Kinabukasan ay maaga akong nagising pero sa halip na bumangon na at maligo ay nanatili akong nakahiga habang nakatitig sa kisame. Dulot ng mga samu't saring mga agam-agam.
Unang-una na ang kalagayan nila tatay na alam kong alalang-alala na sa akin pero wala akong magagawa dahil hangga't naroon ang babaeng iyon ay hindi ko makakayang bumalik.
Isa pa ang dalawang lalaking nakilala ko kahapon. Na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit para bang may kung anong humihila sa akin palapit sa kanila. At nang mawala sila sa paningin ko pakiramdam ko ay may kung anong kulang sa akin.
"Haays… kung ano-anong naiisip ko. Makaligo na nga lang," bulong ko sa kawalan bago walang ganang bumangon at lumapit sa kabinet upang kumuha ng damit na isusuot ko para sa pag-a-apply ng trabaho. "Sana matanggap ako. Dahil kapag hindi ako nakapasok ng trabaho baka sa kalye na ako pulutin."
---
Ilang sandali pa ay nasa byahe na ako kasama si Melanie. At kahit ikalawang araw ko na sa lugar na iyon ay ramdam ko pa rin ang mga kakaibang tingin ng mga taong nakakakita sa akin. Kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkailang lalo na nang nakababa na kami ng pedicab na para bang ang paika-ika kong paraan ng paglalakad ang tinitingnan nila.
At para mabaling sa iba ang atensiyon ko ay kinausap ko na lang si Melanie tungkol sa unang bagay na naisip ko.
"Ahm… Melanie, itatanong ko lang sana, may signal ba ang phone dito?"
"Meron naman kaya lang mahina ang signal kaya bihira na lang gumamit ng phone ang mga taga rito."
"Ah..."
"Nandito na pala tayo," sabi nito at doon ko lang napansing papasok na pala kami sa store. "Halika na at baka nariyan na si ate Marie."
"Sige…" Naglakad pa kami patungo sa isa sa dalawang magkatabing pinto kung saan pumasok ang amo ni Melanie kahapon.
"Bakit dito tayo papasok? 'Di ba opisina ito ng amo mo?"
"Eh, 'di ba kakausapin ni sir Alexander si ate Marie? Baka narito pa siya," sagot nito bago kumatok ng tatlong beses.
"Pasok." Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam na lumukob sa akin nang marinig ko ang tinig na iyon.
"Kapag natanggap ka mas madalas mong makakasama si sir Alexander," bulong nito sa akin habang pinipihit ang doorknob. Napataas naman ang mga kilay ko ng mahimigan ko ang pag-kainggit na may halong kilig sa boses nito. "Swerte mo." Dugtong pa nito bago kami tuluyang makapasok.
"Good morning sir." Bati ni Melanie. "Narito na po si Liane." Hindi ko pa ito nasisilayan dahil nasa likuran pa ako ni Melanie at isa pa nararamdaman ko na naman na para bang may kung anong pwersang humihila sa akin patungo sa direksyon nito.
Pero nang umalis na si Melanie sa harapan ko ay napilitan na akong magtaas ng tingin upang batiin ito.
"Go-good morning po…" Hindi ko magawang tingnan ito ng diretso dahil baka matulala na naman ako.
"Ganoon ba? Ako na ang bahala sa kaniya. Pumunta ka na sa pwesto mo," sabi nito kay Melanie habang tumatayo. At kita ko sa gilid ng kanang mata ko na nakatuon lang sa direksyon ko ang mga mata nito.
"Ah.. Sige po." Saka ito tumingin sa akin at kumindat. "Maiwan na kita. " Napatango na lang ako hanggang sa kaming dalawa na lang ang naiwan sa loob ng opisina. Sinikap kong hindi ito tingnan dahil baka mawala na naman ako sa sarili.
Pero nang marinig ko ang pag-click ng lock ng pinto ay agad na binundol ng kaba ang dibdib ko. At nanlalaki ang mga matang napatingin dito.
"Para walang istorbo," sabi nito ng makita ang reaksyon ko. "Maupo ka." Turo nito sa upuang nasa harap ng table nito. Huminga muna ako ng malalim para kalmahin ang nagririgodon kong puso at mabawasan ang panlalambot ng mga tuhod ko. Bago ako humakbang patungo sa upuan at mabilis na naupo.
Muli akong napatingin dito ng manatili itong nakatayo at nakatitig sa akin. At sinamantala ko na rin ang pagkakataon na matitigan ito.
At hanggang sa mga oras na iyon, hindi pa rin ako makapaniwala sa nakikita ko. Dahil masyado itong maganda para maging isang lalaki. At nasisiguro ko na kung maging babae ito ay pagkakaguluhan ito ng mga lalaki. Bumagay sa pangahan nitong mukha ang clean cut nitong buhok.
Hanggang sa dumako ang mga mata ko sa mga mata nitong titig na titig sa akin. At tulad kahapon, hindi lang isang imahinasyon ang nakita ko dahil talagang kulay pula iyon at tanging ang pinakasentro ng bilog lamang ang itim. Wala sa sariling napasinghap ako ng tila kumislap ang mga iyon
Natauhan lang ako ng marinig ko ang pagtikhim nito kaya agad kong iniiwas ang aking tingin at pinagtuunan ng pansin ang hawak kong brown envelope.
Hinintay kong bumalik ito sa upuan nito sa kabilang side ng mesa. Pero nagulat ako ng pinili nitong maupo sa katapat kong upuan. Hindi ko maiwasang hindi mailang ng malanghap ko ang amoy ng pabango nito. At lalo na nang magdikit ang mga tuhod namin na kahit na may suot itong pantalon ay ramdam ko pa rin ang init at tila mumunting boltahe ng kuryente na nagmumula rito.
"So? Mag-a-apply ka?"
"Opo…" Mahinang sagot ko na hindi makatingin sa mukha nito. Pakiramdam ko ay sumikip ang espasyo ng lugar na kinaroroonan namin dahil sa pagbubungguan ng mga tuhod namin. Kaya kinailangan pa nitong ibuka ang mga hita upang magkaharap kami ng maayos.
Bigla akong napasandal ng tumukod ang kanang siko nito sa kanang hita at ipinatong ang baba sa palad, dahil kaunti na lang ay maglalapit na ang mukha namin.
"Hmm, kaya mo bang mag-record? Mag-inventory?"
"Marunong po akong mag-inventory kahit papaano. Nakapagtrabaho kasi ako sa isang maliit na tindahan dati at ako ang nag-i-inventory ng mga paninda.
"Hhmm. Sige ako mismo ang mag-te-train sa iyo para hindi ka masyadong mahirapan," sabi nito. Hindi agad nag-register sa isip ko ang sinabi nito dahil nadi-distract ako sa paraan ng paggalaw ng mga labi nito.
"Po?" Biglang tanong ko. "Tanggap na po ako?"
"Kapag pumasa ka sa training tanggap ka na." Nahigit ko ang aking hininga ng maglandas ang panggitnang daliri nito sa kanang tuhod kong na-expose. Dahil sa paglilis ng laylayan ng paldang suot ko, dulot ng pag-upo. At marahang pinaikot-ikot doon.
Napahigpit ang hawak ko sa envelop na nakapatong sa mga hita ko dahil sa ginagawa nito.
"Ah...kukunin n'yo na po ba iyong bio-data ko?"
"Sige. Ilabas mo at babasahin ko," sagot nito habang patuloy na lumilikha ng pabilog na hugis ang daliri nito sa tuhod ko.
Mabilis kong iniabot ang hawak kong envelope para tigilan na nito ang ginagawa sa akin. Na agad naman nitong kinuha bago umayos ng upo kaya nakahinga na rin ako ng maluwag. Ilang sandali rin itong walang imik habang binabasa ang bio-data ko.
Kaya naging malaya akong pagmasdan ito hanggang dumako ang mga mata ko sa mga daliri nito. Bahagya akong nakaramdam ng inggit nang mapansin ko ang mahahaba at magagandang hubog ng mga daliri nito. Daig pa ang mga daliri kong tila kinukulubot na at wala sa sariling napabuntonghininga.