NAKATULALA si Nana habang nakahiga sa kama. Iniisip nito ang nangyari kahapon. Iniisip nito kung sino ang gustong pumatay sa mga ito? Napakurap si Nana nang may nahulog na kung anong bagay. Tinignan nito iyon at nakita ang picture frame ng kakambal.
Pinagsisisihan ni Nana ang nangyari noon. Hindi nito alam kung ano ang ginawa nina Paulo kay Tina pero hindi na ito nagpakita pagkatapos noon. Inisip ni Nana na patay na ang kakambal. Tina... posible kayang...
Napakaimposible namang makapatay ito kung patay na ito pero... kapag ang isang taong pinatay at walang hustisiyang nakamit ay hindi ito matatahimik. Tina... Ikaw ba talaga? tanong ni Nana sa isipan.
Nabigla si Nana nang may yumapos dito mula sa likod.
"Kung ako nga, mahal kong kapatid. Hahadlangan mo ba ako?"
Nanigas ang buong katawan ni Nana dahil sa lapit ng bibig ni Tina sa tainga nito. "Ti-Tina? Ikaw ba talaga 'yan?" nauutal na tanong ni Nana, takot na takot.
"Pipigilan mo ako, tama ba? Dahil nasa 'yo na si Jacob at hindi mo siya kayang saktan. Ito lang ang masasabi ko, Nana. Huwag kang maniniwala o magtitiwala sa mga nakikita mo ngayon. Hanggang sa muli, kapatid. Hindi ka pa rin makakaligtas sa aking paghihiganti." At biglang nawala si Tina na parang bula.
Si Nana naman ay naiwang nakatulala. Huwag maniniwala o magtitiwala sa nakikita ko ngayon? Anong ibig sabihin niya? tanong ni Nana sa sarili.
Tinawagan ni Nana si Jacob at pinapunta ito doon. Hindi naman nagtagal ay kaharap na ni Nana ang binata.
"Ano'ng gusto mong sabihin, Nana?" tanong ni Jacob, nakatayo ito sa pintuan ng kuwarto ni Nana.
"Pumasok ka muna dito, Jacob," malungkot na sambit ni Nana. Alam ni Nana na hindi ito mahal ni Jacob bilang ito. Matagal na iyong nararamdaman ni Nana.
Lumapit naman si Jacob at umupo sa kabilang bahagi ng higaan ni Nana.
"Jacob, sa tingin ko alam ko na kung sino ang pumatay kina Paulo at Kristoff," ani Nana.
Walang bumakas na emosyon sa mukha ni Jacob, ngumisi pa ito. "Manghuhula ka na pala ngayon, Nana? Huwag mong gawing biro ang buhay nina Paulo," anito, hindi naniniwala kay Nana.
"Jacob, totoo ang sinasabi ko. Si Tina. Si Tina ang pumatay kina Paulo."
Hinawakan ni Jacob ang magkabilang balikat ni Nana, niyugyog ito. "Nababaliw ka na ba, Nana? Paano napunta si Tina sa usapan na 'to? Hindi kayang pumatay ni Tina. Nakakasiguro ka ba na siya? May ebidensiya ka ba?" bulyaw ni Jacob.
Napaiyak si Nana dahil doon, nakaramdam na naman ito ng inggit kay Tina. "Jacob, siya pa rin, hindi ba? Siya pa rin ang mahal mo, hindi ba? Bakit hindi na lang ako, Jacob? Ano bang mayroon sa kanya na wala sa akin? Patay na si Tina, wala na tayong magagawa doon. Ilang beses na siyang nagpakita sa akin, at sinabi niya sa akin lahat. Gumising ka na sa kahibangan mo, Jacob. Kailangan na nating tanggapin na wala na si Tina." Hindi na napigilan ni Nana ang sarili. Matagal na nitong minahal si Jacob. Pero hanggang ngayon, parang rebound lang ang turing dito ng binata.
"Huwag na huwag mo 'kong pangunahan sa mga gusto kong gawin, Nana. Alam mo naman din na hindi ko kayang magmahal kung hindi si Tina. Pero pinilit lang ako ng barkada natin. Napilitan lang tayo. At pumayag ka. Sinabi mong hindi ka magrereklamo. Mahal ko si Tina, wala kang magagawa doon," sabi ni Jacob, diniinan ang pagkakahawak sa mga balikat ni Nana.
"Aray," napangiwi si Nana. "J-Jacob, nasasaktan na ako."
Binitawan ni Jacob si Nana at umalis nang hindi nagpapaalam.
NASA isang sikat na bar si Jacob, madalas itong nagpupunta dito tuwing naaalala si Tina. Tina, patay ka na ba talaga? tanong nito sa isipan. Umiinom ito mag-isa. Kanina pa itong nilalapitan ng mga babae ngunit hindi nito pinapansin. Si Tina lang ang maganda sa paningin ni Jacob at wala nang hihigit pa doon.
Gulat na napatayo si Jacob nang mahagip ng mga mata ang babaeng kinahuhumalingan at minamahal hanggang ngayon. Palabas na ito ng bar. "Hindi ako nagkakamali. Si Tina 'yon," sambit ni Jacob sa sarili.
Sinundan nito ang babae at nakitang pasakay sa isang kotse. "Tina!" tawag ni Jacob dito.
Lumingon ito kay Jacob, walang emosyon. Binalewala lang nito si Jacob bago sumakay sa kotse. Hindi alam ni Jacob kung ano ang magiging reaksiyon. Maging malungkot ba dahil parang kinamumuhian ito ng babae o maging masaya na buhay ito at walang nangyaring masama? Makita lang nito na buhay si Tina ay mapapanatag na ang kalooban ni Jacob. Pero buhay pa nga ba si Tina?
Available na po ang physical copy ng kwentong ito! (^~^) Just message me to inquire or order. Thank you! (^.^)
FB: Alina Genesis