nanlalaki ang mga mata.

"Hindi ko naman kinukuhanan si Jin ng picture kahit saan siya pumunta ah? Tsaka, patingin nga ako ng sinend sayo ni Mr. A!" hirit ng batang Rjay.

Pinakita ng matandang Rjay ang mga pictures ni Jin na kumakain sa Jinny's noong gabi ng May 25 pagkatapos ng Mr. and Ms. Star of the night. Ang picture ni Jin na kasama si Chris sa labas ng building noong gabi na namamasyal sila sa mga stalls pagkatapos ng rehearsals ni Chris sa pageant at iba pang mga litrato.

"Teka? Hindi ako kumuha nito!" hirit ni Rjay.

Biglang humalakhak ang matandang Rjay, "Ako ang kumuha nito lahat! Ako ang nagbigay kay Mr. A! Nagpapanggap ako na ikaw sa tuwing pumupunta ako sa bahay nila. Ang buong akala niya, ikaw ang kausap niya madalas!" paliwanag ng matandang Rjay habang tuwang tuwa siya sa kanyang ginawa.

"Pero sa ginagawa mong yan, mapapahamak si Jin lalo!" sagot ni Rjay.

"Gagamitin lang natin si Jin, pero ang totoo, si Chris ang makikinabang dito sa planong ito. Ano, Handa ka na ba sa susunod mong gagawin, Rjay?" bulong ng matandang Rjay.

"Hindi ko alam... Hindi ko alam! Hindi ko kaya pumatay ng tao!" natatakot na sinabi ni Rjay.

"Wag ka mag alala, magiging malinis ang kamay mo, Rjay. Hindi ikaw ang papatay. Ako ang papatay kay Chris!" nakangiting sinabi ng matandang Rjay habang tinitingnan niya si Rjay na nanlalaki ang mga mata at tinatakot ito, "Ang gagawin mo lang, ipagtatapat mo kay Chris na balak patayin ni Mr. A si Jin, at sasabihin mo sa kanya ang planong sasabihin ko sayo. Wag ka mag alala, papayag siya dahil yun din ang ginawa ko sa kanya noon."

"Paano kung may makakita sa akin? Paano kung makulong ako? Paano kung malaman 'to ni Jin? Lalo niya ko kakamuhian!" nangangambang tanong ni Rjay.

Hinawakan ng matandang Rjay ang ang ulo ni rjay at hinaplos ang buhok nito.

"Sabi ko sa'yo, akong bahala. Ang gagawin mo lang, kakausapin mo si Chris at sasabihin mo sa kanya ang plano. Pagkatapos, ako ang bahala magligpit kay Chris at ako rin ang bahala kay Mr. A para wala ka ng kalaban. Isa na lang siyang mahinang matanda na may sakit sa puso!" natatawang sinabi ng matandang Rjay.

Nakatulala lang si Rjay at hindi na makapagsalita. Hindi na rin siya kumibo at biglang umalis. Tinitingnan lang siya ng matandang Rjay habang naglalakad siya papalayo sa kanilang tinataguang pwesto.

Umuwi siya sa kanyang bahay na nakatulala, nanginginig at nalilito. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Gusto niya mawala sa landas niya si Chris, ngunit natatakot siya na mamatay ito.

Ang balak lang naman niya talaga ay hindi ipakilala si Chris kay Jin sa oras na magawa ang time machine at makabalik sa panahon na iyon. Hindi pumasok sa isip niya na kitilin ang buhay nito. Ngunit nang malaman niya na ang matandang sarili niya ang gustong pumatay kay Chris, nangangamba at nagdalawang isip siya.

Hindi na alam ni Rjay ang kanyang gagawin, ngunit nagsimula na kumilos ang kanyang katawan at tinawagan si Chris.

"Hello, Rjay? Bakit?"

"Chris, magkita tayo bukas. Isesend ko sayo ang location kung saan tayo magkikita. May sasabihin ako sayo."

Pagkatapos niyang kinausap si Chris ay agad niyang ibinaba ang tawag, kabadong kabado at malakas ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya alam kung sa oras na malaman niya na patay na si Chris ay kung kakayanin ba ito ng kanyang konsensya.

Iniisip niya kung kaya niya bang mabuhay sa isang kasinungalingan, ngunit bigla rin pumasok at tumatak sa isip niya na para kay Jin ang lahat ng gagawin niya, at para wala na siyang maging kaagaw dito. Dahil para sa kanya, si Chris ang pinakamalaking tinik sa kanyang kaligayahan.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Date: March 18, 2021

Time: 6:00 P.M.

Hindi nakatulog si Rjay ng maayos kakaisip at malalim rin ang mga mata niya. Pagkarating sa Bacood Park, sa location na ibinigay niya kay Chris, nakita niya agad ito nakatayo at hinihintay siya.

Nagulat si Chris sa itsura ni Rjay dahil tila wala ito sa kondisyon. Kabado, nanginginig at nakabuhaghag ang buhok, kaiba sa nakasanayan niyang maayos na man bun.

"Rjay, okay ka lang ba?" nag aalalang tanong ni Chris.

"Chris, papatayin ni Mr. A. si Jin!" bulong ni Rjay at takot na takot siya.

Nagulat si Chris at kinabahan sa sinabi ni Rjay.

"Rjay! Anong sinasabi mo? Anong papatayin ni papa si Jin? Saan? Kailan? Paano? Sabihin mo sa akin!" Biglang kinabahan si Chris dahil natatakot na siya sa sinasabi ni Rjay.

"Magkakaroon ng client meeting sila Jin sa March 21 ng 2:00 pm. Sa Eastwood ang client meeting nila kaya ibook mo siya ng hotel, at doon mo muna siya patuluyin. 'Wag mo siyang paaalisin doon hangga't hindi natatapos ang araw ng March 21. Puntahan mo siya bukas, 11 a.m. ng March 21 sa tapat ng bahay nila para sabihin mo sa kanya yun. Sabihin mo mauna na siya at susunod ka at 'wag kang sasama kay Jin. Pag nakaalis na si Jin, tumayo ka lang sa tapat ng bahay niya at 'wag kang aalis doon." kabadong sinabi ni Rjay ang plano kay Chris.

"Sige, Rjay. Salamat! Gagawin ko yan, para kay Jin. Thank you sa pagsabi sa akin kahit alam ko hindi na maayos ang pagkakaibigan natin. Pero thank you dahil inaalala mo pa rin si Jin. Gagawin ko to para mailigtas natin siya. Wag ka mag alala, Rjay, pag natapos 'to, ako ang magsasabi sa kanya na ikaw ang naglitas ng buhay niya." nakangiting sinabi ni Chris kay Rjay.

Nang makita ni Rjay ang nakangiting mukha ni Chris at walang kamalay malay sa mga mangyayari, biglang tumulo ang kanyang mga luha. Pakiramdam niya ay tinutusok ang kanyang puso, pero sa isang banda, tinutulak ng kanyang isip na ituloy ang plano.

Paalis na si Chris dapat nang bigla siyang hinawakan ni Rjay sa kaliwang balikat niya, kaya napatingin siya at nagtaka.

"Bakit, Rjay? May sasabihin ka pa ba?" tanong ni Chris, habang nakangiti siya kay Rjay at masaya ito para kanyang kaibigan.

"I'm sorry, Chris." naiiyak na sinabi ni Rjay, ngunit pinipigilan niya ang kanyang mga luha.

"Wag ka mag sorry, Rjay. Ako dapat ang mag sorry, pasensya ka na at nadawit ka pa dito. Mauuna na ko and thank you ulit sa pagsabi sa akin. Sa susunod, makakainom na ulit tayo at makakapag bonding gaya ng dati. Paalam!"

Tumalikod nang nakangiti si Chris at umalis na siya.

Pagkaalis ni Chris ay biglang bumuhos ang mga luha ni Rjay. Hindi niya maintindihan kung bakit siya naluluha. Hindi niya alam kung tama ba ang ginagawa niya o gagawin niya ito para sa sarili niyang kapakanan.

Bagamat malaking sagabal para sa kanya si Chris, ay kaibigan pa rin ang turing niya dito. Kaya nang makita niya ang mga huling ngiti ni Chris, ay labis ang kanyang guilt na nararamdaman sa sarili.

Nadudurog ang puso niya dahil hindi niya masabi kay Chris na siya ang kapalit ng buhay ni Jin, at wala itong kamalay malay na bukas na ang huling araw nito. Ayaw niyang mamatay si Chris, ngunit nandito na at nasabi niya na. Wala na siyang magawa.

Habang umiiyak siya ay may tumayong lalaki sa kanyang likod at hinawakan ang kanyang mga balikat.

Tiningnan niya ang taong ito at nakita na naman niya ang matandang Rjay.

"Magaling, Rjay. 'Yan ang una mong mission. Pangalawa mong mission, ay papuntahin mo si 'Jon' sa bahay ni Mr. A. bukas at ubusin mo ang oras niya. Sabihin mo rin kay Jon na siya mismo ang dapat na kumausap kay Mr. A. na pigilan ang pagpatay kay Chris. At habang ginagawa mo yun, ginagawa ko na ang mission ko! Magugulat ka na lang sa mga makikita mo pag nalaman ni Mr. A. na ang anak niya ay patay na!" bulong ng matandang Rjay at umalis na siya.

Pagkaalis ng matandang Rjay ay tuloy-tuloy na umiiyak si Rjay. Natatakot, nalilito at hindi niya alam ang kanyang mararamdaman dahil unti-unti niya nang sinisira ang kanyang sarili.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Nakahiga lang si Jin sa kanyang kama at nakatingin sa ceiling. Nakatulala lang siya habang nakapatong naman sa kanyang dibdib si Bullet na natutulog.

Biglang nagring ang kanyang phone na nasa tabi ng ulo niya. Kinuha niya ito at nakita niya na galing kay Chris ang tawag. Napangiti siya nang makita ang pangalan ni Chris at agad sinagot ang phone.

Chris: Hi Jin!

Jin: Hi Chris! Namiss ko boses mo! Ngayon ko na lang ikaw narinig ulit. Grabe ka ah? Hindi ka na ba galit sa akin? Hindi man lang kita makita.

Chris: Sorry, Jin. Hindi naman ako nagalit sa'yo! Ay oo nga pala, bukas may Client meeting daw kayo sa Eastwood?

Jin: Oo. Wow! Updated ka ah? Haha!

Chris: Nag book ako ng hotel sa Eastwood. Mag impake ka Jin ah? Abangan mo ko sa tapat ng bahay mo ng mga bandang 10:45 a.m. Pupuntahan ka namin ni Mr. Jill. Kami na susundo sa'yo.

Jin: Uy bakit nag book ka pa Chris? 'Wag na!

Chris: Okay lang! Basta may surprise ako sa'yo.

Jin: Sige sige, mag iimpake na ko ah? Hintayin kita bukas. Wag ka mawawala! Mamaya iwanan mo na naman ako ah?

Chris: Hindi, Jin. Magpapakita ako this time. Okay sige, magimpake ka na dyan. Ibaba ko na 'to.

Jin: Teka! Pwede bang i-loud speaker ko na lang habang nagiimpake ako?

Chris: Hala! Sigurado ka, Jin? Baka mahirapan ka.

Jin: Ang tagal natin hindi nagkausap oh? Hindi nga tayo nagkikita pa eh. Ayaw mo na ba ko kausap?

Chris: Nako, Jin! Sige, loud speaker mo na lang.

Jin: Ito, nakaloud speaker na ko. Naririnig mo ba ko?

Chris: Oo, Jin, naririnig kita!

Jin: Gusto mo ba marinig si Bullet? Nasa tabi siya ng phone ko ngayon. Mag "Hi" ka kay Bullet, sasagutin ka niyan.

Chris: Sige nga! Try ko! Hi Bullet!

Bullet: Meow

Chris: Hala! Ang cute! Ang galing! Isa pa nga!

Chris: Hi Bullet. Miss mo na ko?

Jin: Meow! Opo!

Chris: Jin! Akala ko si Bullet na talaga! Baliw ka talaga!

Jin: Bakit? Ayaw mo ba na namimiss na kita?

Chris: Nako, Jin! Gusto!

Jin: Ayun naman pala! Ano ano ba mga dapat ko dalhin? Hindi pa ko nakakapag check in sa mga hotel. First time ko 'to! Kailangan ko ba mag dala ng mga towel?

Chris: Wag na Jin, mayroon na sila doon. Tsaka sabon, shampoo, lahat na. Magdala ka na lang damit mo. Isang gabi lang naman yun.

Jin: Okay. So puro damit lang ang dadalhin ko?

Chris: Oo. mayroon ka na bang damit para sa client meeting?

Jin: Whaaat! Nakalimutan ko! Wala pa pala!

Chris: Ako bahala doon. Ibibigay ko sa'yo bukas.

Jin: Hindi ba nakakahiya Chris?

Chris: Bakit ka mahihiya eh sa'yo 'yun. Binili ko 'yun para sa'yo. Pasalubong ko.

Jin: Aba naman! Thank you po sa pasalubong daddy Chris! Ako din may pasalubong sa'yo!

Chris: Ano yung pasalubong mo sa akin?

Jin: Secret! Surprise! Bukas ko bibigay sa'yo... Sa hotel!

Chris: Baliw ka talaga Jin!

Jin: Oo baliw na baliw sayo (Bulong na sinabi ni Jin)

Chris: Ano? Di ko narinig!

Jin: Wala! Secret! Haha!

Chris: Baka mamaya Jin, magdala ka ng pang isang linggo ah? Isang gabi lang 'yun!

Jin: Opo! Pang isang gabi lang po! Bawal ba i-extend?

Chris: Bakit? gusto mo ba?

Jin: Opo!

Chris: Okay. Tatawagan ko sila.

Jin: Huy! Joke lang, Chris! 'To naman hindi mabiro!

Chris: Alam ko naman na nagjojoke ka lang.

Jin: Chris.

Chris: Bakit, Jin?

Jin: Pwede mo bang kantahin yung kinanta mo noong sa talent portion? Yung kanta na sinulat mo?

Chris: Nakakahiya!

Jin: Please? Makikinig kami ni Bullet.

Chris: Okay, sige. Pero nakakahiya!

Kapag ikaw ang nakita ko,

nabubuo na ang araw ko.

Pagsapit ng dilim,

ay makasama lang kita....

Sana naman

maramdaman aking pagmamahal.

Ang nais ko masilayan mo,

kasama ka sa buhay ko....

Tinigil ni Chris ang pagkanta dahil naririnig niya na hindi na nagsasalita si Jin at humihilik na ito.

Chris: Jin? Jin! Gising ka pa ba? Nakatulog ata sa boses ko. Bullet? Hi Bullet! Pati si Bullet nakatulog din. Loko to si Jin, tinulugan ako. Good night, Jin, magkikita na tayo bukas.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Date: March 21, 2021

Time: 10:45 A.M.

Nasa labas na si Jin ng kanyang bahay at hinihintay na lamang si Chris sa pagdating nito.

Hawak ni Jin ang kanyang bag, dala ang mga gamit at files para sa client meeting.

"Nasaan kaya si Jin Tanda? Ang aga aga umalis, hindi niya tuloy makikita si Chris. Pero hayaan mo na nga siya! Buti na lang masarap 'yung fried rice na iniwan niya. Parang 'yun ang lasa nang ginawa niya noong unang beses kami nagkita."

Habang nakatayo lamang si Jin sa labas, nakita niya na paparating na ang sasakyan nila Chris at tumigil ito sa harap niya.

Binuksan ni Mr. Jill ang bintana, "Hello, Sir Jin! Kamusta ka?"

"Good morning po Mr. Jill! Nasaan po si Chris?"

Bumukas ang isang pintuan ng kotse at bumaba si Chris. Nang magkita silang dalawa at nagtagpo ang kanilang mga mata, tila nakatitig lang si Jin kay Chris dahil sa tagal na hindi niya ito nakita.

Bumibilis ang tibok ng puso ni Jin habang nakatingin siya kay Chris. Nilapag niya ang kanyang bag at dahan dahang lumalapit sa kinatatayuan nito.

Si Mr. Jill naman ay nakatingin kay Jin, nakangiti at napailing na lamang.

"Mga bata talaga ngayon, natutulala na lang. Tsk! Wala ba siyang plano na kausapin si Sir Chris?" bulong ni Mr. Jill sa kanyang sarili.

Dahil dahan-dahang maglakad si Jin at nakatulala lang ito, si Chris na ang lumapit sa kanya at agad siya nitong niyakap ng mahigpit.

Tulala pa rin si Jin nang yakapin siya ni Chris. Napangiti siya at may mga luhang gustong tumulo sa kanyang mga mata ngunit pinigilan niya ito. Dahan dahan niyang hinawakan ang likod ni Chris at hinaplos ito.

"Ngayon ko na lang ulit naramdaman ang yakap ni Jin. Ang sarap, ang init ng katawan niya katulad pa rin ng dati. Ang tagal kong hinintay to, pero Jin, maghintay ka muna. May kailangan pa kong gawin at para sa'yo 'to." nasa isip ni Chris.

"Ehem ehem, male-late si Sir Jin, Sir Chris. Marami pa kayong oras mamaya pag natapos na ang client meeting." asar ni Mr. Jill at natatawa ito sa dalawa.

Bumitaw si Chris mula sa pagkakayakap kay Jin at hinawakan niya ito sa magkabilang balikat at kinausap.

"Jin, mauna ka na sa hotel. Ihahatid ka ni Mr. Jill doon. Tutulungan ka din niya mag ayos ng susuotin mo. Susunod ako at pagkatapos ng client meeting niyo, nasa unit na ako maghihintay." bilin ni Chris.

"Sigurado ka Chris ah? Mamaya umalis ka na naman!" nangangambang sinabi ni Jin.

"Hindi. Bilisan mo na at para makapag check-in na kayo ni Mr. Jill at maayos ang susuotin mo." hirit ni Chris.

Pumasok na si Jin sa loob ng kotse at nagpaalam na sila kay Chris.

Naiwan sa tapat ng bahay ni Jin si Chris at hinintay niya na makalayo sila hanggang sa hindi niya na ito matanaw ng kanyang mga mata.

Nang makaalis na sina Jin, tumalikod siya at patungo sa loob ng bahay nila Jin, upang kamustahin sana sina Jon at Bullet.

Kakatok na sana siya sa pintuan nang biglang may isang itim na van ang pumarada sa tapat ng bahay ni Jin. Tiningnan ni Chris ang van at binasa niya ang plate number. Ang nakalagay dito ay GMZ 8790.

Lumapit si Chris ng kaunti sa van na tumapat sa bahay nila Jin. Nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto ng van sa harap niya, at may lalaking nakaitim at natatakpan ang mukha dahil sa hoodie at face mask. Hinablot si Chris ng lalaking ito at ipinasok sa loob ng van. Pilit siyang kumakawala at sumisigaw, ngunit malakas ang pagkakapit sa kanya at dahil dito, ay pinaamoy sa kanya ang isang drug na pampatulog at nawalan siya ng malay.

Nang makatulog na si Chris, ay tinanggal ng lalaking humablot sa kanya ang hoodie nito at biglang sinabi-

"Nagkita ulit tayo. Hindi ka na makakatakas! Hindi ko hahayaang mabuhay ka pa!" sinabi ng matandang Rjay habang hawak niya si Chris na walang malay.

"Sir, siya ba yung pinapahuli sa atin ni Mr. A.? 'Yung 'Jin' ba 'yun?" tanong sa kanya ng driver ng van.

"Oo, siya nga. Ito nga si Jin, 'yung papatayin natin. Gagawin natin lahat ng gusto natin sa kanya!" sagot ng matandang Rjay habang nakangiti at nanlalaki ang mga mata.

"Mukhang magandang bata 'yang Jin na yan ah? 'Wag mo muna siya gigisingin boss! May nais akong gawin sa katawan niya!" sinabi ng driver sa matandang Rjay.

"Sige, gawin mo kung anong gusto mo! Pagkatapos, linisin mo mabuti, walang matitira na kahit anong bakas. Akong bahala sa katawan niya kung saan siya ilalagay." nakangiting sagot ng matandang Rjay.

Dumiretso na sila sa building na walang laman sa 306 Street, Sta. Mesa at ipinasok na si Chris sa loob habang wala pa itong malay.

Itinali nila si Chris sa isang upuan ng napakahigpit para hindi ito makawala.

"Ikaw muna ang bahala d'yan. Gawin mo muna ang gusto mong gawin. May tatawagan lang ako, babalik ako. Wag mong papatayin 'yan. Ako ang papatay dyan." utos ng matandang Rjay.

Agad nilapitan ng driver na kasama ng matandang Rjay si Chris at hinawakan niya ang mukha nito habang walang malay. Hinaplos niya ang malinis na mukha ni Chris gamit ang kanyang marungis na mga kamay.

"Napakagandang bata naman nito. Wala akong pakialam kung lalaki ka!" bulong ng driver sa kanyang sarili.

Hinawakan niya ang ulo ni Chris at inilapit niya ang mukha niya at pinagmamasdan ang napakagandang mukha nito habang nakapikit.

Hahalikan niya na dapat si Chris at pagsasamantalahan ang katawan ng biglang bumalik ang malay nito.

Nagising siya dahil sa may naaamoy siyang hindi kaaya-aya at pagkadilat niya, bumungad sa kanya ang isang lalaki na hindi niya kilala at malapit na siyang halikan.

Wala siyang ibang magawa dahil nakatali ang kanyang mga kamay, kung hindi iuntog ang kanyang ulo sa mukha ng lalaking nais siyang pagsamantalahan.

Smack!

Napaurong ang lalaki dahil sa pagkakauntog sa kanya ni Chris at nagdugo ang labi nito, samantalang nagdudugo naman ang forehead ni Chris.

Diring diri si Chris dahil sa nais gawin sa kanya ng driver.

"Nagising ka na agad! Sinaktan mo pa ako!" sigaw ng driver kay Chris.

"Wala kang modo! Gusto mo pa pagsamantalahan ang katawan ko?" galit na galit na sinabi ni Chris habang nakatingin siya ng masama sa driver. "Sino ka ba? Nasaan ako? Tulong! Jin!" sigaw ni Chris.

Habang pinupunasan ng lalaki ang nagdudugo niyang labi, napatingin siya bigla kay Chris at tumawa.

"Anong sinasabi mo d'yan? Bakit mo sinisigaw ang pangalan mo! Ililigtas ka nino? Ni Jin? Eh ikaw 'yun eh!" natatawang sinabi ng driver sa kanya habang nanlalaki ang mga mata nito at tinatakot si Chris.

"Tingin niya ako si Jin? Nagkamali ba sila ng kinuha? Si Jin ba dapat ang kukunin nila? Ito ba yung sinasabi ni Rjay na plano ni papa na patayin si Jin? Sasakyan ko muna sila, magkukunwari muna ako na ako si Jin, dahil pag nalaman nila, tiyak hahanapin nila si Jin!" nasa isip ni Chris.

"Nasaan ako? Sino nag utos sayo na kunin mo ko? Sabihin mo!" galit na sinabi ni Chris.

Naiinis na kay Chris ang driver dahil sigaw ito ng sigaw.

"Ang ingay mo! Matulog ka ulit!"

Sasapakin na dapat ng driver si Chris ng bigla siyang sumigaw.

"Sandali!" sigaw ni Chris at napatigil ang driver, "Pwede natin 'tong pag-usapan, alam ko pera ang kailangan mo."

Nanlaki ang mata ng driver at nakuha ni Chris ang attention nito.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Nasa labas ng building ang matandang Rjay at kausap niya sa phone si Rjay.

"Tawagan mo na si Jon! Sabihin mo pumunta siya kay Mr. A., bilisan mo! Patagalin mo siya doon! Ubusin mo ang oras niya. Gawin mo lahat para hindi siya makaalis doon agad. Ikulong mo kung kailangan!" utos ng matandang Rjay habang si Rjay naman ay natatakot na.

"Si-sige, tatawagan ko na siya..." nanginginig na sinabi ni Rjay at binaba niya ang tawag. Nalilito na si Rjay at nahihirapan na rin siya. Hindi niya na alam kung ano ang dapat niyang gawin. May parte sa kanya na ayaw niya itong gawin, at sa isang banda naman ay gusto niya ituloy ang plano.

Tinawagan na ni Rjay si Jon.

"Rjay? Bakit ka tumatawag?" bulong ni Jon.

"Tulungan mo ko, please? Hindi ko na alam gagawin ko! Natatakot ako! Nandito ako sa tapat ng bahay nila Chris, sa likod ng puno ng mangga." nanginginig at naiiyak na sinabi ni Rjay.

"Bakit ka nand'yan? Anong ginagawa mo?" tanong ni Jon.

"Sasabihin ko kay Mr. A. na nasa panganib si Chris. Siya lang makakapigil sa pagkamatay ni Chris. Tulungan mo ko, Jin." paliwanag ni Rjay.

"Paano mo nalaman ang tungkol kay Chris?" gulat na tanong ni Jon.

"Narinig ko si Mr. A., si Jin ang dapat na kukunin ng tauhan niya at papatayin. Pero, si Chris ang nakuha nila! Hindi ko kayang sabihin kay Mr. A! Natatakot ako! Baka kung anong gawin sa akin ni Mr. A, tulungan mo ko, Jin! Ikaw lang ang makakapigil sa kanya" nag aalala na sinabi ni Rjay.

"Sandali! Si Jin? Ibig sabihin, ako ang dapat na papatayin nila at hindi si Chris? Ibig sabihin ang planong pag patay kay Chris ay para dapat sa akin at siya ang sumalo noon? Arrgghh!" nasa isip ni Jon.

Napasuntok ng malakas si Jon sa pader na kanyang tinataguan malapit sa building kung saan itinatago si Chris.

"Kung mapipigilan sila ni Mr. A., sige, pupuntahan kita, Rjay. Hintayin mo ako, pero paanong si Chris ang nakuha nila?" nagtatakang tanong ni Jon.

"Mamaya ko sasabihin lahat kapag nandito ka na. Bilisan mo, Jin." sagot ni Rjay.

"Pasensya ka na Chris, iiwanan muna kita saglit. Pupunta ako sa bahay niyo. Kung ito ang pinakamagandang paraan para maligtas ka, ito ang gagawin ko. Tatagan mo lang muna ang loob mo." bulong ni Jon.

Agad siyang umalis sa kanyang pwesto na pinagtataguan malapit sa building na nasa 306 Street Sta. Mesa, upang makarating agad sa bahay nila Mr. A.

Nang makarating si Jon sa tapat ng bahay nila Chris ay nakita niya si Rjay na nasa likod ng puno, nagtatago at tila takot na takot. Tingin ng tingin si Rjay sa kanyang paligid at tila may tinataguan.

Lumapit si Jon sa kinauupuan ni Rjay, at napansin niya na parang wala sa sarili ito, nagpapanic at naiiyak na parang mababaliw na siya. Lumuhod siya sa harap ni Rjay, hinawakan ang mukha nito at iniharap sa kanya.

"Rjay, ano nangyari? Sabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo. Tutulungan kita, at tulungan natin si Chris." sinabi ni Jon.

Habang hinahawakan ni Jon ang mukha ni Rjay na maluha luha, ay umiiling ito at nagsasalita.

"Ang sama kong tao, Jin. Patawarin mo ko. Hindi ko sinasadya. Ayaw kong mangyari 'to. Pero hindi ko alam gagawin ko. Natatakot ako! Tulungan mo ko sa kanya!" nangangambang sinabi ni Rjay.

"Sinong sa kanya? Anong sinasabi mo?"

"Natatakot ako... sa sarili ko! Tulungan mo ko, Jin! Ayaw ko maging katulad niya! Hindi ko gusto!" naiiyak na sinasabi ni Rjay.

"Ha? Sa sarili mo? Natatakot ka? 'Wag mo sabihing-" napagtanto ni Jon ang iminungkahi ni Rjay.

"Nandito siya! Matagal na siya nandito at nagtatago! Kumikilos na siya, Jin! 'Wag mo ako hayaan na matulad sa kanya, please! Tulungan mo ko!" bulong ni Rjay at nanginginig ang buong katawan niya.

"Hindi ka magiging katulad niya, Rjay. Hindi natin hahayaan 'yun! Pero bakit pumunta siya dito? Anong pakay niya?" tanong ni Jon.

"Ang mission niya na hindi mo mailigtas si Chris mula sa nalalapit na pagkamatay nito! Siya ang papatay kay Chris ngayon. Hindi ko na alam gagawin ko!"

"Bakit at paano nakuha si Chris?" tanong ni Jon.

"Pagkaalis ni Jin patungo sa Eastwood at habang nakatayo si Chris sa tapat ng bahay niyo, doon siya kinuha ng matandang Rjay! Patawarin mo ko, Jin, dahil si Chris ang naging pain para mabuhay ka lang!"

"Hanggang sa huli, ako pa rin pala talaga ang dahilan kung bakit namatay si Chris. Dahil sa akin, nagsakripisyo siya." sagot ni Jon.

"Hindi ikaw ang may kasalanan Jin. Hindi alam ni Chris na ganoon ang mangyayari. Patawarin mo ko." hirit ni Rjay.

"Pero bakit? Bakit gusto ni Mr. A na patayin ako? Dahil lang sa ayaw niya ako o si Jin kay Chris? O dahil sa mga magulang ko?" tanong ni Jon.

"Jin, hindi ko alam, pero tingin ko ginagawa to ni Mr. A. para sa sarili niya! Kaso, kailangan niya malaman na si Chris ang mapapahamak at hindi si Jin sa panahon na 'to. Si Mr. A. lang ang makakapigil at ikaw lang ang tanging pwedeng magpabago ng isip niya!" sambit ni Rjay.

"Samahan mo ko kay Mr. A., Rjay."

Nagsimula na maglakad si Jon patungo sa gate ng bahay nila Chris nang mapansin niya na nakatayo lamang si Rjay sa tabi ng puno at nanginginig. Muling siyang bumalik sa tabi ni Rjay at kinausap ito.

"Rjay, anong balak mo? Bakit hindi mo pa ko sinasamahan! Mauubos ang oras natin."

"Jin!"

Tumingin si Rjay sa mga mata ni Jon at naiiyak ito.

"Ayoko maging katulad niya sa hinaharap. Ipangako mo na hindi ako magiging ganoon kagaya niya." naiiyak na sinabi ni Rjay.

Ngumiti si Jon at hinawakan ang ulo ni Rjay at pagkatapos ay kinausap niya ito, "Rjay, hindi ako ang makakapagpabago ng hinaharap mo. Ikaw, ang sarili mo. Kung ayaw mo maging katulad niya pagdating ng panahon, nasa sarili mo ang sagot."

Pinunasan ni Rjay ang kanyang mga luha at nagsimula na maglakad patungo sa gate ng bahay nila Chris at sinundan siya ni Jon. Tuloy-tuloy na nag doorbell si Rjay hanggang sa pinagbuksan na sila ng isang maid at pinapasok.

Pumunta sila kaagad sa office room ni Mr. A. at si Rjay muna ang pumasok.

Nilapitan niya si Mr. A. at kinausap ito.

"Mr. A, si Chris po. Si Chris-" nanginginig na sinabi ni Rjay.

"Ano? Anong nangyari kay Chris?" nagtatakang tanong ni Mr. A. at napatigil ito sa pagbabasa ng reports habang nakaupo siya sa kanyang swivel chair.

"Nasa panganib po siya! Mamatay si Chris! Tulungan mo siya, Mr. A.!" naiiyak na sinabi ni Rjay.

"Rjay, anong sinasabi mo? 'Wag kang magloko d'yan. Tsaka, wala na si Chris dito. Nakaalis na siya pabalik sa Japan. Isang linggo lang siya dito!" sinabi ni Mr. A. kay Rjay at hindi niya pinaniniwalaan ito.

"Hindi po siya umalis, Mr. A. Hindi ko alam kung maniniwala kayo sa akin, pero hawak siya ng matanda kong sarili! Papatayin niya si Chris!" sagot ni Rjay.

"Ha? Rjay? Anong sinasabi mong matandang sarili? Okay ka lang ba? Hindi ka na ata nakakatulog ng maayos. Wala si Chris dito! Umalis na siya!" sagot ni Mr. A. at hindi pa rin siya naniniwala sa sinasabi ni Rjay.

"Mr. A! Nasa panganib si Chris! Kung hindi ka maniniwala, mawawala si Chris sa atin! Tulungan niyo po siya, please!" naiiyak na sinabi ni Rjay.

Napailing na lamang si Mr. A dahil ang nasa isip niya ay isa lamang kalokohan ang sinasambit ni Rjay, kaya naisip niya na lumabas na lang muna siya ng office room.

Pagkabukas niya ng pinto, nagulat at natulala siya sa kanyang nakita. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya si Jon sa harap niya. Tila isang pamilyar na mukha ang kanyang naaalala dito.

"John, Ikaw ba yan? Buhay ka? Hi-hindi ba patay ka na?"

Ang buong akala ni Mr. A. ay ang papa ni Jin ang kaharap niya. Tila naging maluha-luha ang mga mata ni Mr. A. nang makita niya si Jon ngunit pinipigilan niya ito. Ninais niyang hawakan ang katawan nito at nang dumampi na ang mga daliri niya sa balikat nito ay biglang nagsalita si Jon.

"Nagkakamali ka, Mr. A. Hindi po ako si papa at wala na rin siya. Pinatay mo na siya 'di ba? Nilason mo silang dalawa nila mama, hindi ba? Ako ang anak nila, ako si Jin Torres, ang batang nakaligtas sa plano mong pagpatay sa pamilya ko." Sinabi ni Jon nang nakatingin sa mga mata ni Mr. A. May galit sa kanyang mga mata habang tinitingnan niya ito, ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili at mas pinipili na maging mahinahon.

"Anong sinasabi mo? Sino ka?"

Hindi gaanong makapagsalita ng maayos si Mr. A. at tila naguguluhan ito nang makita niya si Jon, dahil iba ang itsura ng Jin na nasa isip niya.

"Ako po si Jin, pero hindi galing sa oras na 'to. Mr. A., totoo ang sinasabi ni Rjay. Mamatay si Chris 'pag wala kang ginawa." seryosong sinabi ni Jon.

Biglang humalakhak si Mr. A., "'Wag niyo nga ko pinaglololoko! Anong Jin na hindi sa oras na to? Mga hunghang! Sinong maniniwala sa'yo? Rjay, sino ba 'yang dinala mo? Kung hindi ikaw si John, at kamukha ka lang niya? Sino ka? kamag-anak niya?" natatawang sinabi ni Mr. A.

"To-totoo po ang sinasabi niya, Mr. A. Siya po si Jin, pero hindi sa oras natin! Bumalik siya gamit yung time machine na tinatayo ng company ni tito Vander. Nagtagumpay siya na makabalik dito para iligtas si Chris!" sagot ni Rjay.

"Mr. A, totoo ang sinasabi ni Rjay, kayo na lang ang pag-asa namin para mabuhay si Chris." pakiusap ni Jon.

"Tingin mo maniniwala ako sa'yo? Sabi ko nga sa inyo, wala si Chris dito!" natatawang sinabi ni Mr. A.

Hindi na nakapagtimpi si Rjay at sinabi niya na ang kanyang nalalaman tungkol sa plano ni Mr. A.

"Hindi si Jin ang nakuha ng mga tauhan mo Mr. A! Si Chris! Narinig kita, kausap mo 'yung Rjay na galing sa oras ng Jin na kaharap mo ngayon. Ang plano mong ipapatay si Jin sa building sa 306 St. Sta. Mesa! Si Chris ang kinuha nila, hindi si Jin! Papatayin nila si Chris... at ikaw ang isusunod niya!" Isiniwalat ni Rjay ang kanyang nalalaman at ang planong pagpatay ng matandang Rjay kay Mr. A.

Nanlaki ang mga mata ni Mr. A. nang marinig niya ang sinabi ni Rjay. Ayaw niya pa rin maniwala ngunit nakaramdam na siya ng takot nang marinig niya na siya ang susunod na papatayin.

Kinuha ni Jon ang kanyang phone at iniligay ito sa recorder app kung nasaan nakasave ang voice message ni Chris bago ito mamatay.

Pinarinig niya ang huling message ni Chris.

"Mr. A., pakinggan mo, ito ang huling voice message na galing kay Chris bago siya mamatay sa oras ko. Walang awa nilang pinatay si Chris." hirit ni Jon bago niya i-play ang voice message.

"Hello? Jin? Hindi kita ma-contact kaya nag-iwan na lang ako ng voice message. May kumuha sa akin pero hindi ko kilala kung sino. Pagkagising ko nalang, nandito na ako sa may isang bakanteng building. Sinubukan kong tumakas pero, hindi ko alam kung saan ang palabas! Kanina pa ako tumatakbo. Hindi ko alam kung ano na mangyayari sa akin sa oras na matanggap mo 'to. Pero, habang kaya ko pa, gusto ko lang sabihin na hinding hindi ako nagsisisi na nakilala kita. Salamat and sorry kung hindi ko man nasabi habang may oras pa ko. Gusto ko lang sabihin na-" naputol ang sasabihin ni Chris nang may biglang sumingit na boses ng isang lalaki sa background ng Voicemail, "NANDITO KA LANG PALA! TATAKAS KA PA AH?"

GUNSHOT!

Blip!

Natulala si Mr. A. nang marinig niya ang voice message dahil natunugan niya ang boses ni Chris at ang pagputok ng baril.

"Chris!"

Ang tanging nasabi na lamang ni Mr. A. habang nakatulala at hinahawakan na niya ang kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay naninikip na ito.

"Opo, Mr. A. Kung gusto niyo pa mabuhay si Chris, kayo na lang ang pag-asa namin! Kaya niyong pigilan ang mga tauhan niyo! Kaya niyong pigilan ang Rjay na nasa oras ko na patayin si Chris. Pangako, Mr. A, hinding hindi ko na lalapitan si Chris. Iligtas niyo lang po siya." pakiusap ni Jon.

"Nasaan, nasaan na si Chris?" tanong ni Mr. A. at nakatulala lamang ito.

"Hawak na siya ng matandang Rjay sa mga oras na to. Hindi namin alam kung anong ginagawa niya kay Chris, pero alam ko na buhay pa siya sa mga oras na 'to." sagot ni Jon.

"Pero, pero bakit gusto niyang patayin si Chris? Bakit!" Biglang napatingin si Mr. A kay Rjay at tila nagtataka at natatakot, "Anong kasalanan ni Chris sa'yo, Rjay?"

"Dahil po sa pagmamahal kay Jin, Mahal ko si Jin, pero mas mahal ni Chris at ni Jin ang isa't isa."

Tumingin si Rjay kay Jon at ngumiti ng may mga luha sa kanyang mata. Nagpapahiwatig na sa mga oras na 'to, ang Rjay sa panahong ito ay nagpapaubaya na sa kanyang nararamdaman. Nginitian naman siya ni Jon pabalik

"Pero ang sabi mo sa akin, hindi siya gusto ni Jin?" tanong ni Mr. A.

"Nagsinungaling po ako, Mr. A. Pasensya na. Hindi ko sinasadya. Mahal nila ang isa't isa, pero alam ko na natatakot sila na ituloy ang nararamdaman nila. Natatakot sila... sayo! Si Jin ang dahilan kung bakit nagbago si Chris, kaya lagi na siyang masaya. Kaya natiis niyang lumayo at manatili sa Japan kahit masakit sa kanya, para protektahan si Jin. Kaya siya ang nakuha imbis na si Jin dahil hanggang sa huli, pinrotektahan niya si Jin kahit hindi niya alam na ang buhay niya na ang kapalit nito." paliwanag ni Rjay.

"Bakit mo nagawang magsinungaling, Rjay! 'Yung mga panahon na pumupunta ka dito para sabihin mo ang lahat ng nangyayari? Plinano mo ba 'yun?" tanong ni Mr. A.

"Dalawang beses lang ako pumunta dito, Mr. A. Ang Rjay na madalas na kausap mo ay hindi ako, kung hindi ang Rjay mula sa ibang panahon. Plinano niya lahat ng ito hanggang sa dumating ang araw na 'to!" paliwanag ni Rjay.

Napapikit na lang si Mr. A dahil sa mga pangyayaring hindi niya inaakala. Nalilito na siya dahil sa mga impormasyong nakukuha niya. Ang pagpatay kay Chris, ang mga taong bumalik sa panahon niya, at ang panlilinlang sa kanya.

"Pasensya na kayo kung ganoon ang nangyari sa akin paglipas ng panahon. Pero noong nakita ko siya, pakiramdam ko, nakatingin ako sa salamin at nakikita ko 'yung maduming sarili ko. Ayaw ko na maging katulad niya balang araw! Hindi ko gugustuhin na mabuhay ng ganoon!" hirit ni Rjay.

"Wag ka magalala, Rjay. Hindi mo siya magiging katulad. Nasasayo 'yun kung gusto mo sundan ang yapak ng Rjay na nasa oras ko. Sorry rin, Rjay, dahil hindi ko inisip ang nararamdaman mo, patawarin mo ko, pati na rin si Jin sa oras niyo. Sorry kung hindi namin napahalagahan yung nararamdaman mo. Pero Rjay, gusto ko lang sabihin na kapatid lang talaga ang turing namin sayo, hindi namin matatanggap ang puso mo, pasensya na." paliwanag ni Jon habang nakahawak siya sa balikat ni Rjay.

Umiling si Rjay at tumingin kay Jon nang nakangiti.

"Jin, sorry din. Hindi mo kasalanan. Ako lang ang may kasalanan ng lahat. Mali ako at masyado ako nagpadala sa nararamdaman ko. Nang makita ko ang Rjay na 'yun, natakot ako sa nakita ko. Hindi ko alam na ganoon ang mangyayari sa akin kung magpapadala ako sa galit at inggit ko kay Chris para sa'yo. Ayokong masira ang buhay ko dahil lang doon. Kaya, Jin, tinatanggap ko yung pagkatalo ko. I'm sorry kung napahamak kayo ni Chris dahil sa akin, na buhay ang naging kapalit dahil sa pagiging makasarili ko." sinabi ni Rjay kay Jon at tila nakahinga ito ng maluwag at natanggal ang mabigat na dinadamdam niya sa loob.

"Mr. A., ano na po ang balak niyo? Kailangan nating iligtas si Chris!" Tanong ni Jon kay Mr. A.

Nakatitig lang si Mr. A. sa sahig dahil sa mga narinig niya sa paguusap ni Rjay at Jon.

Tumingin siya kay Jon dahan dahan at kinausap niya ito.

"Bumalik ka dito para iligtas si Chris? Gagawin mo yun para sa kanya? Bakit? Hindi mo ba ko kinamumuhian?" tanong ni Mr. A. habang nakatitig siya sa mga mata ni Jon.

"Mr. A., mahal ko po si Chris. Hindi ko kaya na makita ulit siya na wala ng malay at hindi na gumagalaw. Ayoko maulit ang nangyari dati! Gagawin ko lahat para lang iligtas siya at kahit paulit ulit akong bumalik sa oras na to at hanggang sa tumanda ako, gagawin ko." paliwanag ni Jon.

"Pero, anak ko si Chris. Ako ang sumira sa pamilya mo... sa buhay mo, bakit? Bakit mo nagustuhan si Chris? Para gantihan ba ako?" tanong ni Mr. A. at nakatulala pa rin ito kay Jon.

"Alam ko po yun, Mr. A., hindi ko kayo mapapatawad doon sa ginawa niyo. Hindi ko alam kung kailan, pero iba si Chris. Hindi niyo siya katulad. Punong-puno siya ng pagmamahal kahit na pinagkait mo to sa kanya. 'Yun ang naramdaman ko sa kanya. Hindi lang kapatid ang naging turing ko kay Chris, Mr. A, mas higit pa doon. Kaya lahat gagawin ko para sa kanya!" paliwanag ni Jon.

"Paano mo nagagawa na tumayo sa harap ko? Saan mo kinukuha ang lakas ng loob?" nakatulalang sinabi ni Mr. A.

"Mr. A, wala na kong pamilya. Sila Chris at Rjay na lang ang naging pamilya ko, kaya lahat gagawin ko. Tatapangan ko ang sarili ko, para sa kanila. Gusto ko silang iligtas pareho. Si Chris, mula sa pagkamatay niya, at si Rjay, mula sa kanyang sarili. At Para ito kay Ms. Agatha, sa asawa niyo. Gusto ko ibalik yung ginawa niya para sa akin, kung paano niya ko niligtas. Gusto ko ibalik sa kanya yun sa pamamagitan ng pagligtas kay Chris." sinabi ni Jon ng seryoso at nakatitig kay Mr. A.

"Si Agatha? Siya ang nagligtas sayo? Siya ang nagtago sa'yo? Inalagaan ka niya?" Biglang may tumulo na luha sa mata ni Mr. A. nang banggitin niya ang pangalan ng kanyang asawa, "Agatha..."

"Siya po ang dahilan kaya buhay pa po ako hanggang ngayon, Mr. A. Tinago ako ni Ms. Agatha sa inyo. Dahil alam niya na kikitilin mo ang buhay ko kapag nalaman mo na buhay pa ako." paliwanag ni Jon.

Binabanggit ni Mr. A. ang pangalan ni Agatha ng paulit-ulit at bigla siyang nag break down. Napaluhod na lamang siya at humagulgol.

"Agatha! Patawarin mo ko! Patawarin mo ko na hindi ko nagawang mahalin si Chris gaya ng huling bilin mo sa akin! Pasensya ka na sa pagiging makasarili ko!" umiiyak na sinabi ni Mr. A.

Nilapitan ni Jon si Mr. A. at hinaplos niya ang likod nito.

"Hindi pa po huli ang lahat Mr. A. Pwede pa nating baguhin ang lahat at alam ko na mapapatawad kayo ni Ms. Agatha at ni Chris. Kaya ako bumalik dahil ito ang mission ko." sinabi ni Jon kay Mr. A. habang nakangiti siya.

Napatingin si Mr. A habang maluha luha pa ang kanyang mga mata.

"Paano, sabihin mo sa akin, Jin?" tanong ni Mr. A. habang naiiyak.

"Kung nakabalik ako dito sa oras niyo, kaya din natin makabalik sa oras na buhay pa si Ms. Agatha at matutulungan ka namin para humingi ng tawad sa kanya." Nakangiting sinabi ni Jon.

"Gagawin mo 'yun, para sa akin? Tutulungan mo ko, Jin? Kahit na sinaktan kita ng labis?" tanong ni Mr. A.

"Kinamumuhian ko yung ginawa niyo, Mr. A. Pero hindi ibig sabihin na hindi kita pwedeng tulungan. Ikaw ang nagbigay ng buhay kay Chris, Mr. A., kaya tutulungan kita para kay Chris at kay Ms. Agatha." nakangiting paliwanag ni Jon.

"Patawarin mo ko, Jin. Alam ko, malaki ang pagkakamali ko. Sinira ko ang pamilya mo, ang buhay nila Althea at ni... John. Sinira ko rin ang buhay ni Agatha. Andami kong nasirang buhay dahil lamang sa pagkagahaman at galit sa puso ko. Jin, patawarin mo ko." naiiyak na sinabi ni Mr. A.

"Mr. A., hindi ko pa po kaya pero bigyan niyo po ako ng Oras. Pero, palayain niyo na po ang sarili niyo sa galit. Para kay Chris, kayo na lang ang natitirang pamilya niya. Sinabi niya sa akin na sinusunod niya ang lahat ng gusto mo kasi alam niya na mapapasaya ka niya dahil ikaw na lang ang pamilya niya." paliwanag ni Jon.

"Ito... Ito ang sinabi sa akin ng Jin sa panahong ito. Parehas kayo ng sinabi. Mapapatawad niya ba ako? Si Chris, sandali, si Chris, ang anak ko... Hindi siya pwedeng mamatay!"

Tinawagan ni Mr. A ang tauhan niya upang ipatigil ang pagpatay kay Chris. Niloudspeaker niya ito para marinig nina Rjay at Jon.

"Hello? Itigil mo ang inutos ko sa'yo! 'Wag mo nang patayin ang taong hawak mo! Kapag namatay ang anak ko, Sinisigurado ko na pagsisisihan mo 'to!" sinabi ni Mr. A. na nagaalala.

Tumawa ng malakas ang kausap ni Mr. A., "Sinong susunod sa'yo? Mr. A., hinihintay ko na lang ang tawag mo! Gusto ko marinig mo ang baril at ang sigaw ni Chris bago siya mamatay!" natatawang sagot ng matandang Rjay.

"Rjay!"

"Magaling, Mr. A., mukhang kilala mo ang boses na 'to! Sinabi na ba ng batang Rjay sa'yo ang lahat? Pangalawang beses ka na mawawalan ng anak! 'Yung una, Ikaw nagpapatay sa kanya. Ngayon, ako!" natatawang sinabi ng matandang Rjay.

"'Wag na wag mong gagalawin si Chris! Rjay! Itigil mo 'yan!" galit na galit na sinabi ni Mr. A.

"Hindi mo na ko mapipigilan, Mr. A. Alam mo ba, ikaw ang nagtago ng pagkamatay ni Chris sa oras ko! Itinago mo sa lahat na parang walang nangyari! Wala kang puso Mr. A! Tinago mo ang pagkamatay ni Chris dahil makukulong ka kapag nalaman ng lahat na ang sariling tatay niya ang nagpapapatay sa kanyang anak! Bakit hindi mo ulit gawin yun? Para tapos na ang lahat!" sagot ng matandang Rjay.

"Hindi! Hindi ko gagawin 'yun! Isang pagkakamali lang ang lahat at hindi dapat si Chris ang namatay! 'Wag na 'wag mong papatayin si Chris! Parang awa mo na, Rjay!" nagmamakaawang sinabi ni Mr. A.

"Isa pa, hindi lang ang pagkamatay ni Chris ang isisiwalat ko sa oras na patayin ko siya. Pati ang itinago mo sa lahat. Ang pagpatay mo kay John at Althea Torres! Mawawalan ka na ng business, masisira ang pangalan mo sa lahat, mawawalan ka ng anak, at mawawalan ka pa ng kapangyarihan!" dagdag ng matandang Rjay habang tumatawa ito.

Biglang hinawakan ni Mr. A. ang kanyang dibdib at tila nahihirapan siya huminga dahil sa mga isinambit ng matandang Rjay. Hindi siya makapag salita at tila inaatake na siya ng kanyang 'Heart Attack'. Napaluhod si Mr. A at tila nahihirapan tumayo.

Nagulat sina Rjay at Jon sa nakita nila at agad na nilapitan si Mr. A.

"Mr. A! Anong nangyayari sayo!" Sigaw ni Rjay.

Habang tumatawa ang matandang Rjay sa kabilang linya dahil sa plano niyang atakihin sa puso si Mr. A, hindi niya napansin na dahan dahang lumalapit si Chris sa likod niya at may hawak na kahoy para ihampas ito sa ulo niya.

"Hindi ako naaawa sayo! Ikaw ang nagturo sa akin na gawin ko lahat 'pag gusto ko makuha ang isang bagay! Ngayon, mamamatay ka na rin kasama ni-"

Smack!

Biglang nawalan ng malay ang matandang Rjay at nabitawan ang phone na hawak nito.

Hinampas ni Chris ang matandang Rjay sa ulo habang nakatalikod ito sa kanya. Kinuha niya ang phone at siya ang nagsalita.

"Papa? ikaw ba yan? Sinong kasama mo dyan?"

"Chris! Si Rjay 'to! Kasama ko si kuya Jon, inaatake sa puso ang papa mo!" hirit ni Rjay.

"Dalhin niyo si papa sa hospital! Ako ang bahala dito. Tatakas ako hangga't maaari." sagot ni Chris.

"Chris! Hintayin mo ko dyan, ililigtas kita!" hirit ni Jon.

"Jin-"

Phone beeping.

Hindi na nakausap ni Chris si Jon dahil naubos ang battery ng phone ng matandang Rjay.

"Kailangan ko makatakas dito. Hindi ko alam kung saan ang palabas nito, pero kailangan ko malaman kung saan ako makakalabas." sinabi ni Chris sa kanyang sarili. Tiningnan niya ang paligid at saka tumakbo upang makalabas siya.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

"Jin! Puntahan mo na si Chris, magmadali ka na! Ako na ang bahala kay Mr. A! Ako na ang magdadala sa kanya sa hospital! Magpasama ka kay Mr. Jill!" sambit ni Rjay habang aligaga na siya dahil sa condition ni Mr. A.

Tumungo na sa labas ng bahay nila Chris si Jon at pagkalabas ng bahay ay inaabangan na siya ni Mr. Jill sa kotse.

"Sir Jon, Bilisan niyo na po! Alam niyo po ba kung saan ang daan?" tanong ni Mr. Jill.

"Opo, Mr. Jill, tara na po! Ituturo ko sa inyo." sagot ni Jon.

Bago siya pumasok ay lumingon muna siya sa bahay nila Chris at tila nagaalala siya para kay Mr. A. at sa condition nito.

"Sir Jon, wag kayo mag alala, ang ibang mga nandito at si Rjay ang bahala kay Mr. A." sagot ni Mr. Jill.

Pumasok na si Jon sa loob at nagmamadali na siya.

"Bilisan po natin, Mr. Jill, pero mag ingat din po kayo sa pag drive." bilin ni Jon.

"Sige, Sir Jon."

"Hindi ako si Jon, Mr. Jill, ako po si Jin." biglang sinabi ni Jon.

Nanlaki ang mga mata ni Mr. Jill at nagulat ngunit naka focus pa rin siya sa pag drive at tinanong niya si Jon.

"Kayo si Jin? Anong ibig niyong sabihin?" tanong ni Mr. Jill

"Ako po si Jin, 6 years from now. Bumalik ako dito para iligtas si Chris. Mr. Jill, nung sinabi niyong namumukhaan mo ko nung nagkita tayo, si papa po 'yung nasa isip niyo, hindi ba?" paliwanag ni Jon.

"Oo, kamukhang kamukha mo si Mr. John. Tama nga ang sinabi ni Jin sa panahong ito na ikaw ang magsasabi sa akin kung sino ka talaga. Sir Jin, maraming salamat dahil kahit hindi mo oras ito ay inililigtas mo pa rin si Sir Chris. Ginagawa mo pa rin ang lahat para sa kanya." sagot ni Mr. Jill.

"Kailangan ko po gawin yun, Mr. Jill, Para kay Chris, para kay Ms. Agatha, para sa papa niya, pati na rin para sa lahat. Hindi ko hahayaan na makita siya ulit na patay na, Mr. Jill." sagot ni Jon.

Habang patungo sila sa 306 Street, tinawagan muna ni Jon ang batang Jin.

Jon: Tapos ka na ba sa client meeting niyo?

Jin: Oo, nandito na ko sa unit pero sabi ni Chris nandito na daw siya pag tapos ng client meeting namin. Nasaan na 'yun? Alam mo ba?

Jon: Oo. tatawagan ka ni Chris ng 11:02 p.m. Tandaan mo yung oras na 'yun. Tatawagan ka niya kaya bantayan mo 'yung phone mo! Sagutin mo! 'Wag mo kakalimutan!

Jin: Huh? Anong sabi mo? 11:02 p.m. tatawag si Chris? Ba't hindi ko na lang siya tawagan ngayon?

Jon: Hindi pwede, Jin. Basta hintayin mo tawag ni Chris. Kahit anong mangyari, 'wag na 'wag mong tatawagan si Chris. Siya ang tatawag sa'yo. Pakinggan mo mabuti ang sasabihin niya. Wala kang palalagpasin sa kahit anong salita na sasabihin niya.

Jin: Gulo mo kausap! Pero sige, hihintayin ko tawag ni Chris. Sandali! Nasaan ka ba?

Jon: Nasa labas ako, ginagawa ko na yung mission ko. Jin, maraming salamat sa pagpapastay mo sa akin sa bahay natin. Salamat at naging kaibigan kita sa isang taong pamamalagi ko dito.

On background, naririnig ni Jon na tila naiiyak si Jin ngunit hindi nito pinapaalam dahil nahihiya ito.

Jin: Wag ka nga magpasalamat d'yan! Hindi na nga ko makapaghintay na umalis ka para wala na kong kaagaw sa bahay!

Medyo nanginginig na ang boses ni Jin dahil naiiyak siya at nalulungkot, ngunit tinatago niya pa rin ito.

Jon: Paggising mo, wala na ko, ito na yung oras na pinakahihintay mo.

Jin: Bahala ka nga d'yan! Pinakain mo na ba si Bullet?

Jon: Hindi pa! Hindi mo ba siya pinakain bago ka umalis?

Jin: Patay! Ako na bahala! Mag-ingat ka sa mission mo! Bye!

Binaba na ni Jin ang phone at nagtaka naman si Jon ngunit hindi niya na ito masyadong pinansin at bigla siyang tinanong ni Mr. Jill, "Sir Jin, bakit hindi mo sinabi kay Sir Jin 'yung tungkol kay Sir Chris?" tanong ni Mr. Jill.

"Hindi po pwede, Mr. Jill, 'pag nalaman niya, pupuntahan niya si Chris. At maaaring mapahamak si Jin. At pag nangyari 'yun, Malamang pati ako madadamay. Dapat hindi mapahamak si Jin, dahil pag namatay siya, pati ako, mamamatay at hindi maliligtas si Chris. Kaya mas mabuti na nandoon lang siya sa hotel." paliwanag ni Jon.

"Ano yung sasabihin ni Sir Chris kay Sir Jin?" tanong ni Mr. Jill.

Ngumiti si Jon at tinignan niya si Mr. Jill.

"Yung mga salitang hindi nasabi sa akin ni Chris, Mr. Jill. 'Yung hindi ko narinig sa kanya bago siya mamatay. Gusto ko, marinig ni Jin 'yun at masabi ni Chris sa pagkakataong ito."

Tumango si Mr. Jill at naintindihan ang ibig sabihin ni Jon.

"Babaguhin natin ang oras, Mr. Jill. Hindi mamamatay si Chris. Sinusumpa ko yan. Maraming salamat po nakausap ko kayo ulit. Thank you, Mr. Jill."

Ngumiti si Mr. Jill at tila naluluha ito.

"Para ko na kayong mga anak ni Sir Chris. Ayokong may mapahamak sa inyong dalawa. Para 'to kay Ms. Agatha."

End of Chapter 28

Next chapter