Nasa kalagitnaan kami ng pagkukwentuhan ni Melanie ng bigla na lang akong mapasinghap at mapasapo sa kanang bahagi ng aking tiyan.
"Liane? Anong nangyari sa `yo?" Magkahalong pagtataka at pag-aalalang tanong ni Melanie, na agad napatayo mula sa pagkakaupo sa ibabaw ng table para lumapit sa akin.
"Ah! Hi-hindi ko alam, ugh!" Nahihirapang sagot ko. "Pakiramdam ko may kung anong bumaon sa tiyan ko," sagot ko sa pagitan ng pagsinghap. Dahan-dahan kong inalis ang aking kamay mula sa pagkakasapo sa tiyan ko, at marahang itinaas ang aking damit.
"Wala ka namang sugat," puna ni Melanie ng makitang wala naman kahit anong pinsala ang tiyan ko.
Bigla ang paggapang ng takot sa aking dibdib ng maisip ko kung bakit ako nakaramdam ng ganito.
"Kailangan kong puntahan si Alexander." Wala sa sariling sabi ko at pinilit na tumayo kahit nakakaramdam pa rin ako ng sakit. Pero hindi pa man ako nakakahakbang ay nakatayo na sa aking harapan si Alexander, na puno ng pag-aalala ang mukha.
"Liane!"
"A-Alex!"
"Ano'ng nangyari? Ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong nito bago pinukol ng masamang tingin si Melanie. "Ikaw! Ano'ng ginawa mo sa kaniya?" Nanlalaki ang mga matang napaatras si Melanie lalo na nang lalong tumingkad ang pagkapula ng mga mata ni Alexander.
"Wa-wala po…"
"Alex… Wala siyang ginagawa! Bigla na lang sumakit ang tiyan ko," sagot ko sa pagitan ng paghinga ng malalim. "Hindi ko alam kung bakit —" (bigla akong nakaramdam ng ganito.)
"Liane!" Sigaw na nagpatigil sa anumang sasabihin ko. Nang tingnan ko ang pinagmulan niyon ay nakita ko sina Jake at Samuel na hinihingal pa.
"Ayos lang ako." Napakunot-noo ako nang mapansing wala si Chris. "Nasaan si Chris?"
"Nasa site, may ime-meet daw siyang kliyente," sagot ni Jake. "Bakit?"
"Hindi ko alam pero masama ang kutob ko, Ah!" Daing ko ng makaramdam ng sakit sa aking kaliwang pisngi. Nang sapuhin ko iyo ay wala naman akong nakapang dugo.
"Si Chris!" Bulalas ko kasabay ng pagbagsak ko sa sahig dahil sa panghihina.
"Anong si Chris? Hindi ko maintindihan, hindi pa naman natin nakukumpleto ang bond. Pero bakit mas apektado si Liane sa kung ano man ang nangyayari?" Naguguluhang tanong ni Jake.
"Saka na natin alamin ang sagot. Ang mabuti pa maiwan ka na muna rito, Jake," utos ni Alexander. "Sam, sumama ka sa `kin."
"Mag-ingat kayo…" nanghihinang paalala ko bago tuluyang umalis ang mga ito. Walang babalang binuhat naman ako ni Jake at dinala sa opisina ni Alexander.
"May masakit pa ba sa `yo?" Usisa nito ng maiupo ako.
"Unti-unti ng nawawala. Sana ligtas lang sila, lalo na si Chris…"
"Huwag kang mag-alala, sigurado akong ayos lang sila," alo nito habang nakaluhod sa harapan ko at hinahawi ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa aking mukha.
Ilang sandali rin kaming nasa ganoong ayos ng walang babalang biglang bumukas ang pinto at humahangos na bumungad si Melanie.
"Sir Jake!" Halos sabay kaming agad na napatayo ni Jake dahil sa sigaw na iyon. Doon lang namin tuluyang narinig ang nangyayari sa labas.
"Ano'ng nangyayari?"
"May mga lalaking bigla na lang sumulpot at sinasaktan ang lahat ng madaanan!"
"Liane, dito ka lang. Huwag kang lalabas," utos nito bago mabilis na lumabas ng opisina.
"Jake!"
"Samahan mo si Liane!" Sigaw nito kay Melanie na hindi na nakakilos mula sa pagkakatayo sa pinto.
"Ano ba talagang nangyari sa labas?" Kinakabahang tanong ko habang naglalakad palapit sa pinto.
"Hindi ko alam. Basta nagulat na lang ako ng makita kong nagtatalsikan ang katawan ng ilang namimili," sagot nito sa nanginginig na tinig. "Tapos nakita kong may mga lalaking nag-aapoy sa pula ang mga mata, mas pula pa sa mata nina sir Alexander. May mga itim na ugat sa mga braso, pati sa leeg. Hindi ko na nagawa pang tingnan ng maayos dahil tumakbo na agad ako patungo rito."
"Sshh…" alo ko rito. Hindi ko na napigilang kabigin ito palapit sa aking katawan para yakapin dahil kitang-kita ko ang panginginig ng buong katawan nito.
Agad din akong napakalas ng bigla na lang kumalabog malapit sa kinaroroonan namin. Bago ko nakita ang pagkatumba ng mga estante. Hindi ko napigilan ang pagsigaw ng bumungad sa harapan ko ang nilalang na sinasabi ni Melanie. Halos maduwal ako ng makita ko ang matutulis nitong mga ngipin kung nagmumula ang mga dugong tumutulo sa sahig.
"Mel! Tara na!" Sigaw ko sabay hila sa kaliwang braso nito bago pa kami makorner sa loob ng kwartong iyon. Mabilis naming tinahak ang direksyong patungo sa exit ng grocery. Kahit hirap kami dahil sa mga nakabalandrang mga estante at mga duguan at wala ng buhay na katawan.
Habang palapit kami sa daan palabas ay natanaw ko si Jake na nakikipagbuno sa tatlong kalaban. At maging ang ilang mga kalalakihang may kakayahang lumaban ay sinusugod na rin ang mga nilalang na malahalimaw ang hitsura.
Gustuhin ko mang tumulong ay alam kong wala rin akong magagawa. Dahil isa lang akong ordinaryong tao. Napansin kong mas lalo pang dumarami ang mga kalaban at unti-unti ng natatalo sila Jake.
Malapit na kami sa pintuan nang bigla na lang may sumulpot sa harap namin ni Melanie na tatlong halimaw. Dahilan para mapatili kami at matawag ang pansin ng duguan ng si Jake.
"Liane!"
"Saan ka pupunta?" Tanong ng isa sa tatlong humarang sa amin. Halos hindi na maintindihan ang sinasabi nito dahil sa mga matutulis na ngiping tila umaapaw sa bunganga nito. Napaatras kami ni Melanie dahil sa takot, lalo na ng mapansin namin ang paglapit ng mga ito.
"Anong kailangan ninyo? Bakit kayo nanggugulo rito?!" Galit na tanong ko sa pilit na pinatatag na tinig. Kahit ang totoo ay nanginginig na ang buong katawan ko sa labis na takot.
Pero sa halip na sumagot ay sabay-sabay na nagpakawala ng nakangingilong tawa ang mga ito. Dahilan para mapatakip kami sa tainga.
"Layuan n'yo si Liane!" Sigaw ni Jake kasunod ng pagsugod sa isa sa tatlong halimaw na iyon.
Pero hindi pa man nakakalapit si Jake ay tumilapon na ito, nang biglang sumulpot ang dalawa pang halimaw na sabay sumugod dito.
"Jake!" Tanging naisigaw ko na lang dahil kahit gusto ko itong lapitan ay hindi ko magawa. Lalo na ng bigla na lang sumulpot sa harapan ko ang isa sa tatlong halimaw.
"Sigurado akong alam mo kung bakit kami narito," mariing sabi nito kasabay ng paghablot nito sa kaliwang braso ko. Ramdam ko ang pagbaon ng maiitim at matutulis nitong mga kuko, dahilan para mapadaing ako at halos bumigay ang mga tuhod sa matinding sakit.
"Wala akong alam sa sinasabi ninyo! Bitiwan mo `ko!" Palag ko dahilan para mas lalong bumaon ang mga kuko nito. Pero ngumisi lang ito bago sumenyas sa kasama nito. Narinig ko na lang ang sigaw ni Melanie. At nang lingunin ko ang kinaroroonan nito ay nakita kong hawak na ito sa leeg ng habang nakaangat sa ere.
"Huwag! Bitiwan mo siya!" Sigaw ko habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak nito at hindi ko na ininda ang pagdurugo ng aking braso.
"Kung ayaw mong masaktan ang babaeng ito sumama ka sa amin," sabi ng halimaw na may hawak kay Melanie.
"Sasama na ako. Hayaan n'yo na siya," walang pag-aalinlangang sabi ko kahit na nanginginig ang aking tinig.
"Liane! Huwag!" Narinig kong sigaw ni Jake sa nahihirapang tinig. At ng lingunin ko ito ay nakita kong hinihingal na ito dahil sa pagod habang pilit na bumabangon. At marami na rin itong tinamong mga sugat.
"Kailangan kong gawin `to… Sasama na ako, tigilan n'yo lang ang ginagawa ninyo sa lugar na ito."
"Hmm, pero mukhang magagamit namin ang babaeng ito, para mapasunod ka ng panginoon namin," nakangising sabi ng lalaking may hawak pa rin kay Melanie.
Halos sabay kaming napasigaw ni Melanie ng walang babalang bigla na lang kaming binuhat at isinampay sa kanilang mga balikat na parang sako ng bigas.
"Liane! Liane!" Tanging narinig ko na lang bago ko maramdaman ang tila paghampas ng hangin sa aking mukha, habang marahas na tumatalbog ang katawan ko.
Halos kapusin na ako ng hininga dahil sa paulit-ulit na pagtama ng tiyan ko sa balikat ng halimaw na may dala sa akin.
"Patawarin n'yo ko…" naibulong ko na lang sa kawalan bago ako tuluyang mawalan ng malay.