webnovel

Kabanata 58

Kabanata 58

Sa loob ng ilang segundo, wala kaming ginawa ni Apollo kung hindi ang tumitig sa isa't isa. Halos ayoko ring kumurap na para bang mawawala siya 'pag ginawa ko 'yon. Bukod pa ro'n, wala akong maisip na salitang sasabihin sa kanya. Kahit pa ilang beses ko nang inisip sa utak ko kung pa'no ko siya kauusapin, mahirap pa rin talaga.

"M-Maureen. . . Totoo nga! Nandito ka nga!" hindi makapaniwalang sambit ni Apollo, kaya't nabasag ang nakaiilang na katahimikang bumalot sa aming apat.

"Zeus, I think we should leave them alone," saad ni Marquita sabay hawak pa sa braso ni Zeus.

Mabilis namang sumunod si Zeus sa kanya nang hilahin niya ito, kaya naiwan kaming dalawa ni Apollo na para bang kapwa hindi alam ang gagawin. Tumikhim na lamang ako at naupo sa katapat ding couch na kinauupuan niya.

"Uh, kararating ko lang k-kahapon," sabi ko naman sa kanya. "K-Kamusta ka na?"

Parang gusto kong sampalin ang sarili ko ngayon. Ano ba'ng problema at nauutal na naman ako? Para naman akong hindi artista sa ginagawa kong 'to. Pero paano ba naman kasi umakto nang normal, kung ganito kagrabe ang pagpintig ng puso ko?

"Okay naman!" sagot niya pagkatapos ay yumuko at tuminging muli sa akin na may malawak na ngiti sa mga labi. "Na-miss ka."

Napakagat naman ang mga labi ko. "Talaga ba?"

"Oo naman!" sagot naman niya. "Teka, ikaw? Kamusta ka? Congrats sa show mo. Sikat na sikat siya."

Napangiti naman ako. "Hindi ko nga rin akalain, e. Hanggang ngayon, para pa rin akong nananaginip."

"So, ano na'ng sunod mong plano?" tanong pa niya sa akin.

"I actually decided to leave the industry," seryosong sagot ko sa kanya at napangiti nang matipid.

"B-But why? Maureen, sayang!" kaagad naman niyang giit sa akin.

"Well, I always have this feeling na hindi ako nababagay sa mundo na 'yon. Like, I could survive, but I am not happy. Kaya, I decided na mag-culinary arts sa San Marcos," sagot ko sabay ngiti pa ulit sa kanya.

"San Marcos?" napakunot ang noo niya at tila ba takang-taka siya. Napatawa na lang ako nang bahagya.

"Dito na 'ko titira sa Doña Blanca, Apollo. For good," sagot ko naman sa kanya.

Napaawang naman ang mga labi niya nang sabihin ko 'yon. "Seryoso?"

"Hmm!" Tumango-tango ako habang nakangiti. Pagkatapos ay nagtanong ako, "Hindi ka ba. . .natutuwa? Hindi mo na kailangang mag-drive nang malayo kung gusto mo 'kong makita. . ."

"Of course, I'm happy! 'Di ko lang talaga ine-expect," sagot naman niya sa'kin.

Tanging ngiti lang naman ang naisagot ko sa kanya. Maya-maya naman ay tumayo siya para tumabi sa akin. Akala ko kung ano ang gagawin niya. Inilapit niya ang labi niya sa tainga ko at bumulong.

"Wanna go out?"

Pinaningkitan ko naman siya ng mga mata. "At sa'n mo naman ako balak dalhin?"

"Convenience store," sagot niya at lumayo sa'kin. "The usual."

Napatango naman ako at napangiti nang matamis. Ilang buwan ko ring na-miss ang mga madaling-araw at gabing dadaan kami sa convenience store para bumili ng kape. Sa loob ng isang linggong pagsama niya sa'kin noon, parang naging routine na rin naman 'yon. At ngayong naalala ko ang mga 'yon ay hindi ko napigilan ang paglundag ng puso ko. Nasasabik akong gawin ulit 'yon.

"Game!" sabi ko at tumango.

Kaagad naman niyang kinuha ang kanang kamay ko. Mabilis ko namang kinuha ang clutch kong nakapatong sa mesa at tumayo. Hinayaan ko ang sariling magpatangay sa kanya hanggang sa makalabas kami ng bar niya. Diretso rin kaming sumakay sa kotse niya at ilang sandali pa'y nasa loob na kami ng isang convenience store.

Tahimik na tahimik ang gabi at kami lang dalawa ang tao bukod sa dalawang staff na nandoon. Halata ko ang pagkagulat nila nang makita ako, pero hindi sila nagtanong sa akin. Nahuli ko naman silang nagbubulungan, pero hinayaan ko na lang.

Wala na akong pakialam sa ngayon kung ma-issue man ako. Ang mahalaga, handa na akong harapin 'yon kung sakali man. Dahil sa pagkakataong 'to, wala na akong itatago bukod sa tunay na katauhan ko. Pero pagdating sa taong mahal ko, hindi na ako maglilihim pa. Proud akong ihaharap siya sa mga tao.

"Maghintay ka na lang kaya sa kotse?" tanong ni Apollo habang abala sa pagkuha ng pagkain.

Napailing naman ako. "Dito na lang tayo kumain. Wala namang tao."

"Pero pa'no ka?" nag-aalalang tanong pa niya sa'kin at makahulugang tumingin sa mga staff na nandoon sa counter.

"Okay lang 'yon. Wala na 'kong kinakatakot," sagot ko naman at ngumiti. Kumuha naman ako ng isang tinapay mula sa shelf. "Mukhang masarap 'to, oh."

Matapos ang ilang minutong pamimili ay binayaran din namin 'yon. Dumiretso naman kami sa isa sa mga mesa sa loob ng convenience store at doon nanatili. Magkatapat kami ng upuan habang sa mesa namin ay naro'n ang mainit na kape at ang tinapay na binili namin.

"Na-miss ko 'to, a," sabi ko matapos humigop ng mainit na kape. "Tsaka, ikaw rin. . .Na-miss kita."

"E, bakit 'di ka nagre-reply sa mga text at DM ko sa'yo?" Napanguso pa siya nang itanong sa'kin 'yon.

"Syempre, ayoko munang ma-distract. Gusto ko, maayos ko muna lahat-lahat bago kita tuluyang bigyan ng chance," paliwanag ko naman sa kanya saka humigop muli ng kape.

"Ngayon ba ayos na lahat?" tanong niya pa sa akin.

"Oo," sagot ko at humigop ng kape upang itago ang pagngiti ko.

"So, bibigyan mo na 'ko ng chance?" tanong niya habang may ngiti sa mga labi niya.

"Hindi pa ba obvious?" tanong ko naman sa kanya sabay kagat ng ibabang labi ko. Ngunit kahit ginawa ko na 'yon ay 'di ko pa rin mapigilan ang pagngiti ko.

"Totoo? Seryoso?" magkasunod na tanong niya. Inabot pa niya ang kaliwang kamay ko na nakapatong sa mesa at mahigpit na hinawakan. "Wala nang bawian 'yan, a!"

"Oo." Napatango-tango ako. "Wala na talagang bawian."

"Yes!"

Natawa na lang ako sa kanya nang mapangiti siya nang malawak at napasuntok pa sa hangin. Ang gwapo niya talaga lalo kapag nakangiti. Mas numinipis Ng mga labi niya at mas lumilitaw ang mapuputi niyang mga ngipin. Isa pa ay lumalabas din ang biloy niya sa kaliwa niyang pisngi.

"Buti na lang talaga 'di kita sinukuan," dagdag pa niya habang hawak-hawak ng dalawang palad niya ang isang palad ko.

Napatawa na lang ako at napailing. Pero matapos 'yon ay may sumagi sa isip ko, kaya't napaayos ako ng upo at nagseryoso na. Ipinatong ko pa ang isa ko pang kamay ko sa mesa.

"Sana 'wag mong sayangin 'yung chance na binigay ko sa'yo. . . Alam mo naman kung ga'no 'ko nasaktan dati, 'di ba?"

"Tsk. Ano ka ba naman, Mau," sabi niya at kinuha ang isa ko pang kamay. Pinagdikit niya 'yon at mahigpit na hinawakan. "Syempre, gagawin ko ang lahat para 'di ka masaktan."

Pagkatapos sabihin 'yon ay dinampian niya ng marahang halik ang ibabaw ng mga palad ko. Napangiti tuloy ako nang malawak dahil doon.

"Masaya ako, Apollo. . ." Pinagpalit ko ang pwesto ng mga palad namin. "Na ikaw ang makakasama ko sa bagong yugto ng buhay ko. Ikaw ang bagong simula ko."

Napailing naman siya habang nakangiti. "Grabe, hindi ko akalaing nandito ka sa harapan ko ngayon at sinasabi 'yan. Milagro ba 'to?"

"Baliw ka," sabi ko at napatawa saka tuluyang binitawan ang kamay niya. "Ubusin na nga natin 'to at ihatid mo na 'ko."

Marami pa kaming napag-usapan habang inuubos ang pagkain namin. Mga bagay na ginawa namin noong malayo kami sa isa't isa. Pati kung ano ang gagawin niya kung sakaling nakahanap ako ng iba. At dahil lumalalim na rin ang gabi, nagpasya kaming umuwi na. Syempre, hinatid naman niya ako sa bagong bahay ko.

"It's nice," sabi niya habang natanaw sa gate ko. Nasa loob pa rin kasi kami ng kotse niya.

"Gusto mong pumasok sa loob?" tanong ko sa kanya.

Napalingon naman siya sa'kin at ngumiti. "Hindi na muna. Tsaka na lang."

"Pag sinamahan mo ko mamili?" tanong ko naman sa kanya.

Kanina kasi, inaya ko rin siyang samahan akong mamili ng mga stocks. Pati na rin ang mga kailangan ko para sa birthday ko. Plano ko kasing magluto lang ng kaunting pagkain para sa pamilya ko. Simpleng birthday lang talaga. Nakaka-miss na rin kasi ang gano'ng buhay.

Napatango naman siya habang nakangiti pa rin. "Goodnight."

"Hmm. Goodnight," tugon ko sabay ngiti sa kanya pabalik.

Pagkatapos noon ay tuluyan na akong bumaba sa kotse niya. Tumayo lang ako sa labas ng bahay ko habang hindi pa rin siya umaalis. Kumaway pa ako sa kanya nang umandar 'yon hanggang sa tuluyan siyang makalayo. Matapos no'n ay saka lamang ako pumasok nang tuluyan sa loob ng bahay ko.

Pagkapasok ko ng bahay ay dala ko pa rin ang matamis na ngiti sa mga labi ko. Alam kong hindi pa gano'n katagal ang pagsasama namin ni Apollo, at kahit ngayon ay 'di pa ako sigurado kung siya na nga ba talaga ang para sa'kin. Pero isa lang ang alam ko; hindi pa ko naging ganito kasaya. Kahit kay Zeus, hindi ganitong tuwa ang naramdaman ko. Kaya alam ko, iba talaga si Apollo. Iba siya.

* * *

Habang hindi pa sumasapit ang kaarawan ko ay naisipan ko naman nang papinturahan na ang bahay. Para naman kahit papaano ay gumanda na ang hitsura no'n.

"Akala ko'y di pa handang muling tumibok ang damdamin. . ."

Pakanta-kanta pa ako habang nagpupunas ng mesang kinainan ko nang makarinig ako ng door bell. Sa palagay ko naman ay iyon na ang mga trabahador na kinuha ni Apollo para magpintura sa bahay ko. Kaagad naman akong lumabas para pagbuksan ang mga 'yon.

"Oh, Miss Maureen! Ikaw po pala may ari ng bahay?" gulat na tanong ng isang trabahador sa akin.

Tanging tango lang ang naisagot ko dahil ang mga mata ko ay nakatuon sa isa nilang kasamahan na noon ay nakayuko. Pero kahit pa hindi masyadong kita ang mukha niya, alam na alam ko kung sino 'yon. Si Jacob. . .

"Uh, Ma'am, pasok na ho kami?" tanong ng trabahador sa akin, kaya nabawi ang tingin ko kay Jacob.

Napakurap ako at tumango. "Sige, pasok kayo.

Nilakihan ko ang bukas ng gate para makapasok sila. Maagap ko ring isinarado 'yon at nagtungo naman sa pintuan ng bahay ko para buksan din 'yon. Una kasi nilang pipinturahan ang loob.

"Nag-umagahan na ba kayo?" tanong ko pa sa kanila.

"Oho, Ma'am," sagot naman ng isa.

Napatango akong muli. "Sige, kung may kailangan kayo, sabihan n'yo lang ako, ha?"

Isa-isa na silang nagtungo sa pwesto nila para masimulan ang pag-aayos bago sila magpintura. Nang akmang susunod na sa kanila si Jacob ay kaagad ko naman siyang pinigilan.

"J-Jacob, sandali. . . Pwede ba tayong mag-usap?" tanong ko sa kanya.

Napaangat naman ang tingin niya sa'kin at sinalubong ako ng mga mata niyang tila naghahalo ang lungkot at galit.

"Please, Jacob, kausapin mo naman ako. Magkaibigan pa rin tayo," pakiusap ko pa sa kanya.

"Mamaya na lang siguro. Pagkatapos namin," walang emosyong sabi niya, kaya dahan-dahan kong nabitawan ang braso niya.

"S-Sige," pabulong na sabi ko at wala sa sariling tumango.

Habang abala naman sila sa pagtatrabaho ay pinagmasdan ko lang sika. Lalo na si Jacob. Masakit isiping marangya na ang buhay ko habang ang kaibigan ko, heto't naiwang naghihirap pa rin. Hindi ko tuloy lubos na maisip kung ga'nong pagdurusa kaya ang dinaranas niya. Kung kaya ko lamang siyang tulungan ay gagawin ko.

Hinayaan ko na lamang siyang magtrabaho. Baka naman sa pagkakataong 'to ay pakikitunguhan na niya ako nang maayos. At baka rin sabihin na niya sa akin ang dahilan kung bakit naging gano'n siya; kung ano'ng nangyari sa kanila ni Danica.

Kaya matiyaga akong naghintay hanggang sa matapos sila. Nagpa-deliver naman ako ng meryenda para sa kanila. At habang abala sa pagkain ang mga kasamahan niya ay nilapitan ko siya.

"Jacob," pagtawag ko sa kanya.

"Pwede ko bang iuwi na lang 'to?" tanong niya sabay angat ng pagkain niya.

"Hmm!" Tumango ako. "Oo naman! Kaso, hindi ka ba magugutom?"

"Ayos lang ako," sagot naman niya at napatingin pa sa paligid. "Ibang-iba na talaga buhay mo, 'no?"

"Pwede na ba tayong mag-usap?" tanong ko naman sa kanya na hindi pinapansin ang puna niya.

"Ano ba'ng gusto mong pag-usapan, Miss Maureen?" tanong naman niya sa akin.

Napaawang naman ang mga labi ko dahil doon.

"Maureen na lang. Ako pa rin naman 'to. . . 'Y-'Yung kaibigan n'yo," giit ko sa kanya.

"Totoo ba?" tanong naman niya sa akin na parang nagdududa pa.

"Jacob, kahit ano'ng yaman ko, hindi ko kayo kinalimutan!" pagtataas ko ng boses. Napatingin naman ako sa mga trabahador na nanonood na pala sa amin ngayon. Nahiya tuloy ako dahil doon.

"Pasensya na kayo," paumanhin ko sa kanila.

"O-Okay lang po!" sabi ng isa. "Lalabas na lang po muna kami."

Nang makaalis sila nang tuluyan ay saka ko ulit hinarap si Jacob. Napabuntong-hininga ako bago muling magsalita.

"Bakit mo naman ba iniisip na nag-iba ako, ha? Alam mong 'di ako gano'ng klase ng tao," may bahid ng inis na sabi ko sa kanya.

"Pasensya na, Maureen," paumanhin naman niya "Siguro nadala lang ako kay Danica."

Napaayos naman ako ng tayo dahil doon. Napaawang din ang mga labi ko at napakunot ang noo.

"Bakit? Ano ba talagang nangyari kay Danica?" takang tanong ko sa kanya.

Sa pagkakataong 'yon ay siya naman ang nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

"Mahaba-habang kwento, e. Umupo muna tayo?"

Napatango naman ako at iginiya siya patungo sa sofa ko. Hindi pa naman kasi nila pinipinturahan ang gawing 'yon, kaya nandoon pa 'yon. Pero mamaya lang ay ipaaalis ko na rin ito.

Nang tuluyan kaming makaupo ay saka niya kinuwento ang lahat sa akin. At maging ako rin ay hindi makapaniwala sa nangyari sa kanila. Hindi ko alam kung maaawa ba ako kay Danica o magagalit. Pero kung ako man ang nasa katayuan niya, hindi ko rin alam ang gagawin ko. Kaya aaminin ko, hindi ko rin siya masisisi.

"So, kamusta ka naman na ngayon?" tanong ko kay Jacob. Sa kagustuhan kong alamin ang mga nangyari ay noon ko lang naisipang itanong 'yon.

"Ayos lang naman," sagot niya at matipid na ngumiti.

Pero ang ngiting 'yon ay hindi umabot sa kanyang mga mata. Kaya sa hula ko ay pinipilit lang niyang maging masaya sa buhay niya ngayon. Kahit ang totoo, hirap na hirap siya. Napabuntong-hininga na lang ako sa labis na pagkahabag.

Naisipan ko rin namang mag-alok ng tulong sa kanya, pero tinanggihan naman niya ako kahit pa ilang beses ko siyang pinilit. Naisip ko namang kay Tita Olivia ko na lang idadaan.

Nang kinagabihan naman ay tumawag sa akin si Apollo para mangamusta. Kahit naman nasa iisang bayan na kami ay 'di pa rin kami gano'n kadalas magkita. Alam ko naman na busy rin siya sa bar niya.

"Kamusta naman 'yung mga kinuha ko?" tanong pa niya. Napasandal naman ako sa ulohan ng kama ko.

"Di mo naman sinabi sa'kin na kasama pala do'n si Jacob," sabi ko sa kanya. "Pero salamat na rin. Dahil do'n nagkausap din kami."

"Uh, sinama ko siya kasi, 'di ba, kaibigan mo siya?"

Napatango naman ako kahit 'di naman niya ako nakikita.

"Oo," sagot ko. "Akala ko nga galit pa rin sa'kin, e. Buti nagkaintindihan na kami."

"Bakit naman siya magagalit?" takang tanong pa niya.

"Akala niya kasi, kagaya ako ni Danica na puro pera lang ang iniintindi," sagot ko sa kanya. "Pero hindi naman ako gano'n. Hindi ko rin naman pinili 'tong kapalaran ko, e."

"Tsk. 'Wag mo nang isipin 'yon, okay?" pagpapagaan naman niya ng kalooban ko. "Ang mahalaga, okay na kayo ni Jacob, ng pamilya mo, at matutuloy mo an 'yung pangarap mo."

Napangiti naman ako. "Oo nga."

"Sige, matulog ka na," sagot pa niya. "Ayokong pinapabayaan mo sarili mo."

"Wow ha." Natawa naman ako nang bahagya. "Goodnight."

"Goodnight. Sweet dreams. I. . . I love you," sagot pa niya sa akin.

"Oh, sige na, goodnight na," sabi ko naman habang may ngiti sa mga labi ko. Inayos ko na rin ang kumot ko.

"Wala man lang sagot?" may pagtatampong tanong niya.

"Wala pa," mapang-asar na sagot ko. "Sige na."

"Sige na nga. Sleep well," parang napipilitan pang sabi niya. Natawa na lang ako at pinatay na ang phone ko.

Itutuloy. . .

ตอนถัดไป