webnovel

Chapter Six

NAPAUNGOL si Maki nang makarinig siya ng katok mula sa kanyang pintuan. Nasa kama pa siya at inaantok pa. Malamang na isa sa boys ang nang-iistorbo sa tulog niya.

Tinakpan niya ng unan ang ulo niya. Napuyat siya nang nagdaang gabi. Halos hindi siya nakatulog, at kagagawan iyong lahat ni John Robert. Pagkatapos nilang kumain ay inihatid siya nito pauwi. Alam daw nitong napagod siya nang husto sa buong araw at nais nitong makapagpahinga na siya. He kissed her again before he let her go in the house.

Naiinis na bumangon siya nang hindi tumigil ang kumakatok sa pintuan niya. Malamang na si TQ iyon. Napatingin siya sa orasan sa bedside table. Mag-aalas-diyes na pala. Naalala niyang may rehearsal pala sila nang araw na iyon.

Nakapikit pa ring tinungo niya ang pinto at binuksan iyon. "All right, I'm awake," sabi kaagad niya. Biglang nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang hindi si TQ ang nasa labas ng pintuan kundi si John Robert!

He gave her an oh-so-hot smile. Parang ang sarap almusalin nito. "Ang sabi mo, pangit ka kapag bagong gising. Hindi naman, ah. You're still lovely with your dishevelled hair, baggy shirt, and short shorts."

Nagulat pa siyang lalo nang hagkan nito ang mga labi niya. Agad na itinulak niya ito palayo sa kanya. Hindi pa siya nagsesepilyo! Tinakpan niya ang bibig niya.

Lumapad ang ngiti nito. "Mas maganda ka pa sa umaga."

"W-what are you doing here?" nagtatakang tanong niya. Sinuklay niya sa pamamagitan ng mga daliri niya ang kanyang magulong buhok. Hiyang-hiya siya sa hitsura niya. Bakit pinahintulutan itong makita siya nito nang ganoon ang ayos?

"I missed you already." May iniabot ito sa kanyang basket ng mga bulaklak. Hinagod nito ng tingin ang kabuuan niya. Tumigil ang mga mata nito sa dibdib niya.

Naalala niya na wala siyang suot na bra. Agad na itinakip niya ang kanyang buhok sa dibdib niya.

"Come in," aniya rito habang niluluwangan ang pagkakabukas ng pinto. "Sit anywhere you like. I'll just make myself decent." Tumakbo na siya patungo sa banyo at dali-daling nagsepilyo at naligo. Isang simpleng denim shorts at maluwag na gray shirt ang isinuot niya. Nang muli niyang harapin si John Robert ay disente na siyang tingnan.

Nilapitan siya nito at biglang hinapit sa baywang. "So, can I kiss you properly now?" Hindi na nito hinintay na makatugon siya. Siniil na nito ng halik ang mga labi niya. Wala na siyang nagawa kundi tumugon. Ang sarap-sarap ng mga labi nito. Kahit hindi na siya mag-almusal, okay na siya.

Nang pakawalan nito ang mga labi niya ay muntik pa niyang habulin ang mga iyon at muling papakin. She couldn't get enough of those delicious lips. Nag-init ang mga pisngi niya sa naisip. Kailan pa siya naging malandi?

"Kailangan ko nang pigilin ang sarili ko habang kaya ko pa. Baka kung saan mauwi ang lahat, eh. You are so delectable in the morning at malapit lang ang kama mo," anito habang yakap siya.

Lalong nag-init ang mga pisngi niya. Alam niya, kung nanaisin nito na lumampas sila sa halik ay hindi siya tatanggi.

"Tara sa labas. May nakita akong bench sa labas ng bahay mo," anito habang dumidistansiya sa kanya.

Lumabas sila ng maliit na bahay niya. Parang compound ang tinitirhan nila. Malawak iyon at may mataas na bakod. May main house kung saan naninirahan sina Tatay Eustace at Nanay Eliza. Sa paligid ng main house ay may limang maliliit na bahay. Bawat miyembro ng Stray Puppies ay may kanya-kanyang bahay. Ang isa ay nagsisilbing practice house. It was designed to match their personalities. Ang kanyang bahay ay simple lamang. Sapat nang naroon na ang lahat ng mga pangunahing pangangailangan niya.

Sa labas ay may maliit na hardin. Siya mismo ang nagtanim ng mga halamang namumulaklak doon.

Umupo sila ni John Robert sa wooden bench na nasa ilalim ng isang puno ng mangga.

"Ano ba talaga ang ginagawa mo rito?" tanong niya rito kapagkuwan.

"Sinabi ko na, nami-miss na kita," anito habang nilalaro ng mga daliri nito ang buhok niyang basa pa.

"I can't believe they let you wake me up. Sana ipinagising na lang nila ako sa katulong at pinaghintay ka sandali sa main house," nakalabing sabi niya.

"I insisted on it. I want to see you first thing in the morning."

Maigi na rin na nagtungo ito roon dahil nais din naman niya itong makita at makasama. Magiging abala na kasi sila sa promotion ng kanilang album.

"May rehearsal daw kayo ngayon?" pag-iiba nito.

Tumango siya. "Naimbitahan kami sa isang music festival."

"Puwedeng manood?"

Muli siyang tumango. "Siyempre," sagot niya sa masiglang tinig. "Pero baka mabagot ka."

"I'll never get tired of watching you."

Napatitig siya sa mukha nito. Nais din niyang sabihin na hindi rin siya magsasawa rito.

Akmang bababa ang mga labi nito sa mga labi niya nang makarinig sila ng malakas na pagtikhim. Paglingon nila ay nakita nila si David.

Nanunukso ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. "Mag-almusal ka na, Maki. Mayamaya lang, start na tayo. Are you gonna watch us, Boss?" tanong nito kay John Robert.

John Robert gave him a friendly smile. "Kung okay lang sa inyo."

"Okay na okay, Boss. Maganda ngang narito ka para naman ganahan nang husto si Maki sa pagkanta."

"Shut up, Dave," saway niya rito.

Natawa lang ito bago sila iniwan doon at nagtungo sa bahay nito. John Robert dropped a kiss on her nose. Tumayo ito at hinila siya patayo.

"`Lika, kain ka na para makapag-umpisa na kayo. Is it okay if I take you out after? Hindi ka naman siguro ganoon kapagod."

Masiglang tumango siya. Kung maaari lamang ay hindi na lang siya mag-eensayo at sasama na lang siya rito sa labas. Ngunit hindi maaari. She had to be responsible. Ayaw niyang magkalat sa entablado pagdating sa music festival. That would upset John Robert. It would make her unlovely.

TAHIMIK na nanonood si John Robert sa rehearsal ng Stray Puppies. He could not take his eyes off Kirsten. Kahit na sandali lang ay ayaw humiwalay ng mga mata niya rito. Hindi rin siguro niya pagsasawaang pakinggan ang magandang tinig nito. Wala itong kasingganda habang kumakanta ito at tumutugtog ng gitara.

Her face lit up when her eyes met his. He smiled at her.

He was suppressing the urge to go to her and kiss her for being the loveliest rock star in the history of mankind. Aware din siya na lumalalim na rin ang nadarama niya para dito. Wala naman siyang balak na supilin iyon. He loved the feeling. Ngayon niya malinaw na nakikita ang mga hindi niya nakita noon. Gustong-gusto na niya ito bilang isang rock star princess.

Alam niya, hindi lamang simpleng paghanga ang nadarama niya para dito. Hindi lang siya basta nagagandahan dito. He wanted her near him all the time. He loved being with her. Walang kapantay ang kasiyahan niya tuwing kasama niya ito. It was like his world was revolving at its axis because of her. At iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam siya nang ganoon katindi para sa isang babae.

She looked like she was having fun while singing with her bandmates. It was like she really belonged there. Natigilan siya bigla. Paano ang plano niya? Paano na ang ipinangako niya sa ama nito?

But Kirsten looked happy. Maaatim ba niyang alisin ito sa lugar kung saan ito masaya? Then the image of her playing the piano flashed in his mind. Kirsten was his piano girl, not his rock star princess.

Nilapitan siya nito nang mag-break ang mga ito. Um-order siya ng pizza para sa mga ito. Sumalampak ang tatlong lalaki sa mga beanbags na naroon. Tumabi sa kanya si Kirsten. Inabutan niya ito ng tubig. The guys started pigging out.

"How was it?" tanong nito sa kanya.

"Amazing as usual. You guys have always been amazing," aniya.

Ang totoo, habang tumatagal ay nais na niyang kalimutan ang orihinal na plano niya sa pagkuha sa mga ito. Nasaksihan niya ang masayang samahan ng mga ito. Tuwing nakikita niyang magkakasama ang Stray Puppies, nais niyang balikan ang mga panahong buo pa ang Lollipop Boys. Kapag nagkukulitan ang mga ito, tila nais na rin niyang makipagkulitan sa mga ito.

Kumbinsido siya noon na mas mapapabuti si Kirsten kung iiwan nito ang grupo nito. It was time for her to go back as the amazing piano girl. Pakiramdam niya noon ay mas kikinang ito sa pagiging pianista. Ngunit nakikita niyang mahal nito ang mga kagrupo nito. Masaya ito sa piling ng pamilyang iyon.

Paano naman ang tunay na pamilya nito? Ang papa nito na napakataas ng pangarap para dito?

"Natahimik ka," puna nito sa kanya habang umaabot siya ng isang slice ng pizza. "May problema?"

Umiling siya at pilit na ngumiti rito. Bigla siyang naguluhan sa nais niyang gawin. He wanted to put Kirsten's happiness on top of his priority list. But he already made a promise to her father. At bihirang hindi siya tumupad sa pangako.

Ano ang magiging silbi ng pagtupad ng isang pangako kung hindi rin lang magiging masaya ang babaeng importante sa buhay niya?

Hinawakan niya ang libreng kamay nito at hinagkan iyon. He would make her happy and he would fulfill a promise.

"I HAVE a proposal."

Kinabahan si Maki sa tono ni John Robert nang magsalita ito. He looked and sounded so serious. Nasa isang tahimik na restaurant sila at kumakain ng hapunan. Nang matapos ang rehearsal niya kasama ang banda niya ay niyaya siya nitong lumabas. Magalang na ipinagpaalam siya nito kina Tatay Eustace at Nanay Eliza.

"P-proposal?" nauutal na tanong niya.

Tumango ito. "Huwag mo sanang mamasamain. I want you to do a solo album."

Nanlaki ang kanyang mga mata. She was disappointed to say the least. Ni hindi niya masabi ang mas nakapagpapadismaya sa kanya. She already told him she was not going solo. Never. She started in a group and she would stick to her group as long as she could. Nadidismaya rin siya dahil business pala ang dahilan ng hapunang iyon. Ang akala pa naman niya ay pag-uusapan nila ang pagiging opisyal ng relasyon nila.

What were they exactly? Kissing buddies?

"I'm not doing it," aniya sa mariing tinig.

Bumuntong-hininga ito. "Listen to me first. I want to produce a classical music album. Sayang kung hindi makikita ng ibang tao ang talento mo sa pagtugtog ng piano. Just one album, Kirsten. Promise."

"I will not sing?" hindi makapaniwalang tanong niya. Hindi niya akalaing iyon ang hihilingin nito sa kanya.

"You'll just play the piano. Captivate everyone like the way you captivated me. Everyone would love the album. Makikita ng lahat na hindi lang sa pagkanta ka magaling."

"Why, Rob?" Lubos siyang nagtataka. Talaga bang mas gusto nitong maging pianista siya kaysa maging lead vocalist ng banda?

"Because you are great when you play the piano, Kirsten."

"You want the album so badly?"

Umiling ito. "Kung ayaw mo, hindi natin gagawin. Hindi ko ipipilit sa `yo."

"If I do it, would it make you happy?"

Tumango ito. "Extremely."

"I don't know what to say, Rob. Parang hindi na kasi ako komportable sa piano ngayon. Parang hindi na ako `yon."

"No rush, baby. Think about it. Matagal pa naman kung tutuusin. Kung sakaling papayag ka, kapag nasa market na ang pinakabagong album ng Stray Puppies uumpisahan ang paggawa niyon."

"Rob..."

"Don't think about it now." Inabot nito ang kamay niya at hinagkan iyon. "Piano girl or rock star princess, you're still my lovely girl."

Hindi nakaligtas sa kanya ang possessiveness sa tinig nito. Dapat ay mairita siya dahil hindi pa man nito ginagawang opisyal ang lahat sa pagitan nila ay nang-aangkin na agad ito. Pero sa halip ay kinilig siya.

She was his lovely girl.

She wished she could tell the whole world that he was her Lollipop boy.

Next chapter