webnovel

Ang Diyos ng mga taga Dumagit

Hindi man alam ni Shine ang dahilan ng pagkabahala ng tatlo sa t'wing naririnig ang pangalan na Datu Magtulis ay kinabahan pa rin siya. Paano kung makita nga siya nito? Paano kung magsumbong si Hagibis at ipagtapat nitong siya ang hinahanap ng datu lalo na't lantaran siyang tumangging pakasal sa lalaki?

Ano'ng gagawin ni Datu Magtulis 'pag natagpuan si Liwayway sa katauhan niya?

Napaatras siya sa takot nang ma-imagine sa isip ang pwedeng mangyari sa kanya.

Noon lang siya napansin ng tatlo. Nagmadaling lumapit si Agila, hinawakan siya sa kamay at dinala papasok sa loob ng kubo.

Sumunod ang ina nitong bahagya nang nagkakulay ang kanina'y namutlang mukha.

"Makisig, ang balbas ni Kidlat!" tawag sa aliping tumatakbo pa ring lumapit hawak ang bagong begote niya't balbas.

"Sino ba 'yang Datu Magtulis na 'yan at takot na takot kayo sa kanya?" pakaswal lang niyang tanong, hindi ipinahalatang apektado na siya sa tensyong ramdam sa kanyang paligid.

Hindi sumagot si Agila, sa halip ay inilagay sa kanya ang begote't balbas upang magmukha siyang lalaki ngunit natuon ang pansin nito sa suot niyang damit, hinawakan ang laylayan niyon, hinimas, dinama ng mga daliri pagkuwa'y salubong ang kilay na tumitig sa kanya.

Umiwas siya agad ng tingin. Napansin kaya nitong hindi kanya ang damit na 'yon? H'wag naman sana.

"Ikaw'y magpalit ng damit," utos sa kanya sabay talikod at sinulyapan si Makisig na nakaunawa naman agad sa ibig nitong sabihin, sumunod sa lalaki palabas ng kubo.

Naiwan sila ng ina ni Agila sa loob ng bahay.

Tinulungan siya nitong magpalit ng damit, eksaktong katatapos lang nila sa ginagawa'y may dumating namang tatlong kawal ng Dumagit, si Agila ang hinahanap.

Nilagyan siya ng kulay itim na putong ng kanyang nanay-nanayan, at inayos ang hanggang balikat niyang buhok. Nang masegurong okay na ang lahat ay saka siya nito inutusang lumabas ng bahay upang harapin ang tatlong mga kawal na nagsidating para hindi siya pagdudahan.

"Tandaan mo ang utos sa iyo, Agila," ang narinig niyang wika ng isang kawal bago nagmamadaling umalis sa lugar na iyon.

Tumiim ang bagang ng binata, salubong na naman ang kilay nang bumaling sa kanyang kahihinto lang sa likuran nito.

Lumapit ito sa kanya, bumulong sa kanyang tenga.

"Iyong pakatatandaaan, ang iyong ngalan ay Kidlat. Ikaw'y bunsong anak ni Mayumi at nakababatang kapatid ni Agila." May diin sa bawat salitang lumabas sa bibig nito.

Hindi siya nakahuma. Gaano ba kamapanganib si Datu Magtulis upang itago ng lahat ang katauhan ni Liwayway 'wag lang itong mahanap ng datu.

"Agila, ano't naparito ang mga kawal ng Dumagit?" usisa ng kalalapit lang na ina.

"Aking ina, si Kidlat ay may malubhang karamdaman kung kaya't hindi siya makalalahok sa paligsahan sa kabilugan ng buwan!" mariin nitong sambit sa ina bago tumalikod at nagtungo sa likod bahay, pagkuwa'y tinawag si Makisig, matagal itong kinausap bago umalis at sumunod sa mga kawal dala ang isang sibat.

Nagkatinginan na lang sila ni Mayumi ngunit hindi siya nakatiis at nag-usisa sa ginang.

"Ina, saan pupunta ang aking kapatid?"

Sa halip na sumagot ay tinitigan siya nito, maya-maya'y lumungkot ang mukha.

"Aking bunso, ang utos ng iyong kapatid ay sundin," paalala sa kanya bago tumalikod, hindi siya sinagot.

Pero siya ang taong hindi tumitigil kakatanong hangga't wala siyang nakukuhang kasagutan kaya't pasimple niyang nilapitan si Makisig na itinutuloy na ang paghahawi ng anahaw sa gilid ng bahay.

"Sabihin mo sa'kin, Makisig. Alam mo ba kung saan pupunta ang aking kapatid?" tanong niya sa binata.

Hindi pa man natatapos ang kanyang tanong, nakailing na ito sabay yuko, kunwari ay busy sa ginagawa.

Pa-squat siyang umupo paharap dito sabay hablot ng hinahawi nitong anahaw.

"'Pag hindi mo sinabi sa'kin, ibabalik kita sa Kilat-kilat!" pananakot niya rito.

Nanlaki ang mga mata nito, ramdan ang takot sa mukha, ilang beses na lumunok pagkuwa'y ilang beses ding tumingin sa paligid bago ibinuka ang bibig.

"Mahal na Dayang, narinig ko ang tinuran ng isang kawal ng datu na nagsasabing lahat ng kalalakihan sa Dumagit ay kailangang lumahok sa paligsahan sa kabilugan ng buwan at ang mapipili ay magiging kawal ng anak ng datu ng Rabana," pabulong na kwento ni Makisig, nang tumingin sa kanya'y tila nakikiusap na ibalik sa kanya ang anahaw, ibinalik nga niya iyon, kumuha siya ng isa pang anahaw sa gilid nito, kunwari ay ginaya ang ginagawa nito.

"Bakit sinabi niyang maysakit ako kahit wala?"

usisa na uli niya ngunit sa anahaw nakatingin lalo nang mapansin si Mayumi na nakatanaw sa kanila mula sa loob ng kubo at tinatapos ang paggawa ng kanyang kwarto.

"Sapagkat ikaw'y hindi marunong makipaglaban. Subalit hindi niya batid na alam mo na kung paano gumamit ng sibat at palaso," patuloy ni Makisig.

"Ows, talaga?" Na-curious siya bigla sa nalaman.

Mabilis na tumango ang alipin pero hindi sumulyap man lang sa kanya.

"Dinig ko pang pinipilit ng kawal na ikaw'y sumama subalit hindi pumayag si Agila pagka't ikaw ay may malubhang karamdamaan,"

Natigil siya sa ginagawa.

"Hindi ba't paligsahan lang iyon? Pwede naman ata akong sumama, wala namang masama doon," komento niya.

Ano'ng ikinatatakot ni Agila? Na baka malaman ng lahat na isa siyang babae? Marahil.

Namutla si Makisig sa narinig, napatingin sa kanya.

"Hindi mo ba batid na sa kabilugan ng buwan ay kasabay na gaganapin ang ritwal sa pagsamba ng mga Dumagit sa buwan?"

Tumaas ang kanyang kilay, na-curious uli sa tono ng pagsasalita ni Makisig, inilapit na ang kanyang mukha sa alipin. Kung nasa panahon niya ang binata, napakagaling nitong maging tsimoso, detalyado ang bawat tsismis.

"Sinasamba nila ang buwan?"

Tumango na uli ang binata, yumuko bigla, kunwari ay busy na naman sa ginagawa.

Gano'n din ang kanyang ginawa sabay sulyap kay Mayumi na palabas ng kubo, panay tingin sa kanila habang papunta sa likod ng bahay.

Sandaling katahimikan...

Nang makita niyang nasa likod na ng kubo ang babae ay saka siya bumaling kay Makisig.

"Ano'ng ginagawa nila sa ritwal?" curious na naman niyang usisa.

Tumingin na uli si Makisig sa paligid bago nagsalita.

"Ang lahat ng mga kalahok sa paligsahan ay maglalaban-laban hanggang sa kakaunti na lang ang matira. Ang sinumang magwawagi ay magiging kawal ng datu o ng ginoo at ang sinumang matatalo ay papatayin at iaaalay sa kanilang diyos," bulong nitong nanlalaki ang mga mata habang nagkukwento.

Napaliyad siya bigla sa takot dahil sa narinig, kapansin-pansin ang pamumutla ng mukha habang nakaawang ang bibig.

Bakit ganoon ang ritwal ng mga tao sa lugar na iyon? Bakit sila pumapatay ng kanilang kapwa? Bakit nila sinasamba ang buwan bilang diyos? Sino'ng nagpauso ng ganoong karumal-dumal na gawain sa barangay na iyon?

"Mahal na ---K-kidlat," nag-aalalang pautal na tawag ni Makisig sa kanya nang mapansin siyang natigilan at hindi makakilos sa pagkagimbal sa narinig.

Paano pala kung matalo sa paligsahan si Agila, papatayin din ba ito? Hindi! Hindi iyon maaari. Kailangan siyang makagawa ng paraan para hindi mapahamak ang itinuring n kapatid ni Liwayway. Lalo siyang mahihirapang makabalik sa kanyang pinanggalingan kung wala nang makakaunawa sa kanya.

"Bakit nila ginagawa 'yon?" wala sa sariling tanong niya.

Nagpakawala ng isang buntunghininga si Makisig.

"Iyon ang kautusan ng datu ng Rabana."

ตอนถัดไป