webnovel

Chapter Ten

NANINIKIP ang dibdib ni First sa nasasaksihan. It was breaking his heart slowly. Nasa isang French restaurant siya at nakaupo sa isang sulok kung saan nakikita niyang nag-uusap sina Michelle at Miguel.

Nais niyang magwala sa galit. Nais niyang sugurin ang dalawa at komprontahin. Ngunit ano ang karapatan niya?

Selos na selos siya at masamang-masama ang loob. Bakit kailangan ni Michelle na magsinungaling sa kanya? Bakit hindi man lang ito nagsabi sa kanya? Nang nagdaang araw pa niya hinihintay na magsabi ang dalaga tungkol sa pagtawag ni Miguel ngunit pinanindigan nito ang pagsisinungaling.

Narinig niya ang pakikipag-usap nito kay Miguel. Hinintay niyang magkusa si Michelle na magsabi sa kanya, ngunit sinaktan lang siya nito sa patuloy na pagsisinungaling.

Hindi rin naman niya magawang magalit dito dahil wala naman siyang karapatan. Ano ba ang inaasahan niya? Na makakalimutan agad nito si Miguel? Na mahal na siya kaagad nito? She and Miguel almost got married!

Ano ba ang mayroon si Miguel na wala siya? Ano ang kaya nitong ibigay na hindi niya kayang ibigay? Bakit ito nagpakita kaagad kay Michelle?

Pinagmasdan niya ang dalawa na nag-uusap. Naiinis siya na iyon lamang ang kaya niyang gawin—ang magmasid mula sa malayo. Mayamaya ay hinawakan ni Michelle ang kamay ni Miguel. Her face was soft. Wala siyang makitang anumang galit o hinanakit doon. He guessed she had already forgiven Miguel.

Nagpatuloy sa pag-usap ang dalawa. Natigil siya sa paghinga nang tumayo ang dalaga upang yakapin ang dating fiancé. Dating fiancé nga ba o nagkabalikan na ang dalawa?

Marahas siyang tumayo. Nag-iwan siya ng pera sa mesa para sa mga in-order na ni hindi man lang niya sinulyapan.

Sawi na naman siya. Sandali lang pala ang lahat. Babalik din pala si Michelle kay Miguel. Ang sakit-sakit pero wala naman siyang magagawa. Kahit nasasaktan siya, kung na kay Miguel naman ang kaligayahan ni Michelle, hahayaan niya ito.

Hindi niya maaatim na ikulong ang dalaga. Ayaw niyang maging madamot. Hindi rin naman siya pinaasa nito. Siya lang naman ang umasa.

Sana sa pagkakataong iyon ay hindi na ito saktan ni Miguel. Makakapatay na siya kapag iniwan uli nito si Michelle.

Hindi pa man siya nakakalayo ng restaurant ay tumunog ang kanyang cell phone. It was Enteng calling. Sinagot kaagad niya ang tawag. Nagyayaya itong uminom sa Sounds, ang recording company na pag-aari ni John Robert. Mula nang makunan si Enteng ng larawan na may kahalikang kapwa artista ay umiwas na ito sa pagtungo sa mga bars upang uminom. May kinasangkutan itong malaking intriga dahil doon. He also almost lost the love of his life. Kapag nais sila nitong makainuman ay sa isang pribadong lugar na nila ginagawa iyon.

Dahil sawi, pumayag kaagad siya. Baka sakaling matulungan din siya ng mga kaibigan niya.

HINDI makapaniwala si Michelle sa mga naririnig mula kay Miguel. Ang sabi ng dating nobyo ay bakla raw ito. Mula raw nang maging sila ay alam na nito ang bagay na iyon.

"But you're a playboy," aniya. "`Di ba, para ka lang nagpapalit ng underwear sa klase ng pagpapapalit-palit mo ng girlfriends noon? Please don't tell me I am the one who made you realize you're gay." Hindi niya alam kung magiging insulto iyon sa kanya.

"Siguro, alam ko na noon pa man. Maybe, I was in denial. Kaya nga ako papalit-palit ng girlfriends. Gusto kong mahanap iyong babaeng kokompleto sa pagkatao ko. I always feel incomplete, Michelle. Buong buhay ko, may kulang. You are a very wonderful girl. Ang sabi ko noon, baka ikaw na ang kokompleto sa `kin. Habang nililigawan kita, napapansin kong nakadarama ako ng matinding attraction sa mga kapwa ko lalaki. Ayokong tanggapin na bakla ako. Itatakwil ako ng pamilya ko. Bababa ang tingin ng lahat sa akin. Pagtatawanan ako ng lahat. Kaya pinursige kitang ligawan. Pinilit kitang mahalin. Mahal naman kita, Michelle. Pero bilang kapatid."

So that explained why they were never intimate with each other. "I can't believe this is actually happening."

Marami siyang naisip na maaaring dahilan kung bakit siya tinakbuhan ni Miguel at hindi kabilang doon ang posibilidad na baka iba ang sexual preference nito. She was not even aware that he was gay. Pero iyon ang sinasabi nito ngayon. Nagkaroon siya ng relasyon sa isang bakla!

"Naging selfish ako nang yayain kitang magpakasal. Ayokong ilantad ang tunay kong pagkatao. Ikinakahiya ko ang sarili ko. Naging maayos ang relasyon natin sa loob ng halos dalawang taon. Naisip kong magiging maayos ang pagsasama natin bilang mag-asawa. We are compatible in so many ways. Determinado akong pakasalan ka at magtago sa loob ng closet habang-buhay."

"Bakit mo ako iniwan sa altar?"

"Dahil nahiya ako sa Diyos. Dahil nakita ko kayo ni Nick. Nang tumigil ka sa harap niya, na-realize kong malaking kasalanan kung itutuloy ko ang kasal. You're in love with him. If you were in love with me, you would rush forward towards me. Wala kang ibang makikita kundi ako. Pero tumigil ka sa harap niya at inabot mo ang kamay niya na para bang siya ang lalaking pakakasalan mo. You two look great together. Tinakbuhan kita para sa kapakanan mo, sa kaligayahan mo. I want you to realize that you are in love with him."

Hinawakan niya ang kamay nito at marahang pinisil iyon. She was thankful for what he did. Tama ito, si First ang totoong mahal niya. Parang ikinondisyon lamang niya ang sarili na hindi siya mamahalin ni First kaya sinikap niyang ibaling kay Miguel ang pagtingin niya.

"Habang nasa malayo ako at nagtatago, napagtanto ko rin na walang masama sa pagiging bakla. It's who I am. Walang dapat ikahiya. I realized I should love myself. Hindi ako tatanggapin ng iba kung hindi ko tatanggapin ang sarili kong pagkatao."

"Oh, Miguel." Tumayo siya at niyakap ito. Masaya siya para dito. Kapwa na nila nahanap ang mga talagang gusto nila. Ang tatanda na nila pero marami pa rin silang mga bagay na dapat matutuhan tungkol sa buhay.

"How are you and Nick?"

"Great! Oh, I love him so."

Nagkuwentuhan pa sila nang nagkuwentuhan ng tungkol sa mga nangyari sa kanila habang malayo sila sa isa't isa.

PANAY ang tungga ni First sa hawak na bote ng beer. Nang maubos ang laman niyon ay nagbukas siya ng panibago. Ang nais sana niya ay mas matapang na inumin ngunit beer lamang ang available. Hindi naman kasi balak ng mga kaibigan niyang magpakalasing. Mas gusto ng mga itong magkuwentuhan.

Nasa rooftop sila ng Sounds building. Kasama niya sina Enteng, Rob at Maken. Mukhang maganda ang disposisyon ng tatlo niyang kaibigan. Masaya sa pagkukuwentuhan ang mga ito. Hindi siya gaanong sumasali sa usapan. Wala siya sa mood makipagkuwentuhan tungkol sa mga bagay na masasaya. He was far from being happy.

"May balak ka bang magpakalasing, Nick?" tanong ni Enteng nang mapuna ang hindi magandang mood niya.

"May problema, `tol?" tanong ni Maken.

Umiling siya bago tumungga. Inubos niya ang lahat ng laman ng bote. Parang hindi siya tinatablan ng beer.

"We could listen. Wala man kaming maitutulong, puwede naman kaming makinig," wika ni Rob.

"Wala akong problema. Sige lang, ituloy n'yo lang `yang masayang pagkukuwentuhan n'yo. Don't mind me."

"Si Michelle ba?" tanong ni Maken. "Akala ko maayos na kayo?"

"Miguel's back and they are back in each other's arms," aniya sa tinig na puno ng pait. Hirap na hirap pa rin siyang tanggapin ang lahat. Durog na durog na ang puso niya. Ang hirap-hirap tiisin ng sakit.

Tinapik siya ni Rob sa balikat. "Everything would be okay," anito.

Marahas na pinalis niya ang kamay nito. "Do not tell me that!" galit na sabi niya. "Wala kang alam! Wala kayong alam sa mga pinagdaraanan ko, sa mga nararamdaman ko."

"Hey, hindi kami ang kaaway mo," sabi ni Enteng. "Chill, Nick. Hindi mareresolba ang problema sa init ng ulo."

"Nasasabi n'yo `yan dahil maayos ang mga pamilya ninyo. Minahal kayo ng mga tatay n'yo. Mahal kayo ng mga babaeng mahal n'yo. Hindi n'yo alam kung paano ang mapunta sa kalagayan ko."

"Nick, lasing ka na," malumanay na sabi ni Rob.

"Shut up!" bulyaw niya rito. "When you told us you wanted to quit years ago, did you ever wonder what I felt then? Did you even care?" Tinitigan niya nang masama si Maken. "Hindi na kayo masaya? Hindi na kayo masaya kaya ayaw na ninyo. Hindi man lang ninyo pinilit na sumaya uli. Nang mawala ang Lollipop Boys, nasaktan ako nang husto. I thought I finally found my place in the sun. Nang-iwan kayo sa ere, eh."

"Sana nagsabi ka noon," ani Maken.

Ngumiti siya nang patuya. "May mababago ba?"

"Oo. Malaki."

Sabay-sabay na nilingon nila ang nagsalita. It was Vann Allen.

Nasapo niya ang kanyang ulo. Ano ang nangyayari sa kanya? Bakit biglang sumabog ang mga itinatago niyang emosyon? Si Michelle ang problema niya at hindi ang Lollipop Boys na matagal nang nawala.

HINDI napansin ni Michelle na ginabi na siya masyado sa labas. Masyado siyang nawili sa pakikipagkuwentuhan kay Miguel. Natutuwa siyang malamang nahanap na nito ang sarili. Nagtungo pala ito sa Amerika upang magtago pansamantala.

Inihatid siya nito hanggang sa pinto ng unit niya. Nais sana niya itong patuluyin ngunit masyado nang late.

Hinarap niya ito. "Baka naman sa susunod na magkita tayo, eh, mas maganda ka pa sa akin," biro niya.

Natatawang niyakap siya nito. "Thank you for accepting me. Salamat at hindi ka nagalit. Sorry sa kahihiyang sinapit mo. Kakausapin ko rin ang daddy at mommy mo. I'll explain."

"You did the right thing then. Thank you. Magiging masaya na tayo ngayon. Mig—" Bigla siyang natigilan nang makita sa unahan niya si First. Nakatingin ito sa kanila.

Kaagad siyang humiwalay kay Miguel. Na-guilty siya sa pagsisinungaling kay First. May hindi masukat na sakit sa mga mata nito. Parang may pumisil sa puso niya sa nakitang anyo nito. Nasaktan niya ito nang labis.

Tumalikod si First.

Humakbang siya patungo rito. "First—"

"I get it," anito bago pa niya matapos ang sinasabi. "You're back together. I'll try to be okay with it. Wala naman akong magagawa. Just... be h-happy, Michelle."

Nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Nasaktan siya sa sinabi nito. He was giving up on her so easily. Hindi man lang siya nito ipaglalaban. Hindi man lang nito itatanong kung ano ang ibig sabihin ng nadatnan nito. Gumawa na lang ito ng sariling konklusyon.

"Akala ko ba nagbago ka na?" tanong niya sa tinig na punung-puno ng hinanakit. "Akala ko ba hindi mo ako tatalikuran? Duwag ka pa rin. Ang dali para sa `yong sumuko. Nagpapadaig ka pa rin sa takot. Ang galing-galing mo sa simula pero susuko ka rin naman pala."

Marahas na hinarap siya nito. "What do you want me to do? Ipagsiksikan ko sa `yo ang sarili ko? Pilitin kitang mahalin ako?"

"Yes," she hissed. "Nakakainis ka. Tanungin mo naman ako kung mahal kita." Pumatak na ang mga luha niya.

Tila naantig naman ito sa mga luha niya. "Michelle..."

"I love you, First. It has always been you. Akala ko lang kasi ay hindi magkakaroon ng pagkakataon na maging tayo kaya pinilit ko ang sarili kong mahalin si Miguel."

Napatulala ito. Tila hindi ito makapaniwala sa mga narinig mula sa kanya. Nilapitan niya ito at niyakap. Ayaw niyang mawala ito. Ayaw niyang magkaroon sila ng misunderstandings.

First was still the boy who had so many fears and insecurities. She would help him overcome them. Hindi niya ito iiwan.

"I'm going," paalam ni Miguel sa kanila. Hindi na niya ito pinansin.

"You love me? Really?" namamanghang tanong ni First. "Hindi kayo nagkabalikan ni Miguel? You lied to me. I saw you in the restaurant. You were hugging him."

Kinurot niya ito sa tagiliran. "You should have joined us para hindi ka na napraning. Sana ay nilapitan mo na lang kami para hindi ko na uulitin ngayon ang mga sinabi niya. Hay, naku, ang engot mo minsan."

"You still lied to me."

"I'm sorry. I just want to clear everything myself. And I really went out with my girlfriend."

Tinitigan siya nito, nagtataka ang tingin.

"Miguel's gay," nangingiting sabi niya. "Nagselos ka sa bakla," panunukso pa niya.

Hinila siya ni First patungo sa unit nito. "Explain further," anito habang binubuksan ang pinto.

Habang nakaupo sila sa sofa at magkayakap ay isinalaysay niya rito ang ipinagtapat sa kanya ni Miguel. Sinabi rin niya ang mga damdamin na itinago niya rito noon. Sinabi niya ang lahat-lahat. Wala siyang inilihim.

Hinagkan nito ang mga labi niya. "I thought I lost you again. I was so devastated. Inaway ko pa ang Lollipop Boys. I'm sorry for being a coward. I'm so sorry for jumping into wrong conclusions. I'm sorry for almost letting you go today. Sorry dahil hindi ako kumilos noon. Sorry talaga."

Hinaplos niya ang mukha nito. "You are forgiven. I love you, First Nicholas. You are my first love and first kiss."

"I'm gonna be your first and last husband, my Michelle."

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya. "You don't call me 'Michico' anymore," puna niya. Kanina pa 'Michelle' ang tawag nito sa kanya.

"O, bakit? In-Ingles ko lang. Mas gusto mo ba ng Tagalog, Michie ko?"

Awang ang bibig na napatingin siya rito. "Michico is actually Michie ko?"

Tumango ito. "Everyone fondly calls you 'Michie.' Minsan talaga ay possessive ako."

She kissed his lips. "I will always be yours."

"Promise?"

"Promise."

Next chapter