webnovel

Iisang Kwento

Alam kong habambuhay magtatanong si Sept kung bakit ko ginamit ang anyo ni Wallace habang kausap ko sya sa loob ng isang tibok. Magkaiba sila ng pinagdaanan. Si Wallace na isang Pastor na madaming pinagdaanan bago matutunan lahat ng nalalaman niya ngayon. Madaming nawala sa kanya. Nawalan sya ng isang ama na nag ampon sa kanilang magkapatid. Nawalan din sya ng tiwala sa sarili. Kinain sya ng madidilim na alaala. Muntik na syang sumuko pero sa huli, namulat ang mga mata niya para magtiwala.

Plano ko nang maging magkakilala sila ni Sept dahil hindi sila nagkakalayo ng nararamdaman. Pareho nilang sinarili ang mga pagsubok. Kaya kinailangan silang magtagpo sa isang lugar kung saan naging pinaka mababa silang pareho. Lugar kung saan nawala ang lahat sa kanila.

At makita ni Sept na magtiwala sa iba. Kahit sa bago lamang nyang nakilala. Kaya hindi dapat magtaka ang lahat ng tao na lahat ng mga matalik nating mga kaibigan ay minsang mga estranghero sa buhay natin.

Pero magkakadugtong ang buhay nilang lahat. Pareparehong nasasaktan, parepareho ding sumasaya.

Habang nakasakay sila sa iisang bus papasok ng trabaho, o papunta sa lugar kung nasaan mang plano nilang pumunta.

Hindi nila alam na ilang beses sa buhay nilang nakasalubong ang isa't isa. May mga pagkakataon ding nagkausap sila sa isang mahabang pila sa take out ng isang fastfood chain. Nakiusap si Sept na aalis muna sya ng pila dahil ihing ihi na sya, pumayag naman si Wallace na nasa likuran niya.

Hindi na nila maaalala na may isang internet meme na ginawa si Wallace na talagang natawa si Sept kaya niya na like at na share.

hindi din nila alam na bago pa man din maging Pastor si Wallace, may mga parehong mga technical seminars silang na attend-an ni Sept. Ilang mga writing seminar at ilang mga online campaign na parehong sinalihan.

Malaking malaki ang plano para sa lahat. May mga pagkakataong hindi nila maintindihan.

Ang paglaki ni Wallace na hindi kilala ang tunay na magulang,

ang pag aampon sa kanya ng isang Pastor,

ang paglaki ni Sept na walang tatay,

ang paghihirap ng sariling ina,

ang paghihiwalay ni Sept at ni Elya,

ang pagtatagpo ni Wallace at ng kasintahan na si Emma dahil sa sakit niya.

Hindi nila maiintindihan kung bakit, pero kapag nakita nila ang malaking plano na nakahanda para sa kanilang lahat, ang plano para sa kabuuan ng pagkatao nila, makikita nila na lahat ng nangyari ay parang piraso ng isang magandang larawan.

Naunawan ni Wallace ang kapiraso ng planong 'to. Naintindihan nya na hindi niya maiintindihan ang kabuuan. Pero, natutunan niyang magtiwala para sa mabuti. Kaya kung meron syang pagkakataon, bumabalik sya sa tulay kung saan niya pinlanong tapusin ang sariling buhay.

Hindi para ulitin ang mali niyang naplano, kundi para maalala na lahat ng sakit ay may dahilan. Yun, at para kung sakaling may mga katulad niyang nalilito sa plano para sa kanila, masasabi niya ang mabuting balita na nakuha niya. May pag-asa.

Ilang beses syang bumubulong ng panalangin sa gilid ng tulay. "Kailan ba mawawala ang sakit, Panginoon?"

Hahawakan ako ang likod niya. Binibigay ang lakas ng loob na dala dala niya lagi. Hindi nawawala ang sakit, pero lumalakas sya para labanan ang sakit. Tinuturing niyang aral ang sakit para bumangon. Para maalalang dumalaw sa tulay at matagpuan ang mga taong nalilito, katulad ni Sept.

Lahat ay may plano.

Hawak ko ang ngayon ang sulat ni Sept ng mga alaala niya ng pagkakakilala sakin. Lahat ng mga natutunan niya sa camp kung saan sya unang sumulat. At lahat ng blankong papel ay dinagdagan ko ng kwento niya ng mga panahong kasama ko sya sa loob ng isang tibok.

At dinadagdagan ko ng mga bagay na hindi niya alam kaya hindi niya kayang isulat.

Nilagay ko lahat ng mga hindi niya nakita pero kasama sa plano ng buhay niya. Balang araw, kapag magkakasama na lahat ng tao sa iisang lugar kung saan sila masaya, makikita nila na pinag-isa sila ng pagmamahal at pakikipag kapwa tao - ng iisang pag-asa.

Makikita nila na hindi sila iba sa iba.

Hindi man alam nila Sept at ni Wallace, pero nakatakda silang maging matalik na magkaibigan. Maraming mga pagkakataong magiging malaking tulong sila sa ibang mga taong katulad nila.

May mga tanong parin si Sept, kahit si Wallace. Pero patuloy silang maglalakad. Pasulong man, o magpapahinga o madadapa. Ang mahalaga, magpapatuloy.

Alam kong may mga pagkakataon parin sa buhay nila na malilimutan nila ang mga nangyari. Lalo na si Sept. Alam kong may mga pagkakataong iisipin niyang panaginip lang ang mga nangyari.At maaring totoong panaginip lang lahat. Pero alam kong sa lahat ng mga napagdaanan niya sa labas ng isang tibok, lagi niyang maiisip na totoo ang pagmamahal na binigay ko sa kanya. Darating ang panahon na magiging malabong alaala ang lahat at magkakaron ulit ng pagkakataong madadapa sya. Magkakaron ng pagkakataong mawawala ulit ang diretso niyang tingin sa plano, pero alam ako, sa grupo ng mga taong makikita niya, na sila ang magpapaalala sa kanya ng pagmamahal.

Laging may boses ang pagmamahal sa buhay ng bawat isa. Maaaring sa paligid, maaaring sa ilang taong kakilala natin, o hindi natin kakilala. Sa mga kaibigan at sa mga magiging kaibigan pa lang, maririnig nila ang boses na gusto nilang marinig, ang salitang kailangan nilang dalhin sa gitna ng problema.

Dugtong dugtong ang istorya ng buhay nila.

Kung sakaling babangon ang isa, matutulungan niya ang isang nadapa, para sa pagbangon nito, makatulong ito sa ibang patuloy na nadadapa.

Naikot ang oras sa iisang mundo.

Madami man ang kwento ng buhay ng mga tao sa mundo, iikot at iikot ang oras kasabay ng paglalakad nila sa iisang lupa, paglalakbay sa iisang landas. Hindi magiging imposible na makita nila ang mata ng bawat isa na katulad ng kanila; ang kahinaan ng bawat isa na katulad ng kanila.

Magkaiba man ng pinagmulan, magkaiba man ng nilakaran, iisang lakas ang pinanggagalingan. Iisang liwanag ang balak sundan. Parehong natututo sa bawat alaala.

Ngiti. Luha. Tapang. Lakas.

Bawat hakbang, may mga kwentong magdudugtong.

may kwentong nangyayari sa haba ng madaming taon.

At may mga kwentong nangyayari sa loob ng iisang tibok.