webnovel

Chapter Four

TAKANG-TAKA si Mark Kenneth sa kakaibang ikinikilos ng kanyang ina. Tila hindi ito mapakali palagi. Maraming pagkakataon na tila may sasabihin ito sa kanya ngunit biglang magbabago ng isip. Ayaw naman niyang magtanong. Ang nais niya ay ang kanyang ina ang kusang magsabi kung ano man ang bumabagabag dito.

"`Nak?" tawag nito habang nagsisiga siya sa bakuran.

"Po?"

"Kumusta na kayo ni Rainie?"

"Hindi nga po nagpapakita sa akin, `Nay, eh. Kahit po dalawin ko, ayaw lumabas ng kuwarto. May problema yata silang mag-ama. Ang sabi ni Aling Rosa, nag-hunger strike pa raw si Rain. Nag-aalala na nga po ako sa kanya, eh. Gusto kong akyatin sa kuwarto niya. Pero naisip ko, problema nilang mag-ama `yon. Sila lang ang makakaayos."

Bahagyang napangiwi ang nanay niya. May pag-aalala ring gumuhit sa mukha. Lalo yata itong tila hindi mapakali.

"May problema po ba kayo, `Nay?" hindi na niya napigilang itanong. "Napapansin kong balisa kayo nitong mga nakaraang araw. May dinaramdam po ba kayo?"

"Anak, may sasabihin sana ako sa `yo, pero sana ay huwag kang magagalit. Pakinggan mo sana muna ang nanay. Sana ay maintindihan mo ako."

"Ano nga po `yon?" Hindi niya alam kung bakit kinakabahan siya. May malakas siyang pakiramdam na hindi niya magugustuhan ang susunod na sasabihin ng kanyang ina. Kasi, kung magugustuhan niya iyon, hindi na sana ito nagpapatumpik-tumpik ngayon.

"Payag ka bang magpakasal uli ako?"

"Po?" Gulat na gulat si Mark Kenneth sa sinabi ng nanay niya. Hindi siya makapaniwala.

"Niyaya na akong magpakasal ni Fred," wika nito at nagyuko ng ulo.

Lalong nayanig ang mundo niya dahil doon. "Si S-Sir Fred?" hindi makapaniwalang usal niya. Oo nga at nagkahinala siya sa mga ito noon, ngunit nakalimutan niya na iyon nang dumating si Rainie. Nawaglit sa kanyang isip ang lahat ng pagdududa dahil sa sobra niyang saya tuwing kasama niya ang dalagita.

Tumango ang kanyang ina, may agam-agam sa mukha.

"Kailan pa po? Bakit ngayon lang po kayo nagsabi? At ikakasal na agad? Hindi man lang ninyo ako inihanda. Kailan pa kayo may lihim na relasyon?" aniya sa tinig na puno ng hinanakit.

Sumasakit na ang lalamunan ni Mark Kenneth sa pagpipigil na maluha. Naiinis siya sa nanay niya. Naiinis siya kay Sir Fred. Naiinis siya sa sitwasyon niya—nila. Punung-puno ng pagtutol ang kanyang dibdib. Nais niyang isigaw ang pagtutol ngunit pakiramdam niya ay naubusan na siya ng lakas upang gawin iyon.

Napagtanto niyang hindi ganoon ang mararamdaman niya kung ibang lalaki ang pakakasalan ng kanyang ina. Siguro, mas magiging madali ang lahat para sa kanya kung hindi si Sir Fred, si Sir Fred na ama ni Rainie!

Nilapitan siya ng kanyang ina at hinawakan sa braso. Puno ng pagsamo ang mga mata nito. "Anak, hindi ko intensiyong itago ang lahat sa pagitan namin ni Fred. Mabilis din ang mga pangyayari, eh. Halos hindi ko namalayan, nagkakamabutihan na pala kami. Hindi ko rin inaasahan na yayayain niya akong magpakasal agad. Hindi na raw kami mga bata para patagalin pa ang lahat."

Napalunok siya nang sunud-sunod. "Ano ho ang desisyon n'yo?" Nais niyang sabihin na huwag nitong tanggapin ang alok na kasal ng amo nila. Amo nila si Sir Fred. Hindi bagay ang mga ito. Lalo lamang siyang nanlumo sa naisip.

"Gusto kong tanggapin, anak," anang nanay niya sa maliit na tinig.

"Kung hihilingin ko pong huwag kayong magpakasal sa kanya, pagbibigyan n'yo po ba ako?"

"Ayaw mo ba, Ken? Malaki ang maitutulong sa atin ni Fred, anak. Mas magiging maliwanag ang kinabukasan mo. Makakapag-aral ka sa magandang eskuwelahan. Hindi ka magiging magsasaka katulad ng ibang mga kabataan dito. Mas mapapadali ang pag-abot mo sa mga pangarap mo."

Napatiim-bagang siya. "Iyon ba ang dahilan kaya kayo magpapakasal kay Sir? Para sa akin?" Iwinaksi niya ang kamay nitong nakahawak sa braso niya.

Lalong nadismaya si Mark Kenneth. Alam niyang gagawin ng kanyang ina ang lahat upang mapabuti ang lagay niya. Ipinangako nito noon na makakapag-aral siya at matutupad ang kanyang mga pangarap. Kung iyon lamang ang dahilan nito sa pagpapakasal kay Sir Fred, tututol siya hanggang langit. Hindi niya hahayaang magpakasal uli ang nanay niya para sa kanya. Kaya niyang iangat ang sarili sa sariling pagsusumikap. Hindi niya ito hahayaang maging oportunista.

"Kung iyon lang ang dahilan ninyo, `Nay, ayoko pong magpakasal kayo kay Sir. Hindi ho ako papayag. Ayoko po," aniya sa mahina ngunit mariing tinig.

Umupo ito sa upuang yari sa kawayan. Tila hinang-hina bigla sa sinabi niya. Para itong pinagsakluban ng langit at lupa. "Magbabago ba ang opinyon mo kung sasabihin kong umiibig ako sa kanya? Na iyon ang dahilan kung bakit ko siya pakakasalan?"

"`Nay, huwag na po kayong magsinungaling sa akin."

Bumuntong-hininga ito. "Sobrang tanda ko na ba para sa mga ganoong bagay? Wala na ba akong karapatang kiligin? Masagwa ba kung pangarapin kong maging si Cinderella? Bawal na ba akong magmahal at maging maligaya dahil sa edad ko?"

Hindi nagawang sumagot ni Mark Kenneth. Malungkot na ngumiti ang nanay niya. Tila unti-unting nabibiyak ang kanyang puso sa nakikitang lungkot sa anyo nito. Hindi kaya umiibig nga ang kanyang ina kay Sir Fred?

Tinapik ng kanyang ina ang espasyo sa tabi nito. "`Lika nga rito, may ikukuwento ako."

Umupo siya sa tabi nito. Hindi niya magawang magsalita.

"Alam mo bang noong dalagita ako, nagkagusto ako kay Sir Fred?" pagkukuwento ng nanay niya. Nagulat siya ngunit hinayaan niya itong magpatuloy. "Pero noon pa man, praktikal na ako. Ang tingin ko sa kanya noon, isang makinang na bituin. Masarap pagmasdan ngunit walang nakakaabot. Alam kong hindi ang katulad ko ang nararapat sa kanya. Kapwa niya bituin lamang ang nababagay sa kanya. Hindi ko hinayaan ang sarili kong mangarap nang gising. Sadyang wala akong pag-asa sa kanya. Ganoon talaga ang kalakaran sa mundo minsan.

"Nagtungo siya sa ibang bansa at nakilala ko naman ang tatay mo. Minahal ko ang tatay mo, anak. Nabuo ka dahil sa pag-ibig namin sa isa't isa. Nang maghiwalay si Fred at ang asawa niya at naglagi na siya rito, tumubo uli ang pagmamahal ko para sa kanya. Hindi ko napigilan, anak. Napakabuti niya. Gaya noong dalagita ako, hindi ako naghangad na pansinin niya ako o suklian ang nadarama ko.

"Hindi ko inakalang mangyayari, Ken. Mahal na raw niya ako. Nais niya akong pakasalan. Nahihirapan daw siya tuwing nakikita niya akong nagtatrabaho nang mabigat sa bukid. Ang nais daw niya ay maging reyna na niya ako. Ang sarap-sarap palang mangarap, anak. Ang sarap maghangad ng magandang buhay. Makakapag-aral ka nang walang alalahanin na baka hindi ka makaabot sa finish line. Ang sarap isipin na yumuko sa akin ang aking bituin para maabot ko siya. Nagiging sobrang corny na ba ang nanay, anak?"

Tuluyan nang naluha si Mark Kenneth. Marahas niyang pinahid ang kanyang mga luha. "Gusto ko po si Rainie," pag-amin niya. "Ipinangako kong magsisikap ako para umangat at pumantay sa kanya. Gustung-gusto ko po siya. Kung magpapakasal kayo ni Sir Fred, magiging magkapatid kami sa tingin ng mga tao. Kahit hindi kami magkadugo, magkapatid ang magiging tingin sa amin ng lahat. Magiging maalwan nga ang buhay natin, magiging maayos nga ang pag-aaral ko, pero mawawala naman ang tsansa kong hangarin si Rainie. Ayoko po siyang maging kapatid, `Nay."

Saglit itong nagulat sa sinabi niya. "Anak, disisais ka lang. Katorse lang si Rainie. Hindi mo alam ang sinasabi mo. Baka dumating ang araw na kumupas na ang damdaming iyan. Baka nagkakamali ka lang ng interpretasyon sa nararamdaman mo. Napakabata mo pa at napakarami mo pang dapat na malaman."

"Matatanda lang ba ang puwedeng umibig?" tanong niya sa naghahamong tinig. "Kung si Sir Fred ang bituin ninyo, si Rainie ang akin. Kung magpapakasal kayo, ipapantay n'yo ako sa kanya. Kapantay ko siya pero hindi kami puwedeng magdikit dahil sasabog kami." Tumayo siya at nagtungo sa kubo nila. Pumasok siya sa kanyang silid at kaagad na dinampot ang gitara. Kalahating oras na siguro siya roon nang sumunod ang kanyang ina.

"Buo na ang desisyon ko," anito sa malamig na tinig. "Tatanggihan ko ang alok na kasal ni Sir Fred." Hindi na nito hinintay ang magiging sagot niya. Iniwan na uli siyang mag-isa.

Nagpatuloy sa pagtugtog si Mark Kenneth. Pigil-pigil niya ang sarili na maluha. Kahit pilit na itinatago ng nanay niya ang lungkot ay nakita pa rin niya iyon. Nakaramdam siya ng matinding guilt. Parang inalisan niya ng kaligayahan ang kanyang ina para sa pansarili niyang kaligayahan. Pakiramdam niya ay napakaramot niyang tao. Parang napakasama niyang anak. Paano niya naatim na gawin iyon sa kanyang ina?

HINDI kinakausap ni Rainie ang kanyang ama. Pinanindigan niya ang pagiging malamig dito. Kahit ano ang gawin ng daddy niya ay hindi niya ito kinakausap. Masama talaga ang loob niya.

Kahit si Maken ay hindi niya kinakausap. Hindi na rin ito nagtutungo sa bahay nila. Siguro ay alam na rin nito.

Isang umaga, natanawan ni Rainie mula sa kanyang bintana na nag-uusap ang daddy niya at si Aling Lydia sa hardin. Dali-dali siyang bumaba. They would never get married, she swore. She wouldn't allow it.

Madamot na siya kung madamot. Brat na siya kung brat.

"Gold digger! Social climber!" sigaw ni Rainie kay Aling Lydia nang makalapit siya sa mga ito. "Manggagamit! Linta!"

Hindik na hindik ang mukha ni Aling Lydia na napalingon sa kanya. She could see that she was terribly hurt. She winced internally. Nais niyang humingi ng tawad. Sinadya niyang sabihin ang mga salitang iyon upang masaktan at magalit ito.

Someday, she would ask for forgiveness for saying those cruel words to Aling Lydia. She didn't mean them. Alam niya sa sarili na hindi ito ganoong klaseng babae. Aling Lydia was a decent woman.

But she had to do this. They couldn't be one family. Not now. Not this way. Not by her marrying her dad.

"Rainie!" saway ng kanyang ama. "Get inside the house. We will talk, young lady. Sumosobra ka na sa pagiging brat mo!" Kitang-kita ang matinding galit sa mukha ng kanyang ama.

Napalunok si Rainie. Aminado siyang natakot siya. Noon lamang totoong nagalit sa kanya ang daddy niya. Laging masuyo ang pakikitungo sa kanya ng kanyang ama. Ni hindi siya nito makuhang pagtaasan ng tinig. Ngayon lang.

Nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata. Tumalikod siya. Natigilan siya nang makita niya si Maken. Kanina pa ba ito roon? Did he hear everything? Siguro dahil masama ang tingin nito sa kanya. His eyes told her he was terribly hurt.

"Maken..." She didn't know how to proceed. She wanted to reach for him. She wanted to say sorry. She wanted to explain why she said what she said.

"Hindi matapobre?" ani Maken sa sarkastikong tinig. "Ngayon, alam ko na kung gaano kaliit ang tingin mo sa `ming mag-ina. Nakapagtatakang nakipagkaibigan ka pa sa `kin."

"Ayaw kitang maging kapatid!" She wanted to make that clear to him. Nais niyang idiin ang bagay na iyon dito.

"Bakit, ako ba gusto ko? Ayoko ring maging kapatid ang katulad mong isang brat! `Nay, tara na ho." Nilapitan ni Maken ang ina na nakatulala pa rin at hinila palayo roon.

Hinarap si Rainie ng kanyang ama. Galit pa rin ito. Great, now everyone was angry at her.

"I hope you are happy now, darling. You got what you want." Napasabunot ito sa sariling buhok. She had never seen her father in that frustrated state before. "She was here to tell me that she's not going to marry me anymore. Huwag na raw akong lalapit sa kanya.

"God, I love her, Rainie. I love her so much. After your mom, pakiramdam ko ay ngayon lang uli ako nabuhay. She makes me happy. Why can't you understand that? Why did you grow up to be a selfish brat? Why did I let you?"

Lumuluhang tumakbo siya palayo. Hindi niya alam kung saan siya patungo, basta tumakbo lamang siya. Her father called her but she didn't stop. She was terribly hurt. Nasasaktan siya dahil totoo ang sinabi ng kanyang ama. She was a selfish brat. Hindi niya inisip ang kaligayahan ng magulang niya.

HINDI lumingon si Rainie kahit na alam niyang may kasama na siya sa kubo. Doon siya humantong nang tumakbo siya palayo kanina. Nasa gitna ng taniman ang kubo na walang pader. Siguro ay pasado alas-dos pa lang ng hapon ngunit madilim na ang langit. Mukhang bubuhos ang malakas na ulan.

"Nagdala ako ng pagkain. Hindi ka nag-almusal at nagtanghalian. Tigilan mo na `yang hunger strike mo. Ikaw lang ang mahihirapan."

Hindi pa rin niya nilingon si Maken. Niyakap niya ang kanyang mga binti at ipinatong ang baba sa mga tuhod. Tumingin siya sa malawak na taniman. Kanina pa siya nagugutom ngunit ayaw niyang kumain. She was too upset to eat.

Narinig niyang tila inihahanda ni Maken ang mga dala nito.

"Kumain ka na," sabi nito pagkaraan ng maikling sandali.

"Hindi ka na galit sa `kin?"

Bumuntong-hininga ito. "Hindi naman ako galit sa `yo. Nabuwisit lang ako."

"Hindi ka na nabubuwisit sa `kin?"

"Nabubuwisit pa rin pero hindi kita matiis, eh. Ewan ko ba. Nabubuwisit na nga rin ako sa sarili ko, eh. Paano ba tayo napunta sa sitwasyong ito?"

"I didn't mean them. The things I said earlier, I didn't mean them."

"Dapat nag-iisip ka muna bago ka nagsasalita ng mga ganoon. Nakakasakit ka, eh."

"I'm sorry."

"Kapag humihingi ng sorry, dapat nakaharap."

Unti-unting lumingon si Rainie. Pinapungay niya ang mga mata. "I'm so sorry," she said sincerely. Nais niyang huminga nang maluwag dahil maaliwalas na ang mukha ni Maken. Wala nang bakas ng galit sa mukha.

"Patatawarin kita kung hihingi ka rin ng tawad sa Nanay."

"Talaga namang hihingi ako ng tawad kay Aling Lydia. Bati na tayo?"

"Para namang matitiis kita. Pero hindi talaga ako natuwa sa mga sinabi mo kay Nanay. Alam kong hindi mo gusto ang nangyari sa mga magulang natin pero hindi ka dapat ganoon ka-reckless magsalita. Dapat, alam mong makakapanakit ka," panenermon nito.

"You're acting like a big brother already."

Saglit na natigilan si Maken. "Kumain ka na nga." Dinampot nito ang kutsara at tinidor. Mukhang susubuan siya nito. Nais tuloy niyang mapangiti.

"Would you be a good big brother if they get married?" tanong ni Rainie pagkatapos niyang sumubo.

"Hindi," sagot nito habang hindi tumitingin sa kanya. "Dahil hindi tayo magkapatid. Hindi magpapakasal ang mga magulang natin."

Hindi na umimik si Rainie. For a while, she felt like they shared the same feeling. Ayaw ni Maken na maging magkapatid sila. It made her smile. Magana siyang kumain. Gutom na gutom na talaga siya. Pagkatapos niyang kumain ay saka bumuhos ang malakas na ulan. Malakas din ang hangin at nababasa na sila.

"`Ligo tayo sa ulan," yaya niya.

Umiling si Maken. "Magkakasakit ka."

"Nababasa rin naman tayo, eh." Bago pa ito maka-kontra uli ay nagpakabasa na siya sa ulan. Malamig na malamig ang tubig.

"Ang kulit mo talaga," ani Maken habang sinasamahan siya nito sa ulanan. "Kung gusto mo talagang magpabasa, maglakad na tayo pauwi sa inyo."

"Karga," paglalambing niya.

Yumuko si Maken at kaagad na sumampa si Rainie sa likod nito. Naglakad na ito pauwi sa bahay nila.

"Maken?"

"Hmm?"

"My Maken!" sigaw niya. She wanted the whole world to know that he was her Maken.

"Ano ka ba? Nakakabulabog ka," natatawang sabi nito.

Hinagkan ni Rainie ang pisngi ni Maken. "I love you."

Nanigas ito sandali. "I... I... I l-love you, too."

Humigpit ang yakap niya. Masaya na siyang marinig ang bagay na iyon. It was so great. They loved each other.

Next chapter