"Bakit?" Nagtatakang tanong ni Chris. "Totoo naman ang sinabi ko."
"Bantayan pero narito ka? Magaling."
"Tigilan mo `ko, Jake. Nagsisimula ka na naman."
"Sinungaling ka kasi." Pang-aasar ni Jake at kahit hindi ko tingnan ay alam kong nakangisi na ito. "Aray! Ba't ka nambabatok?"
"Sinasabi mo? Ang layo ko sa `yo."
"Pikon!"
"Ikaw `yon. Nananahimik ako rito pinagbibintangan mo kong nambabatok."
"Tumigil nga kayong dalawa! Nabibingi na ako sa mga bunganga ninyo para kayong mga babae."
"Hmp!" Narinig ko na lang bago tumahimik sa backseat. Napailing na lang ako dahil sa inaasal nila Jake at Chris. Parang mga bata.
"Teka nga pala. Ilang taon na ba kayo?"
"Thirty," sagot ni Alexander.
"Ah…"
"Bakit?"
"Wala naman. Napansin ko lang kasi, parang bata kasi si Chris."
"What!" Bulalas ni Chris na sinabayan ng halagalpak ng tawa ni Jake. Narinig ko rin ang pagtawa nina Alexander at Sam.
"Isip bata kasi `yan," pang-aasar ni Jake.
"Ikaw ba, ilang taon na?" Usisa ni Chris.
"Twenty-six…"
"Oh?"
"Bakit?" Nagtatakang tanong ko na nilingon pa si Chris, dahil bakas sa tinig nito ang `di pagkapaniwala.
"Hindi ko lang inasahan ang edad mo. Malayo sa iniisip ko."
"Bakit ilan ba ang hula mo?"
"Nasa mga nineteen to twenty-two, gano'n."
"Wow naman. Gano'n ba kabata ang itsura ko?" Natatawang tanong ko. Na ikinatawa rin ng mga ito.
Nang makarating kami sa bahay ay naramdaman ko ang pagbabago ng mood ng magkakapatid. At alam kong ang tungkol iyon sa mga nalaman nila. At sa tingin ko ay mayroon pa silang ibang dapat na sabihin.
Pagpasok namin ng bahay ay nagtuloy kami sa sala at pabagsak akong naupo sa mahabang sofa. Mabilis na naupo si Chris sa kaliwa ko habang si Jake naman sa kanan. Kaya wala ng ibang pagpipilian sina Alexander at Sam kundi ang maupo sa magkatabing pang-isahang sofa, na katapat ng inuupuan namin.
"So? Alam kong may mga sasabihin pa kayo. Kaya kung p'wede sana ay sabihin n'yo na." `Di ko na napigilang sabihin dahil hindi ko na matagalan ang katahimikan. "Bakit ayaw n'yo pang magsalita?"
"Liane, sa totoo lang ayaw kong sabihin sa `yo ang tungkol dito dahil ayaw kong masyado kang mag-alala at matakot," simula ni Alexander.
"Bakit? At hindi ako papayag na ilihim ninyo sa akin ang kahit na anong impormasyon. Lalo na kung may kinalaman iyon sa akin."
"Nalaman na rin namin ang dahilan kung bakit ka pinagtangkaan?"
"Bakit?"
"Upang maisakatuparan ang isang propesiya."
"Propesiya? Sinong gagawa niyon sa akin?"
"Oo. Gagawin ka nilang alay sa pagsapit ng kabilugan ng buwan, na ilang araw lang ay sasapit na."
"What? May ganyang paniniwala pa rin sa ganitong panahon? New generation na!"
"Oo nga pero dito sa lugar namin ay totoo ang lahat. Ang mga bagay na nababasa at napapanood mo lang ay totoo. At gagawin nila iyon para sa isang malakas at walang hanggang kapangyarihan."
"Pero Alexander, ano naman ang gagawin nila sa akin? Wala naman akong kapangyarihan na gaya ng sa inyo. Isa lang akong ordinaryong babae!"
"Hindi rin namin maintindihan kung bakit naniniwala siyang makapagbibigay ka ng isang walang hanggang kapangyarihan. At dahil sa impormasyong iyon ay hindi kami makapapayag na maiwan kang mag-isa."
"Anong ibig mong sabihin? At sino ba ang nagtatangka sa akin?" Nanatiling tahimik ang mga ito na para bang nahihirapang sagutin ang isang napakasimpleng tanong. "Wait, huwag n'yong sabihing iyong kambal ng daddy ninyo ang may pakana ng lahat ng ito?" Tanging tango na lang ang isinagot ng mga ito. "At anong ibig mong sabihin na hindi ka makakapayag ng maiwan akong mag-isa? Magkakaroon ako ng bantay?"
"Hindi lang basta bantay," sagot ni Alexander. "Kahit saan ka magpunta at kahit na mainis ka ay titiyakin naming kasama mo ang isa man sa aming apat. At kung maaari kailangan na nating mabuo ang bond."
"Ano? Teka lang, p'wede bang pag-isipan ko muna ang lahat ng mga sinabi ninyo? Lalo na iyong huli?" Wala sa sariling napasapo ako sa aking sintido ng maramdaman kong kumirot iyon.
"Huwag kang mag-alala. Sige na, magpahinga ka na muna." Narinig kong sabi ni Chris habang hinihimas ang likod ko. "Gusto mo bang ihatid kita sa kwarto?"
"Hindi na. Sige, akyat muna ako." Nasabi ko na lang bago marahang tumayo at naglakad patungo sa direksyon ng hagdan.
"Liane." Narinig kong tawag ni Alexander kaya napahinto ako sa paghakbang. Pero nanatili akong nakatalikod sa mga ito. "Huwag mo sanang isiping pini-pressure ka namin. Kaligtasan mo lang ang iniisip namin."
Isang malalim na buntonghininga ang kumawala sa aking mga labi bago hinarap ang mga ito. " Alam ko naman iyon. Masyado lang talagang maraming nangyari. At isa pa, hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na hindi lang isang lalaki ang maaari kong makasama."
"Salamat. Sige na, magpahinga ka na. Gigisingin ka na lang namin kapag nakaluto na ng hapunan." Tanging tango na lang ang itinugon ko bago muling nagpatuloy sa paglalakad patungo sa direksyon ng hagdan.
Nang makarating ako sa kwarto kung saan ako dinala nina Alexander, ay nanlalambot na napahiga na lang ako at napatitig sa kisame. Simula nang mangyari iyong sa grocery ay hindi na napanatag ang isip ko. At lagi akong tensiyonado dahilan para mawala sa isip ko ang mga problemang naging sanhi para maligaw ako at mapadpad sa lugar na ito. Pero sa halip na maibsan kahit papaano ang problema at paghihirap na nararamdaman ko ay napalitan lang iyon. At mas malala pa dahil hindi lang ang buhay ko ang nanganganib, kung `di maging ang mga nakatira sa lugar na ito.
"Sana maging maayos na ang lahat sa muling pagmulat ng mga mata ko…" naibulong ko na lang sa kawalan bago tuluyang ipinikit ang mga mata.