Ilang libong taon na akong naglalakbay sa mundo ng mga tao. Dala-dala ang isang kuwentong humulma ng kasaysayan ng dalawang daigdig. Ito ang storya ng maalamat na paglalakbay sa mahiwagang mundo ng Enderia.
Tuwing panahon ng tagsibol, ilang libong taon ng nakakaraan. May isang kahariang matatagpuan sa hilaga, mula sa pinakatuktok ng nag-iisang bundok, masisilayan ang isang mala-bahagharing dala ng maulap na kalangitan na siyang nagsasara ng kaharian mula sa mata ng mundo ng mga tao. Ang kaharian ng naglilitawang mga isla ng mga Avials. Ang kahariang ito ay tanging nagsisilbing tulay ng dalawang mundo, ang mundo ng Enderia at ang mundo ng tao. May mga alamat na nagsasabing ang tanging makakakita ang makapaglalakbay sa kahariang iyon ay ang pinili. Isang taong itinakda upang pag-isahin ang pitong kaharian sa mundo na aking pinanggalingan. Ngunit ito'y nangyari na. Nagsimula ang lahat mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan.
Ang mundo ng Enderia ay isang mapayapang mundo ng mga mahiwagang nilalang na di makikita sa mundo ng mga tao. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa tao sa lakas, kapangyarihan at abilidad, di maipagkakailang may mga nilalang na malapit ang pisikal na katauhan ng mga tao. Sila ang tinatawag na Avials, ang mga nilalang sa kaharian ng Azerfaeil. Sila ang tagapagbantay at nagsisilbing tulay ng dalawang mundo. May kakayahan silang lumipad gamit ang mala-kristal na pakpak at kakayahang manipulahin ang takbo ng hangin. May limang maliliit na islang nakapalibot sa kahariang ito, ang Yvandri crystalia. Sila ang nagsisilbing gabay at ang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga Avials sa loob at labas ng kaharian. Ito ay isa lamang sa mga mahahalaga't tanging pinoprotektahang reliko ng nagdaang Adryia.
Ang namumuno sa pangangalaga sa kahariang ito ay si Fredriez, isang malapit na kaibigan at kanang kamay ng hari. Siya ang isa sa pinakamataas na ranko ng Avials datapwa't napakasimple at maginoo. Palagi itong nag iikot sa buong kaharian hindi lamang upang magsagawa ng mga naatasang gawain kundi't masilayan ang kagandahan ng paligid. Kung mamarapatin, ang buhay sa mundong ito ay hindi malayo sa buhay na meron sa mundo ng tao. May simpleng pamumuhay, pagsasaka, mga tirahang puno ng ngiti at isang kahariang sino man ay gustong manirahan. Ang isa sa mga mahahalagang pagdiriwang ng mga Avials ay ang pagbubukas ng lagusan sa dalawang mundo, ito ay upang bigyang halaga at kilalanin ang mga Avials na naglingkod at nagsakripisyo ng kanilang buhay upang protektahan ang lagusang ito. Maraming handaan, paligsahan gaya ng kanilang bersyon ng tug-of-war sa hangin, mga kantahan at paunahan sa pag-ubos ng inomin na siyang nakuha nila sa mundo ng tao. Di natin namamalayan pero nakakasalamuha natin minsan ang mga Avials bilang tao. Naglalakbay sila rito upang protektahan na rin ang mundo ng mga tao mula sa kamay ng madilim na parte ng mundo ng Enderia, ang kaharian ng Verrier.
At dumating nga ang araw ng pagdiriwang na yaon. Isa sa mga nagsimuno lalo na sa paligsahan ay si prinsesa Andalia, ang nag-iisang anak ng hari. Malarosas na buhok, malambing na boses at napakagandang dilag at ang tanging Avial na may apat na pakpak. Ipinalabas ng hari ang nagbubundukang pagkain at inomin para sa engranding pagdiriwang. Sa bawat sulok ng kaharian ay may ganap, mapa-paligsahan man, inoman o kainan, di mapagkakailang ang Azerfaeil ay isang masaya't mapayapang kaharian.
Pagkatapos ng kainan sa harap ng palasyo, tumango ang prinsesa sa isang paligsahan ng labanan na halos lahat ng katimpalak ay mga mandirigma, kabilang na rito si Fredriez. Sadyang malakas na nilalang si Fredriez at halos lahat ng paligsahang sinasalihan niya ay napapanalunan niya lalo na sa labanan ng espada. Di nakapagtatakang naging kanang kamay siya ng hari. Habang patungo ang prinsesa sa paligsahan o kahit sa paglipad papunta sa iba't ibang parte ng kaharian, di niya maiwasang mamangha sa ganda ng lagusan. Minsan na rin niyang sinubukang tumawid sa lagusang iyon ngunit palaging may nakabantay na mga Golems at sa kaniyang paniniwala, kahit prinsesa siya ay di siya papahintulutang tumawid. Nang makarating sa paligsahan, di maalis sa isip niya ang tungkol sa lagusan at ang mga tanong sa kaniyang isipan.
Lumulubog na ang araw at patapos na ang pagdiriwang subali't patuloy na nagsisiyahan ang mga tao. Ang prinsesa ay nandun lamang sa kaniyang punong tambayan habang tanaw ang lagusan. "Patapos na ang pagdiriwang, huling beses ko na rin masisilayan ang lagusan at maghihintay na naman ng isang taon. Ano nga ba ang naroon sa kabila ng lagusan?"
Umupo lamang siya sa isang sanga at pinagmasdan ang patimpalak ng bigla mabali ang kinauupuan niya. "Ahhhh!!". "Ang lakas nun ah?" tumango si Fredriez, "Prinsesa!". Dali dali siyang huminto sa laban at lumipad patungo sa prinsesa. "May pakpak ka naman ah, bat ka nahulog?". "Ehh kung ikaw na lang kaya gawin kung sanga diyan?!". Napahinto ang lahat ng makita ang prinsesa at yumuko at binati ito. Napatawa na lang ng sandali si Fredriez. Matalik na kaibigan ng hari si Fredriez, bata pa lang ito ay kinopkop na siya ng hari simula ng mamatay sa pakikipagdigmaan ang kaniyang mga magulang laban sa mga Zharun. Kaya't buong puso niyang pinagsisilbihan ang hari at handang protektahan ang prinsesa sa anumang delubyong darating o kahit sa simpleng paghulog lang sa sanga.
"Magbigay pugay! May mahalagang sasabihin ang prinsesa!".
"Malapit na ang gabi, patapos na rin ang pagdiriwang. Magsihanda na kayo at ang naatasang tumango sa Yvandri Crystalia, magbantay kayong maigi! Siguradong may paparating na mga Zharun. Bibigyan kayo ng lakas ng reliko, huwag niyong hahayaang maabot ang Yvandri!". Pagkatapos magsalita ng prinsesa ay sumaludo ang lahat at nagbigay puri, "Masusunod po! Mahal na Prinsesa!" At sabay sabay ng nagsipaghanda ang mga Avials para sa gabing iyon. Di nagtagal ay lumipad patungong palasyo ang prinsesa at nasalubong ang ilang sugatang Avials. "Anong nangyari??!", "Mahal na Prinsesa, mga alagad po ito mula dakong timog ng yvandri crystalia, pawang mga naglalakihang halimaw po ang dumarating, di karaniwang Zharun ang umaatake sa kabila't kanan ng Yvandri." Ilang daang taon na bago nangyari ang ganito, walang Zharun ang may lakas para mapatumba ang mga Avials lalo na sa presensya ng Yvandri. Pumasok na ang prinsesa sa palasyo at sinalubong ang hari dala ang lubos na pag-aalala, "Ama! May ibang nangyayari! May mga umaa.." Natigilan siyang mag-salita nang biglang nagyanig ang buong palasyo. "Alam ko. Anak, manghanda ka na." Nanghihinang sagot ng Hari.
"Ano pong nangyayari??" Nakitang ng Prinsesang may sugat ang ama sa kaliwang turso nito. "Ama! May sugat kayo!" Labis na pag-aalala ng prinsesa. "Huwag mo 'kong alalahanin, tumango ka ngayon sa lagusan, kailangan mong pumunta sa mundo ng mga tao.. kailangan mo ng hanapin ang itinakda!" Pinilit niyang bumangon at nahihirapang magsasalita habang binubuhat siya ng mga katulong na Avials at ilang alagad. "Ang itinakda?? Akala ko alamat lang ang lahat ng iyon!?" Magkahalong pagtataka't pag-aalalang sagot ng prinsesa. "Di ko inaasahang darating siya sa huling oras ng selebrasyon sa araw ng pagdiriwang." Umuubo't naghihinalong sagot ng hari. "Sinong siya ama!?!"
"Fredriez!! Hanapin niyo si Fredriez at pa.." Patuloy na nilalabanan ng Hari ang sakit ng dulot ng sugat subalit wala na siyang lakas upang makipaglaban. "Ama!! Wag kayong tumunganga! Tawagin niyo ang manggagamot! Dali na!" Galit na utos ng prinsesa nang makitang may sabay na dugo sa bawat pag-ubo ng kaniyang ama at di kalaunan ay dumating si Fredriez galing sa labanan, "Mahal na Hari! (Yumuko), di po karaniwang mga Zharun ang kasalukuyang sumasalakay at may paparating pa pong mga halimaw! Kailanga.." Di na siyang nakapagpatuloy ng biglang magsalita ang hari, "Ang propeseya...gawin mo na ang binilin ko sa'yo! Itungo mo ang prinsesa patungong lagusan, gabayan mo siya papunta sa kabilang mundo, magiging ligtas kayo doon at mahahanap niyo ang taong itinakda sa Adryia, ang libro ng propeseya!"
"Ngunit ama!!" Pag-aalangang sambit ni Andalia. "Sige na Fredriez.", Huling utos ng hari at hinila na ni Fredriez ang prinsesa upang makaalis habang patuluy itong nagpipigil. Nang sandaling naroon na sila sa di kalayuan sa gilid ng palasyo papunta sa likod na daanan ng biglang bumukas ng napakalakas ang pintuan ng palasyo. May dilim na unti-unting sumasakop sa loob at labas ng kaharian at kasalukuyang inatake ang lahat ng mga avials at tuluyang kinain ng dilim ang trono ng hari. Tinakpan ni Fredriez ang bunganga ng prinsesa bago pa man ito makasigaw at di napigilang tumulo ang luha ng prinsesa. "Bitiwan mo ko!!" Pagpipilit ng prinsesa ngunit walang magagawa si Fredriez kundi sundin ang utos ng hari. Si Fredriez ang sunod sa nakaka-alam ng alamat at isa sa mga tanging pinagkatiwalaan ng hari sa propeseya. Inasahan na ng Hari na mangyayari ang kakilakilabot na pagbabalik ng reyna ng Verrier. Sa pagtugon ng tagapagbantay ng lagusan, nagsilabasan ang mga tagapagsanggalang Golem at mga malalakas na opisyal ng Avials, ang mga Trinadia. Ang mga magagaling sa larangan ng kapangyarihang dala ng Yvandria. Sabay sabay nilang minanipula ang hangin at nagpalabas ng malalakas na pag-atake sa naglalakasan mga halimaw sa lahat ng sulok ng kaharian. Nagtungo ang ilan sa palasyo at nilabanan ang mga Zharun na gustong kunin ang hari subalit pawang walang sino man ang may lakas upang labanan ang dilim na patuloy na naglilikop sa buong kaharian. Lumipad na si Fredriez kasama ang prinsesa, tanaw mula sa himpapawid ang naglalakasang labanan ng Trinadia at mga Zharun. Maririnig mula roon ang sagupaan ng mga espada at ang malalakas na hanging dala ng Trinadia. Ngunit biglang nawasak ang isa sa mga Yvandri Crystalia nang inatake nito ng isang mala-dragong Zharun. Kung wala ang lakas at gabay ng reliko, manghihina ang lahat ng Trinadia at mawawalan ng lakas sa paglipad ang mga Avials. "Prinsesa! Tara na!" Wala ng magagawa ang prinsesa kundi sundin na din ang gustong mangyari ng ama. "Magiging maayos lang ba ang lahat Fredriez? Sabihin mo!" Nag-aalalang tanong ng prinsesa. "Magiging maayos ang lahat at huwag mo na munang isipin ang bagay na yan." Malapit na sila sa lagusan ng biglang nahila si Fredriez ng isa sa malalakas na nagliliparang Zharun. "Fredriez!!!!!" Gulat at takot ang bumungad sa prinsesa nang makitang papalapit ang mga halimaw. "Prinsesa!! Tumungo ka na! Ikaw lang ang tanging makapaglalakbay at makakahanap sa itinakda! Isa ka sa propeseya! Hanapin mo siya!!" Huling habilin ni Fredriez at nilabanan ang mga Zharun sa himpapawid kasabay ng ilang Trinadia. "Trinadia!! Panahon na!!" Sabay sabay nilang pinalibotan at prinotektahan ang lagusan at nagsumite ng salitang pangsalamangka. "Prinsesa! Magsasara na ang lagusan! Tumawid ka na!"