"Maiba ako, Jasper. Naisip ko lang, sayang ang bahay ninyo kung ikaw lang ang titira tapos kulang na kulang na ito sa maintainance. Para makabawi ako at para hindi ka na magtrabaho, gusto mo iparenovate natin ang bahay ninyo tapos magtatayo ako ng bilyaran at computer shop dito? Kung sa matutuluyan lang naman, doon ka na lang sa amin kasama ng pinsan kong si Tetay. Okay ba ang plano ko?" ang saryosong alok sa akin ni Mariah.
"S-sige. Makakabuti na rin siguro para makalimutan ko ang lahat. Papayag din siguro si nanay sa alok mo." ang sagot kong malungkot sa kanya habang pinagmamasdan ang aming bahay mula sa aking kinatatayuan.
"Pwede na ba tayo magempake mamaya pagkatapos ng libing?" ang agad niyang tanong sa akin.
"S-sige. S-sunugin na rin natin yung mga gamit ni ina. Yung mga gamit, ibenta na lang natin sa mga gustong bumili kung wala ibenta na lang natin sa mga magbobote." wika ko sa kanya sabay tingin kay Rodel upang humingi ng supporta sa aking mga desisyon sa oras na iyon at ibinalik naman niya ito sa akin ng may isang matamis na ngiti at haplos sa aking likuran.
Naintrigang nanood sa aming dalawa si Mariah, marahil hindi maalis sa kanyang kokote ang hula niyang kami na ulit ni Rodel.
"Kayo na ba? Umamin nga kayo! Ang sweet niyo eh!" ang naiinis na iri niya sa aming dalawa.
"Hindi nga! Eh ano naman kung sweet kami? Naging kami di ba? May kasunduan kaming sasagutin ko lang siya sa pagbabalik niya mula sa Amerika!" ang naiirita kong sagot sa kanya. Natawa naman si Rodel sa nakikita niya sa aming dalawa.
"Para kayong mag-ate ni Jasper. Pangako, babalik ako. Nagkamali man ako nung una pero hindi na ngayon at sisiguraduhin kong babawi ako sa lahat ng kasalanan ko sa kanya." ang pagpapalagay ni Rodel kay Mariah at isang irap lang ang nakuha niyang sagot mula rito.
Pumasok na kami ni Rodel sa loob at muli kong pinagmasdan ang aking nakahimlay na ina. Hindi ko mapigilang humagulgol sa bawat pagkakataong nakikita ko siya sa likod ng salamin ng kabaong. Kulang na lang ihulog kong bumukas ito upang yugyugin ang aking ina upang gumising sa walang humpay na pagtulog. Isang mahigpit na yakap at haplos na pinagsama ang pinadadama sa akin ni Rodel habang halos sumampa na ako sa ibabaw ng kabaong ni nanay. Tila hindi rin napigilan ni Rodel lumuha sa sobrang awa at dahil sa kilala niya rin ang aking ina. Mula sa mga labi ng aking ina ang hiling na muling magkabalikan kami ni Rodel.
Lumipas ang ilang sandaling ako'y naguumiyak hanggang sa tulyang namaga na ang aking mga mata.
"Bee, tahan na Bee. Hindi matatahimik nanay mo. Hindi ka naman niya iniwan, nagbabantay lang siya sa tabi mo lagi. Di ba? Sabi ng nanay mo, yung bunso mong kapatid at ang tatay mo nagbabantay sa inyo? Ngayon pati siya nagbabantay na rin sa iyo. Kung nasaan na siya ngayon sigurado ako masaya na siya kapiling sila. Sana maging masaya ka na rin para sa kanya." ang pagpapalakas loob ni Rodel sa akin. Natawa ako nang marinig ko mula sa kanya ang dati naming tawagan.
"Bee ka jan! Hindi pa tayo no. Umiiyak lang ako kasi mangungulila ako sa kanya." ang sabi kong naatawang pilit.
"Dadating din ang araw na yan na ulit ang itatawag mo sa akin." ang nakangiting sagot niya sa akin sabay gulo ng aking buhok gamit ang kanyang kanina'y nakaakbay na kamay.
"Hindi daw sila! Nako! Lokohin niyo lelang niyo!" ang bungad sa amin ni Mariah na kanina pa palang nasa likuran namin sabay pinagkukurot kami ng pabiro sa aming mga tagiliran.
"Nasa labas si Randy. May dalang pagkain." ang kinuwento niya sa amin.
Nagmadaling hinila ako ni Rodel palabas ng aming bahay at natagpuan namin sa labas si Randy nakangiti at inilalapag sa mesang ginamit kagabi sa sakla ang mga take-out na kanyang binili.
"Pre! Buti na lang bumili ka! Hindi pa kami kumakain ni Jasper!" ang masiglang bati ni Rodel sa kanya habang ako nama'y hindi makatingin sa kanya ng tuwid dahil nagbabalik ang damdaming ipinadama niya sa akin kagabi nang ako'y kanyang halikan.
"Kaya nga umalis agad ako kanina pagdating ko. Kilala na kita tol! Nagugutom na rin ako kasi hindi pa ako nag-aalmusal tinanghali ako ng gising. Inaalala ko lang din yang kasama mo baka hindi pa rin kumakain iyan." ang nang-aasar niyang banggit kay Rodel na siya namang tinawanan lang nito.
Lumapit kami kay Randy upang tulungan siya at makapagsimula na rin kaming kumain. Bagaman marami nang langaw ay di na alintana ng dalawang kasama kong may kaya sa buhay ang ganoong lagay. Taboy dito at diyan lang sila habang sumusubo ng pagkain at nagkukuwentuhan tungkol sa laban sa basketball na pinalabas kahapon. Ako naman, hindi makarelate kaya't tahimik lang akong nakikinig sa kanila habang kumakain.
"Tol, maiba ako, gusto ko lang sabihin sa iyo na okay na ulit kami ni Jasper. Pangako ko babalik ako ng Pinas at sasagutin na daw niya ako pag nagkita kami ulit." ang masigla at mayabang naman niyang ipinagmamalaki kay Randy. Nabilaukan ako sa aking narinig at nagulat na lang ang dalawa.
"Sira ulo kayo. Kumakain ako dito ako pinag-uusapan ninyo. Isa pa, Randy, kala ko ba galit ka sa mga bakla? Bakit mukhang kahit pandidiri wala ka kahit bahid man lang sa mukha? Kung makapanuya ka noong magkakilala tayo kala mo makakapatay ka na ng isa eh." ang agad kong wika sa kanya matapos lumagok ng softdrink.
"Nakikisama lang ako, tol. Tropa tayo at isa pa iba kayo sa kanila. Basta huwag na lang natin pag-uusapan yung tungkol sa mga ginagawa niyo. Baka sumuka ako eh." ang seryoso naman niyang sagot sa akin. Tumawa lang si Rodel sa kanya at ako nama'y inirapan lang siya.
"Nga pala, may ibibigay ka daw sa akin sabi ni Mariah?" ang agad kong tanong matapos kong maalala.
"Ahh.. iyun ba? Nakakahiya kasi kaya kinuha ko agad kay Mariah." ang nauutal naman niyang sagot sa biglang pagkahiya. Kumunot lang ang aking noo sa kanyang sagot.
"Eto muna yung isa. Kontrata yan sa banda natin si Don Amante na ang nag-paabot sa akin kanina. May manager na rin tayo. Kaya ikaw, huwag ka na mag-iinarte ha? Kanta na lang ng kanta." ang kwento niya matapos ilabas sa isang brown envelope ang kanyang tinutukoy. Kinuha ko ito mula sa kanya at muling ibinalik sa loob ng brown envelope.
"Mamaya ko na ito pippirmahan. Babasahin ko muna. Tatlo na lang tayo ng girlfriend mo, papano tayo tutugtog? Si Rodel, aalis na. Parang masyado naman ang mga ito hindi pa nga tayo nagpeperform kahit isa." ang sagot ko sa kanya at ipinatong iyon sa gilid ng aking bahagi ng mesa.
"Yung manager na natin ang bahala sa screening. Eto naman yung isa ko sanang ipapakita sa iyo na ikinahihiya ko kay Mariah." ang sagot niya sa akin sabay kamot ng ulo habang inaabot ang isang maliit na brown envelope. Pamilyar ang itsura nito sa amin ni Rodel kaya't agad kaming nagtaka kung bakit niya ito kailangang ipakita sa amin.
Agad ko itong kinuha kay Randy at tinignan ang kanyang grades.
"Uulit ako this coming school year sa Beda. Technically, classmate ko na kayo ng girlfriend ko. Bale, dalawa na kami ang tuturuan mo ngayon." ang nahihiya niya lalong sinabi sa amin habang nakatingin sa ibabaw ng mesa paiwas sa amin ni Rodel. Humalakhak ng todo si Rodel sa kanyang narinig sa lubos na hindi pagkapaniwala at ako nama'y namutlang makakita ng mga palakol sa class card sa unang pagkakataon ng aking buhay.
Nagulat ako sa aking nakitang nakalagay na pangalan sa report card niya na "Simon Tiongco". Naguluhan akong saglit ngunit si Randy na rin naman ang aming kaharap dapat ay hindi ko na lang ito masyado bigyan ng puna sa mga oras na ito. Naalala kong bigla ang kanyang pangako pero hindi ito tamang oras at lugar upang siya'y tanungin ko tungkol doon. Winaglit ko ito sa aking isipan upang hindi masira ang aming usapan.
"Sinayang mo! Puro ka kasi basketball at girlfriend! Hayan! Buti nga sa iyo!" ang natatawa kong paninisi sa kanya. Napailing lang siya't di nakasagot. Parang gusto na niyang magpalamon sa ilalim ng lupa sa mga oras na iyon habang ginigisa namin siyang dalawa ni Rodel.
"Kaya ikaw, Rodel, huwag ka tutulad sa kanya." ang panunuya ko pa kunwaring kinakausap si Rodel.
Natapos ang aming salu-salo ng masaya at di nagtagal ay dumating na rin si Alice upang sumama sa libing ni ina.
Sa isang pampublikong libingan lang dinala ang aking ina. Habang binubuhat siya sa kanyang huling hantungan ay ako lang ang naghuhumagulgol na naglalakad sunod sa mga nagbubuhat sa kanya.
"Yuck! Babe! My feet has mud na! It's so kadiri! Look! I even forgot to bring alcohol and a tissue with me to clean my feet immediately right after this." ang reklamo ni Alice na pabulong kay Randy habang sumusunod sila sa amin ni Rodel. Si Randy naman ay seryoso and mukhang nakatingin sa mga nagbubuhat habang minsanan ay tumitingin sa mga nit song nakapaligid sa daang among tinatahak. Nasa pinakalikuran naming si Mariah, nakaitim na suit mull ulo hanggang paa. Mapagkakalaman mo siyang isang manang dahil ang suot niya ay katulad ng mga matatandang nagbabasa ng litanya sa simbahan at ang kinaibahan lang ng kanya ay pangluksa talaga ang kulay niya. Ang belo niyang manipis ay abot hanggang leeg kaya't tuwing nagpupunas siya ng kanyang mga luha ay bahagyang natatakpan nito ang paggalaw ng kanyang kamay na may puting panyo. Si Rodel sa isang banda naman ay inaalalayan ako sa paglalakad at hinahagod ang aking likurang hirap na sa paghinga.
"Bee, may butas pala, iwas tayo." ang babala niya sa akin sa isang bukas na nitsong daraanan namin na nasa sahig mismo. Nilingon niya si Randy at sinabihan din sila na mag-ingat.
Nakalampas na kami ni Rodel sa bukas na nitso at makailang hakbang ay narinig namin ang makapunit tenga't kahindik-hindik na tili ni Mariah na ikinagulat ng lahat. Sa pagkabigla ng ilan sa mga nagdadala ay muntik na nilang maihulog ang bangkay ng aking nanay. Si Alice nama'y napayakap ng mahigput kay Randy at kami naman ni Rodel ay gulat na tinignan si Mariah sa kanyang kinaroroonan.
Nahulog ang kawawa't bumaon ang kalahati ng malusog niyang katawan sa butas ng nitso. Nangaripas ng takbo ang sepulturero upang tulungan si Mariah ngunit nahirapan itong hilahin siyang makalabas.
Hindi ko alam kung matatawa ako o maaawa sa kanya ngunit dahil sa kanyang lagay ay naudlot ang pighating aking dinadamdam. Pigil na humagikgik si Randy, Rodel, at Alice sa kanilang nakita at ni isa sa kanila ay hindi tumulong sa pandidiring makadikit sa putik na nagmumula sa loob ng nitso.
"Manong! Hilahin mo ko manong! Ayokong mauna kay Basilia!" ang tawag ng saklolo ni Mariah. nagsimula nang tumawa pati ang mga natigil sa paglalakad na nagbubuhat sa kabaong ng ni ina.
"Tulungan mo sarili mo jiho! Napakabigat mo! Mababaw lang iyan! Tumayo ka! Hindi kita kaya mag-isa! Ang bigat mo!" ang pagmamakaawa ng sepulturerong tumutulong.
Natigil si Mariah sa kanyang pag-aalala at bigla siyang umangat sa nitso nang halos tuhod pababa na lang ang nakasuksok sa butas.
"Ay... Oo nga... Hindi mo naman kasi sinabi kanina manong. Sige, thank you! Kaya ko na po ito." ang nahihiyang sagot niya sa sepulturerong napakamot ng kanyang ulo.
Natapos ang libing at sama-sama kaming lumabas ng sementeryo ngunit kaming dalawa lang ni Mariah ang tumungo pauwi ng bahay. Sa bahay, agad kaming nagligpit ng aayusin. Inuna namin ni Mariah ang aking mga gamit upang ilipat sa kanilang bahay. Ang mga iba nama'y hinayaan na namin kung saan sila nakalagay.
"Sa bahay na namin natin idaos ang pasiyam ni Basilia mula mamaya. Pagpasensiyahan mo na ang bahay ha? Medyo magulo. Si Tetay umuuwi ng bahay paminsan-minsan pero kung ako na nakatira mismo doon bihira ko lang siya makita. Madalas din akong nasa parlor kaya hindi ko maharap ayusin ang bahay maliban sa kuwarto ko." ang pabungan ni Mariah sa akin bago pa namin marating ang harap ng kanilang bahay na bungalow. Konkreto ang bakod nila ngunit lawang palitada o pintura. Nangungupas na ang dati'y puting haligi ng kanilang tahanan habang ang berdeng bubong ngayo'y may mga tagping yerong kinakalawang na.
Bukas ang pintuan sa harapan at naghihintay dito ang kanyang nobyong si Abet.
"Walang internet ang shop mula pa kaninag umaga kaya naisip kong tumambay na lang muna dito." ang pabati niya kay Mariah na pautos at puno ng angas.
Agad tumunog ang aking telepono at natigil ako sa aking paglalakad. Agad ko itong kinuha at nakitang tumatawag pala si Rodel. Napatingin lang sa akin si Mariah interesadong marining ang aking pakikipag-usap sa telepono.
"Umm... Bee... I know, wrong timing at totally disrespect sa death ng nanay mo. Pero, aalis na kasi ako, ayokong maging makasarili pero nagbabakasakali na rin ako." ang nahihiyang sagot agad sa akin ni Rodel matapos kong tanggapin ang kanyang tawag.
"Rodel? A-ano yun?" ang agad kong tanong sa kanya.
"Gusto sana kitang... i-date mamayang gabi. Kung pwede lang sana. Sana pumayag ka." ang umaasang imbita niya sa akin.
"D-date? M-mamaya na? P-pero..." ang nag-aalinlangan kong sagot sa kanya.
"Pumayag ka na! Sa panahon ngayon, kailangan mo iyan. Isa pa, masyadong makaluma na ang mga pamahiniin at maiintindihan naman ni Basilia ang sitwasyon mo." ang udyok sa akin ni Mariah na nagpatigil sa aking pagsagot kay Rodel.
"N-nay, ano ang gagawin ko? Papayag ka ba?" ang bulong ko sa aking sarili at sa mga oras na iyon ay biglang humalimuyak ang amoy ng usok ng kanila. Nagulat ako't napatingin kay Mariah na sa mga oras na iyon ay parang walang alam sa aking nalalanghap.
"Naaamoy mo ba yung kandila, Mariah?" ang paninigurado ko sa kanya at matapos kong itanong iyon ay sumang-ayon din sa akin si Rodel.
"Bee... Naaamoy ko rin dito. Huwag na lang kaya. Sige, huwag na lang." ang kinakabahang sinabi ni Rodel mula sa kanibilang linya.
"Anong kandila? Wala naman akong naaamoy." ang tugon sa akin ni Mariah na puno ng pagtataka ang mukha.
"Mariah, pareho namin naamoy ni Rodel. Magdedate pa rin ba kami?!" agad kong tanong sa kanya na may takot habang nanatiling nasa kabilang linya si Rodel. Natulala lang si Mariah di alam ang kanyang isasagot.
Sa oras na iyon ang amoy ng kandila ay agad din napalitan ng bango ng rosas.
"Bee... amoy rose naman ngayon." ang sinabi ni Rodel mula sa kabilang linya. Agad pumatak ang aking mga luha sa sayang malamang nariyaan lang ang aking ina dahil ako rin ay naamoy ang halimuyak ng mga rosas. Init ng pagmamahal ang naramdaman ko sa aking damdamin. Isang malakas na simbulo na hindi tutol si ina sa alok ni Rodel na ako'y sumama sa kanya.
"Sasama na ako, Rodel. Pero may isang kundisyon ako, gusto ko pagkatapos ng date natin sasama ka sa pasiyam ni nanay mamaya." ang palagay kong sinabi sa kanya. Natulala lang sa akin si Mariah at gulong-gulo sa mga pangyayari.
"Sige ba. Saan ka ba ngayon? Nasa bahay ka pa ba?" ang tanong ni Rodel sa aking puno ng sigla.
"Sa labas ng bahay nila Mariah. Puntahan mo na lang ako sa kanto. Hihintayin kita doon. Iaakyan ko lang itong gamit ko sa kanila." ang wika ko naman sabay kuha ng aking naibabang bagahe.
Agad itong inabot ni Mariah at kinuha mula sa akin.
"Ako na maglalagay niyan sa loob ng bahay. Pumunta ka na sa kanto. Ako na bahala dito. Baka magparamdam pa sa akin si Basilia bigla akong maloka ng di oras." ang kinakabahang sinabi naman niya sa akin at nagmamadaling tumungo sa kanyang bahay.
"Hindi magpaparamdam sa iyo si nanay. Yung may-ari ng butas na nilusutan mo baka yun ang magmulto sa iyo mamaya." ang natatawa kong pang-aasar kay Mariah na sa mga oras na iyo'y halos nasa loob na ng kanilang bakuran.
"I love you, Rodel. Hintayin kita doon ha?" ang sabi ko naman kay Rodel habang pinanonood si Mariah sa pagpasok sa loob ng bahay.
"Tulad ng dati. I love you too, Jasper. Doon tayo sa Antakya mamaya ha? May kakanta daw na banda doon. Bye Bee!!!" ang masaya niyang pamamaalam sa akin sabay baba ng kanyang tawag.
Ayon sa amin usapan ay hinintay ko siya sa kantong malapit sa amin at ako'y hindi niya pinaghintay ng matagal. Sa loob ng kotse ay magkahawak ang aming mga kamay habang siya'y nagmamaneho at paulit-ulit na masayang humuhuni ng isang tugtuging siya lang ang nakakaalam.
Sa Festival Mall, ay naglakad-lakad kami at tulad ng dati magkahawak ang aming mga kamay di pansin ang mga taong nakakakita sa aming paligid. May mga naiinggit at kinikilig, at siyempre karamihan sa kanila ay pagkamuhi at pandidiri.
Nagpalipas muna kami ng ilang oras sapagkat sa mga oras na iyon ay sarado pa ang Antakya. Habang tila nasa parke kaming dalawa ay masaya naming binabalikan ang maliligaya naming kahapon bilang magnobyo at sa mga oras na iyon ay lumalago ang aking matinding pagnanais na muling sagutin na siya.
Hindi nagtagal, kailangan na naming tumuloy na sa Antakya. Bagaman sa mga oras ng gabing iyon ay may mga tao na, hindi kami nahirapang makahanap ng aming puwesto. May di kilalang banda na na kumakanta sa na kahit paano'y kahumahumaling din ang awitin nila subalit karamihan sa mga tao doon ay tila hindi sila pinapansin. Nakaramdam ako ng kaunting awa sa kanila nang maisip kong paano kung ganoon din ang maging pagtanggap sa amin ng mga una naming panauhin? Ilang sandali lang ang lumipas at nagpalit na ng bandang kakanta.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita kong kilalang banda ang pumalit. Agad kong tinitigan ng aking nakangiting mga tingin si Rodel na noo'y abot tenga na rin ang ngiti.
"Surprise! I love you Bee!! Order na muna tayo! Nagugutom na ako." ang sagot niya sabay himas ng kanyang sikmura.
"Wawa naman ikaw..." ang pangungusap na parang bata ko sa kanta at kunwari ay naglungkut-lungkutan upang ipakita sa kanya ang aking panlalambing.
"Happy seventh anniversary sa inyo!" ang bati ng isang lalaki sa kaharap naming mesa na kumuha naman ng aking atensiyon. Binati niya ang dalawa niyang kasamang binata rin na sa palagay ko'y magnobyo.
Sa mga oras na iyon ay agad din tumunog ang aking telepono at nagtaka kung sino ang kumukontak sa aking balak sirain ang aking sandaling kasama si Rodel.