webnovel

CHAPTER 29 "ARE YOU OKAY?"

MALALIM ang buntong hininga na hinugot at pinakawalan ni Ara nang maramdaman niya ang banayad na paghaplos ng mainit na kamay ni Daniel sa kaniyang kaliwang hita na pumailalim sa suot niyang palda. Dahil doon ay lalong nadagdagan ang tindi ng kuryenteng ibinibigay sa kaniya ng maiinit nitong mga labi.

Hindi nagtagal at iniwan ng binata ang paghaplos sa kaniyang hita. Sa halip ay naging abala naman ang mga kamay nito sa pagkalas sa butones ng suot niyang blusa habang nanatiling angkin nito ang kaniyang mga labi.

Pakiramdam ni Ara nang mga sandaling iyon ay nalulunod siya. At nilulunod siya ni Daniel dahil sa matinding init na dala ng mga labi at haplos nito.

Sandali siyang nakaramdam ng panlalamig nang maramdaman niya ang malamig na hangin na dumampi sa kaniyang balat nang mapagtagumpayan ni Daniel na buksan ang suot niyang pang-itaas. Pero sandali lang iyon dahil malakas ang singhap na kumawala na ngayon sa kaniyang mga labi nang maramdaman niya ang mainit nitong kamay na masuyong dinama ang kaliwa niyang dibdib.

"Ara," anas ng binata sa pangalan niya kaya kusa siyang napatitig sa maiitim na mata ni Daniel.

Bumuka ang mga labi niya pero mabilis rin iyong muling sinusian ni Daniel ng maiinit nitong mga halik, kaya naman muli, katulad kanina ay nawala na naman siya sa kaniyang sariling katinuan.

"D-Daniel," garalgal ang tinig niyang usal sa pangalan ng kaniyang nobyo nang magsimulang bumaba ang mga halik nito sa kaniyang leeg.

Napakainit ng pakiramdam niya nang mga sandaling iyon at dahil sa ginagawa sa kaniya ni Daniel ay lalong nagtutumindi ang init na iyon. Kaya naman siya rin ay parang natutunan na nang kusa kung papaano ang magandang gawin at dapat niyang gawin upang tugunin ang ginagawa nitong pagpapadama ng pagmamahal sa kaniya.

Kumilos ang kamay ni Ara saka tinungo ang laylayan ng suot na tshirt ng kaniyang nobyo. Pagkatapos ay hinawakan niya iyon saka hinila paitaas at inihulog sa marmol na sahig.

Iyon ang unang pagkakataon na nakakita siya ng katawan ng isang lalaki sa personal at nagpapasalamat siya dahil si Daniel ito, ang kaniyang nobyo.

"You're so beautiful," nang hindi niya mapigilang sabihin saka marahan hinaplos ang matipunong dibdib ng kasintahan para lang matigilan nang mapuna ang ilang marka sa katawan nito.

"B-Bakit ang dami mong pasa?" agad na binalot ng pag-aalala ang tono ni Ara.

Tumawa ng mahina si Daniel. "Huwag mong intindihin iyan," anitong hinalikan siya sa noo pagkatapos.

Umiling siya doon saka kumilos upang i-check ang likuran ni Daniel. Lalong nagtumindi ang pag-aalala na nararamdaman niya nang makita mas malalaki at maiitim pang pasa ang naroon.

"Nagpatingin ka na ba sa doctor?" ang sa halip ay isinagot niya sa nobyo habang hindi alintana ang unbuttoned niyang pang-itaas na binuksan ni Daniel kanina.

At tuluyan na ngang binago ng mga nakita niya ang kaniyang mood.

"Daniel, bakit ang dami mong pasa? Okay ka lang ba?" hindi parin nagbabago ang tono at nararamdaman niyang muling tanong sa kaniyang nobyo.

Tumango ng magkakasunod si Daniel. "Oo naman, okay lang ako," sagot nito sa kaniya.

"Pero, nagpatingin ka na ba sa doctor?" ulit niyang tanong.

Umiling ang binata. "Para sa akin kasi wala naman ang mga iyon kasi normal naman ang pakiramdam ko aside sa madali akong mapagod," ang binata sa kaniya.

"P-Pero sana i-consider mo rin ang pagpapatingin sa doctor, wala namang mawawala kung gagawin mo iyon," giit niya.

Noon siya niyakap ni Daniel ng mahigpit saka hinalikan sa ulo. "Sige, kung iyon ang makakapagpanatag ng kalooban mo, I'll see a doctor, soon," anito na binigyan diin pa ang huling sinabi.

"Gusto mo bang samahan kita?" tanong niya sa nobyo.

Umiling si Daniel. "Babalitaan nalang kita," anito sa kaniya.

*****

KATULAD ng ipinangako niya kay Ara ay humanap siya ng oras para makapagpatingin sa doctor. At halos gumuho ang mundo niya nang malaman niya ang totoong kundisyon ng katawan niya.

Acute Myeloid Leukemia, iyon ang sinabi ng doktor sa kaniya. At ang sinabi pa ng espesyalista na tumingin sa kaniya, kadalasan ay tumatagal na lamang ng apat hanggang anim na buwan ang buhay ng isang taong may ganitong klase ng sakit kahit sabihin pang dumadaan ito sa aggressive chemotherapy.

Doon tahimik na napatitig si Daniel sa kawalan habang nasa loob siya ng kaniyang kotse. Nararamdaman niya ang pag-iinit ng sulok ng kaniyang mga mata na sa kalaunan ay hindi rin niya napigilan.

Hindi siya umiiyak para sa sarili niya. Umiiyak siya dahil kay Ara.

Tama nga ang desisyon niyang huwag isama ang dalaga. Alam niyang labis itong masasaktan kung kasama niya itong sasalo sa lahat ng hindi magandang balita na pwedeng sabihin ng doktor.

Pero ngayon, paano niya sasabihin kay Ara na posibleng makalipas ang apat hanggang anim na buwan ay iwan na niya ito?

Noon lalong napaiyak si Daniel.

Paano ang ate niya? Nakahanda ba ito? Ang Mama niya?

Nanginginig ang kamay na binuhay ng binata ang engine ng sasakyan saka iyon pinatakbo. Bigla, dahil sa nalaman niya ay parang nawalan na siya ng ganang mabuhay. Parang gusto niyang magtampo sa tadhana dahil kung kailan niya naranasan ang totoong maging masaya ay noon naman siya binigyan ng ganito kagrabeng karamdaman.

Masasaktan si Ara.

Alam niya iyon at sigurado siya. At ayaw niyang mangyari iyon. Kaya ang mas mabuting gawin nalang siguro niya ay iwasan nalang ang dalaga.

Noon mapait na napangiti si Daniel.

Hindi niya gustong gawin ang ganito pero wala siyang choice. Dalawa lang naman ang option na pwede niyang piliin na alam niyang makabubuti para sa babaeng pinakamamahal niya. Pero kahit alin sa mga ito ang piliin niya, alam naman niya na masasaktan parin si Ara.

Pero mas mabuti na iyon. Mas maganda nang masaktan ito ngayon habang maaga pa. Hindi rin naman niya alam kung kailan siya magkakaroon ng sapat na lakas ng loob para ipaalam rito ang totoong kundisyon niya.

Nagbuntong hininga si Daniel saka pinigil ang muling mapaiyak.

Sa isang iglap, gumuho ang lahat.

Sa isang iglap, parang naglaho ang lahat ng magagandang bagay at magagandang pangyayari na pwede pa niyang maranasan kasam ang nobya niya sa hinaharap.

*****

"SIGURADO ka ba sa sinasabi mo anak?" mula sa kabilang linya, kahit hindi niya ito nakikita ay parang napi-picture na ni Daniel ang hinagpis na maaaring nakarehistro ngayon sa mukha ni Marielle, ang kaniyang ina.

Pagkauwi niya ay kaagad niyang tinawagan ang Mama niya para ipaalam rito kung ano ang sinabi sa kaniya ng doktor.

"Iyon ang sinabi ng doktor, Mama," aniyang pinagsikapan na patatagin ang tinig at nagtagumpay naman siya.

"U-Uuwi ako, anak gusto kitang makasama, kailangang magpagamot ka, kumuha tayo ng second opinion," ang ngayon ay umiiyak nang winika ng Mama niya sa kabilang linya na nasundan pa ng isang impit na hagulhol.

Nang mga sandaling iyon ay ramdam ni Daniel ang tila patalim na gumuhit sa kaniyang lalamunan. At dahil iyon sa matinding awa na nararamdaman niya para sa kaniyang ina.

"M-Ma, ayoko pang mamatay," iyon ang nasambit niya kasabay nang muli na namang pagkabasag ng kaniya tinig.

Sa sinabi niyang iyon ay tuluyan na nga niyang narinig ang malakas na paghagulhol ni Marielle sa kabilang linya. Ilang sandali pa ay nawala sa linya ang kaniyang ina at ang pumalit ay si Danica.

"Gagaling ka, uuwi ako, aalagaan kita. Hindi ba nurse si ate? Ako ang mag-aalaga sa'yo, hindi kita p-pababayaan, mahal na mahal kita," si Danica iyon. At pamilyar sa kaniya ang tono na ginamit ng kaniyang kapatid, iyon ay ang tono na alam niyang malapit na itong sumabog dahil sa tindi ng sama ng loob na nararamdaman.

"H-Hindi ko a-alam kung p-paano ko sasabihin kay A-Ara ang lahat, Ate, hindi ko alam," ang matinding dalamhati niya habang patuloy sa pag-agos ang kaniyang mga luha.

Next chapter