webnovel

FRIEND OR LOVER

"Salamat po Sir Gab, ha? Kung 'di ka dumating baka nahulog na ako sa hagdanan kanina," anya kay Gab nang alalayan siya nito hanggang makaupo sa single sofa, katapat ng tinutulugan ni Lorie.

Lumuhod ang binata sa kanyang harapan saka pinagmasdan ang kanyang mukha.

"May pasa ka ba? Masakit ba ang pagkakasabunot sa'yo?" puno ng pag-aalala nitong tanong.

Nahihiya siyang ngumiti at hinimas ang nasaktang mga hibla ng buhok.

"Ayos lang ako, hindi ako basta masasaktan sa gano'n lang," sagot niya. "Ikaw, buti hindi ka rin niya sinaktan nang awatin mo kami," dugtong niya.

Kunut-noong napatingin si Lorie sa kanya habang nagtitiklop ito ng kumot na ginamit sa pagtulog.

Umawang ang mga labi ni Gab, tinitigan siyang mabuti, isang minuto marahil ang dumaan bago sumagot.

"Hindi. Kahit masaktan ako, okay lang. Ang mahalaga ay ligtas ka." Matamis na itong nakangiti sa kanya.

Ngumiti na rin siya. Ang bait talaga ni Sir Gab. Lagi na lang siya nitong inililigtas mula sa kapahamakan.

Naguguluhan na uling napatingin si Lorie sa dalawa, lalo na kay Gab.

Dahan-dahang hinawakan ng binata ang kanyang kamay na ikinagulat niya't agad binawi iyon mula dito saka kunwa'y inilagay sa magkabilang gilid ng sofa at tila biglang nakaramdam ng pagkaasiwa.

Bumaling si Gab kay Lorie na nang maunawaan nito ang ibig sabihin ay nagmadaling nagpunta sa loob ng banyo pagkatapos ilagay sa kabinet ang ginamit na kumot.

"Mahal lang talaga kita, Marble. Maniwala ka sanang totoo ang nararamdaman ko para sa'yo," madrama nitong sambit.

"Ha?" naguguluhan siyang napatitig rito.

Ano na naman ba'ng nangyayari? Bakit bumabalik na naman ang lalaking 'to sa pagkapraning?

Subalit wala siyang maisip na isagot kaya alanganin na lang siyang ngumiti.

"Alam mo ba'ng botong-boto si Tita Linda sa'kin para sa'yo? Sabi pa nga niya, susuportahan daw niya ako. Ipu-push pa daw niya ako sayo."

"Ano?!" duon na siya napatayo sa pagkagulat.

"Ano'ng botong-boto? Nakita mo na'ng nanay ko? Pa'no kayong nagkita?" sunud-sunod niyang tanong.

Nalito din ang kausap na napatayo rin.

"Hindi ba sinabi ni Vendrick sa'yong kasama ko siyang nagpunta sa Cebu at hiningi ang mga kamay ng mga magulang mo para maging girlfriend na kita?" balik-tanong nito.

"Ano?!" Lalo siyang nagulat sa narinig. Gusto talaga ng lalaking itong maging mag-jowa sila? Hindi kaya 'to nagdedeliryo?

Mabilis niyang sinalat ang noo nito ngunit sa halip na magtaka ay natawa ito.

"I'm serious, Marble. Mahal talaga kita. Sa tingin mo ba, paulit-ulit kitang ililigtas kung hindi kita mahal?"anito.

Awang ang mga labing napatitig siya sa binata. Seryoso ba talaga 'to? Talagang nililigawan siya? Hindi ba ito natatakot sa pangit niyang pagmumukha at sa kanyang mga pangil?

Napayuko siya sabay kagat ng labi. Ano'ng sasabihin niya? Bakit naman kasi walang sinasabi si Vendrick na kasama pala nito si Gab sa pagpunta sa Cebu. Ang huli pala ang dahilan kung bakit napunta ang giatay na 'yon sa bahay nila, lumaki tuloy ang utang niya.

Muli na namang hinawakan ni Gab ang kanyang mga kamay. 'Di na siya nakapalag, nahihiya na lang napabaling dito.

"Do I have a chance in your heart? I don't want a 'No' for an answer, Marble. Kailangan mong malamang sa'yo lang ako nagkagan'to. Ikaw lang ang babaeng minahal ko nang gan'to," patuloy nito.

Hindi na siya makapagsalita. Tila nalulon na niya ang kanyang dila. Ano ba'ng isasagot niya? Sasagot ba siya?

'Relaks, Marble. Parang si Vendrick lang 'yan. Barahin mo. 'Yong pakwela lang ba. 'Di kaya sampalin mo para matauhan, baka tulog pa, nagsasalita lang ng gising.' payo ng kanyang utak.

Pero hindi eh. Alam niyang seryoso ito. 'Tsaka anlaki ng utang na loob niya sa lalaking nasa harapan. Ilang beses na siya nitong iniligtas mula sa kapahamakan. Hindi 'yon kayang bayaran ng pera tulad ng utang niya kay Vendrick.

"Kung kailangan kong lumuhod para maniwala kang mahal talaga kita, gagawin ko---" pukaw nito sa naguguluhan niyang isip.

"Hindi! 'Wag ka nang lumuhod. Naniniwala na ako!" lakas-loob niyang sagot.

Nagliwanag bigla ang mukha ng binata.

"So, sinasagot mo na ako? Nobya na ki--?" mabilis nitong sambit.

"Hindi!" hiyaw niya agad bago pa nito matapos ang sasabihin.

Natigilan ang binata, namutla naman siya.

Tumawa siya nang malakas sabay bawi ng kanyang mga kamay, 'di nga lang niya alam kung nahalata nitong plastik ang tawang 'yon.

"Naniniwala lang akong seryoso ka sa'kin. P-pero wala pa sa isip ko ang magkajowa," anya sabay tawa uli.

Lumungkot ang mukha nito.

"Ahmm--Marble. Nagugutom na talaga ako, tatawagan ko na lang si Manang Viola. Dalhin na lang dito yung pagkain. Masama kasi pakiramdam ko," awat ni Lorie sa kadramahan nila nang paglabas nito ng banyo ay mapansing matagal pa sila bago matapos mag-usap. Nagmadali na itong lumapit sa telepono para tawagan si Manang Viola sa kusina.

Sinamantala niya ang pagkakataong 'yon para maiba ang ihip ng hangin.

"Teka lang po Sir Gab ha, Na-ccr lang ako," paalam niya't hindi na ito hinintay na sumagot, halos takbuhin niya ang banyo upang makapasok agad dun.

************

"How dare you do this to me, Drick!" nanggagalaiti pa rin sa galit si Chelsea hanggang nang bitawan ito ni Vendrick at bahagyang itulak sa labas ng pinto ng bahay.

"Never do that again, Chelsea. I'm warning you, or else--" matigas na babala niya, litid ang mga ugat sa leeg, halatang nagpipigil lang ng galit.

" Or else, ano, ha? Sasaktan mo ako? Katulad ng ginawa ko sa hampaslupang pangit na 'yon?!" nanlilisik ang mga matang sigaw nito sabay turo sa loob ng bahay.

Hindi siya sumagot, nanatiling tikom ang bibig subalit kapansin-pansin ang pagkuyom ng kamao.

Sandaling katahimikan. Nananadyang lumapit ang dalaga sa kanya. Patuyang ngumiti.

"Tell me, kaya ba hindi mo ako sinakluluhan agad sa pool noong gabing 'yon dahil inuna mong sagipin ang bampirang 'yon sa pagkalunod sa ilalim ng tubig? What did you do, huh? You kissed her? You sucked her damn mouth? Matamis ba ang bibig niya, ha? Mas matamis kesa sa bibig ko?" naniningkit ang mga matang kumpirma nito.

"Shut up," mahina niyang saway rito, pigil pa rin ang galit.

Lalo lang nagpatuloy ang dalaga nang mahalatang may katutuhanan ang sinasabi nito.

"Shut up? Bakit? Natatakot kang malaman ni Gab na may gusto ka rin sa bampirang 'yon? O natatakot kang malaman ng mga magulang mo na sa isang hampaslupa ka nagkakagusto at 'yon ang dahilan kung bakit ayaw mong ma-engage sakin!"

"I said shut up!" sigaw niya, hindi napigilan ang sarili't muntik na itong masampal kung 'di niya naalalang ito si Chelsea, ang kababata niyang minsan din niyang pinangarap na maging kanya. Nagtatagis ang bagang niyang ibinaba ang nakataas nang kamay at naniningkit ang mga matang tumalikod dito saka pabagsak na isinara ang pinto, hindi lang basta sara, ini-lock pa.

"What happened? Vendrick!" salubong ng ina.

Subalit wala siya sa mood makipag-usap rito.

"I swear, Vendrick! I'll tear that beast into pieces! I'll make her life miserable! I swear that to you!"

Naririnig pa niya ang tila nakakabinging sigaw ni Chelsea mula sa labas ng bahay ngunit nagpatuloy siya sa pag-akyat sa hagdanan hanggang sa marating ang sariling kwarto't

malakas iyong ibinalibag pasara.

ตอนถัดไป