webnovel

Chapter 4

Chapter 4: Si Cherry at Richard

"KUYA pogi! Pasok na tayo..." bungad ni Cherry sa kuya niyang si Richard. Dalawang taon na rin ang nakakaraan... Si Cherry ay nasa grade five na noon. Anim na taon ang tanda ng binata rito.

Ang pamilya ni Richard. Simple pero masaya. Pulis ang tatay niya at nurse naman ang nanay niya. Nagmamahalan sila. May kaunting hindi pagkakaunawaan man, madali naman itong naaayos.

Si Inspector Arnold Guttierez, ang haligi ng tahanan. Para nga sa magkapatid ay siya na ang best father sa buong mundo. Hindi nga nawawalan siya ng pasalubong sa kanila kapag uuwi. Lagi ring present sa mga mahahalagang events ng magkapatid. Aabsent sa trabaho makarating lang dito. Gan'yan ang tatay nina Richard.

Si Ginang Gina Guttierez. Ang ilaw ng tahanan. Isang nurse. Mahigpit na ina. Laging pinapaalalahanan ang magkapatid. Hard-working naman ito. Mahal niya ang magkapatid, kaso, mahilig lang talaga siyang mangaral... at alam naman ng magkapatid na para ito sa ikakabubuti nila.

Si Cherry, ang napakakulit ngunit napakalambing na nakababatang kapatid ni Richard. Lagi nitong inaasar ang kuya niya, kaso siya naman ang nauunang napipikon. Tapos, tatakbo siya sa nanay niya. Ito kasi ang ka-close niya. Si Richard naman ay malapit sa ama. Bihira namang mag-away ang magkapatid. Madalas asaran lang pero nagiging okay rin naman agad. Ang kuya niya ang naghahatid at sumusundo lagi sa kanya sa school. Magkatapat lang kasi ang pinapasukan nila. Kapag may nang-aaway sa kanya, to the resbak agad si kuya. May isang beses pa nga na binugbog si Richard ng mga utol ng isa sa mga nakaaway ni Cherry. Paano, patpatin pa noon ang binata. Iyak nga nang iyak noon si Cherry dahil may black eye ang kuya niya. Nasabon tuloy silang dalawa ng nanay niya dahil doon.

Masaya silang pamilya noon, kaso isang araw... Nagkaroon ng operation ang grupong kinabibilangan ng tatay ni Richard sa isang sindikato. Naging matagumpay ito subalit nasawi ang ama nila matapos itong tamaan ng bala sa ulo. Iyon nga ang pinakamalungkot na nangyari sa kanila. Pagkalibing ng nito, naging malungkutin na ang nanay nila. Madalas na rin nitong pagalitan ang magkapatid kahit wala namang kasalanan. Pinilit pa ngang ibinabalik nina Richard at Cherry ang dating sigla ng pamilya nila, pero nabigo lang sila. Nakadagdag pa nga ang pagkakasuspinde ng nanay nila sa trabaho. Aksidente kasi nitong naturukan ng maling gamot ang isang batang pasyente nito. Namatay iyon at mabuti na lang at hindi na kinasuhan ng pamilya nito ang nanay nila.

Nagkabaon-baon na sila sa utang. Naputulan ng kuryente. Naputulan ng tubig. Hindi kasi tanggapin sa trabaho ang nanay nina Richard dahil sa mga nangyari. Ipinagbili na rin nila pati ang bahay na naipundar nila. Nangupahan sa isang maliit na apartment. Napilitang  tumigil ni Richard sa pag-aaral para makatulong sa pamilya. Sayang, nasa fourth year high school na kasi siya noon. Kaso, no choice talaga siya. Maging si Cherry nga ay gusto na ring tumigil para bawas gastusin, kaso, ayaw naman ni Richard.

"Hindi ka p'wedeng tumigil. Ako'ng bahala sa pambayad mo sa school." Ito ang sabi ni Richard sa kapatid niya. Namasukan siya sa isang hardware shop. Helper, underage pa nga siya at ayaw pa sanang tanggapin, kaso nagpilit siya. Tinanggap din siya kahit wala pang 18. 150 ang arawan sa trabahong iyon. Buhatan kung buhatan. Pinagtawanan pa nga siya noong una. Patpatin nga kasi siya. Pero tiniis ni Richard ang hirap at bigat ng trabaho. Tumagal siya. Mas nauna pa ngang mawala ang mga mas malalaki kaysa sa kanya. Ginawa niyang lahat iyon para makatulong sa pamilya. Nawala na sa isip niya ang buhay binata. Pamilya lang ang nasa isip niya. Si Cherry.

*****

ISANG matandang Amerikano ang dumating sa apartment nina Richard, isang gabi. Si Mr. Hanz Smith na nagmamay-ari ng isang malaking electronics shop sa Maynila. Ito pala ang matagal nang sinasabing manliligaw ng nanay nila at mukhang nagkakamabutihan na. Unang kita pa lang ni Richard dito ay masama na kaagad ang kutob niya. Lalo na nang mapansin niyang lagi itong nakatingin sa nakababata niyang kapatid na si Cherry. Dahil doon kaya naisipan niyang kausapin ang nanay niya tungkol dito, kaso, hindi maganda ang kinalabasan.

"Aba Richard! Mas malaki lang ang kinikita mo kaya pati akong nanay mo ay pinipigilan mo kay Hanz. Mabait si Hanz at baka sa sunod ay 'di na natin kailangang magtrabaho. Maiituloy mo na rin ang pag-aaral mo." Ito ang sinabi ng nanay niya. Kahit anong paliwanag ni Richard ay hindi talaga siya paniwalaan ng nanay niya. Sinisiraan lang daw ng binata ito. Wala na tuloy siyang nagawa kundi ang sundin ang gusto ng nanay niya. Pinagsabihan na lang niya si Cherry na mag-iingat. Halos araw-araw kasing nasa bahay nila si Hanz at madalas ay wala si Richard dahil may trabaho siya. Kaso, isang araw...

"Hindi po ako makakasama sa paglipat. Kayo na lang po n'ay, magpapaiwan kami ni Cherry dito. Wala pa rin po akong tiwala sa Hanz na 'yon." Ito ang sabi ni Richard sa planong paglipat nila sa bahay ni Hanz. Hindi niya gusto ito kaya nagalit ang nanay niya.

"'Wag mo na akong suwayin Richard! Ako ang nanay mo kaya dapat ako pa rin ang masusunod, kung ayaw mong sumama... Sige! Maiwan ka rito... perosasama si Cherry sa akin!" Akala nga ni Richard ay hindi sasama si Cherry sa nanay nila kaso, mali siya.

"S-sorry k-kuya..." Umiiyak si Cherry noon, pero mas pinili niya ang nanay nila.

NAKAKABINGING katahimikan. Naiwan si Richard na tulala sa loob ng bahay nang umalis ang kapatid at nanay niya. Naiwan siyang mag-isa. Napariwara si Richard nang mangyari iyon. Natuto siyang uminom ng alak. Natanggal din siya sa trabaho. Napalayas sa apartment kaya kung saan-saan napadpad. Hanggang sa napadpad siya sa Payatas. Nagkataon na may kakilala siya roon. Naisipan na rin niyang doon na tumira. Libre, at walang babayaran. Huwag lang magpapahuli. Nahirapan siyang makahanap ng trabaho dahil hindi man lang niya natapos ang high school. Dahil doon kaya naisipan na lang niyang magbasura. Maraming basura sa Payatas kaya hindi siya mawawalan ng kahit kaunting kita.

Madalas nga lang siyang nalulungkot kasi nami-miss na niya ang pamilya niya, lalo na si Cherry. Kaya nga ngiting-ngiti siya nang bigla siyang puntahan ng kapatid, isang umaga. Gulat na gulat siya. Agad niya rin itong niyakap. Nag-sorry rin. Tumakas lang daw ito. Natatakot na nga rin daw ito kay Hanz. Mabuti na lang at wala nangyayaring masama rito.

"Cherry, h'wag ka nang bumalik doon..." sabi ni Richard.

"Sorry kuya. Hindi ko p'wedeng iwanan si Mama..." malungkot namang sinabi ng kapatid niya.

"Pero kuya. Magkikita pa rin tayo... promise!" Doon na nga sinabi ni Cherry na every first and last Sunday ng buwan ay magkikita sila sa SM Manila. Tatakas daw siya para makasama ang kuya niya. Kaso nitong mga huling buwan ay napakadalang na. Mukhang hindi na siya makatakas dahil nalaman na ito ng nanay nila.

Nalaman na rin ni Richard na nagbabalak na pala si Hanz na lumipat sila sa America. Dahil doon kaya nagkamalabuan lalo siya at ang nanay niya. Ilang buwan na rin lang daw at aalis na sila. Inaayos na lang daw ang mga papeles.

****

"Hindi po n'ay totoo 'yan. Siguro, ikinulong n'yo na naman siya para hindi makapunta rito," sabi ni Richard sa nanay niya nang nasa mall sila. Kasalukuyan ding kasama ng binata si Ruby.

"Bakit kasi hindi ka na lang sumama? Ang tigas-tigas talaga ng ulo mo!" sagot naman ng nanay niya. Napatingin na rin ito kay Ruby na kasalukuyang nasa likuran ng binata.

"At sino 'yang kasama mo? Live-in partner mo? Ang bata-bata mo pa..." Pero hindi na iyon sinagot ni Richard. Agad niyang hinawakan ang braso ni Ruby at nagmamadaling lumabas ng mall. Inangalan naman ito ng dalaga.

"B-bakit lumabas na tayo? Gusto ko pang maglibot sa malaking bahay na iyon..." Pero bingi si Richard sa mga sinabing iyon ni  Ruby. Mabilis silang sumakay sa jeep. Nakauwi sila nang maayos. Asar na asar naman ang dalaga dahil sa inaasal ng binata. Pero wala naman itong nagawa.

"T-teka nga. Sino ba ang babaeng nakausap mo kanina?" biglang naitanong ni Ruby kay Richard na kasalukuyang nakahilata ng upo.

"Siya ang nanay ko..." mahinang sabi ng binata. Bigla namang nalungkot si Ruby nang marinig iyon. Napayuko. Biglang napahikbi, nabigla tuloy si Richard.

"Mabuti ka pa pala... may ina pa..." sabi ni Ruby at nagulat ang binata nang makitang umiiyak ito.

Next chapter