webnovel

Chapter Five

GULAT na gulat si Jillian sa balitang sinabi sa kanya ni Tita Angie nang araw na iyon.

"We are doing a project together? Enteng and me? Why?" hindi niya napigilang maibulalas. Sila raw ni Enteng ay gagawa ng isang two-part episode ng isang sikat na drama anthology na ipinapalabas tuwing Sabado ng gabi.

Ilang episodes na rin ang nagawa niya para doon ngunit ngayon lamang niya makakasama si Enteng. Hindi niya alam kung matutuwa siya o kakabahan nang todo.

"Napanood ng presidente ng istasyon ang interview ninyo ni Enteng noong Linggo. Special request niya na magsama kayo sa isang project," tugon nito.

"Really? Pero paano `yan? I'm busy finishing my indie film."

"Surprisingly, he is willing to wait hanggang sa magkaroon kayo ng panahong gawin ang proyekto. Ilang linggo na rin lang naman at matatapos na ang ginagawa mong pelikula. Tamang-tama dahil pabalik na rin si Enteng mula sa Bohol sa mga panahong iyon."

Nais niyang lumundag sa sobrang kaligayahan. Ilang araw na niyang hindi nakakasama si Paul Vincent. Nagliliwaliw ito sa mga probinsiya sa Pilipinas. Last stop nito ang Bohol. Pinilit kasi ito ni Tita Angie na magbakasyon nang totoo dahil siguradong magiging sobrang abala na naman nito pagkatapos ng bakasyon nito.

"Totoo po ba ito, Tita Angie?"

Ngumiti ito. "Ayoko sana talaga, kaya lang ay ang presidente na ang nagsabi."

"Ano po ang mga role na gagampanan namin?"

"Gagampanan mo ang isang role ng bulag na babae. Enteng will play the role of a broken man. You'll find each other. It's a sad love story. Ibibigay raw sa `yo ang script kapag handa na."

Nayakap niya ito sa katuwaan niya. "Thank you, Tita." Napakatagal na panahon niyang hinintay ang pagkakataong iyon. Makakasama uli niya si Enteng sa isang proyekto. Magkapareha pa sila.

"Guard your heart, Jilli. Huwag mong paasahin masyado ang sarili mo. Huwag kang magpapadala sa mga eksena. Huwag mong hayaang maapektuhan ka nang husto ng damdamin mo. Dapat alam mo kung paano bumalik sa realidad pagkatapos na pagkatapos isigaw ng direktor ang 'cut.' At the end of the day, you'll always go back to the real world. Sa mundong iyon, hindi in love sa `yo si Enteng."

Alam niyang may punto ang lahat ng sinabi nito. Alam niyang lahat iyon ay pawang katotohanan. Ngunit masyado yata siyang masaya upang mag-isip pa nang husto. Ang tanging nasa isip niya nang mga sandaling iyon ay magkakasama sila ni Enteng.

Missed na missed na niya ito. Nasanay na kasi siya na araw-araw niya itong nakikita, kaya kahit sandali pa lang niya itong hindi nakikita ay labis-labis na ang pangungulila niya rito.

"May kissing scene ba kaming gagawin?" tanong niya sa nagbibirong tinig.

Her manager just rolled her eyes. Tila nakikiliti naman ang imahinasyon niya. Ano kaya ang pakiramdam na mahagkan ni Enteng? Noon ay hindi sila nagkaroon ng mga intimate scene na magkasama. Ilang ulit na ba niyang kinainggitan ang mga naging leading lady nito tuwing nilalambing nito ang mga iyon sa palabas?

Lihim na idinadalangin niya na sana ay magkaroon sila ng kahit isang kissing scene lang. Kahit man lang sa harap ng camera ay lumampas sila sa linya ng pagkakaibigan. Nakahanda naman siyang bumalik sa tunay na mundo pagkatapos ng "cut." Nais lang niyang madama kahit saglit lang na hindi sila magkaibigan. Na may posibilidad na maging sila.

HALOS hindi namamalayan ni Jillian ang paglipas ng mga araw. Tapos na ang shooting ng independent movie niya. Palagi siyang masigla at halos hindi siya nakakaramdam ng pagod. Excited na rin siya sa gagawin nilang proyekto ni Enteng. Dalawang gabi ng Sabado lamang eere iyon ngunit sapat na iyon para sa kanya.

Nabasa na niya ang script. Maganda ang istorya niyon. Gagampanan niya ang papel ng isang bulag na babae na napakaganda pa rin ng pananaw sa mundo sa kabila ng kapansanan nito. Makikilala nito ang karakter na gagampanan ni Enteng na sobrang galit sa mundo. He lost his family in a boat accident. Iniwan ito ng babaeng pakakasalan sana nito, at nalugi ang mga negosyo nito. Tutulungan ng karakter niya ang karakter nito upang makaahon ito mula sa matinding pagdurusa. Her character would show his character how beautiful life was despite the ugly things that happened to them. She would give him hope and love. In the end, he would fall for her. They would love each other so.

Hindi niya mapagdesisyunan kung gugustuhin niya o aayawan niya ang ending. May parte sa kanya na mas naghahangad ng mas masayang wakas. May parte rin naman na nagsasabing iyon ang nararapat na wakas ng kuwento.

Tinakbo niya ang pinto nang makarinig siya ng katok. Alam niyang si Enteng iyon. Nag-text ito kanina na nakabalik na ito galing ng Bohol at nagsabing sa condo niya ito maghahapunan nang gabing iyon. Pagbukas niya ng pinto ay si Enteng nga ang bumungad sa kanya. Marami itong mga bitbit.

Niyakap niya ito nang mahigpit. "I missed you so much!" pahayag niya.

"Whoa!" anito, natatawa. "What a welcome. Let me in, baby. Mabigat ang mga ipinabili mong pasalubong."

Malapad ang ngiting pinatuloy niya ito. Inilapag nito sa ibabaw ng coffee table ang mga dala-dala nito, kapagkuwan ay umupo ito sa sofa.

Tinabihan niya ito. "How's your trip?" kaswal na tanong niya rito.

"Great. Fun. How are you? How's your movie?"

"I'm great. The movie's great. Everything's great!" masiglang sagot niya.

"Mukhang magandang-maganda ang mood mo, ah."

"Maganda talaga. Nandito ka na, eh. Na-miss kita, Enteng."

Natatawang pinisil nito ang ilong niya. "Na-miss mo talaga ako?"

Tumango siya. "Talagang-talaga. Nasanay na kasi akong may bodyguard ako lagi, eh."

He fondly ruffled her hair. "I missed you, too. So much."

Her heart glowed. Kilig na kilig siya. "Dinner is ready," aniya bago pa kung saan mapunta ang pagkakilig niya.

Nagtungo na sila sa dinning area. Pinaghandaan talaga niya ang hapunan nila nang gabing iyon. In-order niya ang mga paboritong pagkain nito.

"My favorites. Thanks," anito habang umuupo. "Ba't ang lambing mo yata ngayon?"

She flashed him her sweetest smile. "Na-miss nga kita, `di ba? Saka, masama bang maglambing sa best friend?" She internally winced. Showbiz na showbiz ang dating niya.

"Sa makalawa na ang umpisa ng shooting natin," anito bago sumubo ng pagkain. "How do you feel about it?"

"Very excited. Ikaw?"

"Same. After almost ten years, we're back as a love team. Madali na ring umarte dahil ikaw ang kasama ko. Kumportable na tayo sa isa't isa. I know everything will run smoothly."

Tumango siya bilang pagsang-ayon. Nagkuwento ito ng mga ilang bagay tungkol sa naging biyahe nito. Nakinig lamang siya. Pagkatapos nilang kumain ay nanood sila ng TV.

Humiga ito at umunan sa kandungan niya. Hinaplos ng mga daliri niya ang buhok nito. Gustong-gusto niya kapag umuunan ito sa kandungan niya. Nais niyang laging mapalapit dito.

"Busog na busog ako," anito habang hinihimas nito ang tiyan.

"Bawal daw ang mahiga agad pagkakain," aniya kahit ang totoo ay ayaw niyang umalis ito sa posisyon nito.

Kinuha nito ang isang kamay niya at nilaro-laro iyon. "What will I do without you in my life?"

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya. Bakit ito nagsasalita nang ganoon? "Enteng?"

Ngumiti ito nang masuyo. His other hand gently caressed her cheek. Sandali siyang natigilan. His face was very tender. He was looking at her like she was the most special girl in the planet. Nagtungo ang hinlalaki nito sa mga labi niya. He gently caressed her lower lip. His eyes never left hers.

"Enteng..."

The magic was suddenly broken when he playfully pinched her nose. Ngumisi pa ito nang nakakaloko. "Hindi ka nagme-memorize ng mga linya mo."

Itinulak niya ito paalis sa kandungan niya. Wala siyang pakialam kahit na nahulog ito sa sahig. Mukhang hindi naman ito nasaktan dahil nakatawa pa ito.

"Live each day to the fullest," naiinis na sabi niya rito.

"Ganyan ba dapat ang pagkakasabi ni Clarice? Hindi naman siya dapat naiinis kay Andrew, ah." Nasa lapag pa rin ito at tila ayaw bumangon.

Lalong tumindi ang inis niya rito. Ang tinutukoy nito ay ang mga character na gagampanan nila. What he said earlier was one of his lines. Naiinis siya dahil nasa Andrew mode pala ito kanina, hindi man lang nito sinasabi. Sana nag-Clarice mode din siya.

"We're not Clarice and Andrew now, Enteng. Kababalik mo lang mula sa bakasyon. Katatapos ko lang gumawa ng pelikula. Give me a break. Puwede bang sa makalawa na lang tayo mag-transform bilang sila? Be serious."

Bumangon ito at hinagkan ang kanyang tuhod. Pakiramdam niya ay may koryenteng dumaloy sa katawan niya mula roon. "I'm sorry for kidding you. I didn't mean it. I'm just a bit overexcited to work with you again."

"Do you wanna throw lines? I can get my script," aniya kahit labag sa loob niya.

Akmang tatayo siya ngunit pinigil siya nito. "No. Let's just relax tonight." Muli nitong itinuon ang pansin sa telebisyon. Nanatili itong nakaupo sa sahig at paminsan-minsan ay nilalaro ang mga paa niya.

Kontento na siya sa ganoon. Basta malapit ito ay walang problema.

PAKANTA-KANTA si Jillian habang nasa van siya. Patungo sila sa Batangas nang madaling-araw na iyon. Doon ang lokasyon ng unang araw ng shooting ng proyektong gagawin nila ni Enteng na magkasama. Napapatingin sa kanya ang driver niya at personal assistant.

Masiglang-masigla kasi siya. Dati, kapag madaling-araw ang call time niya, abala siya sa pagsamantala ng tulog habang patungo siya sa location. Ang totoo, halos hindi siya nakatulog nang nagdaang gabi. Nagmemorya siya ng mga linya niya. Ayaw niyang mapahiya kay Enteng. Nais niyang masabi nitong malaki na ang improvement ng acting skills niya mula noong huli silang nagkasama sa isang eksena.

Pakiramdam niya ay umaapaw ang enerhiya sa katawan niya kahit na kulang siya sa tulog. Excited siya na kinakabahan.

Pagdating niya sa lugar ay masiglang binati niya ang lahat. Hindi pa dumarating si Enteng. Nasa isang private beach sila. May dalawang magkatabing beach houses. Pareho nilang gagamitin ang dalawang bahay. Doon magkakakilala at titira ang mga karakter nila ni Enteng.

Hindi nagtagal ay dumating na rin si Enteng. Kagaya niya ay may magandang ngiting nakaguhit sa mga labi nito. Masiglang binati nito ang mga kasama nilang pulos tila inaantok. May dala-dala pa itong almusal para sa lahat.

"How are you?" tanong nito sa kanya habang inaayusan sila. Magkatabi sila ng puwesto.

"Excited pa rin," tugon niya. Nasa kandungan niya ang kanyang script. Ayaw niyang makalimot kahit isang salita mamaya. She was determined to impress everyone.

Tahimik na isinasaulo niya ang mga linya niya nang mapansin niyang pati ito ay nakikialam na sa pagme-make up sa kanya. Kung ano-ano ang inilalagay nito sa mukha niya.

"Lagyan mo pa ng concealer `yong mga pimple niya," sabi pa nito sa make-up artist niya.

Sumimangot siya kunwari. Nilamutak ng kamay niya ang mukha nito. Natatawang inalis nito ang kamay niya sa mukha nito.

"Ang yabang-yabang nito. Ang kinis-kinis nga ng mukha ko. `Kala mo kung sino kang guwapo," sabi niya rito.

Pinisil nito ang ilong niya. "Guwapo talaga ako." Lalo nitong inilapit ang mukha sa mukha niya.

Agad na bumilis ang tibok ng puso niya. Napakaguwapo nito. Their eyes met. For a while, they had a moment.

Ang pagtikhim ng make-up artists nila ang nagpabalik ng katinuan sa kanila. Umayos sila ng upo, pagkatapos ay tumahimik. Ang mga taong nakakita sa kanila ay naging makahulugan ang mga tinginan.

Hindi niya napigilang mapangiti. Naaalala niya noong una silang nagkasama. Makulit din ito noon at kung ano-ano ang mga ginagawa nitong mga kalokohan. Hindi niya mapigilan ang nag-uumapaw na ligaya niya.

Next chapter